webnovel

Kabanata Singko: Ang misteryosong lalaki at ang gunita ng paghihiganti

TUMAMA ang sikat ng araw sa nakahimbing na si Kira. Nakaramdam siya ng init na humahaplos sa kaniyang mukha kaya awtomatiko siyang dumilat at kinusot-kusot ang mga mata. Sa kaniyang paggising ay nagising din ang matalim na sakit mula sa kaniyang ulo. Napatingin siya sa paligid at napagtantong wala na siya sa gubat, kundi ay nasa isang kwarto. Maganda ang kwartong iyon; naka-ternong puti ang mga kurtina at kulay ng disenyo nito. Amoy lalaki ang paligid at napansin niyang tanging kumot na lamang ang kaniyang saplot, 'pag wala ang kumot ay hubo't-hubad na siya.

Doon napagtanto ni Kira ang nangyari bago siya napunta rito... Malapit na siyang mamatay dahil kay Tsukino, malapit na siyang magahasa at-nabiyak ang kaniyang puso. At malapit ulit mamatay dahil sa Krus ng Kapusukan na kagagawan ni Tsukino.

Tumulo ang kaniyang luha at napakuyom ng kamao nang maalala ang kanyang mga sinapit. "Sino kaya ang tumulong sa akin? Tunay bang nawala na talaga ang pagka-birhen ko?" mahinang bulong ni Kira sa sarili at napahawak sa ulo. Hindi namalayan ni Kira na mas lalong sumagana ang pagtulo ng kaniyang mga luha. Ang daming nangyari sa kaniya ngayon at labis siyang pinahirapan na kulang na lang ay siya'y kunin na ng kamatayan.

"Bakit ba nangyayari sa akin ito?" patuloy na hikbi ni Kira habang hawak-hawak ang kumot na konti na lang ay mapupunit na sa higpit ng pagkakapit niya. "Dahil mahina ka, masyado kang mabait," sagot sa kaniya ng isang mamaos-maos na boses-lalaking nilalang na nagpataas sa kaniyang balahibo.

'Di niya namalayan ang pagbukas ng pinto at ang pagpasok ng isang matangkad na lalaki na may abot-balikat na pulang buhok.

Nakamaskara ito ngunit kitang-kita pa rin ang matalim nitong mga mata na kakulay ng mga halaman. Kita rin ang labi nitong masasabi mong perpekto ang hugis at kulay. Wala itong suot pang-itaas at kitang-kita ang makasalanan nitong katawan na iginawad ng nakatataas. Para bang hindi nagkamali ang panginoon sa pag-iskulpto at paghubog ng katawan nito, at para bang hinulma ang nilalang na ito gaya ng isang katawan ng isang Diyos.

Idagdag mo pa ang mga butil ng tubig na tumutulo pababa sa katawan nito, pababa sa mga linya sa tiyan nito na mas lalong nagpapaakit sa kung sino mang kakabaihan na mapapatitig sa kaniya. Napalunok ng laway si Kira na hindi magawang makatingin sa mata ng lalaki. Dinampot niya ang unan mula sa kamang kinauupuan niya at itinapon sa binata na agad naman nitong nasalo.

"S-Sino ka?" utal-utal na sabi ni Kira. Mahinang tumawa ang lalaki, pati ang pagtawa nito ay kaakit-akit sa pandinig niya.

Lumapit ito sa kaniya, dahilan para mapalunok ulit ng laway si Kira.

Umatras siya nang umatras sa kama at mahigpit na hinawakan ang kumot na tumatakip sa kaniyang katawan. "Ako?"

Ngumisi ang lalaki at lumapit pang muli. "Alam mo bang limang araw mo nang inaangkin ang kwarto ko dahil ayaw mo pang magising?" Pagpapatuloy nito at lumapit muli hanggang sa kaunting pagitan na lang ang layo nila.

Umatras muli si Kira hanggang sa naramdaman niyang papahulog na siya sa kama. Hinila siya ng lalaki papalapit upang mapigilan ang kaniyang pagkahulog, dahilan para mabitawan niya ang hawak na kumot na tumatakip sa kanyang hubad na katawan.

Napadikit ang kaniyang dibdib sa dibdib ng lalaki, dahilan ng halos pangangamatis ng kaniyang pisngi.

Ang lalaki naman ay gulat din sa nangyari at napatingin sa malusog at malambot na bagay na nakadikit sa dibdib niya. Nagtagal ng ilang segundo ang titig ng lalaki dito hanggang sa tuluyan siyang napaiwas ng tingin, napahawak sa noo, at napatiim ng bagang.

At doon ay tuluyang napatili si Kira. Nahila niya ang kamay ng lalaki at tuluyan silang nahulog sa sahig. Nasa ibabaw siya ngayon ng lalaki at ang mga tungki na lamang ng ilong nila ang nagsisilbing taga-distansya sa kanilang mga labi.

"T-Tumayo ka riyan! A-Alis," namumulang wika ni Kira at sinusubukang makawala sa ibabaw ng lalaki. Hindi niya alam kung bakit hindi niya magawang matakot sa lalaki gaya noong dinaganan siya ng heneral.

Malutong na napamura ang lalaki at tiningnan siya sa mata. "Huwag kang gumalaw, babae!" namamaos na tugon nito at unti-unting umalis sa pagkadagan ni Kira.

Nang makatayo ay inilahad ng lalaki ang kaniyang kamay upang tulungan si Kira na tumayo, ngunit iniwasan nitong tumingin sa katawan ni Kira o sa mga mata ng dalaga.

"Salamat, sino ka ba?" nahihiyang ani ni Kira at kinuha ang kumot para gawing saplot. Umupo sa kama ang lalaki at malamig siyang tiningnan.

"Ako si Xerxes Dmitri Exclacide Rosseau. Ngunit maari mo akong tawaging mephisto. Simula noong tinulungan kita mula sa kamatayan, akin ka na. At alam mo siguro ang ibig kong sabihin?" napangisi ang lalaki at napa-dekwatro.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay naramdaman ni Kira ang malakas na presensiya ng lalaking kasama niya - lakas na lagpas pa sa kakayahan ng kaniyang guro sa alkemiya at sa mismong Prinsipe ng Titania. Sa hindi niya malamang dahilan ay nakaramdam siya ng kung ano noong narinig ang pangalan ng lalaki.

Lumaki ang mga mata ni Kira at pakiramdam niya'y bumara ang laway sa kaniyang lalamunan nang siya ay may maalala. "Kinuha mo ba talaga ang pagka-birhen ko kaya buhay ako ngayon mula sa sumpa ng krus ng kapusukan at kamatayan?" sa sinabi niya ay nadatnan niyang napakagat-labi ang lalaki at nakita niyang namula ito.

Matigas na napamura ang lalaki. "Malapit ko nang gawin ang sinasabi mo pero hindi ko tinuloy, at sa halip ay minarkahan ko ang ispirito mo at pagmamay-ari na kita ngayon," bakas ang kahihiyan sa boses ng lalaki.

Hindi makapaniwala si Kira ngunit parang nabunutan ng malaking tinik ang kaniyang lalamunan nang malamang hindi pa nakukuha ng lalaki ang iniingat-ingatan niya. "S-Salamat, utang ko ang buhay ko sa iyo, Xerxes. Kahit anong pag-uutos mo ay gagawin ko, basta 'wag mo lang ako gagalawin," mahinang untag ni Kira.

Tumayo ito at pumunta sa may aparador at agad na binuksan. Tiningnan niya lamang ito habang tila may hinahanap ito sa loob, tumigil ito at inilabas ang isang bote na may lamang lilang likido. "Inumin mo ito, isa itong posyon upang bumalik ang buo mong lakas, hindi ko mapainom sa iyo iyan noong ikaw ay nahihimbing. " Inabot sa kaniya ng lalaki ang bote at sinuri niya muna ito; nang masiguradong ito nga ay totoong posyon na hindi nakalalason, nilagok niya ito.

Ayaw na rin niyang bumalik sa Titania, mas mabuti na lang magpaalila sa nilalang na nagligtas ng kaniyang buhay. "Magaling! Tsaka nga pala, kung hindi dahil sa bubwit na kasama mo ay hindi kita mahahanap," pagsasalita nito at sumenyas sa may pinto. Lumuwa ang isang maliit na batang babae na yakap-yakap ang libro ni Kira. Agad namang napagtanto ni Kira kung sino ang batang iyon.

Si Violet.

Paano lumaki ang bata nang gan'on?Ang tangkad nito ay pang-dalawang-taong-gulang na bata na at nakakapaglakad na ito. At paano napunta rito ang libro kung gayong kinuha ito ng kawal bago siya ipasok sa piitan? Tumakbo ang bata papalapit kay Kira at sinubsob ang mukha nito sa binti niya't niyakap ito.

"Kung nagtataka ka ay dahil ito sa libro na pagmamay-ari mo. Sa kagustuhan ng batang iligtas ka at ng mismong libro ay isinalin ng libro ang kalahating kapangyarihan nito sa bata," pagsasagot pa ni Xerxes sa tanong na nasa kaniyang isipan.

"Ang ipinagtataka ko lang, saan mo nakuha ang libro na iyan at mukhang tanging ikaw lang ang may kakayahang buksan ito? Kaya nagkakainteres ako sa inyo, lalo na sa iyo, babae. Napaka-puro ng iyong kaluluwa at lubhang makapangyarihan. Nais ko ng kapangyarihan kaya magagamit kita upang maghiganti sa Titania," puno ng poot at pagkamuhi na wika ng lalaki at napa-kuyom ng kamao.

Titania? Ang lugar kung saan siya pinahirapan?

"Ano ang ginawa sa'yo ng Titania?" mahina at pautal-utal na sabi ni Kira at malamig siyang tiningnan ng lalak

"Halos patayin na nila ako," sa bawat bitiw ng salita ng lalaki ay bakas ang pait at galit, at sa hindi malamang dahilan ay pumasok sa isipan ni Kira ang itsura ng lalaki na pinahihirapan at nilalatigo sa kulungan.

Dahil sa masalimuot na pangyayaring sumagi sa kaniyang isipan ay muling naalala ni Kira ang mga paghihirap na ginawa ng Titania sa kaniya - lahat ng sakit at dugo na nabawas sa kaniya at ang malapit na pagsundo ng kamatayan sa kaniya. At kung paanong malapit na siyang gahasain. Malakas na umiyak si Kira at napasigaw, nanginginig ang buo niyang katawan at sinimulan siyang pagpawisan.

Lumapit sa kaniya ang lalaki at hinawakan ang kaniyang baba. Pinunasan nito ang kaniyang mga luha at dinilaan ito. "Ano ang malupit na kwento na sinapit mo sa Titania, aking pagmamay-ari?" Bumulong ito sa kaniyang tenga na nagpataas ng kaniyang balahibo.

"S-Sila ang nagpahirap sa akin. Halos patayin na nila ako at malapit na akong gahasain," hikbi ni Kira at paulit-ulit na pinapakita ng utak niya ang lahat ng ginawa sa kaniya ni Tsukino, ang pagtapon ng kung ano-anong mga nilalang sa kaniya, ang pananampal ni Ringo sa kaniya, ang pagtatangkang gahasain siya at ang pagbasag ni Ringo sa kaniyang puso.

Ngumisi ang lalaki at muling pinunasan ang luha ni Kira. Alam ni Kira na gagamitin lang siya ng lalaki, ngunit bakit pakiramdam niya'y dapat niya itong pagkatiwalaan?

"Kung gayon ay may alok ako sa iyo. Tutulungan kitang paghigantihan ang sarili mo. Sabay tayong maghihiganti sa Titania, ngunit ipangako mong sa akin lang ang kaluluwa mo. Kung gugustuhin kong angkinin ang buong kaluluwa mo na maaaring ikakamatay mo ay papayag ka," seryoso nitong sabi at tiningnan siya sa mata.

Gusto niyang makitang pinapahirapan ang mga umapi sa kaniya, at gusto niyang mamatay ang mga ito sa kaniyang kamay. Tiningnan niya ang batang nakayakap sa kaniya. Gusto rin niyang maprotektahan ito mula sa mga taga-Titania. Kaya wala siyang pakialam kahit na ikamatay pa niya at kahit demonyo pa ang sinanlaan niya ng kaluluwa.

"Payag na ako. Ngunit ipangako mo na sa oras na nais mo na akong patayin ay 'wag mong idamay ang batang kasama ko, 'wag mo siyang sasaktan, at 'wag mo siyang iwan. Pakiusap, alagaan mo siya," pakiusap niya at makungkot na tiningnan ang bata.

Tumango ang lalaki at muli siyang tiningnan. "Alam mo ba ang sinasabi mo, aking pagmamay-ari?" garalgal na sabi nito at muling gamit ang mapangakit nitong boses. Mahinang tumango si Kira.

Lumapit ang mukha ng lalaki sa mukha niya at halos iilang pulgada na lang ang layo ng mukha niya sa mukha nito. "Ano ang pangalan mo, aking pagmamay-ari?" bulong nito sa kaniyang tenga. Napapikit si Kira.

"A-Ako si Mystearica Anastasia Francois, pero mas kilala bilang Kira."

Tumawa nang kaakit-akit ang lalaki at ramdam niya ang hininga nito sa kaniyang leeg. "Ayaw kitang tawaging Kira, Anastasia. Ngayon sino ako at ano ang pangako mo?" Mas inilapit nito ang mukha sa leeg ni Kira hanggang sa maramdaman ni Kira ang ilong nito na dumadaplis sa kaniyang leeg.

Kung ito na lang ang tanging paraan para makapaghiganti - ang isuko ang kaniyang kaluluwa sa lalaking ito upang mapatay si Tsukino - ay gagawin niya. Umalab ang galit sa kaniyang mga mata at kinuyom ang kamao hanggang sa ito'y dumugo. "Pangakong sa iyo lang ako habang buhay, mephisto Xerxes," malamig na sabi ni Kira at tiningnan sa mata ang lalaki.

Hindi ito sumagot, bagkus ay ngumiti lamang ito nang nakakakilabot. Pagkaraa'y naramdaman ni Kira na bumaon ang matutulis nitong pangil sa kaniyang leeg, sinipsip nito ang kaniyang dugo na para bang umiinom lang ito ng tubig o alak. Naestatwa si Kira at hindi nakagalaw. Naramdaman niya ang kakaibang kuryenteng dumadaloy sa kaniyang katawan, at ang paglakas ng amoy ni Xerxes sa kaniyang pang-amoy.

"Akin ka na, Anastasia. Walang kung sino ang makakakuha sa'yo. Gagamitin ko ang kapangyarihan mo hanggang sa magsawa ako at tapusin ka," itinigil na nito ang pagkagat sa leeg niya at dinilaan nito ang mga labi nito.

Pagkatapos ay sinugatan nito ang braso nito at sinipsip ang dugo mula rito. Muli niyang inilapit ang mukha kay Kira habang ang dalaga nama'y kinakabahan sa kadahilanang baka kung ano na naman ang gawin nito kahit alaam nitong may bata sa pagitan nila. Hinila siya ng lalaki at sinungaban ang kanyang mga labi. Hindi matulak ni Kira ang lalaki dahil sa hindi niya malamang dahilan. Nalasahan niya ang dugo nito mula sa kaniyang labi, dahilan ng pagkaramdam niya ng kiliti sa kaniyang tiyan. Unti-unti rin siyang nakaramdam ng matinding gutom at ang dugo ni Xerxes ang kailangan niya.

'Malapit ka nang mamatay, Tsukino. Papatayin kita!' ani niya sa kaniyang isip bago tuluyang bumigay sa gusto ng kaniyang katawan. Tinakpan niya ang mata ng batang nakayap sa kaniyang binti at mas lalong diniinan ang paghahalikan nila ni Xerxes. Hindi siya nakuntento't tumigil hanggang sa wala na siyang malasahang dugo.

Pagkatapos ay marahas niyang hinila si Xerxes, at tulad ng ginawa ni Xerxes sa kaniya kanina ay kinagat niya ang leeg ng lalaki. Napangisi ang lalaki at lumiwanag ang berde nitong mga mata. Muli niyang tiningnan ang babae.

"Humanda kayo, Titania. Mapupuno ng mga bangkay niyo ang aking paanan at magsisisi kayo sa ginawa niyo sa akin!" mahinang bulong ng lalaki at hinaplos-haplos ang ulo ng kaniyang sandata para sa kaniyang plano.

At masaya siyang nakita niyang muli si Kira. Taimtim siyang humihingi ng tawad sa dilag dahil kailangan niya itong gamitin sa kaniyang paghihiganti.

-

Vocabulary

Mephisto- master

Próximo capítulo