webnovel

Ang Desisyon Ni Danny (1)

Umangil na naman ang kapre, may sinasabi sa sinaunang lengguwahe. Naningkit ang mga mata ni Lukas, halatang nagalit. Sa isang kumpas lang ng kamay nito may lumabas nang ipo-ipo sa paanan ng kapre, pumaikot sa malaki nitong katawan. Pero imbes na lumaki ang ipo-ipo na kagaya noong una iyong nakita nina Danny, nagsilbi iyong tila pang gapos, pasikip ng pasikip sa katawan ng kapre na humihiyaw na sa galit at sakit.

Mayamaya pa nagpumilit makawala ang halimaw. Bumiling-biling ang mukha nito at biglang napatingin sa kaniya. Nagulat siya nang matitigan niya ang nanlilisik nitong mga mata. Kumabog ang dibdib niya at nanlamig ang buo niyang katawan. Para ring binibiyak ang ulo niya, na para bang may nagpupumilit makapasok doon. Narealize niya na sinusubukan na naman ng kapre na guluhin ang isip niya katulad nang ginawa nito kanina nang maagaw nito ang mutya mula sa kaniya.

Kumuyom ang mga kamao niya at mariing pumikit. Ginamit ang lahat ng determinasyong mayroon siya para labanan ang pagtatangka nitong guluhin ang utak niya. Mayamaya narinig na naman niya ang malinaw at malakas na boses ni Lukas, may sinasabi sa sinaunang lengguwahe. Umangil ang kapre. Bumalik sa normal ang pakiramdam ni Danny kaya nagawa niya uli dumilat. Tiyempo namang sumikip ang ipo-ipong nakabalot sa katawan ng halimaw at bumuka ang nakakuyom na kamao nito. Nabitawan nito ang mutya.

"Saluhin mo!" sigaw ni Lukas. Pero hindi pa man ito natatapos magsalita ay nakalundag na siya, hindi inaalis ang tingin sa lumiliwanag na bato. Kaso mukhang hindi na niya iyon masasalo gamit ang kanyang bibig. Masyado na iyong malapit sa lupa. Kaya walang pagdadalawang isip na inistretch niya ang kanyang braso at ibinuka ang kamay. Nang masalo niya ang mutya ay taimtim siyang nagdasal na huwag sana mawala ang bisa niyon dahil hindi niya sinalo ng ayon sa mga alamat. Nasubsob siya sa lupa pero hindi niya ininda ang sakit. Nang mag-angat kasi siya ng tingin ay nasa paanan na siya ng kapre at balak na siya apakan ng malalaki nitong mga paa. Mariing ikinuyom ni Danny ang kamay na may hawak sa mutya para hindi na niya iyon mabitawan. Pagkatapos nagpagulong siya palayo bago tuluyang bumagsak ang paa ng kapre. Muntik na siyang mapipi kung hindi lang siya naging maagap.

"Nagmamatigas ka pa rin ha," sabi ni Lukas na biglang iwinasiwas ang kamay. Laki ang ipo-ipo hanggang umangat ang katawan ng kapre. Napaupo si Danny at nakita nang sa isang iglap nakalapit na ang lalaki sa halimaw. Tinitigan nito sa mga mata ang kapre at sa isang iglap huminto iyon sa panlalaban at pang-angil. May sinabi na naman si Lukas at mukhang nakikinig na ito. Bigla para itong naging maamong tupa na sumagot at umiling-iling.

"Siguruhin mo lang na nagsasabi ka ng totoo. Kung hindi sa susunod na makikita kita hindi na kita patatawarin." Pagkatapos sa isang galaw uli ng kamay ni Lukas ay lumaki na ang ipo-ipo, umangat sa lupa at agad na nawala kasama ang kapre.

Bumalik ang katahimikan ng gabi. Na para bang walang nangyaring kakaiba.

"A-anong ginawa mo sa kaniya?" manghang tanong ni Danny.

Humarap sa kaniya ang lalaki na normal na uli ang kulay ng mga mata. "Ibinalik ko lang siya sa mundo kung saan siya dapat nabibilang. Matagal nang hindi dapat nagpapagala-gala sa mundo ng mga tao ang mga katulad niya pero marami ang matitigas ang ulo at ayaw umalis. Kaya mo bang tumayo? Nabawi mo ba ang mutya?"

Napatingin siya sa nakakuyom niyang kamao. Dahan-dahan niya iyong ibinuka at nakahinga ng maluwag nang makita ang maliit na bato na kumikislap-kislap pa rin. Napangiti siya. "Oo. Nakuha ko."

Tumayo siya at napangiwi nang maramdamang nananakit ang buo niyang katawan. Hindi niya alam kung paano ipapaliwanag sa mga magulang niya kapag nakita ng mga ito ang mga pasa at sugat niya.

"Danny!"

Napalingon siya nang marinig ang pagtawag ni Selna sa pangalan niya. Tumatakbo na pala palapit sa kaniya ang mga kaibigan niya.

"Okay ka lang?" tanong ni Andres.

"Hindi ka ba nasaktan?" worried na tanong naman ni Ruth.

Napangiti siya at umiling. "Hindi ako napaano kasi malakas si Lukas." Bumaling siya sa lalaki at nagpasalamat.

Nagkibit balikat ito. "Sinabi ko na kanina pa, pareho lang tayo ng pakay kaya ako tumulong."

"Sinasabi mo lang ba 'yan dahil nahihiya kang aminin na gusto mo lang talaga kami tulungan?" tanong niya.

"Hindi Danny. Totoo na may kailangan siya sa kapre na 'yon," biglang sabi ni Ruth na nang sulyapan niya ay nakatitig na sa mukha ni Lukas. Nakakunot ang noo ng kababata niya nang magpatuloy sa pagsasalita. "Kahit noong nasa Nawawalang Bayan pa kami, may napansin na ako. Lukas… mapanganib ba ang nilalang na tagaroon na nakarating dito sa amin? Hinahanap mo siya, 'di ba? Kaya tinanong mo kami kung saan kami galing kasi naisip mo na baka doon din siya dumaan palabas. Kaya hinahanap mo ang mga ibang nilalang na nagkalat dito sa Tala para itanong kung may alam silang impormasyon tungkol sa kaniya. Kanina rin, kinakausap mo ang kapre na 'yon, hinahanap mo siya at tinatanong kung saan direksiyon nagpunta. Sino si Rosario?"

Naging tensiyonado ang katahimikan. Lahat sila napatitig lang kay Lukas, hinihintay ang magiging sagot nito. "Oo. Mapanganib siya. Mas mapanganib pa sa mga nilalang na nakita ninyo sa Nawawalang Bayan. Ilang taon ko na siyang hinahanap para ibalik sa mundo kung saan siya nararapat pero kahit anong gawin ko hindi ko siya matagpuan."

Nagkatinginan sina Danny, Selna, Ruth at Andres. Kung sinasabi nito na mapanganib ang Rosario na iyon, ibig sabihin totoo iyon. Kung talagang nakakalakad ng malaya sa mundo nila ang misteryosang babae, malaki ang posibilidad na magdulot ito ng panganib at kamatayan sa mga tao. Posibleng maging biktima nito ang mga kakilala nila, ang mga mahal nila sa buhay.

Humigpit ang hawak niya sa mutya at bigla may kumalat na namang pamilyar na init sa buong katawan niya. Nahigit niya ang hininga kasi naramdaman na naman niya ang kapangyarihan na dumadaloy sa mga ugat niya. Mukhang napansin din iyon ng mga kaibigan niya kasi napalingon ang mga ito sa kaniya at namangha.

"Danny… lumiliwang ka!" sabi ni Selna.

Niyuko niya ang sarili at narealize na totoong lumiliwanag nga siya. Binuka-sara niya ang mga kamao. Pagkatapos ginalaw-galaw ang mga binti. Nang ibagsak niya ang isang paa ay nagulat siya kasi may puwersang lumabas mula roon. Sumabog ang lupang inapakan ni Danny at nag-iwan iyon ng malalim na butas na parang binagsakan ng napakabigat na bagay.

"Whoah. You have superpowers, Danny!" bilib na sabi ni Andres.

"Oo nga," mangha na sabi niya. Napatingin siya sa mga kaibigan niya. Napangiti. Kasi mula pa noong bata siya ito na ang pangarap niya, ang magkaroon ng kapangyarihan para maging isang superhero at maprotektahan ang mga taong mahal niya.

"Iyan ang kapangyarihan na ibinibigay ng mutya sa taong nagmamay-ari nito," sabi ni Lukas. Napalingon siya rito at nagulat nang tipid siya nitong nginitian. "Gusto ko lang malaman mo na hindi ibig sabihin na nasalo ng isang tao ang mutya ay siya na ang may-ari niyon. Masyado iyang makapangyarihan kaya gumawa ng kondisyon ang mga Diyos para hindi mapunta sa maling kamay."

"Ah! Kasama sa kondisyon ang dapat manatili sa bibig ng taong nakasalo ang mutya hanggang mag-umaga?" tanong ni Selna.

"Na hindi madaling gawin kasi maraming kakaibang nilalang ang magtatangkang agawin iyon. At kapag nabitawan ng tao ang mutya, masisiraan siya ng bait," sabi naman ni Andres.

"Na hindi nangyari kasi tinulungan mo siya," dugtong ni Ruth.

Tumango si Lukas. "Pero kahit tinulungan ko siya at nabawi sa kapre ang mutya, ang normal na mangyayari dapat ay magiging pangkaraniwang bato na lang 'yan. Pero nakuha ni Danny ang respeto at paghanga ng mutya. Kaya ngayon ikaw ang kinikilala nitong master at ibibgay nito sa'yo ang kapangyarihan gamitin mo man sa mabuti o hindi."

Napanganga si Danny at napatitig sa maliit na bato na hawak niya. Mainit pa rin iyon at may nararamdaman pa nga siyang mabagal na pagtibok mula roon. "Wow. Pero paano ko nakuha ang respeto ng mutya kahit pumalpak ako at nabitawan ko ito?"

"Dahil diyan sa nasa loob mo." Napatingin siya kay Lukas nang ituro nito ang dibdib niya. "Noong unang panahon likas na may kapangyarihan ang mga tao. Binawi lang iyon ni Bathala kalaunan para hindi na magkaroon ng kaguluhan sa kalupaan. Pero hanggang ngayon, bawat tao may nananatiling patak ng kapangyarihan sa pagkatao nila. Halos lahat lang hindi nagagamit iyon kasi nakalimutan na o kaya masyado na abala sa makabagong mundo kaya nawala na ang paniniwala nila. At kahit anong klase ng mahika nawawalan ng bisa kapag hindi pinapaniwalaan.

"Pero ikaw, sa loob ng puso mo may determinasyon at matinding kagustuhan ka na maging malakas, hindi ba? Buong buo rin ang paniniwala mo sa kapangyarihan ng mutya. Iyan ang dahilan kaya napili ka nito maging master."

"Wow. That's amazing, Danny," sabi ni Andres.

"Para ka nang 'yung mga superhero sa comics na kinokolekta mo," nakangiti namang sabi ni Ruth.

Napangisi siya at nakaramdam ng excitement. Kasi tama ang mga kaibigan niya. Ito talaga ang pangarap niya.

"So anong gagawin mo, Danny? 'Di ba ang una mong plano ay ibibigay mo 'yan kay Hannah kapalit ng jar of memories? Hindi mo na ba aalamin ang nakaraan at itatago mo na lang ang mutya?" tanong ni Selna.

Natigilan siya at nawala ang kanyang ngiti. Na-distract siya ng pagkakaroon ng superpowers na nawala sa isip niya ang dahilan kaya niya hinanap ang mutya.

"Ibibigay mo 'yan sa iba?" kunot noong tanong ni Lukas. "Pagkatapos ng lahat ng nangyari para lang makuha mo 'yan?"

"Ah, ganito kasi ang nangyari," sabi ni Selna at sinimulang ipaliwanag sa lalaki ang tungkol sa Store Hours at sa naging pag-uusap nila ng may-ari niyon.

Tumaas ang mga kilay ni Lukas. "Hannah ba kamo ang pangalan ng kausap ninyo… ah. Masyado pa rin siya mahal magbenta ng mga importanteng bagay."

Pagkatapos sumulyap ito sa kaniya. "Kailangan mo magdesisyon. Gusto mo ba talaga ipagpalit sa isang nakaraan na hindi mo na mababago ang mutya na magbibigay sa'yo ng kapangyarihan sa kasalukuyan?"

Sandaling napatitig lang si Danny sa batong hawak niya. Nag-isip. Pipiliin niya ba ang kapangyarihan o ang katotohanan sa naging pagkamatay ng kuya Lando niya? Kung aangkinin niya ang mutya, magiging malakas na siya para protektahan ang mga taong mahal niya. Pero kahit ganoon, magiging masaya at kuntento ba ang parents niya? Makukuntento ba siyang mabuhay nang hindi nalalaman ang totoong nangyari sa kapatid niya?

Ikinuyom niya ang kamay sa mutya at sandaling pumikit. Bumalik sa alaala niya ang sandaling umiiyak na sinabi ng mga magulang niya sa kaniya na patay na ang kuya niya. Naalala niya nang sumilip siya sa kabaong at makitang parang natutulog lang itong nakahiga roon pero kahit anong tawag niya sa pangalan ng kapatid ay hindi na ito gumising pa. Bumalik sa isip niya ang mga sumunod na araw, buwan at taon na palaging nilulukob ng kalungkutan ang bahay nila kapag malapit na ang death anniversary ni kuya Lando.

Kapangyarihan o katotohanan… ano ba talaga ang mas matimbang?

"Danny?" malumanay na tawag ni Selna sa kaniya.

Dahan-dahan siyang dumilat at nag-angat ng tingin. Saka niya napansin na papaliwanag na pala. Ano mang sandali, bukang liwayway na. Huminga siya ng malalim at hinarap ang mga kaibigan niya. "Nakapagdesisyon na ako."

Próximo capítulo