MAGANDA ang ngiti sa mga labi ni Daisy nang lumabas siya mula sa isa sa mga conference room ng TV8. Kasama niya si Lottie Estupin. Katatapos lamang ng meeting nila at bilib na bilib ang mga head na nakuha nila ang matamis na oo ng Wildflowers para sa benefit concert.
"Hindi ko alam kung paano mo nakumbinsi ang Wildflowers pero good job, Daisy," nakangiting puri ni Lottie. Mula nang araw na sabihin ni Daisy na nakausap niya nang personal ang Wildflowers ay bumait na sa kanya si Lottie at ang iba niyang kasama sa Foundation.
Gumanti ng ngiti si Daisy. "Umpisa pa lang ito. Kakailanganin ko pa ang guidance ninyo."
Bumakas ang approval sa mukha ni Lottie. "Gagawin nating matagumpay ang project na ito. Mahalaga ito para sa `yo, hindi ba?"
Na-touch si Daisy. Tumango siya. Kung alam lang niya noon na masarap pala sa pakiramdam ang may taong malapit sa iyo nang ganito, sana ay noon pa siya humanap. Sana ay matagal na niyang iniwan ang mababaw na pakikipagkaibigan sa mga katulad niyang anak-mayaman na walang gustong marating sa buhay dahil nagpapakasasa naman sa yaman ng mga magulang.
Naalala tuloy ni Daisy ang sinabi ng isa niyang kaopisina. "Akala namin isa kang spoiled brat na magiging pabigat lang sa departamento namin kaya naging malamig kami sa iyo noong una. Pasensiya na sa iniakto namin noon."
Sinabi na lang niya na hindi na iyon mahalaga. Inaasahan naman niya umpisa pa lang na hindi siya pagkakatiwalaan ng mga tao sa kanyang paligid nang ganoon kadali. Masaya na si Daisy na napatunayan niya ang sarili kahit sa mga kaopisina pa lang.
Kagabi ay tumawag si Rob sa kanya para sabihing pumayag din ang music label ng banda na nasa Amerika. Dalawang araw na ang nakalipas mula nang huli silang magkita at sa totoo lang, akala niya ay hindi na siya muli pang tatawagan ni Rob.
Nang marinig ni Daisy ang boses ni Rob kagabi ay may bumikig sa kanyang lalamunan. Bago pa napigilan, naamin niya sa sarili na nami-miss nang husto ang binata. Pero siyempre, hindi niya iyon isinatinig. Walang dahilan para maging sentimental sa kung ano mang namamagitan sa kanila ni Rob. Kaya nang sabihin ng binata ang balitang pumayag ang music label na mag-perform ang Wildflowers sa benefit concert ay natuwa si Daisy at pinanatiling tungkol sa trabaho ang kanilang pag-uusap. Hanggang ibaba niya ang cell phone ay wala silang napag-usapan ni Rob kung kailan uli sila magkikita.
"Well, marami pa tayong kailangang asikasuhin. Ikaw na ang gumawa ng press release natin na ipapamigay rin natin para makakuha ng maraming sponsors at donors," sabi ni Lottie na nagpabalik sa isip ni Daisy sa kasalukuyan. Malapit na sila sa opisina.
Ngumiti siya. "Sure. I'll finish it today."
"Good."
Huminga siya nang malalim. Kailangang alisin muna niya sa isip si Rob. Dahil sa kasalukuyan, mas importante na maging matagumpay ang benefit concert kompara sa ibang bagay.
ILANG araw lang ang lumipas ay lumabas na sa lahat ng pahayagan, Internet, at telebisyon ang balita tungkol sa benefit concert ng Wildflowers na organized ng TV8 Foundation. Sa kung anong kadahilanan, bukod sa sikat na banda ay naging sentro din ng balita ang katotohanang si Daisy Alcantara ang punong abala sa proyektong iyon. Naungkat tuloy pati ang kinasangkutan niyang gulo sa club. Ang nakapagtataka lang, hindi iyon masyadong pinagtuunan ng pansin. Para bang iniiwasan ng mga reporter na mabanggit ang tungkol doon. Daisy still did not know who pulled the strings to suppress the news about the catfight.
Masyado siyang naging abala dahil dumami ang mga kompanyang gustong maging sponsor at donor ng benefit concert. Marami tuloy siyang papeles na kailangang asikasuhin at mga meeting na kailangan puntahan.
"Daisy, hindi ka pa ba uuwi?"
Gulat na inalis ni Daisy ang tingin sa screen ng computer upang tingnan si Lottie Estupin na lumabas ng opisina nito. Mukhang handa na ang babae para umuwi at nakakunot ang noo habang nakatingin sa kanya.
"Alas-siyete na ng gabi. Bukas mo na ituloy ang mga ginagawa mo."
"Pero para ito sa content meeting natin kasama ang Wildflowers at ang iba pang artists na magpe-perform sa benefit concert sa Lunes," sagot ni Daisy.
"Kailangan mo pa ring magpahinga. Gabi na. Sige na, bukas mo na ituloy `yan."
"Pero hindi mo kailangang mag-alala. I'm enjoying myself actually." Totoo ang sinabi ni Daisy. Nag-e-enjoy siya sa pag-o-organize ng benefit concert. Para siyang laging high nitong mga nakaraang araw at wala siyang nararamdamang pagod. Nawala na nga sa isip ang tungkol sa kanyang promotion. Ang mahalaga na lang sa kanya ay masigurong walang magiging gusot o kahit anong bad publicity para sa kanilang benefit concert.
Ngumiti si Lottie habang nakatingin sa kanya. "Ngayon ka lang may ginawang gusto mo?"
Gumanti siya ng ngiti. "Actually, yes."
Bumuga ng hangin si Lottie at humalukipkip. "Kahit na. Sige na, patayin mo na `yan. Hindi kita puwedeng iwang mag-isa rito."
Si Daisy naman ang napabuntong-hininga at tumalima na rin kahit labag sa loob. "Okay. Pero sige na, mauna ka na. May anak na naghihintay sa `yo sa bahay, hindi ba? Ako na ang magsasara dito."
Sandali lamang nag-alangan ang babae bago naglakad patungo sa pinto. "Okay. Goodnight."
"Goodnight!"
Nang mawala na si Lottie ay mabilis na ring pinatay ni Daisy ang computer at inayos ang mga papeles na inaasikaso. Napangiwi siya dahil noon lang naramdaman ang pananakit ng leeg at likod sa halos maghapong pagkakaupo.
Nakalabas na si Daisy ng opisina matapos siguruhing naitabi ang mga importanteng papeles at nai-lock ang pinto nang tumunog ang kanyang cell phone. Hinanap niya iyon sa kanyang bag habang naglalakad sa hallway patungo sa lobby. Sumikdo ang kanyang puso nang makita ang pangalan ni Rob sa screen. Huminga muna siya nang malalim bago sinagot ang tawag.
"Hi!"
"Where are you? Tinatawagan kita kanina pa pero hindi ka sumasagot," bungad ni Rob mula sa kabilang linya. Kahit hindi nakikita ay sigurado si Daisy na nakakunot ang noo ng binata.
Napakurap siya. "I'm sorry, hindi ko narinig na tumunog ang cell phone ko. I've been busy with paperwork."
Narinig niya ang pagbuga ng hangin ni Rob sa kabilang linya. "Akala ko kung ano nang nangyari sa `yo."
Tama ba ang narinig ni Daisy sa tinig ni Rob? He sounded worried. May sumilay tuloy na ngiti sa kanyang mga labi. "I'm okay. Nasa TV station pa ako. Kalalabas ko lang ng opisina."
"Good."
Umangat ang isang kilay niya. "Good?" Nasagot ang tanong niyang iyon nang pagdating niya sa lobby ay makitang nakatayo roon si Rob. Nasa tainga nito ang cell phone at deretso ang tingin sa kanya.
Umawang ang mga labi ni Daisy kasabay ng tila pagliliparan ng mga paruparo sa kanyang sikmura. Wala sa loob na inalis niya sa tainga ang cell phone at mabilis na lumapit kay Rob na ibinaba na rin ang hawak na cell phone.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" bulalas niya.
Ang mga kilay naman ni Rob ang umangat. "To see you."
May init na humaplos sa puso ni Daisy subalit pilit niya iyong binale-wala. "Paano mo nalaman na nandito pa ako?"
Namulsa ang binata. "Actually, hindi ko alam kung nandito ka pa. Galing ako ng Diamond Records at naisip kong dumaan dito dahil hindi mo sinasagot ang mga tawag ko. I just took a chance." May sumilay na ngiti sa mga labi ni Rob na nagpalambot sa mga tuhod ni Daisy. "And you're here."
Hindi nakatiis si Daisy, ikinulong niya ang mukha ni Rob sa kanyang mga kamay at hinalikan ito sa mga labi. Agad na gumanti ng halik ang binata at hinigit siya palapit sa katawan nito. Tila lumobo ang kanyang puso na hindi nag-alinlangan si Rob na gumanti sa halik niya. Nararamdaman niya ang pananabik sa halik ng binata, na para bang na-miss siya. Dahil sa totoo lang, na-miss niya ito nang husto.
Nang maghiwalay ang kanilang mga labi at magkatitigan ay sabay pa silang napangiti. Para bang sa pamamagitan ng halik na iyon ay nagkaintindihan na sila.
"Have dinner with me," paanyaya ni Rob sa masuyong tinig na nagpasikip sa dibdib ni Daisy.
Ngumiti siya nang matamis.