Chapter 9. "When a heart, skip a beat"
Laarni's POV
"Tara, pasok ka. Pasensya ka na sa bahay namin. Medyo makalat pa. Kakalipat lang kasi namin dito. Kaya medyo, nag-aayos pa." sabi ko rito pagpasok niya sa bahay. Pinaupo ko muna siya sa sala. "Sandali lang ah, ilalagay ko lang sa kusina 'tong mga pinamili ko." Nakangiting sabi ko rito. "Achu!" napatingin ako rito. Nakita kong nagulat siya sa pagbahing ko. "Hehehe sorry."
Pumunta na ako sa kusina para ilagay ang mga pinamili ko para sa dinner. Pagtapos 'non at pumunta ako sa kwarto at kumuha ng twalya sa cabinet ko. Bumaba ako ulit sa sala at binigyan siya ng towel. Basang basa kasi siya.
"Magpunas ka muna." Sabi ko rito sabay abot ng towel. Kinuha naman niya ito at nagpunas ng buhok niya. Medyo mahaba rin ang buhok nito at hindi clean cut gaya ng kay Lexter. Tinitignan ko lang siyang magpunas. Nang mapatingin siya sa akin.
"Ay sorry." Agad kong iniwas ang tingin ko sa kanya. "Uhm, ayos ka lang ba? Baka kasi magkasakit ka niyan. Basang-basa ang damit mo. Hmmm, sandali lang." tumakbo ako paakyat sa taas pero hindi ako sa kwarto ko pumunta. Sa kwarto ni Mama.
"Nasaan na ba 'yon?" naghahalungkat ako sa damitan ni Mama. Ang alam ko kasi, may damit na naiwan dito si Tito Fred, at alam kong iniingatan 'yon ni Mama. "Ah! Ito!" kinuha ko agad ang isang t-shirt at isang jersey shorts. Bumaba ako agad sa sala.
"Ito oh, gamitin mo muna. Doon ka magpalit sa restroom." Tinuro ko sa kanya ang daan papunta. Tumayo naman ito at naglakad papunta roon.
Pagpasok nito sa rest room. Hindi ko alam, pero bigla akong napangiti. Sumilip ako sa labas, at ang lakas pa rin ng buhos ng ulan. Napaupo ako sa sofa at nalungkot. Bigla namang nag-ring ang cellphone ko. Si Mama, tumatawag.
"Ma! Nasaan ka na po? Malakas po ang ulan ah."
"Anak, 'yon na nga eh. Malakas ang ulan at baha na rito. Stranded na ako anak. Wala na ring jeep na bumabyahe. Nasa bahay ka na ba?"
"Opo Ma, kanina pa. Umuwi na po kayo agad."
"Anak mukhang di makakauwi si Mama."
"Ano po?"
"Oo anak, papunta na kami sa bahay ng workmate ko. Mas malapit at lalakarin lang namin. Doon muna ako magpapalipas ng gabi anak. Wag kang mag-alala."
"Ma! Baka naman nandiyan lang si—" di na ako pinatapos nito at binaba na ang tawag. Ano ba 'yan si Mama. Ngayon pang malakas ang ulan. Mas lalo tuloy akong kinabahan. Mabuti at hindi pa naman. Mabuti at ulan lang.
"Huh? Grabe, para-paraan talaga tong si Ma—" nagulat naman ako paglingon ko sa likod ko para pumunta sa kusina. Si Abrylle. Nakabihis na siya. "Ay ikaw pala. Mukhang sakto naman sayo yung damit." Sabi ko rito. Pero nakakabingi talaga ang pagiging tahimik niya.
"Ah sige, dito ka lang muna. Magluluto lang ako ng dinner." Naglakad na ako papunta sa kusina nang paglagpas ko rito. May humawak na naman sa laylayan ng damit ko. Nilingon ko siya. "Bakit? May kailangan ka pa ba?" nakangiting tanong ko rito.
"H-huwag mo a-akong i-iwan." Mahinang sabi nito. Napatingin lang ako sa kanya. Walang emosyon ang mukha. "Gusto mo sumama sa akin magluto?" tanong ko rito. Tumango naman ito bilang sagot. "Ah, sige. Tara!" hinawakan ko siya sa kamay at hinila papunta sa kusina.
Hindi naman malaki ang kusina namin. Sakto lang. At hindi rin kumpleto sa kagamitan pero ayos na rin, para sa dalawang tao lang sa bahay.
Nakaupo si Abrylle doon upuan sa lamesa sa gitna ng kusina. Habang pinapanuod akong nag-hihiwa ng mga rekado. Tahimik lang siyang pinapanuod ako. Habang ako lihim siyang tinitignan.
"Uhm, wag kang magagalit sa akin ah. Pero, bakit ka ba nandon sa tulay?" tanong ko rito. Pero mukhang wala siyang balak na sumagot. "Hmmm, ayos lang kung ayaw mong sagutin" tumayo ako para isalang na ang lulutuin ko. "Pero kung magpapakamatay ka para iwasan ang problema mo. Hindi yung ang tamang kasagutan" sabi ko rito habang inaayos ang kawali at binuksan ang gas stove. "Kasi pagiging duwag 'yon. Dapat maging matapang tayong harapin ang problema." Nilingon ko siya at nakatingin lang siya sa akin. Ngumiti ako rito at bumalik ang tingin sa kawali. Ginisa ko na ang bawang at sibuyas. Adobo lang naman ang lulutuin ko. Paborito kasi namin 'to ni Mama. Pero ibang adobo 'to. Dahil Adobong itlog ito.
Pagtapos kong igisa ang bawang at sibuyas. Kinuha ko na ang nilaga kong itlog na sinabay ko sa sinaing at sinunod sa kawali. Dahan-dahan ko itong hinalo kasabay ng bawang at sibuyas. Nilagyan ko na rin ito ng paminta at dahon ng laurel. Pagtapos 'non. Nilagyan ko ng kalahating baso ng tubig. At tinakpan.
Bumalik ako sa mesa para ligpitin ang mga kalat ko. Habang nagliligpit ako. Nakatingin pa rin sa akin si Abrylle.
"May dumi ba ako sa mukha? Kanina mo pa kasi ako tinitignan." Natatawa kong tanong dito. Iniwas naman nito ang tingin niya sa akin. Napangiti na lang ako sa inasal nito.
Tinapon ko sa basurahan ang mga kalat ko at naghugas ng kamay. Sunod ko namang ginawa ay ang ayusin ang dining table.
"Dito ka na kumain ah?" sabi ko rito, pero tahimik lang siya. Napangiti na lang ako ulit. Pero ang gusto ko, dito na rin siya mag-stay.
Lumabas ako ng kusina para ayusin ang kakainan. Nakakatuwa naman. Para lang akong naglalaro ng bahay-bahayan. Para akong isang asawa. Teka? Ano bang iniisip ko? Nababaliw na ako. Para isiping asawa ko si Abrylle.
Natawa na lang ako at bumalik sa kusina. Pagbalik ko sa kusina wala si Abrylle sa upuan. Pagtingin ko sa niluluto ko. Naroon siya at nakatayo. Pinuntahan ko ito agad. Tahimik lang. Nais ko kasing makita kung ano ang ginagawa niya. Pagkakita ko rito. Hinahalo niya ang niluluto kong adobo. Napatingin ako rito. Seryoso pa rin ang mukha nito.
"Ah, ako na riyan" nakita kong nabigla siya sa pagdating ko. Agad niyang binitawan ang sandok at naupo agad sa upuan. Napangisi na lang ako sa inasal niya. Tinignan ko ang adobong niluluto ko at nagulat ako ng may toyo at suka na siya. Tinignan ko ulit si Abrylle. Nakatagilid ng tingin at iwas sa akin. Napangiti na lang ako ulit. Tinikman ko naman at tama lang ang lasa.
"Tara na, luto na ang ulam." Niyaya ko na siyang pumunta sa dining table. Naupo naman siya 'ron. Bumalik ako sa kusina para kumuha ng kanin at adobong niluto ko. Pagbalik ko, nadatnan ko siyang nilalagyan ng tubig ang baso ko. Nakita naman ako nito at madaling ibinaba ang pitcher at bumalik sa upuan niya. Naupo na ako at inilapag ang mangkok ng kanin at adobo.
"Ano ka ba, wag kang mahiya sa akin. Ayos lang." sabi ko rito. Iwas pa rin ang mukha nito sa akin. "Tara kain na." kukunin ko sana ang pinggan niya para lagyan ng kanin ng pigilan niya ako. Nabigla ako sa naramdaman ko ng hawakan niya ang kamay ko.
"Ako na. Kaya ko na." walang emosyong sabi nito.
"Ah sige." Binitawan ko ang pinggan niya at binalik ang kamay ko sa hita ko. Ano bang iniisip ko? Nang hawakan niya ang kamay ko. Para akong nakuryente.
Kumain na kami dalawa. Nang mapatingin ako sa orasan.
"Hala ka! My love from the star na!" tumayo ako agad sa upuan at kinuha ang remote ng TV at binuksan. Pagbukas ko ng TV. Sakto namang kakasimula pa lang ng palabas. "Whoosh! Akala ko na-missed ko na eh."
Bumalik ako sa dining table at kinuha ang pinggan ko. Sa sala na ako kakain habang nanunuod.
"'Don lang ako sa sala ah. Hayaan mo na lang 'diyan yung pinggan mo. Ako na ang maghuhugas." Sabi ko rito at dali-daling pumunta sa sala.
Nang matapos ang palabas. Bumalik ako sa dining table pero wala na roon si Abrylle. Pati na rin ang pinggan na pinagkainan niya pati na rin ang mangkok na may kanin at ulam. Napansin ko ring maayos na ang lamesa. Agad akong pumunta sa kusina. At doon ko siya nakita na naghuhugas. Nilapitan ko naman ito.
"Sabi ko, ako na ang maghuhugas ng pinagkainan. Bisita kita kaya dapat—"
"Sige na, ako na lang. Alam kong gagawa ka pa ng mga homework natin. Ang scholar dapat hindi bumababa ang marka." Mariin na sabi nito habang nasa paghuhugas pa rin ang atensyon.
"Kaya ko naman gawin lahat 'yan. Sanay na ako. Ang hindi dapat ay ang pinaghuhugas ko ng pinggan ang anak ng may-ari ng school." Napansin kong natigil siya sa paghuhugas ng plato at tumungin sa akin. Gulat ang mukha.
"Paano mo nalaman?" tanong nito.
"Ah, nasabi lang ni Leicy. At tsaka wala namang masama. Dapat na alam ko ang ganoong mga bagay sa school natin." Sabi ko rito. Bumalik naman ito sa paghuhugas.
Tahimik na ulit ito. Natawa ako sa nangyayari. Na napansin naman nito.
"May nakakatawa ba?" tanong nito.
"Ay, pasensya ka na. Nabigla lang ako dahil nakakausap na rin kita." Bigla nitong binitawan ang hawak na kutsara na siyang lumikha ng ingay. Parang nagalit yata siya.
Tumingin ito sa akin ng masama. "Ginagawa ko lang 'to dahil may utang na loob ako sayo." Mariing sabi nito sa akin.
"Pasensya na."
Minabuti ko ng umalis sa kusina. Umakyat ako sa kwarto ko para kunin ang mga gamit ko sa school at sa sala na lamang ako gagawa ng homeworks ko. Para may kasama si Abrylle sa baba. Pagbaba ko sa sala. Nakaupo na siya 'don habang nanunuod ng balita sa TV.
Nilapag ko sa center table ang mga notebooks at libro ko at naupo sa carpet. Sinimulan ko ng sagutan ang mga homeworks ko habang si Abrylle naman ay tahimik na nakatutok sa TV. Nasa likod ko siya banda nakaupo sa kabilang sofa.
Habang nagsasagot ako ng homework ko. Hindi ako makapag-concentrate dahil sa ingay ng TV. Pero pinilit ko na lang mag-concentrate. Nakakahiya naman kung sasabihin kong.
"Uhm, Abrylle, pwede bang patayin ko yung TV? Hehehe, di kasi ako makapag—" di ko pa natapos ang sasabihin ko ng siya na ang pumatay ng TV. "Hehehe thank you."
Ano ba 'yan, nakakahiya naman sa kanya. Baka sabihin niya ang yabang ko o kaya ang damot kong magpanood.
Nagsagot na ako ng homeworks ko. Nasagutan ko naman ang mga homeworks ko. Nang matapos ako, nagunat muna ako at tinignan si Abrylle sa likod ko. Pero tulog na pala ito. Nakatulog siya sa sofa. Tumayo ako at umakyat sa taas para ikuha siya ng kumot. Pagbaba ko nilagyan ko siya ng kumot. At tsaka lang ako napaisip.
"Hindi kaya siya hahanapin sa kanila?" tanong ko sa sarili ko. Tinignan ko naman ang natutulog niyang mukha.
"M-mama…" nabigla ako ng magsalita ito.
"Ano daw? Mama?"
"H-huwag mo ko iwan." Natulala ako sa mukha nito matapos niyang magsalita. Malungkot ang natutulog niyang mukha. Parang ang lalim ng dinadala niyang problema.
"Mama, huwag mo akong iwan? Parang alam ko na kung bakit ganito si Abrylle. Nalulungkot ako para sa kanya.
Papatayin ko na sana ang ilaw sa sala at aakyat na sana sa kwarto ko ng biglang kumulog ng malakas.
"Mama ko po!" sigaw ko at agad na tumakbo papunta kay Abrylle na siyang dahilan para magising siya. Napayakap ako rito ng bigla siyang tumayo.
Nakapikit ang mga mata at mahigpit na nakayakap kay Abrylle at nanginginig ang mga tuhod.
"Please…wag kang aalis…" sabi ko rito. "Sandali lang…"
Nang matapos ang malakas na kulog. Dahan-dahan akong bumitaw sa pagkakayakap ko dito.
Nakaramdam ako ng hiya dahil sa ginawa ko. Nakayuko lang ako sa sahig at hindi makatingin sa kanya.
"P-pasensya ka na ah. Takot kasi ako sa kulog at kidlat. Sorry kung—"
Nanglaki ang mata ko ng bigla niya akong yakapin. Ang higpit ng yakap nito sa akin. Tulala lang ako dahil sa ginawa niya. Ngayon, biglang kumabog ng mabilis ang dibdib ko. At ramdam ko ang init ng katawan niyang nagbibigay init rin sa aking katawan.
"Ah…Abrylle? Pwede mo na akong bitawan." Nang kumawala siya sa pagkakayakap sa akin. Doon ko nakita at narinig ang pagiyak niya. Nakatakip ang isang braso sa kanyang mukha habang umiiyak. Bigla akong nakaramdam ng lungkot para sa kanya. "B-bakit ka umiiyak?"
Hindi na siya sumagot sa tanong ko at tsaka mabilis na lumabas ng bahay at tumakbo palayo. Hinabol ko siya pero mabilis siyang nawala sa paningin ko. Bigla akong nakaramdam ng kaba ng mga oras na 'yon. Malakas ang ulan at lumabas pa siya. Susundan ko sana siya pero biglang kumulog na naman at minabuti ko na lang na pumasok sa loob ng bahay.