webnovel

Chapter 2

"Mukhang wala nang magiging customer, ano?" tanong ni Karen na tanging kasama ni Bianca sa night shift bukod sa guwardiya na bantay sa entrada. Hindi tulad ni Bianca na isang taon nang nagtatrabaho roon, bagong pasok pa lamang si Karen. Unang beses din nito sa night shift.

Bumaling si Bianca sa babae at umiling. "Mayamaya lang ay magkakaroon niyan. Malapit na ang oras ng labas ng call center agents sa katapat na building."

Mayamaya nga lang, marami nang customers ang pumasok sa coffee shop. Balik ang atensiyon ni Bianca sa pagsisilbi ng kape. Maiingay ang customers na isang grupo subalit ayos lang iyon sa kanya. Mas mabuti iyon kaysa sa nakabibingi at nakaaantok na katahimikan kanina.

Pagsapit ng alas-sais, umalis na rin ang mga customer. Saka naman dumating ang karelyebo ni Bianca na si Abigail na nasa morning shift. Subalit kahit nag-out na siya at nagpalit na ng damit ay hindi pa rin siya umalis ng coffee shop.

"Magpapaumaga ka uli?" tanong ni Abigail sa kanya.

Bahagya siyang ngumiti. "Oo. Sayang ang pamasahe pauwi at pabalik. Maghihintay na lang uli ako rito hanggang sumapit na ang oras para sa susunod kong trabaho." Sa katunayan ay nakabihis na siya ng pamasok bilang data encoder.

"Hindi ba nag-aalala ang nanay mo na halos ilang oras ka lang umuuwi sa inyo?" muling tanong ni Abigail.

Nagkibit-balikat si Bianca. "Hindi naman. O-order uli ako ng latte, Abigail. Paborito ko pa rin hanggang ngayon ang gawa mo," pag-iiba niya sa usapan. Hindi kasi siya komportable na magsalita tungkol sa personal niyang buhay.

Ngumiti ang kasama na katulad nang dati ay kinagat ang pag-iwas niya sa mga tanong. "Sige ba." Tumalikod na ito at ipinaghanda siya ng latte.

Nang matapos ay nakangiting kinuha ni Bianca ang kape at naglakad patungo sa pandalawahang mesa sa dulong bahagi ng coffee shop na paborito niyang puwesto kapag nagpapalipas ng oras. Malayo kasi iyon sa counter at sa entrada kaya hindi siya maiistorbo ng kahit na sino.

Inilapag ni Bianca ang latte sa mesa at umupo. Saglit na tumitig lamang siya sa labas ng coffee shop. Unti-unti nang lumiliwanag sa labas at dumarami ang sasakyan. Mayamaya lamang ay mapupuno na ng tao ang coffee shop. Mga taong may magagandang kasuotan at trabaho. Mga taong hindi lumaki sa hirap na gaya niya. Mga tao sa social circle na kinabibilangan ng kanyang ama, kung saan hindi sila kabilang ng kanyang ina.

Napabuntong-hininga si Bianca at sumimsim ng latte upang pawiin ang tila pait na nalasahan sa bibig. Pagkatapos, marahas siyang napailing at dinukot ang libro sa kanyang bag na balak niyang tapusin habang nagpapalipas ng oras.

Hiniram niya ang librong iyon kay Mrs. Charito. Si Mrs. Charito ang may-ari ng malaking bahay na malapit sa apartment nina Bianca. Nagtatrabaho ang kanyang ina para sa may-edad na babae bilang companion sa araw-araw. Ang sabi ng nanay niya, madali raw kasing malungkot si Mrs. Charito dahil mag-isa lang sa bahay kaya kailangan ng kasa-kasama. Madalas naman niyang makita ang ginang at mabait naman kaya kampante siya na hindi naaagrabyado ang kanyang ina. Saksi siya kung gaano naagrabyado ang nanay niya sa buong buhay at hindi na siya papayag pang may manakit uli rito.

Binuklat ni Bianca ang libro at nagsimulang magbasa. Dahil hindi nakapagtapos sa kolehiyo, idinadaan niya sa pagbabasa para mas madagdagan ang kanyang kaalaman. Kahit ipinanganak at lumaking mahirap, ayaw niyang maging ignorante habang-buhay.

Nasa kalagitnaan na ng pagbabasa si Bianca nang marinig ang pagbukas ng pinto ng coffee shop sa unang pagkakataon matapos umalis ang isang grupo ng mga call center agent kanina. Subalit hindi siya nag-angat ng tingin at ipinagpatuloy ang pagbabasa.

Makalipas ang ilang minuto, naramdaman ni Bianca ang papalapit na yabag ng kung sino mang customer nila. Hindi pa rin siya nag-angat ng tingin ngunit unti-unti nang nawawala ang konsentrasyon niya sa pagbabasa. May kung ano sa presensiya ng bagong dating na mahirap bale-walain. At nang maramdaman niya na huminto ang customer sa mismong kaharap na mesa ng kinaroroonan, humatak ng silya at umupo, saka siya nag-angat ng tingin.

Nasalubong ng mga mata ni Bianca ang tingin ng lalaking nakaupo paharap sa kanya. Natigilan siya at hindi agad nabawi ang tingin. Maging ang lalaki ay hindi nagbawi ng tingin. Naroon ang pakiramdam na kanina pa siya pinagmamasdan ng lalaki. May kislap ng interes sa mga mata nito ngunit hindi nagsasalita at nakamasid lang. Ni hindi nga ngumingiti. Kahit nang sumimsim ang lalaki sa Styrofoam cup na hawak ay hindi ito nag-iwas ng tingin.

Kung hindi lang ubod ng guwapo ang lalaki, malamang ay gumana ang praktikal na bahagi ni Bianca at matatakot sa paraan ng pagtingin nito. Masakit mang isipin, hindi siya immune sa mga lalaking ganoon ang hitsura. Ilag siya, oo, subalit hindi immune.

Nangungusap ang mga mata ng lalaki. Iyong tipo na kayang magmanipula ng ibang tao. Mga mata na kapag tumitig, malamang ay hindi magagawang magsinungaling ng isang tao at ikakanta lahat ng pinakatatagong sekreto. At kahit hindi nagsasalita ang lalaki, nakikita ni Bianca ang intensiyon nito base sa kislap ng mga mata. Subalit hindi nakaka-intimidate ang tingin ng lalaki. In fact, it was… seductive.

Biglang may gumapang na kilabot sa kanyang katawan. Nakaramdam din siya ng pagkailang. Ang isang gaya niya na maraming itinatagong sekreto ay hindi dapat napapalapit sa isang lalaking tila kayang malaman iyon.

Inalis ni Bianca ang tingin sa mga mata ng lalaki at sa halip ay bumaba sa matangos nitong ilong, sa makurbang mga labi na hindi manipis at hindi rin makapal. Kissable lips, sabi sa mga nobelang nabasa niya. Dati ay hindi niya alam kung ano ang hitsura ng kissable lips. Ngayon ay alam na niya.

Mukhang alam ng lalaki na pinapasadahan ni Bianca ng tingin ang mukha nito. Biglang umangat ang gilid ng mga labi ng lalaki at nagsimulang humagod ang tingin sa kanyang mukha, pababa sa leeg, at pababa pa. Nakaramdam siya ng pag-iinit ng mukha. Tila may nag-udyok sa kanya na humalukipkip upang takpan ang dibdib na matagal na tinitigan ng lalaki. Ang nakakainis, wala siyang naramdamang pandidiri o galit sa ginagawang pagtingin nito sa kanya.

Weird. Kung sa ibang pagkakataon na may lalaking tumingin sa kanya nang ganoon, nasuntok na siguro niya. After all, hindi iyon ang unang beses na may nagpakita ng interes sa kanya. Carbon copy kasi siya ng kanyang ina na ubod ng ganda. Hindi nga lang siya tulad ng nanay niya na mahina ang loob, bagay na ipinagpasalamat niya. Kahit pa ang sabi ng kanyang ina ay sa tatay niya nakuha ang tibay ng loob.

Sabay na nag-angat ng tingin si Bianca at ang lalaki. Muli ay nagtama ang kanilang mga mata. Sa pagkakataong iyon, ayaw niya na siya ang maunang magbaba ng tingin. May pakiramdam kasi siya na iyon ang gustong mangyari ng lalaki. Lalong ayaw niya na magpakita ng kahit anong reaksiyon sa tahasang pagtitig nito. At lalo rin na wala siyang balak na maunang magbukas ng usapan. Dahil ang mga gaya ng lalaking ito na nakasuot ng business suit, ubod ng guwapo, at mukhang mayaman ang iniiwasan niya. Ayaw niyang magaya sa kanyang ina na naging laruan lang ng tulad ng lalaking nasa harap.

Biglang may tumunog na cell phone, na mukhang sa lalaki dahil inalis nito ang tingin sa kanya at dinukot ang cell phone sa bulsa ng suot nito at sinagot ang tawag.

"I'm on my way. I prepared the files yesterday." Baritono ang tinig ng lalaki. Masarap pakinggan. Huminto ito sa pagsasalita at naghintay si Bianca na marinig uli ang tinig nito. Hindi tuloy niya namalayan na nakatitig pa rin siya sa guwapong mukha nito. Napakurap siya nang muling mapatingin sa kanya ang lalaki at makita ang kislap ng amusement sa mga mata nito.

Nahuli siya ng lalaking nakatitig pa rin dito. Napahiya siya subalit hindi nagpahalata. Ano ba naman kasi ang sumapi sa kanya at gusto niyang marinig pa ang boses ng lalaki?

Mabilis na binawi ni Bianca ang tingin at tumingin sa suot na wristwatch. Lampas alas-siyete na ng umaga. Papasok na nga lang siya. Isinara niya ang libro, isinilid sa bag, at mabilis na tumayo. Hindi niya tinapunan ng tingin ang lalaki na may kausap pa rin sa cell phone. Kahit pa nararamdaman na tila nakamasid ito sa kanya.

"Papasok ka na, Bianca?" malakas na tanong ni Abigail mula sa counter.

Wow, salamat sa pagbanggit sa pangalan ko nang malakas, Abigail, sarkastikong naisip ni Bianca. Nalaman pa tuloy ng lalaki ang kanyang pangalan. Pero baka makalimutan na rin siya ng lalaki mamaya. Ang mga tulad nito ay siguradong hindi nawawalan ng mga babaeng tagahanga. Sigurado rin na hindi lang siya ang babaeng tinititigan ng lalaki nang ganoon.

"Oo." Kumaway si Bianca bago tumalikod at tuluyang lumabas ng coffee shop. Sandali lamang siyang tumayo sa labas, tumingala sa papaliwanag na kalangitan, at huminga nang malalim.

Sa totoo lang, kahit may lalaking ganoon kaguwapo na magpakita ng interes sa kanya ay wala rin namang silbi. Sa pagtatrabaho pa lamang para mabuhay sa araw-araw at sa pag-iipon ng pera ay nauubos na ang oras niya. Wala siyang panahon para sa ibang bagay.

May malungkot na ngiting sumilay sa mga labi ni Bianca. Buong buhay na lang ba akong ganito?

Hindi. Iyon ang determinadong sagot niya sa sariling tanong. Hindi habang-buhay na ganoon ang kanyang buhay. Sisiguruhin niya iyon.

Próximo capítulo