webnovel

Bagong Misyon Ng Spiral Gang (1)

KUNG PUWEDE LANG na hindi sila umalis sa bahay ni Michelle, malamang ginawa na nila Selna. Kaso nang tumawag sila sa kani-kanilang bahay ay walang pinayagan sa kanila. Kaya pagkatapos nilang dalhin sa kani-kanilang kuwarto ang mag-ina, nagdesisyon silang magsipag-uwi na. Mamaya raw, susulpot si diyosa Mayari para burahin ang nangyari sa isip ng mga ito.

Noong una, nag-aalala pa rin siya para sa kanyang kaibigan. Pero sabi ni Lukas hindi raw babalik sa gabing iyon ang Dalakitnon kasi sa paglubog ng araw lang daw ang permiso na ibinigay ni Michelle para dalawin nito.

"Organisadong nilalang ang mga Dalakitnon. Importante sa kanila ang pagsunod sa mga batas na ginawa nila mula pa noong unang panahon."

"Nasabi sa akin ni lolo noong bata pa ako ang tungkol diyan," sabi ni Andres. "Sabi niya, sa lahat daw ng mga supernatural beings na nasa lupa, ang mga Dalakitnon ang pinaka-cultured umakto. They follow rules and etiquette. Katunayan noong panahon daw ng mga kastila at amerikano, marami raw sa kanila ang umaakto bilang mayayaman at may dugong bughaw. Gustong gusto nila na nakikisalamuha sa mga mortal. Ang nakakamangha walang nagduda sa tunay nilang pagkatao."

Kahit nakakatakot ang Dalakitnon na may interes kay Michelle at nasaksihan niya ang pagbabago ng mukha nito kanina, hindi pa rin naiwasan ni Selna ang bumilib sa kanyang nalaman. "So, ibig niyong sabihin, dahil ang permiso lang niya ay dumalaw paglubog ng araw, hindi siya babalik dito basta-basta kasi tapos na ang oras ng pagpunta niya rito?"

Tumango si Lukas. Nakahinga siya ng maluwag at napatango. Pagkatapos sabay-sabay na sila naglakad palayo. Pero bukod kay Lukas na nawalang parang bula (hindi na sila nagulat), hindi pa sila naghiwa-hiwalay. Tumambay muna sina Ruth, Danny at Andres sa bahay nina Selna para gumawa ng assignment. Aware siya na pinipilit nilang lahat na umaktong normal. Hindi rin naman kasi sila makapagusap tungkol sa nangyari kasi nakikita at naririnig sila ng pamilya niya. Pero alam niya, kapag nasa kani-kanilang bahay na ang mga kaibigan niya, hindi rin makakatulog ng maayos ang mga ito. Katulad niya.

HINDI PUMASOK sa school si Michelle kinabukasan. Sabi ng teacher nila tumawag daw ang nanay nito para sabihing masama raw ang pakiramdam ng babae. Hindi rin dumating si Lukas pero katulad ng inaasahan na ni Selna, wala na naman nakakaalala rito maliban sa kanilang magkakaibigan.

Pagkatapos ng klase, isang palitan lang ng tingin nagkaintindihan na silang magkakaibigan. Binitbit agad nila ang kani-kanilang bag at nakalabas na ng classroom bago pa may makipag-usap sa kanila. Mabilis at malalaki ang mga hakbang nila. Lalampasan na sana nila ang Literature club room nang biglang sumungaw mula sa pinto niyon ang club adviser nila. May ipapagawa raw sa kanila. Sinubukan nila magdahilan kung bakit kailangan nila umalis ng maaga pero hindi nakinig sa kanila ang teacher at pinapasok sa room. Kaya hanggang lampas alas singko ng hapon, tumulong sila gumawa ng visual aids at props para sa English lesson bukas.

Malapit na lumubog ang araw nang makalabas sila sa Tala High School. Natataranta na rin sila kasi kahit sumakay sila ng tricycle, gabi na kapag dumating sila sa bahay nina Michelle. Nainis pa nga yata ang driver sa kakasabi nila na bilisan ang pagmamaneho.

Nagulat sila pagdating sa tapat ng bahay na pakay nila. Napahinto at manghang nagkatinginan. Everything about the house feels so… normal. Walang dark aura sa paligid at wala ring matapang na amoy ng bulaklak.

"Posible kayang hindi na talaga bumalik ang Dalakitnon dahil natakot kay Lukas?" umaasang tanong ni Selna.

"Sana nga," sabay na nasabi nina Ruth at Danny.

"At least tingnan natin kung kamusta siya," sabi naman ni Andres na huminga ng malalim at nagsimula maglakad palapit sa front door ng bahay at kumatok. Kabadong sumunod silang tatlo at pigil ang hininga hanggang sa bumukas iyon. Nanay ni Michelle ang lumabas, halatang nagulat nang makita silang apat.

"Mga kaklase kayo ni Michelle 'di ba? Anong ginagawa niyo rito nang ganitong oras?"

Nagkatinginan silang magkakaibigan. Narealize ni Selna na hindi natatandaan ng matandang babae na bumisita na sila kahapon. Tumikhim siya at humakbang palapit. "Hindi po kasi siya pumasok kanina. Nag aalala lang po kami. Puwede po ba namin siya makita at makausap kahit sandali lang?"

Kumunot ang noo nito, halatang nagtataka pa rin pero niluwagan naman ang bukas ng pinto. "Masama ang pakiramdam niya kaya hindi ko na pinapasok. Natutulog siya ngayon sa kuwarto niya pero gigisingin ko na nga rin siya kasi iinom siya ng gamot. Sige pasok kayo."

Magalang sila nagpasalamat at pumasok sa loob ng bahay. Akmang aakyat sana ito sa second floor pero may naamoy sila sa kusina na nakakuha ng atensiyon nito. Baka raw masunog ang niluluto nito kaya sila na lang ang umakyat. Itinuro na lang nito kung anong pinto ang kuwarto ni Michelle.

Si Selna ang kumatok bago dahan-dahang binuksan ang pinto. "Michelle?" tawag niya sa kaibigan at hinanap ng tingin ang kama. Pero kumabog ang dibdib niya nang makitang bakante iyon. May hangin din siyang nararamdaman mula sa loob kaya tuluyan siyang pumasok sa kuwarto.

Nahigit niya ang hininga nang mapatingin sa nakabukas na bintana. May nakatayo kasi sa tabi niyon patalikod sa kanila pero hindi ito si Michelle. Maganda ang tindig ng babae at itim na itim ang mahabang buhok na kumikislap-kislap na parang may natapong glitters sa mga hibla. Sandali tuloy na natulala siya habang nakatitig dito. Kumurap lang siya nang pumihit paharap sa kanila ang babae. Pagkakita ni Selna sa napakaganda nitong mukha nasiguro agad niya na hindi ito normal na tao. Kamukha kasi ito ni Hannah at Mayari.

Suminghap si Ruth na nakatayo na sa tabi niya. "Ikaw 'yung manghuhula na nakausap ko sa perya dati!"

Tipid na ngumiti ang magandang babae at tumango. "Ako nga. Ako si Tala." Nang sabihin nito iyon parang lalong naging maliwanag ang kinang sa buhok nito.

"Pero anong ginagawa mo rito sa kuwarto ni Michelle?" nagtatakang tanong ni Andres.

"At… nasaan siya?" tanong naman ni Danny na iginagala ang tingin sa paligid, hinahanap ang classmate nila na dapat ay tulog sa kama.

Nawala ang ngiti ni Tala, naging seryoso ang ekspresyon at tumingin na naman sa labas ng bintana. "Nagpunta ako rito alinsunod sa kagustuhan ni Mayari pero wala na siya nang dumating ako. Base sa bakas ng kanyang alaala at kamalayan sa silid na 'to, nakikita kong kusa siyang lumabas at hinanap ang daan papunta sa palasyo ng mga Dalakitnon. At oras na makapasok siya sa daan na iyon maliit lang ang tiyansa na makakabalik pa siya."

Kumabog ang dibdib ni Selna. Nataranta siya. "Kailangan natin siya sundan!"

Bubuksan na niya ang pinto nang pigilan siya ni Danny. "Huwag ka bumaba nang ganiyan ang hitsura mo. Mag-aalala ang parents niya," mahinang sabi pa nito.

"Pero dapat nilang malaman na nawawala si Michelle 'di ba?"

Hinawakan ni Andres ang balikat niya kaya napunta rito ang kanyang atensiyon. Umiling ito. "Mas makakabuti kung hindi nila malalaman."

"As long as maibalik natin si Michelle bago mag umaga, ayos lang kung hindi sila maging aware na nawawala siya," sabi naman ni Ruth. "Hindi puwedeng malaman ng mga magulang niya na may kakaibang nangyayari. Mag-aalala sila at hindi tayo sigurado kung tutulong uli si Mayari na burahin ang alaala nila kung sakali."

Unti-unti nakalma si Selna. Huminga siya ng malalim at tumango. "Tama kayo. Kailangan lang natin siya iligtas bago mapansin ng parents niya na nawawala siya."

"Iligtas? Bakit niyo siya ililigtas?" biglang tanong ni Tala.

Gulat na napalingon silang lahat sa magandang babae. "Kasi nasa panganib siya… 'di ba?" alanganing sagot ni Danny.

May sumilay na ngiti sa mga labi nito pero nagmukha itong malungkot. "Paano kung hindi naman niya gusto magpahanap?"

"Nasa ilalim siya ng kapangyarihan ng Dalakitnon na 'yon. Nakita namin kahapon na nag-iba ang mukha niya at nagmukhang halimaw," sagot ni Ruth. "Sabi ni nanay ayon daw sa kuwento ng matatanda kapag sumama ang isang tao sa palasyo ng Dalakitnon at pumayag magpakasal, tuluyan nang magiging alipin ang tao na iyon hanggang mamatay."

Próximo capítulo