webnovel

WHO IS THE PHONE'S OWNER?

Unang araw pa lang ni Flora Amor sa trabaho pero stress na siya. Maliban kasi sa panay utos ang amo niya'y wala ring tigil sa kahihingi ng pabor ang mga kasama niya.

"Flor, paki-encode naman nitong forms." lumapit ang katrabaho niyang si Katelyn at iniabot ang isang folder.

Bumuka ang bibig niya para tumanggi pero naisip niyang 'pag gano'n ang kanyang ginawa, baka lalo siyang pahirapan ng mga ito kaya napilitan siyang tumango at kinuha ang nasa kamay nito.

Napapabuntung-hiningang binuklat niya ang folder at binilang ang lamang forms sa loob, sampu lahat. Isang oras niya ring tatapusin 'yon.

Inisa isa niyang pinagmasdan ang mga kasama. Si Xyrel, habang nakatitig sa computer nito'y panay subo ng Cal Cheese na wafer. 'Yung pinalitan naman niyang si Shanny ay busy sa kakadutdot ng phone nito.

Gano'n din ang ginagawa ng iba pa.

Nahimas niya ang tiyan, kumakalam na 'yon. Hanggang ngayon 'di pa rin siya kumakain. 'Di siya sanay nang nalilipasan ng gutom.

Biglang bumukas ang pinto ng opisina ng kanilang amo.

"Lunch break na girls!"

Nakahinga siya nang maluwang. Sa wakas, makakakain na siya.

Nagtayuan ang mga kasamahan niya sa trabaho habang siya'y kinuha ang backpack sa ilalim ng lamesa at inilabas ang baon niyang pagkain.

"Hotdog at tocino? Sarap niyan ah," ani Xyrel nang makita ang ulam niya.

Ngumiti lang siya saka hinawakan ang dalang kutsara't tinidor.

Ang iba nama'y nag-unahan nang lumabas ng opisina.

Tiningnan lang siya ng kanyang amo saka lumabas na rin.

"Ayaw mong kumain sa labas?" tanong ni Xyrel.

Umiling siya.

"Sanay po akong may baong pagkain." Sinabayan niya ng ngiti ang sinabi.

Huling lumabas ang babae, naiwan siyang ninanamnam ang sarap ng ulam niyang dala. Para sa kanya, lahat ng ulam masasarap kahit ano pang klase 'yon basta hindi lang sira. Wala siyang panahong umarte pagdating sa pagkain. Gano'n lang talaga siya, kuntento na kung anong merun sa kanila, basta kumpleto lang ang kanyang pamilya at masaya sila.

Natagilan siya nang sumagi sa isip ang mga magulang.

Agad nangilid ang kanyang mga luha.

Hindi siya papayag na masira ang kanilang pamilya. Lahat ng paraan gagawin niya bumalik lang ang kanyang ama sa piling nila. Hindi niya hahayaang araw-araw na umiyak ang kanyang ina.

Kung andito lang sana si Dixal, magpapasama siya ditong hanapin ang ama niya.

Si Dixal, wala itong pakialam sa family background niya. Ang mahalaga dito ay siya at ang kanyang pagmamahal. Sa edad niyang 'yon, noon lang siya nakaramdam ng pagmamahal sa opposite sex. Si Dixal ang kanyang first love. Hindi niya hahayaang mawala ang nobyo sa kanya. Ipaglalaban niya ang pagmamahal para dito. Ipinapangako niyang 'di siya matutulad sa ina, na 'di sila matutulad sa mga magulang niya. Magsasama sila habambuhay.

"Dixal, asan ka na?"

Ang kanina'y pigil na luha'y bigla na lang pumatak.

Ngayon pa lang namimiss na niya ang binata.

Alas tres pasado na siya nakalabas mula sa pinapasukang agency. Para na siyang lantang gulay habang nakatayo sa gilid ng kalsada at pinagmamasdan ang nagdaraang mga sasakyan.

Hindi niya alam kung nasaan siya. Ang alam niya'y malapit lang siya sa bayan. Tumingin siya sa paligid. Nagsiuwian na ang kanyang mga kasamahan sa trabaho. Pa'no siya makakauwi ng bahay nito? Wala ang asawa ng kanyang amo. Nahihiya naman din siyang pumasok uli sa opisina at makiusap sa manager na ihatid siya.

Sumakay kaya siyang jeep? Pero wala siyang nakikitang nagdaraang jeep sa lugar na 'yon, tricycle lang at mga pribadong sasakyan.

Dinukot niya ang pera sa bulsa. May 50 pesos pa siya.

Bahala na, lalakarin niya hanggang sa malapit na kanto at do'n siya sasakay. Hindi pwedeng manatili siyang tanga at walang alam sa malawak na lugar na 'yon. Kailangan niyang pag-aralang magbiyahe nang mag-isa kung gusto niyang mag-survive at maging independent.

Panganay siyang anak. Kailangan niyang maging matapang at madami ang alam sa mundong kanyang ginagalawan. 'Di siya papayag na tatawagin na lang laging tanga at inosente.

Nagkalad siya hanggang sa malapit na kanto nang biglang may humintong motorsiklo sa kanyang harapan.

"Beshie?!"bulalas niya.

Kunut-noong tumitig siya sa kaibigang katatanggal lang ng helmet at matamis ang ngiting pinakawalan na para bang limot na lahat ng naging kasalanan nito noong nagdaang mga araw at sa ginawa nitong paglilihim sa nangyayari sa pamilya niya.

Pa'no nito nalamang andun siya sa lugar na 'yon?

Ayaw niyang maniwalang coincidence lang ang pagkikita nila. Hanggang ngayon pa rin ba'y sinusundan pa rin siya nito kahit saan siya magpunta? 'Wag sabihing mula kaninang umaga pa ito nando'n at hinihintay lang siyang lumabas sa trabaho?

Kinabahan siya sa naisip at nakaramdam ng takot. Ga'no na nito siya katagal na sinusubaybayan? Isang taon, dalawang taon? O mula pa no'ng maging magkaibigan sila?

"Beshie? Dito ka pa rin pala? Nagulat ako nang makita kitang naglalakad," saad nito habang nakatitig sa mukha niya.

"'Di mo ako sinusundan?" salubong ang kilay na tanong niya.

kumunot ang noo nito.

"Kailangan ba kitang sundan?"

Natahimik siya at sinuring mabuti ang mukha nito. Sa nakikita niya'y tila 'di naman ito nagsisinungaling. O magaling lang itong magkunwari?

Bakit ba parang wala na siyang tiwala sa lalaki mula nang malaman niyang matagal na pala itong may alam sa nangyayari sa kanyang mga magulang, pero sa halip na ipagtapat ay itinago pa nito ang katotohanang 'yon mula sa kanya?

"Nagpunta lang ako sa kaibigan ko. Ikaw, sa'n punta mo?" usisa nito.

"Lika isabay na kita."

"Ayuko!" tanggi niya agad.

Nawala ang ngiti nito sa mga labi.

"You mean magko-commute ka? Sa kabilang kanto pa ang sakayan ng jeep pabayan. Ang init, 'di ba napapaso ang balat mo sa init ng araw?"

Hindi niya pinansin ang sinabi nito.

Naglakad siya papunta sa sinasabi nitong kabilang kanto.

Sumunod itong mabagal lang magpatakbo ng motor.

"Flor, sorry na. Flor!" hiyaw nito sa kanyang likuran.

Hindi siya sumagot at nagpatuloy lang sa paglalakad.

Hindi siya marunong magtanim ng galit sa kanyang kapwa. Pero ito ang matalik niyang kaibigan at ang bagay na inilihim nito sa kanya'y ang issue ng kanyang mga magulang. Kung noon pa sana niya alam ang nangyayari sa mga ito'y noon pa niya sana nagawan ng paraan ang lahat. Hindi sana sila iniwan ng kanyang ama.

"Flor. Please, talk to me. Sorry na."

Iniwan nito ang gamit na motorsiklo at hinabol siya saka hinakawan ang kanyang kamay.

Mabilis niyang hinablot ang kamay..

"Bitiwan mo nga ako!"

"Flor, sorry na please. I just can't afford to lose you. You're my only bestfriend. Ayukong mawala ka sakin nang gano'n lang," pakiusap nito, naruon sa boses ang paghihirap ng kalooban.

Humalukipkip siya't iniiwas ang tingin.

"Flor, I promise. I'll never do that again. I'll be honest with you from now on. I--- I just want to be with you always, be by your side just like before. I'm already used to it. Isipin pa lang na galit ka sakin, I already wanted to kill myself."

Garalgal na ang boses nito.

Napatingin siya sa binata. Agad itong nagbaba ng tingin pero nakita niyang pumatak ang mga luha nito.

Umiiyak si Anton dahil lang sa alam nitong galit siya? 'Di siya makapaniwalang umiiyak din pala ang mga lalaki.

Naalala tuloy niya si Dixal habang umiiyak noon sa kanyang dibdib.

Nag-angat ito ng mukha at hinawakan siya sa braso.

"Flor, forgive me please." Nagmamakaawa na ang boses nito.

"I promise you, I'll be honest with you from now. Kahit anong hilingin mo, gagawin ko agad. Ibibigay ko sayo."

"Tutulungan mo akong hanapin si Papa bukas?" sa wakas ay sumagot siya nang patanong.

Natahimik ito't pinagmasdan siyang mabuti.

"Patatawarin kita kung mangangako kang tutulungan mo akong hanapin si Papa bukas," mariin niyang sambit.

Matagal bago ito tumango saka siya binitawan.

"Sunduin mo ako bukas nang umaga. Ihatid mo ako sa trabaho," anya.

'Yong makita niyang biglang nagliwanag ang mukha nito sa tuwa, hindi niya kayang ipaliwanag iyon. Gano'n ba siya kahalaga para sa kaibigan?

Agad itong tumango, kulang na lang ay buhatin siya sa sobrang tuwa.

Hindi siya binuhat pero bigla siya nitong niyakap nang mahigpit.

"This is my happiest moment, Flor."

Di niya maiwasang mapangiti sa reaksyon nito.

"Ang higpit Beshie. 'Di ako makahinga." reklamo niya.

Malakas itong tumawa saka siya pinakawalan.

"So, ihahatid na kita sa inyo?"

Umiling siya.

"Kailangan kong matutong mag-commute para kahit ako lang mag isa ang lumakad, 'di ako maliligaw."

Natahimik ito.

"Dalaga na ako Beshie. Ayukong matawag na lang laging tanga at walang alam. Kailangan kong matuto sa mga simpleng bagay."

"Who called you like that?" tumigas ang boses nito.

"Ha? Ah wala 'yon, Beshie. Nasabi ko lang 'yon. Sige na nga, ihatid mo na ako pauwi." sambit niya agad.

Pa'no niya masasabi sa kaibigang ang amo ni Dixal ang nanggigiit na tanga siya?

Bago pa ito makasagot ay pumulupot na siya sa braso nito at binalikan nila ang iniwan nitong motorsiklo.

Sa labas lang siya ng kanto nagpahatid. Hindi na niya pinapasok ang kaibigan sa looban at pinauwi na niya ito agad.

Duon niya lang uli naramdam ang sobrang pagod sa trabaho.

Pagod na pagod siyang naglakad pauwi sa kanila.

Wala pa ang ina at mga kapatid nang umuwi siya ng bahay.

Ibinagsak niya agad ang katawan sa ibabaw ng lumang sofa at duon tumihaya. Grabe ang araw na ito para sa kanya. Ipinikit niya ang mga mata. Ang sarap matulog.

Nakakaidlip na siya nang biglang may tumunog.

"Ano ba 'yan?" atungal niya.

Matagal bago niya pinansin ang tumutunog na 'yon.

Nang tila matauhan ay bigla siyang napabalikwas ng bangon.

Tunog 'yon ng cellphone ah! Gano'n ang tunog na naririnig niya sa kanyang mga kaklase.

Pinakinggan niyang mabuti kung saan nanggagaling 'yon.

'Sa kwarto nina Mama?'

Agad siyang tumayo at pumasok sa loob ng kwarto ng mga magulang at hinanap ang tumutunog na cellphone.

Wala sa ibabaw kundi sa ilalim ng kama nanggagaling ang tunog.

Dumapa siya at kinapa ang ilalim ng kama. Merun palang sekretong lagayan ng mga gamit duon sa ilalim. Tinanggal niya 'yon.

Nagulat siya nang makita ang pangalan ng tumatawag.

"Sir Diaz?"

Ang kilala lang nilang Diaz ay ang papa ni Anton. Bakit ito tumatawag sa mga magulang niya? At sinong may-ari ng cellphone na 'yon? Ang alam niya, wala kahit isa sa kanila ang may cellphone. Siya nga, 'di mabilhan ng phone, mga magulang pa kaya?

Kanino ang cellphone na 'to? At bakit tumatawag ang ama ni Anton sa may-ari ng cellphone?

Hinalungkat niya ang laman ng maliit na kahon at hinayaang tumunog ang cellphone sa sahig.

Naruon ang mga mahahalagang dukomento ng mga magulang niya, pati ang original copy ng marriage contract ng mga to.

May isang maliit na notebook ang naruon. Nang buklatin niya'y mga estrangherong mga pangalan ang nakasulat do'n, puro mga pangalan. Pero nando'n ang pangalan ng papa niya sa front page. Pag-aari seguro 'yon ng ama.

Dali-dali niyang ibinalik ang mga nakalagay sa kahon at ibinalik sa pagkakalagay ang cellphone nang 'di mahalatang may nangialam do'n.

Isinara agad niya ang pinto ng kwarto at dumeretso sa loob ng kwarto nilang magkakapatid at naglatag duon ng kutson saka nahiga habang nangangatog ang mga tuhod.

Nakaramdam siya ng takot. Ano pang mga bagay ang sinsekreto ng mga magulang sa kanya?

Bakit nanatili siyang walang kaalam-alam sa mahabang panahon?

Malaking palaisipan sa kanya kung bakit tumatawag sa kanila ang ama ni Anton. Sino sa mga magulang niya ang gusto nitong kausapin, ang mama o ang papa niya? Pero laging wala sa bahay ang papa niya.

'Si Mama?'

Ang mama niya ang may-ari ng phone? May kumunikasyon ang mga magulang nila ni Anton?

Tila binagsakan siya ng langit at lupa sa naisip. May relasyon ba ang mama niya at ang ama ni Anton? Kung wala, bakit nagtatawagan ang dalawa at bakit inilihim ng ina sa kanyang may phone pala ito?

Nakaramdam siya ng panginginig ng kalamnan kaya kinuha niya ang kumot sa lagayan at ibinalot sa katawan.

Naguguluhan na siya. Kaya ba naghiwalay ang mga magulang niya ay dahil may relasyon ang mama niya at ang papa ni Anton?

Pero bakit kay Mamay Elsa niya mismo narinig na nasa ibang kandungan ang kanyang ama?

Litong-lito siya. Ano ba'ng nangyayari sa kanyang pamilya? Bakit wala man lang siyang alam sa lahat ng 'yon?

Pero sobrang pagod ang kanyang katawan ngayon. Ayaw na niyang mag-isip nang kung ano pa. Baka nagkakamali lang siya ng hinala.

Bukas hahanapin niya ang ama. Kung sa ina man ang cellphone na 'yon, ibig sabihin nakokontak din nito ang kanyang papa. Kukulitin niya ito hanggang pauwiin nito ang ama sa bahay nila.

Napapikit siya. Ang bigat na ng kanyang mga talukap. Hindi na niya kayang labanan ang antok. Kalilimutan muna niya ang lahat. Ire-relax niya ang katawan. Matutulog muna siya.

Dala marahil nang sobrang pagod sa trabaho at sa dami ng iniisip ay nakatulog siya nang mahimbing.

Próximo capítulo