webnovel

THE EXTENDED MONTHSARY CELEBRATION (1)

"Dixal!" sigaw agad ng bata pagkakita sa kanilang papalapit ng bahay.

Mula sa nakabukas na pinto ay tumakbo agad ito palapit sa kanila at nagpakarga sa ama.

Pinugpog naman ito ng halik ng amang tuwang-tuwa pagkakita sa bata.

"Dixal, can I call you daddy now?" tanong nito.

"Of course. Whatever you call me, kiddo," anang ama at ginulo ang buhok ng bata saka sumunod sa asawang papasok na sa loob ng bahay.

"Ma!" tawag niya sa ina pagkapasok lang sa loob.

Nagmamadali namang lumabas sa kanyang silid ang ina.

"Oh Ma, 'anyare? Saan ka pupunta?" taka niyang tanong nang makita ang inang nakabihis na tila pupuntang kasalan sa suot nitong mini gown na hiniram pa ata kay Hanna o ito ang ginamit ng ina sa pagdalo sa kasal noon.

Hindi naman sa pagmamayabang pero mukha lang talaga ang lusyang sa ina niya ngunit ang katawan nito'y katamtaman lang ang laki at manipis lang ang bilbil dahil nga sanay ito sa trabaho maliban pang may binabantayan itong tindahan, idagdag pang and'yan si Devon mahilig magpakarga.

Natatawang niyakap niya ang ina.

"Hay naku, sisihin mo 'yang anak mo. Akalain mong papaglutuin ako ng maraming putahe at monthsary niyo daw tsaka pupunta raw rito ang daddy niya. Tignan mo ang damit ko, siya ang pumili niyan, ito daw ang isuot ko kasi nga raw monthsary niyo," nakaarko ang kilay na mahaba nitong kwento.

Humagalpak siya ng tawa sa sinabi nito.

"Ma, kahapon pa ang monthsary namin ni Dixal," an'ya sa ina. "Tsaka nagluto rin siya ng ulam para may pasalubong siya kay Devon."

"Kuuuu, ang batang 'yan, ginagawa akong engot sa suot ko," reklamo nito.

"In fairness, Ma. Bagay naman sa'yo."

"Tse! Isa ka pa! Mag-ina nga kayo!" singhal nito sa kanya.

Tamang tama namang kapapasok lang ng mag-ama. Lumapit agad si Dixal sa byenan nito karga ang anak at nagmano sa huli.

"Sensya na po, ngayon lang ako nakipagkita sa inyo. Hinanap ko po kayo pero nitong huli ko lang nakita si Amor---" paliwanag ng lalaki.

"Naku okey lang 'yon. Hindi ko rin alam ang nangyari sa inyo ni Flor eh alam mo namang matagal akong naospital, akala nga ng lahat patay na ako," putol nito sa sasahihin ng manugang.

"Matagal na naospital? Kelan ka naospital, Ma?" takang tanong niya.

Natahimik bigla ang ina ngunit agad ding nakabawi.

"Eh 'di ba nga nadisgrasya kami ng papa mo kaya naospital ako," sagot nito.

"Ah gano'n ba?"

"Devon, andito na 'yong wine na pinabibili mo,"

tawag ni Ricky sa labas ng pinto. Tuloy-tuloy ito sa loob ng bahay bitbit ang isang case ng mamahaling red wine, ngunit napahinto rin agad pagkakita kay Dixal, bahagya pa itong nagulat ngunit pagkuwa'y yumukod sa lalaki bilang pagbibigay galang, yumukod rin ang lalaki bilang ganti.

"Kuya, ano'ng gagawin mo d'yan? Ba't ang dami niyan? Ibebenta ba 'yan?" gulat niyang usisa rito.

Kumamot sa batok ang kanyang kuya sabay baling sa kanya.

"Sabi ni Devon, darating daw ang daddy niya at monthsary niyo daw kaya nagpabili na siya ng isang dosenang red wine," sagot nito.

"Ano?!" bulalas niya. "Aba'y monthsary lang 'yon, hindi kasalan. Ano'ng gagawin natin d'yan sa Red wine?" Kunut-noong napatingin siya kay Dixal na noo'y pigil na pigil ang mapatawa.

"Ate, don't panic. Bibilhin 'yan ni Daddy kasi monthsary niyo naman. Kagabi nga uminom ka ng wine kaya ka hindi nakauwi. Ngayon, iinom uli kayo para si daddy naman ang 'di makauwi," mahinahong sabad ng anak na tila nagpapaliwanag sa inang 'di makaunawa.

Pulang-pula ang pisngi niya't 'di makatingin sa ina sa ibinulgar ng bata habang si Dixal naman ay 'di napigil ang paghulagpos ng isang tawa. Hinampas niya ito sa balikat sa sobrang pagkapahiya sa harap ng ina at ng kanyang kuya Ricky na noo'y naitakip ang palad sa bibig at biglang tumalikod.

Ang ina nama'y gano'n din ang ginawa ngunit napalakas ang tawa nito kesa kay Ricky.

"It's okay, Amor. Mas maganda nga 'yon, magbonding tayong isang pamilya." sabad ng asawa saka bumaling kay Ricky.

"'Di ba kuya?" anito.

"Ah, o--oo. Maganda nga 'yon," pautal na sagot ng tinanong.

"Marami kaming nilutong ulam, dito na rin kayo kumain. At ubusin natin 'yang binili mo." dugtong ni Dixal na sa lalaki nakaharap.

"Oo nga. Tama 'yan Ricky. Dito na kayo kumain ng pamilya mo. Magandang bonding 'to lalo't pinauwi ni Devon nang maaga ang kanyang pappy," sabad ng ina.

Napaawang ang bibig niya't agad na bumaling sa anak na nakatingin sa kanyang ina habang karga ni Dixal.

"Ano naman ang sinabi mo sa pappy mong bata ka?" usisa niya rito.

Isang malapad lang na ngiti ang isinagot nito saka humagikhik at itinago ang mukha sa likod ng ama.

Wala na siyang magawa kundi ang pumalatak na lang sa kadaldalan ng anak.

Pa'no niya kakausapin ang kapatid pag-uwi nito gayong ang alam niya'y galit ito kay Dixal? Baka maghamon pa ito ng suntukan 'pag dumating. Nakakahiya naman sa kanyang asawa.

Napansin ni Dixal ang bigla niyang pagtahimik kaya't hinawakan nito ang kanyang kamay at marahan iyong pinisil.

"O asan na 'yong mga pasalubong niyo? Akala ko ba madami 'yon?" tanong ni Aling Nancy sa kanila.

"Nasa kotse pa po, Ma," sagot ni Dixal.

"Ako na ang kukuha, sir," presenta ni Ricky kaya ibinigay ng lalaki ang susi ng sasakyan nito.

Agad namang tumalima si Ricky para kunin ang mga dala nila.

"O, Dixal upo muna kayo, akina na muna 'yang batang makulit na 'yan nang makapagpahinga kayo ni Flor," anang byenan.

"Okay lang po, Ma. Mas gusto kong karga ang anak ko," sagot ng lalaki at lumapit sa mahabang sofa upang doon umupo habang karga pa rin ang anak na humigpit ang kapit dito.

Si Flora Amor nama'y sumunod sa kanyang kuya Ricky para tulungan itong magbuhat ng mga putaheng dala nila.

"Flor, desidido ka na ba talagang tanggapin uli si Sir Dixal sa buhay mo?" tanong ni Ricky nang nasa tapat na sila ng kotse.

Nalito siya sa tanong na 'yon.

"May alam ka ba sa nangyari samin ni Dixal noon?" takang balik-tanong niya rito.

'"Di ako mangingialam sa inyong dalawa. Pero kung sakaling mapahamak ka na naman dahil sa kanya, hindi ako magsasawalang bahala na lang. Gaganti ako para sa'yo," seryoso nitong sagot.

"Kuya, ano ba 'yang salita mo? Parang nasa war zone tayo. Chilax, okay lang kami ni Dixal. Kung ano man ang nangyari noon, kalimutan na natin 'yon, kuya. May anak na kami, si Devon na priority namin ngayon kuya. Tsaka 'wag kang mag-alala, walang mangyayari sakin sa piling ng asawa ko. Mabait si Dixal. Mahal niya ako," paliwanag niya saka tinapik ang balikat nito.

"Sana nga Flor, walang mangyaring masama sa inyo," makahulugan nitong sambit, pagkuwa'y binuksan na ang pinto ng kotse para kunin sa loob ang mga dala nila.

Pagbalik niya sa loob ng bahay bitbit ang isang malaking tupperware ay napansin niya agad si Hanna na nakatunganga habang nakatingin kay Dixal, hindi niya napansin ang pagdating nito at pagpasok sa loob ng bahay.

"Ate, sino siya? Ba't kamukhang kamukha ni Devon?" usisa nito nang makalapit siya ngunit napanganga rin nang mahulaan kung sino ang nakaupo sa sala.

"Ate, 'yan ba ang papa ni Devon? Ang gwapo naman pala," bulalas nito, napatingin tuloy ang mag-ama sa dalaga.

"Tse! Magbihis ka na ng damit do'n at tulungan mo si mama maghain ng pagkain natin sa mesa," singhal niya sa kapatid.

Pero hindi siya nito pinansin at nangingiting lumapit sa lalaki.

"Hello kuya, kayo ba ang papa ni Devon? Bakit ngayon lang kayo nagpakita?" usisa nito.

Ngiti lang ang isinagot ni Dixal.

"Ate Hanna, siya ang daddy ko. Marami silang handa ngayon kasi monthsary nila ni Ate," mayabang na sagot ni Devon sa dalaga.

Humagikhik agad ang dalaga At nagmamadaling umakyat sa hagdanan para makapagbihis ng damit.

Siya nama'y dumeretso na sa kusina upang ilapag sa mesa ang bitbit na tupperware.

Nakita niya ang inang inilalagay na rin sa lalagyan ang mga nilutong pagkain at merung malaking kaldero pang nakasalang sa kalan.

"Nagsaing na akong maraming kanin anak, baka kulangin tayo sa kanin," wika nang makita siya sa kusina.

"Okay po, Ma."

'Di pa man siya natatapos magsalita ay naririnig na niya si Harold na nagsasalita.

"Asan ang baby ko? Narito na ang pinabibili mong cake at ice cream!"

Mabilis siyang lumabas ng kusina upang salubungin si Harold ngunit nahuli na pala siya, magkaharap na ang dalawang magbayaw habang si Devon ay nakahawak sa kamay ni Harold, ang kapatid naman ay bitbit ang malaking plastik ng pinamili nito.

Agad siyang lumapit sa dalawa.

"Forgive me for everything, Harold. Pero alam ng Diyos hinanap ko ang ate mo. At ngayong nakita ko na siya hindi ko na uli hahayaang magkahiwalay kami. If you're still holding a grudge against me, forgive me," seryosong wika ni Dixal sa dumating.

'"Wag kang mag-alala, ang galit ko sayo'y sakin na lang 'yon. Welcome to our home. Hindi man kasinlaki ng mansyon niyo ang bahay namin pero magiliw kaming tumanggap ng bisita," sagot ng binata sa mahinahong paraan habang sa tabi ay nakaabrasete ang girlfriend nitong tila nahihiya't nakayuko lang.

Tinapik ni Dixal ang balikat ng bayaw.

"Salamat," anito.

Doon na siya sumali at malapad ang ngiting sumalubong sa magjowa.

"Oh Harold, andito ka na pala. Siya ba ang jowa mo? Anong pangalan niya?" sunud-sunod niyang tanong.

"Candy, Ate. Officemate ko siya," pakilala ng kapatid.

Duon lang nag-angat ng mukha ang kasama nito at namumula ang pisnging tipid na ngumiti sa kanya.

"H-hello po, Ate."

"Hi, Flor ang pangalan ko. Buti dinala ka ni Harold dito. Asawa ko pala, si Dixal," pakilala niya sa asawa.

"Hello po, kuya," baling nito sa lalaki.

Tumango lang ang huli bilang sagot at lumapit sa kanya, hinawakan ang kanyang kamay at hinila siya papasok sa kusina.

"Pappy, okay lang po bang sumama ako kina Ate at daddy sa kusina?" paalam ng bata.

Mahinang tumawa ang binata at ginulo ang buhok nito.

"Of course, baby," sagot nito.

Kumaripas ng takbo ang bata para sumunod sa mga magulang.

"Love, 'di ba sabi mo, anak siya ng ate mo? Bakit ate lang ang tawag niya sa mommy niya?" nalilitong usisa ng girlfriend nito.

Mahina na uli itong tumawa.

"You won't understand that kid's logic, love. 'Di niya tinatawag na mommy si ate. Love ang tawag niya sa mommy niya," paliwanag ng binata.

Próximo capítulo