SA ISANG restaurant sa rooftop ng isang mamahaling hotel dinala ni Rob si Daisy. Pumuwesto sila sa pandalawahang mesa na malayo sa karamihan at tanaw ang view ng buong Kamaynilaan. It was a cozy and romantic night. At napagtanto ni Daisy na iyon ang unang beses na nakipag-date siya sa ganoong klase ng lugar. Noon kasi, palaging sa mga club at bar siya nagpupunta.
Hinila ni Rob ang isang upuan para sa kanya at hindi niya maiwasang mapangiti. "You are such a gentleman," puna niya.
Umangat ang gilid ng mga labi ng binata. "I was brought up this way. Nakakatulong siya sa trabaho ko kaya hindi ko binago."
"You must have a nice family, then," komento niya na hindi naiwasang makaramdam ng kuryosidad, na lalong tumindi nang umangat ang mga labi ni Rob, tila may kalakip na pait ang gesture na iyon.
"Sa harap ng ibang tao," matipid na sagot nito.
Natigilan si Daisy. Bago pa siya makahuma ay sumenyas na si Rob at may waiter na nakalapit agad sa kanilang mesa. Ibig sabihin lamang niyon ay walang balak ang binata na linawin ang sinabi nito. Kahit curious ay hindi na siya nagsalita. Alam niya kung ano ang pakiramdam na ayaw pinag-uusapan ang pamilya. Ganoon din siya noong nagrerebelde pa sa kanyang ama at galit kay Lily.
Pagkatapos nilang um-order ng pagkain at red wine ay muling humarap si Rob kay Daisy. Wala na ang mapait na ekspresyon sa mukha ng binata. Kaswal at confident na uli ito.
"So, bakit ang isang tagapagmana ay nagtatrabaho sa Foundation?"
Hindi agad nakasagot si Daisy dahil lumapit ang waiter at nagsalin ng wine sa mga kopita. Hinintay muna niyang makaalis ang waiter. "Hindi ba sinabi ko na sa `yo? I'm trying to reinvent myself. Kasama `yon sa pagbabagong ginagawa ko."
Umangat ang mga kilay ni Rob. "Iyan lang ang dahilan?"
Pinaglapat niya nang mariin ang mga labi. Seryoso ang titig ni Rob sa kanya at tulad ng dati, tinutunaw ng titig na iyon ang kanyang depensa. Marahas na bumuntong-hininga si Daisy. "Well, ang totoo, dapat ay mas mataas na posisyon ang ibibigay sa akin ni Papa. Pero dahil sa away na kinasangkutan ko na kumalat sa Internet at media, nagalit ang board of directors. Wala silang tiwala na kaya ko ang responsibilidad. At baka raw maapektuhan ang reputasyon ng TV8 dahil sa akin." Napahinto siya dahil may naramdaman siyang pait nang maalala ang board of directors. Hindi nagsalita si Rob, tila pasensiyosong hinihintay na magpatuloy siya. Hindi rin nito inaalis ang pagkakatitig sa kanya.
"So, I asked them to assign me anywhere as long as makapagtrabaho ako. Kailangan kong mapatunayan ang sarili ko para ma-promote ako. That's it."
Ilang segundo ang lumipas bago nagsalita si Rob. "Bakit determinado kang baguhin ang sarili mo?"
Nailang si Daisy at idinaan niya iyon sa pagsimsim ng alak. Kapag nalaman ni Rob kung gaano siya kasama noon, magiging interesado pa rin kaya ito sa kanya? Ayaw niya na mawala ang interes ni Rob sa kanya. Hindi siya ipokrita kaya ayaw niyang isipin na may mas malalim na kahulugan ang namamagitan sa kanilang dalawa. He was a man of the world. Mas mataas ang lebel nito kompara sa lahat ng lalaking nakilala na niya. Ang buhay ni Rob ay mas glamoroso pa kaysa sa kanyang buhay. Kaya alam niya na hindi ito ang tipo ng lalaking magseseryoso sa kahit sinong babae. But she liked being attracted to someone. Gusto niyang i-enjoy iyon kahit na alam niyang may katapusan.
Kaya pinili ni Daisy na ngitian ang binata. "Niyaya mo ba ako ngayong gabi para sa interview na ito?" tanong niya sa pabirong tono, pagkatapos ay inabot ang kamay ni Rob na nakapatong sa mesa at marahang hinaplos. "I thought we had better things to do."
Umangat ang gilid ng mga labi ni Rob at kumislap sa mga mata ang pagkaunawa. Napagtanto ni Daisy na alam ng binata ang ginagawa niyang pag-iwas. "Agreed."
Hinuli ng kamay ni Rob ang kanyang kamay at nagkabaligtad ang posisyon nila. Ito na ang humahaplos sa kanyang kamay. His thumb moved idly sensually along the side of her hand. Na-distract na tuloy siya at bumaba ang tingin sa magkahugpong nilang mga kamay. "I like that," naiusal niya bago pa napigilan ang sarili.
"You do?" tanong ni Rob. May amusement sa tinig nito. Subalit napansin din ni Daisy na mas mababa na iyon kaysa normal na boses ng binata.
Nag-angat siya ng tingin at nagtama ang kanilang mga mata. Bahagya siyang ngumiti at humigpit ang hawak ni Rob sa kanyang kamay. Naputol lang ang eye contact nila nang lumapit ang waiter bitbit ang mga order nilang pagkain. Bantulot na naghiwalay ang mga kamay nila.
Habang kumakain ay nagsimula uli silang mag-usap. Sa pagkakataong iyon ay tungkol na sa trabaho ni Rob bilang talent manager. Mukhang safe topic iyon para sa binata dahil sinasagot nito ang lahat ng tanong ni Daisy. Sa katunayan, hindi nakaligtas sa kanya ang kislap sa mga mata ni Rob habang sinasabi sa kanya ang mga naging concert ng Wildflowers sa iba't ibang panig ng mundo. Maging ang mga gusot na kinailangan nitong ayusin para sa banda.
Halatang mahal ni Rob ang trabaho nito. Kapareho kasi ng ekspresyon sa mukha ng binata ang nasa mukha ni Lily kapag binabanggit ng kakambal ang tungkol sa negosyo nito. Iyon din ang gusto ni Daisy na magkaroon. Something to be passionate about. Nasa proseso pa lamang siya ng pagsisimulang ituon ang sarili sa bagay na magiging passionate siya.
"Masuwerte ang Wildflowers na ikaw ang naging manager nila," komento niya.
Bahagyang ngumiti si Rob. "Masuwerte rin ako na sila ang naging talents ko. Not all international artists are like those girls. Marami ang mahirap kontrolin at mga walang disiplina. Marami ang sinisira ang kalusugan sa party, alak, at drugs. Marami ang kahit anong gawin ng manager ay hindi mapigilan ang mga eskandalo. The members of Wildflowers are not as wild as their name implies. They're crazy sometimes, yes, but not wild." Lumambot ang ekspresyon ng binata. "They are a rare group of talents and I enjoy taking care of them."
May kumutkot na kung ano sa dibdib ni Daisy. Ilang segundo niyang pinakatitigan si Rob bago isinatinig ang kanina pa gustong itanong. "Hindi ka ba naging attracted sa kahit sino sa kanila?"
Natigilan ang binata at naging seryoso ang tingin sa kanya. "Bakit mo itinatanong?"
Nagkibit-balikat siya at muling sumimsim ng wine. Kung pang-ilan na niya iyon ay hindi na niya alam. "Curious lang. Okay lang kung hindi mo sasagutin," sabi niya kahit pa gusto talaga niyang malaman.
"Hindi nila alam ang sasabihin ko sa `yo," biglang sabi ni Rob at muling napatingin si Daisy sa mukha ng binata. Mukhang nagdadalawang-isip pa ito kung magsasalita. "I treat all of them like younger sisters. Wala akong kapatid pero dahil sa kanila, natutunan kong umaktong kuya."
"Oh," tanging naiusal ni Daisy. Nakahinga siya nang maluwag. Na mukhang napansin ni Rob dahil naging mapanukso ang kislap ng mga mata nito.
"Relieved?"
Huminga siya nang malalim at sinalubong ang tingin nito. "Yes," matapat na sagot niya.
Naging mapang-akit ang ngiti ni Rob. Sinaid nito ang laman ng kopita, pagkatapos ay kinuha ang atensiyon ng waiter.
Tumaas ang isang kilay ni Daisy. "O-order ka pa?"
"No. I'm going to pay the bill. Pagkatapos ay ihahatid na kita pauwi."
Nadismaya siya. "Bakit?"
Muling tumingin si Rob sa kanya. Tila nilamutak ang sikmura niya nang makita ang kakaibang kislap sa mga mata ng binata. Desire. Sigurado siya na iyon ang nakikita sa mga mata ni Rob. At alam niya na iyon din ang kanina pa nakikita ng binata sa kanyang mga mata.
"Kapag hindi pa kita inihatid ngayon din, bukas ka na makakauwi," seryosong sagot ni Rob.
May humagod na init sa buong katawan ni Daisy. Inihilig niya ang katawan sa mesa, palapit kay Rob. Sandaling bumaba ang tingin ng binata sa kanyang dibdib at kumuyom ang mga kamay. Na para bang pinipigilan nito ang sariling hawakan siya. Bumilis ang tibok ng kanyang puso sa anticipation. Wala sa loob na pinagdikit niya nang husto ang mga hita dahil may naramdaman siyang kakaiba sa ibabang bahagi ng kanyang katawan.
"Ayoko pang umuwi," sagot ni Daisy sa mahinang tinig. May pakiramdam siya na kapag umuwi siya ay hindi rin siya makakatulog. Mapupuyat din siya sa kaiisip kay Rob.
Napansin niya na dumeretso ng upo ang binata at mas naging seryoso ang titig sa kanya. Matapang na sinalubong niya ang titig na iyon upang maipakita rito na seryoso siya.
Bago pa marinig ni Daisy ang sagot ni Rob, lumapit na ang waiter kasama ang bill tab. Iniabot ni Rob ang credit card sa waiter na hindi tinitingnan ang nasa bill. Nakatutok pa rin kasi ang tingin nito kay Daisy.
"Are you sure about that?" halos paos na tanong ng binata.
"Yes."
Kumislot ang panga ni Rob at marahang tumango subalit hindi nagsalita. Halos kinakapos na si Daisy ng paghinga sa paghihintay ng magiging reaksiyon nito. Nang dumating ang waiter upang ibalik ang credit card at resibo ni Rob, biglang tumayo ang binata. Pagkatapos kunin ang inabot ng waiter, inilahad ni Rob ang kamay sa harap ni Daisy. "Come with me, Daisy."
Hindi nagdalawang-isip si Daisy. Tinanggap niya ang kamay ni Rob at hinayaan itong hilahin siya patayo. Desidido siyang sumama kahit saan siya nito dalhin.