webnovel

Kabanata Dise Nuebe - Ang Sumpa

PRENTENG naka-upo ng naka-dekwatro sa may bintana na gawa sa salamin ang emperador ng Titania.  Malalim ang kaniyang isip at nakatulala sa kawalan.  Hindi niya pa nahuhubad ang suot niyang itim na kapa at sedang amerikana mula sa pagpupulong kanina.  Napabuntong-hininga na lamang siya at nilaro-laro ang itim na apoy na inilabas niya mula sa kaniyang mga kamay.  Sinimulan niyang ihipan ang apoy at gumawa muli ng panibago at hindi niya napigilang mapatawa sa kaniyang ginagawa.

Marahil nga ay kailangan niyang pakalmahin ang sarili dahil hindi siya pupuwedeng magalit kung'di ay sasabog ang kaniyang kakayahan sa buong kaharian.

Pumayag na ang ibang mga emperador sa kaniyang mungkahi ngunit kailangan daw muna na ipadala ito sa konseho ng mga alkemista,  bakit pa sila magsasayang ng panahon kung napakarami na ang namamatay? Wala namang alam sa mahika ang nasa konseho,  ang karamihan ay wala talagang kakayahan at nakapasok lamang doon dahil sa kapit sa kayamanan at kapangyarihan. 

At ang karamihan ay ni walang pakialam sa malaking sigalot na nagaganap.  At alam niyang papanig ang mga ito sa sinong malakas upang mapanatili ang kapit sa kani-kanilang puwesto.  Wala itong malasakit sa bayan o sa mamamayan,  ang tanging pinagmamalasiktan lamang ng mga ito ay ang kanilang sarili. At sa dahilan na ito ay nararapat na una ang mga ito na mamatay!

Ngayon ay naiintindihan na niya ang kaniyang kuya kung bakit ganoon na lamang ang nais nitong pabagsakin ang ama.

Ang ama niyang kagaya ng lahat ng mga nilalang na ganid sa kapangyarihan.

Kinuyom niya ang kaniyang kamao at dahil dito ay mas umalab at umitim ang apoy na lumalabas mula rito.  Ramdam niya ang paglabas ng kaniyang mga pangil at kuko at ang paghapdi ng kaniyang mga mata,  mabilis niyang inilapat ang kaniyang mga kamay sa kaniyang mga mata at dali-daling tumayo at pumunta sa isang malaking salamin,  humingal siya at sinapo ang kaniyang dibdib at tinitigan ang sarili sa salamin. 

Bumungad sa kaniyang harapan ang sariling hindi na niya makilala.  Sobrang puti ng kaniyang kompleksyon na tila nauubusan na siya ng dugo,  ang kaniyang leeg ay pinalilibutan ng lilang mga ugat at itim na iskripto,  tinanggal niya ang suot na kapa at amerikana at bumungad sa kaniya ang kontinwasyon ng itim na iskripto.  Hinaplos niya ang kaniyang leeg patungo sa kaniyang dibdib pababa sa kaniyang pusod. Noong tiningnan niya ang kaniyang mukha ay nadatnan niya ang kaniyang mukha na tila naging mas naging meredeu at parang mas naging kamukha niya ang kaniyang kuya. Napaka-pula rin ng kaniyang mata at ang kaniyang talukap ng mata ay nagkulay abo na para bang may gamit siyang pampakulay.  Hinaplos niya ang kaniyang mukha pababa sa kaniyang maputlang labi at matatalim na pangil.

Hindi pa rin siya makapaniwala sa nakita.  Hindi niya matanggap na ito na ngayon ang kaniyang itsura kapalit ng kapangyarihan.  Sinabunutan niya ang kaniyang buhok at malakas na sinipa ang salamin dahilan upang mabasag ito. "Kung hindi dahil sa sumpa na ipinataw sa iyo ama,  hindi sana kami magiging ganito.  Alam ko na kung bakit sinumpa ang itinawag kay kuya at bakit kinamumuhian ang buong dugong maharlika ng Titania hanggang sa inubos at pinatay ng iba, at ikaw na lamang ang natira.  Patay na si kuya at ako na lamang ang natitirang mahihirapan sa sumpa, " bulong niya sa kawalan at pinagsisipa ang binasag na salamin,  kinagat niya ang ibaba niyang labi hanggang sa malasahan niya ang kalawang na lasa sa kaniyang bibig at napasalampak sa sahig kahit na ito'y puno ng bubog.

Sa pagbubukas ng kapangyarihan ng isang maharlika ng Titania...  Nagiging halimaw sila.  Iyon ang sumpa.

Kung sana ay matagal na siyang naniwala sa kaniyang kuya noong sinabi nito ang tungkol dito.  Ngunit noong napalaban sila ni Vien laban sa mga dheyati.  Hindi lamang ang kaniyang kakayahan ang kaniyang natuklasan pati na rin ang katotohanan  galing sa mga dheyati mismo tungkol sa kaniyang ama at sa pagkakasundo nito sa kadiliman upang mabigyan ng kapangyarihan at walang hanggan na kabataan.

"Vien! " sumigaw si Ringo nang makita na lumipad sa malayo si Vien noong sinipa ito ng dheyati. 

Nandilim ang kaniyang paningin at mabilis pa gaya ng kidlat ay nasa harapan na siya ng kalaban at mahigpit niya itong sinakal.  Tumawa ang dheyati at dinuro-duro siya.  "Isang kadugo namin! Ikaw pala ay isang quezeon at isa ring alkemista! Tunay na kagalak-galak!"

Hindi niya makontrolado ang kaniyang lakas habang malakas na sinasakal ang heneral ng mga dheyati.  Nakadagan siya rito at nag-uumapaw ang maitim niyang derzha sa kaniyang buong katawan.  "Bawiin mo ang iyong sinabi!  Hindi ako katulad niyo! " sigaw niya sa mukha nito at nalalasahan na niya ang dugo mula sa kaniyang dila dahil sa kaniyang mahabang pangil.

Tumawa ang dheyati nang malakas habang pilit na tinatanggal ang pagkakasakal niya rito.  "H-Hangal! Sa klase pa lang ng kapangyarihan mong may nakaukit na sumpa,  alam ko!  Ikaw ay anak ng emperador ng Titania hindi ba?" Pilit na tumawa ang nilalang at lumaki ang mata ni Ringo sa narinig.

Mas lalo niyang hinigpitan ang pagkakasakal niya rito.  "Bakit mo kilala ang aking ama?  Hah?!" Sumuka ng itim na dugo ang dheyati sa mukha ni Ringo at nagsimulang tumawa muli.

Gumalaw-galaw at pumitik-pitik ang mga mata nito at nagsimulang dumugo.  "Hindi ka ba nagtataka kung bakit sa edad na limang daang taon ay buhay pa rin ang iyong ama at bata pa rin ang itsura?  Hindi ka ba nagtataka kung bakit pinaslang ang buo niyong angkan pati ang iyong ina? At hinahabol dati ang iyong kapatid dahil sa kaniyang dugo? "

Nangisay ang katawan nito at tiningnan sa mata si Ringo.  "Dahil nakipagkasundo siya sa aming pinuno!  Inalay niya ang kaniyang kaluluwa! Siya ang dahilan kung bakit nagkaroon ng pag-asa ang aming pinunong makawala!  Dahil doon,  naging isa siya sa amin at ang dugong nanalaytay sa inyo ay tulad namin!  Ang ina niyo ay kalahating diyosa at kayo ay may dugong sumpa! Kaya kayo ay isang halimaw!  Isang sumpa! At kapag mabubukas ang inyong kakayahan ay makikita niyo ang itsura niyong sumpa! Isa kayo sa amin! —" hindi na ipinatuloy ni Ringo ang sasabihin nito nang tuluyan niyang binali ang leeg nito sa galit,  hindi mapigil ang init ng itim niyang apoy habang sinusunog nito ang katawan ng kalaban;  mga mata'y may galak sa pagpanaw habang madiing tinitingnan si Ringo. 

Humingal siya at napaluhod habang tinitingnan ang kaniyang kamay na binabalutan ng itim na dugo at ang kaniyang matalim na kuko na kakulay na rin nito. 

At ang itim na krus na simbolo na nagliliwanag sa kaniyang pulso.

"Kamahalan? Nariyan ba kayo?  Nahanap ko na ang inyong pinapahanap. " Nakarinig siya ng sunod-sunod na katok mula sa pinto kaya't bumalik ang kaniyang wisyo at tumayo mula sa kaniyang pagkaka-upo sa sahig.   Hinimas niya ang kaniyang sentido at malalim na bumuntong hininga.

Inayos niya ang kaniyang sarili at tumikhim.  "Pasok. " Bumukas ang pinto at bumungad ang kaniyang heneral na si Vien.  May ngisi na nakapaskil sa mga labi nito habang iwinawagayway ang isang lumang libro,  ngunit agad namang naalis ang ngisi nito nang tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa at idinapo ang tingin sa basag na salamin sa tabi.

Agad na nataranta ito at pumunta sa kaniyang tabi,  ibinaba nito ang libro sa mesa at dali-daling kinuha ang kopita at ang ibunuhos ang kulay pulang likido na laman ng isang bote at agad itong inalok sa kaniya.  "Inumin mo ito,  kamahalan, " bakas ang pag-aalala sa tono ng boses nito.

Ngunit habang pinagmamasdan ni Ringo ang kulay ng likido ay nararamdaman niya ang pagnginig ng kaniyang laman ngunit kung ito ay kaniyang naamoy ay tila nauuhaw ang kaniyang lalamunan.  Inilayo niya ang kaniyang tingin sa kopita at napalunok.  "H-Hindi ko inuumin iyan!  Sabihin mo ang natuklasan mo ngayon din! " Nakita niyang tumalim ang tsokolateng mga mata ni Vien sa narinig at muling inalok ang kopita sa kaniyang harapan.

"Ikaw na rin ang nagsabi,  Ringo.  Kakailangan ka ng buong kontinente bilang isa sa mga tinakdang alkemista,  sa tingin mo matutulungan mo sila sa kaawa-awa mong lagay?  Sa tingin mo ay babalik sa iyong bisig ang babaeng pinakamamahal mo sa mahina mong lagay? " Tumalim ang kaniyang tingin kay Vien at mahigpit niyang hinawakan ang kwelyo nito.

Bakas ang pagkabagot sa tsokalateng mata ni Vien at mahigpit na hinawakan ang kamay niyang nakahawak sa kwelyo nito. Bawat segundo ng paghawak nito ay mas humihigpit at nakakaramdam na siya ng sakit.  Tiningnan siya nito sa mata.  "Sa tingin mo may magagawa ka pa para maalis ang sumpa? Bakit hindi ka gumaya sa kuya mo na sa halip na gawing kahinaan ang sumpa ay ginawa niyang kalakasan? Ang tapang mo sa pagpupulong kanina ngunit bahag pa rin ang iyong buntot.  Habang buhay ka bang magiging ganiyan hanggang sa ilibing ka na sa ilalim ng hukay? " Tila hindi na si Vien ang naririnig niya,  para bang ibang tao na ito.

"Bahag din ang iyong buntot,  parehas lang tayo. "

Lumuwang ang pagkakahawak ni Vien sa kaniyang kamay at binitawan niya ang pagkakahawak niya sa kwelyo nito.  "Magkaiba tayo,  Ringo.  Ako,  sinusubukan ko kahit alam kong hindi ko kaya.  Ikaw,  kaya mo pero hindi mo sinusubukan.  Kung ako'y isang mahinang nilalang,  ano naman ang matatawag ko sa iyo? Isang hampaslupa? " Dumagundong ang tawa ni Vien sa silid habang pinagmamasdan ang kaniyang reaksyon.

Hindi niya maibukas ang kaniyang bibig dahil tama naman ang sinabi nito.  Minsan iniisip niya,  Sino ba talaga si Vien?  O sino ba talaga ang totoong Vien?  Ang mahina at iyakin? O ang nilalang na may matatalim na mata at isip na matulis na tabas ng dila?

Manginignginig niyang kinuha ang hawak nitong kopita at nilagok sa isang inom ang laman nito.  Pinunas niya ang kaniyang bibig at ibinaba ang baso sa mesa.  Kasabay nito ang pagkabalik ng normal na ekspresyon ni Vien;  nakangisi.  "Handa ka na bang marinig ang natuklasan ko?  Ito ang libro ng hisore na si Salvadore,  isa sa mga saksi sa naganap na malaking digmaan ng mga alkemista at mga dheyati at... Kaisa-isang saksi sa lahat ng paglalakbay ng mga dating alkemista." Iwinagayway nitong muli ang lumang libro at agad na ikinuha ito ni Ringo.

Buong mangha na pinagmasdan ni Ringo ang libro at tiningnan si Vien.  "Saan mo ito nakuha?  Ang alam ko lahat ng kasaysayan ukol sa nakaraan ay nabura na? At kahit ang mga nasa konseho ay walang alam,  niloloko mo ba ako,  Vien?" Lumukot ang mukha ni Vien at napangisi,  kinuha nitong muli ang libro sa hawak ni Ringo.

"Hindi na importante kung asan ko na nakuha,  ang importante ay hawak natin ito at malalaman natin ang dapat malaman. " Hindi na hinintay ni Vien na makasagot pa si Ringo,  ibinuklat na niya agad ang pahina at nagsimulang magbasa. 

"SYXZE IKAAPAT,  XVII, 

PANAHON NG REXĀ

      Tunay ngang nakakapagod lumaban sa isang labang hindi tiyak,  isang laban na dinidikta ng sinuman ang magaganap na kapalaran.  Ang kapalarang iniba ng kapangyarihan para sa ikakagalak ng karamihang nanonood mula sa malayo.

    Kahapon,  nakita ko ang galak sa mga mukha nila ng matalo nila ang kalaban.  Wika nila sa kanilang sarili ay "sa wakas! Kami'y malaya na! " nais kong sumigaw din sa galak dahil masaya ako para sa kanila.  Ngunit hindi pala tatagal ang kasiyahan dahil hindi pa tapos ang laban.

Ang nararapat na patay na ay nabuhay sa ngalan ng pagbibigay aliw sa 'kanila'.

Huwag magpapalinlang.  Basahing maigi ang Executio.  Mabuti ang hangarin nito ngunit nagagamit 'nila' para sa tuwa. "

Nagkatinginan sila ni Vien.  "Ang libro ng Executio ay nakay Kira,  tama ba ako,  kamahalan? " wika ni Vien sa kaniya at agad siyang tumango.

Ang tanging alam lang nila ay iniligtas ng mga alkemista ang kontinente laban sa mga dheyati ngunit hindi nabangit o hindi nila alam kung saan galing ang pwersa ng kasamaan at kung bakit ayon na nga sa kanilang nabasa ngayon na nabuhay pang muli ang kalaban kung ito mismo ay napatay na?

Sino ang tumutulong sa mga dheyati noon?

Ito ba ang kaniyang ama o mayroon bang iba?

"Mas marami pa palang misteryoso ang nakabalot sa kasaysayan.  At kung hindi mo ito pag-aaralang mabuti,  kamahalan.  Baka maulit ang nangyari noon,  mamatay ang mga alkemista at hindi tuluyang mapapatay ang kasamaan. " Binuklat-buklat ni Vien ang hawak na libro at napatingin sa kawalan.

"Isa lang ang tiyak,  kung si Kira ang may hawak sa isa pang aklat,  nararapat na mahanap na siya sa madaling panahon bago matapos ang magaganap na ebalwasyon para sa paghahanap ng iba pang alkemista. "

"Mahal,  andito ka pala.  Noong nakaraang-araw pa kita hinahanap at hindi na ako natutuwa sa iyong ginagawa.  Nararapat ka nang manahimik muna kasama ang iyong mahinang heneral. " Narinig nila ang boses ni Tsukino sa likuran ng pinto,  kasabay nang mga sigaw at panaghoy ng mga nilalang sa labas. 

Napatingin sila ni Vien sa pinto at parehong tumalim ang kanilang mata.  Bago pa sila makagalaw ay nasira na ang pinto at bumungad si Tsukino na naka-suot ng itim na bestida,  tila palamuti sa suot nitong bestida ang mantsa ng dugo.  Nakangiti ito habang hawak-hawak ang isang isang espada na pinalilibutan ng dugo ang talim. Sa tabi nito ay mga dheyati na tila naglalaway na nang malagkit habang sila ay tinititigan. 

"Bakit parang gulat na gulat ka,  mahal? Ayaw ko sana itong gawin pero sinisira mo ang plano,  hindi naman kita papatayin,  ayokong mawalan ng ama ang anak natin, " masaya nitong wika at hinaplos-haplos ang patag pa nitong tiyan.

Hindi makapaniwala ang mukha ni Ringo habang tinitingnan si Tsukino.  "May nilagay ako sa iyong inumin isang gabi bago nangyari ang pagpatay sa iyong ama,  hindi mo na maalala?  May naganap sa pagitan sa atin.  At ang droga rin na iyon ay umepekto sa isipan at sa desisyon mo noong inaresto si Kira... Kapalit ng aking ispirito ay nakipagkasundo ako sa kaniya,  'di ba nga't nagawa na nito ng iyong ama?  At ang araw na ito ay ang araw na pinatay ang iyong angkan dahil sa nagawang pagkakasala ng iyong ama! " nagawa pang bumungisngis ni Tsukino habang haplos pa rin ang tiyan.

Hindi mapigilan ni Ringo ang mapakuyom ng kamao habang inaalala ang lahat.  Ramdam niya nanaman ang pag-agos ng itim na apoy sa kaniyang katawan.  Hinawakan siya sa braso ni Vien ngunit natagpuan niya ang kaniyang sarili na unti-unting lumalapit sa kinaroroonan ni Tsukino. Pigil-pigil ang galit ay tiningnan niya sa mata ang babae noong nasa harapan na siya nito.

"Sumusuko ka na ba?  Para mapadali ang laha—"

Isang malakas na sampal ang narinig sa buong palasyo pati na rin ang isang malakas na sigaw nang galit mula sa isang nilalang na nagpadahundong sa kalangitan at nagpapaalala sa lahat na ang galit ng mga sinumpa ay may dalang—kapahamakan. 

-

Vocabulary:

Meredeu- Sharp facial features

Dheyati- nilalang ng dilim

Quezeon- hybrid

Derza- aura

Hisore- historian

Próximo capítulo