webnovel

Mapanlinlang Na Mga Silid (2)

HUMAKBANG ang babae papasok at iginala ang tingin sa paligid. "Saan siya nagpunta?"

"Sigurado ka bang si Michelle ang nakita mo?" hinihingal na tanong ni Danny.

Nilingon ni Selna ang mga kaibigan na pumasok na rin sa silid. Nahuhuli si Lukas, naniningkit ang mga mata at halatang maingat ang bawat kilos. "Hindi ka dapat tumatakbo at pumapasok sa kung saan nang nag-iisa. Kapag nawala ka sa paningin namin, mahihirapan na kami hanapin ka," sita pa nito sa kaniya.

Napayuko siya. "Sorry. Pero nakita ko talaga siya pumasok dito. Saka parang may hinahanap din siya kaya hindi niya tayo narinig. Kailangan natin magmadali makalabas sa palasyo na 'to kaya hindi na ako nakapag-isip pa nang makita ko siya."

"We understand you, Selna," nangaalong sabi ni Andres na lumapit pa sa kaniya para tapikin ang balikat niya. "Ganoon din ang gagawin ko kung ako ang unang nakakita kay Michelle."

Nag-angat siya ng mukha at ngumiti para ipakita ang pasasalamat niya sa sinabi nito. Malakas na tumikhim si Danny kaya napunta rito ang atensiyon nila. Medyo kumunot ang noo niya kasi may kakaiba sa facial expression nito habang nakatingin sa kanila ni Andres. May sasabihin pa yata ito pero biglang parang may nakita ito sa likuran nila.

Napanganga si Danny, nanlalaki ang mga matang inayos ang pagkakasuot ng eyeglasses at nagsimula maglakad papunta sa gitna ng silid. "Wow. Ano 'to?"

Napakurap si Selna. Mukhang nakuha na rin nito ang atensiyon nina Andres, Ruth at Lukas kasi napasunod ng tingin ang mga ito kay Danny. Napalingon na rin tuloy siya at namangha nang makita ang isang malaking bilog na parang gawa sa clear glass. Sa loob niyon, may palutang lutang na usok na katulad ng nakita nila sa jar of memories na binili nila sa Store Hours ni Hannah.

Sandali pa nakalapit na silang lahat doon. It was even more amazing up close. Kasi mukha pala iyong higanteng version ng snow globe. Ang parang usok na nakita nila kaninag palutang lutang ay nagmukhang ulap sa kulay asul na upper half ng bilog. Pero ang pagkamangha ni Selna ay naging kilabot nang makita kung ano ang nasa lower half ng higanteng globo na iyon. Isang maliit na bayan na ang mga bahay, gusali, dagat, gubat at bundok ay pamilyar na pamilyar sa kaniya.

"Guys… tama ba ako na Tala ang nasa loob?" kabadong tanong niya.

"T-tama ka," garalgal ang boses na sagot ni Ruth. "At hindi lang yata ito kamukha ng Tala. Parang… totoong Tala natin ang nasa loob." Nang sulyapan niya ito nakita niyang namumutla ang mukha nito, halatang natatakot. Lumingon ito kay Lukas. "Anong ibig sabihin nito? Bakit may ganito sa palasyo ng mga Dalakitnon?"

Napalingon din silang lahat kay Lukas. Lalo lang nilamutak sa takot ang puso ni Selna nang makita ang facial expression nito. Lalo na nang para itong napasong umatras palayo sa higanteng globo. "Lumabas na tayo. Hindi tayo dapat nandito. Lalo lang natin sila gagalitin at mas liliit ang tiyansang makakalabas tayo ng ligtas."

"Pero ano nga ito?" turo ni Andres sa globo. "Nasaan tayo? Nasa bingit ba ng panganib ang bayan namin? Kasi kung oo, hindi kami puwedeng basta na lang magkunwaring walang nakita. All the people we love are in this town. Our life is inside this globe. Kailangan namin ng paliwanag."

Matagal na hindi sumagot si Lukas, nakatitig lang sa kanilang apat na pigil ang hiningang hinihintay ang sasabihin nito. "Wala kayong dapat ikabahala. Hindi gagawan ng masama ng mga Dalakitnon ang Tala. Mas nauna nilang maging tahanan ang bayan na kinalakihan ninyo. Nauna pa sila sa mga ninuno ninyong lahat. Siguro ngayon nasa Tala ang buong buhay ninyong apat. Pero darating ang panahon na isa-isa kayong aalis at maninirahan sa ibang lugar. Pero ang mga Dalakitnon na naninirahan dito, ganoon din ang iba pang nilalang na hindi nakikita ng mga mortal, mananatili sa Tala sa mahabang mahabang panahon.

"Isa pa, base sa kasaysayan, mga tao ang sumisira sa kalupaan at hindi ang mga nilalang na may kapangyarihan. Sila ang mas nag-aalala para sa kanilang tirahan dahil wala silang kakayahan pigilan ang mga taong magkalat, magputol ng puno at magpatag ng mga bundok para tayuan ng mga gusali at kabahayan. Kapag nasira ang Tala, kayong mga tao ay puwedeng lumipat sa siyudad, hindi ba? Pero ang mga nilalang na naninirahan sa mga puno, bundok at katubigan, wala silang mapupuntahan."

Natahimik silang apat at napalingon uli sa bayan nila na nasa loob ng higanteng globo. Tama naman si Lukas. Katunayan nakaramdam pa nga siya ng guilt bilang tao. Siguro bihira sa lugar nila pero minsan kapag bumibisita sila sa malalayong kamag-anak sa maynila, nakikita niya kung gaano kalaki ang kaibahan ng siyudad. Makalat, mausok at ang manila bay at ilog pasig na itinuro sa kanila ng mga pinsan niya, marurumi.

"Kung ganoon, para saan ito?" basag ni Ruth sa katahimikan.

"Kung ang palasyo na ito ay may buhay, masasabi kong iyan ang puso. Diyan nakaimbak ang lahat ng mga alaala na importante sa kanila. Iyan ang nagbibigay buhay sa mga ilusyon na makikita dito sa loob ng palayo. Iyan ang nagmamanipula ng oras at panahon dito sa loob. Ang nakakapagtaka, malakas na kapangyarihan ang kailangan para makabuo ng ganito. Kapangyarihan na wala ang mga Dalakitnon kahit na magtulong tulong pa sila. Kaya saan nila nakuha ang enerhiya na nasa loob ng higanteng globo na 'yan? "

Namamangha pa rin si Selna habang nakatitig sa miniature Tala. Hahawakan na sana niya iyon nang mabilis na hinawakan ni Lukas ang braso niya at hinila siya paatras. "Importante ang nasa loob ng globo kaya higit na mas sensitibo iyan kaysa sa mismong palasyo. Hindi tayo dapat dumikit diyan." Pagkatapos tumalikod na ito at isa-isang tiningnan ang mga nakasarang pinto. "Saan sa mga ito nagpunta ang kaibigan ninyo?"

Napangiwi siya. "Nang pumasok ako hindi ko na siya nakita. Pero narinig kong may sumarang pinto at parang doon galing sa part na 'yon eh." Itinuro niya ang mga pinto sa bandang kanan.

Tumango si Lukas at sumenyas na sumunod sila. Mabilis na naglakad sina Ruth, Andres at Danny. Huminga siya ng malalim at hahakbang na rin sana nang biglang lumingon sa kaniya ang huli. Napakurap si Selna, nagulat nang magtama ang mga paningin nila ni Danny. Na-trigger tuloy ang pagiging clumsy niya at kahit wala naman nakausling kung ano sa sahig ay natisod siya at nawalan ng balanse. Automatic na humanap ang kanyang mga kamay nang makakapitan para hindi tuluyan matumba. Humampas ang isang braso niya sa higanteng globo at bigla parang may hindi nakikitang puwersa na lumabas mula roon.

Nanlaki ang mga mata niya. Si Lukas at ang mga kaibigan niya gulat na napahinto sa paglalakad at lumingon. Nang sandaling makita niya sa mata ng mga ito ang repleksiyon ng kakaibang liwanag mula sa higanteng globo, pakiramdam niya tumalon palabas ng ribcage ang puso niya. Dahan-dahan siyang lumingon at napatili sa pagkagulat nang ang kanina payapang eksena sa loob ng globo ay napalitan ng kadiliman na sinundan ng malakas na kulog at kidlat, dumadagundong ang tunog sa buong silid na bigla rin dumilim.

Napaatras siya at napasalampak ng upo sa sahig nang may tila mga aninong nagsimula lumabas sa higanteng globo. Mabagal lang noong una hanggang biglang naging mabilis at bayolente ang paggalaw ng mga iyon.

Napasigaw si Selna nang may malaking anino ang biglang sumugod sa kaniya. Napapikit siya sa takot at ang huli niyang narinig ay ang malakas na pagtawag ni Danny sa pangalan niya. Pagkatapos ay binalot siya ng nakabibinging katahimikan.