NAKOKONSIYENSIYA pa rin si Selna sa obvious na pag-iwas niya kay Danny buong klase. Nakakailang tuloy nang sama-sama silang naglakad na magkakaibigan papunta sa Literature club room. Si Lukas, nawala noong recess at hindi na bumalik pa pero hindi nagreklamo ang mga teacher. Parang hindi rin napansin ng mga kaklase nila at walang mga babaeng estudyante ang nag-abang sa labas ng classroom. May palagay siyang sinadya nitong burahin ang existence nito sa isip ng mga tao sa buong Tala High. Napikon na yata sa sobrang atensiyong nakukuha nito. Kaya sa mga sandaling ito, walang estudyante na Lukas ang pangalan sa school nila.
Sa kalagitnaan ng club activity na para talaga sa mga first year members, nagulat siya nang biglang lumapit sa kaniya si Danny, nakasuot pa rin ang backpack sa likod. Seryoso at determinado ang facial expression nito. Bumilis tuloy ang tibok ng kanyang puso. Lalo na nang kunin nito ang bag niyang nakapatong sa lamesa at hawakan naman ng isa nitong kamay ang braso niya. Maingat siya nitong hinila patayo. "B-bakit?" nanlalaki ang mga matang tanong ni Selna.
"Kailangan natin mag-usap."
Napanganga siya. Pagkatapos tarantang sumulyap sa mga taong kasama nila sa loob ng Literature club room. Uminit ang mukha niya kasi nakatitig pala sa kanilang dalawa ang mga ito.
"Sige na, mauna na kayong umuwi," biglang sabi ni Ruth na nang makatitigan ni Selna ay narealize niyang naiintindihan ang nangyayari kahit na hindi naman sila nagsasabi ni Danny. As expected from their childhood friend.
"Salamat. Pasensiya na palagi kami nauuna umalis. Babawi ako sa susunod," sabi ni Danny. Pagkatapos hawak pa rin ang braso niya na hinila siya nito palabas ng Literature club room.
"Saan tayo pupunta?" basag ni Selna sa katahimikan nang nasa labas na sila ng Tala High School.
Imbes na sumagot ay pumara ng tricycle si Danny at inalalayan siya makasakay sa loob. Pagkatapos tumabi ito sa kaniya at sinabi sa driver na sa bayan daw ang punta nila. Kumunot ang noo niya, nawala ang pagkailang at napatitig sa mukha nito. "Akala ko ba mag-uusap tayo? Bakit tayo pupunta sa bayan?"
Bigla itong lumingon. Masikip sa loob ng tricycle kaya halos magdikit ang mga mukha nila dahil sa ginawa nito. Nahigit ni Selna ang paghinga nang seryosong magsalita si Danny, "Gusto kong magkaroon tayo ng time na magkasama. Kasi ayokong patagalin ang pag-iwas mo sa akin. Mahihirapan tayo maging komportable uli sa isa't isa kung hahayaan ko ang pagdistansiya mo."
Parang nilamutak ang sikmura niya at nagbaba ng tingin. Na-gi-guilty na naman kasi siya. Huminga siya ng malalim. "Sorry. Sinasabi ko sa isip ko na dapat natural lang ang maging kilos ko pero ayaw makinig ng katawan ko kapag nasa malapit ka na. Ayoko rin naman na magkalayo tayo dahil sa selfish confession ko. Hindi ko sinabi ang feelings ko sa'yo para magalala ka. Gusto ko lang malaman mo na kahit hindi ka gusto ng taong gusto mo, hindi ka dapat masyado malungkot. Kasi meron ding nagmamahal sa'yo." Ako.
Natahimik si Danny at tumitig sa labas ng tricycle. Hndi na nasaktan si Selna na hindi nito nagawang sumagot. Kilala niya ang binatilyo at hindi ito ang tipong magsisinungaling. He is also someone who will not say something he doesn't mean. Isa ang katangian nitong iyon sa mga gusto niya rito.
Wala nang nagsalita sa kanila hanggang makarating sila sa bayan. Pagkababa nila ng tricycle hinawakan agad ni Danny ang kamay ni Selna at hinila papunta sa parke kung saan nakatayo ang perya noong summer vacation. Maraming bench doon na matatambayan.
Hindi katulad noong huli nilang punta roon, mas marami nang nakahilerang mga nagtitinda ng kung anu-ano sa isang parte ng park. Hindi na rin niya nakikita ang baliw na si Jumong kahit saan. Ang sabi ni Andres, kinuha na raw ng DSWD ang matandang lalaki at dinala sa ospital para subukang gamutin.
"Kain tayo," biglang aya ni Danny sabay hila kay Selna papunta sa mga nagtitinda. Sabi nito kanina mag-uusap sila kaya maaga sila nagpaalam sa Literature club pero sa mga sumunod na sandali, wala silang ginawa kung hindi kumain. Fishballs, kikiam, pancake na namumutaktak sa asukal ang ibabaw at scramble. Pagkatapos bumili pa sila ng tig-isang stick ng mangga na may bagoong sa ibabaw bago sila lumayo sa mga nagtitinda at magkatabing umupo sa isang bench na nakaharap sa kalsada.
"Selna, nawala na ba ang pagkailang mo sa akin?"
Napahinto siya sa akmang pagkagat sa hawak niyang mangga at napalingon kay Danny. Kumabog ang dibdib niya nang makitang masuyo ang titig nito sa kaniya. Mas mature din ang facial expression ng kababata niya ngayon. Ibang iba sa dati.
"Okay na ba tayo?" tanong ulit nito. "Sorry, wala akong ibang maisip na paraan para makapag bonding tayo maliban sa pagpunta dito sa park at pagkain ng street foods. Pareho tayo mahilig kumain eh."
Nabagbag ang damdamin ni Selna. Siya dapat ang nag eeffort na mapalagay ang loob nito kasi siya ang nagtapat ng feeling niya pero ito pa ang gumagawa ng paraan para maging okay sila. Magaling talaga ako pumili ng lalaki. Napangiti siya at muntik pa ito mayakap. Sa halip umusod siya padikit dito at malambing na humilig sa balikat nito. "Salamat, Danny. Okay na ako, promise."
At iyon ang totoo. Masuklian man nito ang pagmamahal niya o hindi, manatili mang unrequited ang feelings niya, ayos na talaga. Kasi higit sa kagustuhan ni Selna na magkaroon ng love life, mas gusto niyang manatili silang close ni Danny. Tumanda man sila at marami man mabago, gusto niyang maging parte sila ng buhay ng isa't isa na gaya ngayon.
Naramdaman niya ang dahan-dahang paghinga ng malalim ng lalaki. Lalo siyang napangiti kasi narelax ang katawan nito. Sa mga sumunod na sandali naging magaan na ang takbo ng usapan nila. Mayamaya pa, nagdesisyon na silang umuwi. Naglalakad sila papunta sa main road para sumakay ng tricycle nang may mahagip ang tingin ni Selna.
Napakapit siya sa braso ni Danny. "Si Michelle 'yon oh!" sabik na nasabi niya.
Napahinto sa paglalakad ang lalaki at nilingon ang tinitingnan niya. "Oo nga 'no. Sino 'yung kasama niya?"
Napangiti si Selna habang sinusundan ng tingin si Michelle. May kasama itong matangkad na lalaki na hindi naman niya makita ang mukha kasi halos nakatalikod ito sa direksiyong kinatatayuan nila. Pero mukhang guwapo ang tindig. Makintab din ang brownish nitong buhok at maputi ang makinis na kutis.
"Kamag-anak ba niya 'yon?" tanong na naman ni Danny.
"Manliligaw daw niya." Nakasunod pa rin ang tingin niya kina Michelle kaya nakita niya na blooming ang kaibigan niya habang ngiting ngiting nakatingala sa lalaking kasama nito. May kakaiba rin sa mga mata ng babae na para bang wala itong ibang nakikita kung hindi ang manliligaw nito. She looks… entranced. Ganoon din ba ang hitsura niya kapag nakatingin siya kay Danny? Ganoon ba ang mga mata ng babaeng in love?
"Mukhang mas matanda sa atin ang manliligaw niya. Alam kaya ng parents niya 'yan? Baka mamaya, binobola lang ng lalaking 'yon si Michelle. Baka masama palang tao at may gagawing hindi maganda."