webnovel

Ang Kapangyarihan Ni Lukas

"Aw… gusto ko ang takot sa mukha ng isang 'to."

Napasinghap sila nang sa isang iglap nasa tabi na nila ang nakakatakot na lalaki at hinawakan ang braso ni Selna. Tumili ang bestfriend niya. Hindi na nag-isip si Ruth. Naunahan na siya ng protective instinct niya para sa kaibigan. Mabilis na hinawakan niya ang kamay ng lalaki at pakalmot iyong hinila para mabitawan si Selna.

Nagulat ang lalaki, napahiyaw at nanlilisik ang mga mata na itinaas ang kamay na nakalmot niya. Bago pa may makapagreact sa kanilang tatlo ay kumilos na ang kamay na iyon at hinablot ang braso niya. Napangiwi siya sa sakit ng pagbaon ng mga kuko nito sa balat niya. Hinila siya nito hanggang halos madikit na siya sa katawan nito. Pagkatapos hinawakan naman ng isa pa nitong kamay ang baba niya at halos bumaon din ang mga kuko nito sa kanyang mga pisngi.

"Bitawan mo siya!" sigaw ni Andres at akmang hihilahin siya para bawiin pero biglang may malakas na puwersang lumabas sa nakakatakot na lalaki. Tumilapon si Andres at Selna. Nanlaki ang mga mata ni Ruth nang magtama ang mga paningin nila ng lalaki. Itim na itim na kasi ang mga mata nito. "Pinapasabik mo ako, dayo. Higit sa takot na babae, mas gusto ko ang palaban na katulad mo. Mas masaya magpaamo at umangkin ng rebeldeng alipin. Bagay tayong dalawa, dayo."

Kinapos siya ng hangin at sumakit ang ulo niya. Para kasing nag-e-echo sa isip niya ang mga sinasabi nito. Na para bang hindi sa bibig nito nanggagaling ang mga salita kung hindi sa loob mismo ng utak niya. Habang nakatitig si Ruth sa mga mata nito, unti-unti niyang nararamdaman na parang may nagpupumilit manghimasok sa pagkatao niya, inuudyukan siyang sundin ang lahat ng gusto ng nakakatakot na lalaki.

Narealize niya na ginagamitan siya nito ng mahika at na kaunti na lang ay hindi na niya iyon malalabanan pa. Hindi puwede. Kapag nagpatalo siya sa kapangyarihan nito, lalong hindi sila makakalabas sa mundong iyon. Pinilit niyang igalaw ang katawan para kumawala pero hindi niya magawa. Sinunod niyang igalaw ang mukha pero sa bawat biling niya, lalo lang bumabaon ang mga kuko nito sa pisngi niya. Sa hapdi niyon hindi na siya magtataka kung nagkasugat na siya. Pero sa bawat hapdi, lumilinaw ng kaunti ang isip niya.

"Huwag ka na manlaban. Maging akin ka at hindi ka magsisisi, dayo," nakangisi nang sabi ng lalaki. Sa peripheral vision niya nakita niyang mahaba at mukhang matalim na ang mga pangil nito. Kinilabutan si Ruth. Kasi alam niya kung anong klase ng nilalang sa Pilipinas ang may ganoong mga pangil. Ang mga pinakamakapangyarihan at mapanganib na nilalang sa mga kuwentong bayan.

Isa itong Danag. Mga purong espiritu na anito noong unang panahon na nakatikim ng dugo ng mga tao kaya naging masama. Ayon sa mga librong nabasa niya noon, sumunod na malakas ang mga ito sa higher Gods and Goddesses.

Pero tinalikuran ng mga ito ang mataas na posisyon sa Kaluwalhatian dahil nasarapan sa dugo ng mga tao. Mas pinili ng mga ito na maghasik ng lagim sa lupa at sumipsip ng dugo ng mga mortal, walang pakielam kahit ilan pa ang mamatay. Malulupit at walang awa ang mga Danag ayon sa mga kuwento. Ngayon, sigurado na si Ruth na totoo iyon.

Wala siyang balak maging alipin ng isang Danag.

"Kung ayaw mong maging alipin ko, gagawin na lang kitang hapunan," sabi ng lalaki na marahas na pinilig ang mukha niya hanggang ma expose ang isang bahagi ng leeg niya. Ngumanga ito, lalong humaba ang mga pangil at unti-unting yumuko. Mariin pumikit si Ruth, pinilit uli labanan ang kapangyarihan nito pero hindi pa rin niya magalaw ang katawan. Narinig niyang umiiyak na tinatawag ni Selna ang pangalan niya. Naramdaman niyang ilang beses pa tinangka ni Andres na makalapit pero palagi itong tumitilapon dahil sa puwersang inilalabas ng Danag.

Nararamdaman na niya ang hininga nito sa leeg niya at alam niyang ano mang sandali babaon na ang mga pangil nito sa balat niya nang bigla mula sa kung saan ay marinig niya ang pamilyar na huni ng isang agila. Napadilat si Ruth nang biglang lumuwag ang hawak sa kaniya ng danag at umungol ito na parang nasaktan. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makitang nakatayo na sa tabi nila si Lukas at mariin nitong hawak ang leeg ng danag. Hindi nito alintana ang malakas na puwersa na kanina pa pumipigil kay Andres na makalapit.

"Sino ang nagbigay sa iyo ng permiso na galawin ang mga bisita ko?" mapanganib na tanong ni Lukas na lalong humigpit ang hawak sa leeg ng Danag. Tuluyang nakawala si Ruth sa hawak at sa kapangyarihan ng nakakatakot na lalaki. Napahakbang siya paatras hanggang halos ilang metro na ang distansiya niya sa mga ito.

Para bang iyon lang ang hinintay ni Lukas kasi biglang may puwersang lumabas mula rito, mas malakas kaysa sa kapangyarihan ng Danag. Umalog ang lupa, binalot ng malakas na hangin ang buong Sitio Nawawala at kahit walang anyong tubig na nakapalibot sa lugar na iyon ay parang narinig ni Ruth ang malakas na hampas at alon ng dagat.

"Master Lukas! Patawarin mo kami. Kumalma ka master, masisira mo ang lugar namin," pakiusap ni Eugenia na sinubukan lumapit sa binatilyo pero ni hindi ito tinapunan ng tingin ni Lukas. Isang senyas lang ng isa nitong kamay, tumilapon na ang magandang babae at tumama sa grupo ng mga residente na takot na nagkukumpulan sa isang tabi. Nawala na ang atensiyon ng mga ito kay Danny na para pa ring puppet na nakatayo lang sa kung nasaan ito kanina.

"Kung ayaw niyo masira ang tirahan niyo, hindi niyo ako dapat ginagalit," malamig na sabi ni Lukas na lalong humigpit ang pagkakasakal sa lalaking danag. Halos lumuwa na ang mga mata niyon, hindi na makahinga. Binitiwan ito ni Lukas. Naubo ang danag, habol ang paghinga. Pagkatapos matalim nitong tiningnan ang binatilyo, inilabas ang pangil at may sinabi sa sinaunang lengguwahe.

Napasinghap si Ruth kasi insulto ang sinabi nito. Naningkit ang mga mata ni Lukas, naging itim na itim na naman ang kanang mata habang parang nagliwanag ang asul nitong kaliwang mata. May nabuong ipo-ipo sa paanan ng danag na agad lumaki at nilamon ito. Humiyaw ang danag nang umangat ito sa lupa at nagpaikot-ikot sa loob ng ipo-ipo na palaki pa rin ng palaki. Lumakas lalo ang hangin at nagsimulang pumatak na parang ulan ang tubig na galing sa ipo-ipo. Natataranta na ang mga residente ng Sitio Nawawala, mga nagsipagluhod na at nagmamakaawa na patawarin ang mga ito ni Lukas.

"Pakakawalan na namin sila, master! Pati lahat ng alipin pauuwiin na namin, pangako. Huwag mo lang wasakin ang bayan namin," pakiusap ni Eugenia.

Mukhang narinig na ito ni Lukas. Kasi sa isang kumpas lang ng kamay nito nawala ang ipo-ipo. Malakas na bumagsak ang katawan ng lalaking danag sa tabi ng arko ng sitio, malayo sa kinatatayuan nito kanina. Wala nang malay. Humina rin hanggang tuluyang mawala ang hangin at ulan. Tumigil na rin ang pag alog ng lupa.

Humarap si Lukas kina Eugenia. "Hindi mo na kailangan idamay pa ang mga dati niyong alipin. Pakawalan mo lang ang kaibigan nila. Ngayon na," malamig at maawtoridad na sabi nito.

Sunod-sunod na tumango ang magandang babae. Nagsipagtayuan ang mga residente at sabay-sabay na umawit. Narealize ni Ruth na isa iyong orasyon. Mayamaya pa umigtad si Danny, nakawala sa mahika ng Sitio Nawawala at kumurap.

"Danny!" naiiyak pero halatang masaya na sigaw ni Selna. Tumakbo ito palapit sa kababata nila. Napangiti na rin si Ruth at tumakbo rin palapit. Ganoon din si Andres. Relieved na niyakap nila ito.

"A-anong nangyari? Bakit ganiyan ang reaksiyon niyo?" nalilitong tanong ni Danny. Nagkatinginan silang tatlo at nagkangitian. Pagkatapos humigpit ang yakap nila rito.

"Tinupad na namin ang gusto mo, master. Patawarin mo kami," sabi ni Eugenia.

Nahinto tuloy silang magkakaibigan sa pagsasaya at napalingon kay Lukas. Nakatayo ito sa gitna, hindi tumitinag pero ramdam na ramdam pa rin nila ang puwersa ng aura nito. Hindi ito sumagot, nakataas lang ang noo habang nakatingin sa mga residente ng Sitio Nawawala. Ang magkaibang kulay nitong mga mata, unti-unti nang nagiging parehong itim hanggang maging katulad na ang mga iyon ng normal na mga mata.

Pero kahit pa naging normal na uli si Lukas, hindi na mawawala pa sa isip ni Ruth ang hitsura nito kanina. Ganoon din ang kapangyarihang pinakita nito sa kanila. Lalo na ang narinig niyang sinabi ng lalaking Danag kanina nang insultuhin nito si Lukas. Kasi ngayon alam na niya kung anong klaseng nilalang ang binatilyo. Tama si Eugenia. Iba nga si Lukas sa kanilang lahat. Kasi obvious na hindi ito tao. Hindi rin Engkanto. Mas lalong hindi ito aswang o kung ano pa mang nilalang. Isa itong…

Próximo capítulo