webnovel

Naligaw na Demonyo (2)

"Kaya pala ako ang pinapunta niya," sabi niya. "Sorry, Risa, ang kapatid ko kasi masyadong seloso kaya ayun, tinanong niya ako kung pwede ko ba kausapin yung boyfriend niya para sa ibang opinyon, lalo na ng lalaki."

Hinayaan ko lang siyang magpaliwanag at habang ginagawa niya iyon, lalo siya sa akin nahiya pero ang hindi niya alam ay ako ang nahihiya sa kanya dahil totoo ang suspetsa ng kapatid niya, na tama lang magselos siya. At sa dahil wala ako maisasagot sa kanya nang hindi ako magsisinungaling, ang nasabi ko na lang sa kanya ay pauwi na siguro yun, bakit di mo na lang antayin sa loob.

Pero tinanggihan ni Jared ang alok ko at nagpaalam na siya sa akin. Sa huling sinabi ay medyo lumuwag ang pakiramdam ko. "Hahayaan ko na lang na silang dalawa ang mag-usap."

Nagpaalam na din ako sa Mama ni Stan at kay Chester. Nagdahilan na lang ako sa kanila na kailangan ko na umuwi pero sa totoo lang parang sumisirok ang sikmura dahil sa konsensya ko. Oo, dati ko pang gusto maghiwalay si Stan at Denise pero dati hindi ko gustong angkinin si Stan. Dati hindi ko gustong ako ang mahalin ni Stan ng higit pa sa kaibigan. May laman na ang pagseselos ko ngayon.

Hindi pa ako nakakalabas ng gate ay dumating na si Stan. Binati niya kaagad ako. "Kaya naman pala hindi ka pumunta ng school."

"Aga mo ah," bati ko sa kanya. Medyo nataranta ako kung ano ang sasabihin ko sa kanya pero noong nakita ko na lumiwanag ang mukha niya nang nakita niya ako, lumabas na lang ng kusa ang mga salita sa bibig ko.

Nakajogging pants siya at itim na t-shirt. Dumiretso naman ako sa paglabas ng gate nila habang nagsasalita siya. "Akala mo iiwan ko sa bahay yung PS Vita nu? Pumasok ka na kasi. Wala ka namang gagawin dun."

Sasagutin ko sana siya ng 'nandoon kaya ang girlfriend mo' pero ito na lang ang sinabi ko. "Sige. Sa grad ball ko na lang hihiramin. 'Wag mong kakalimutan ha."

Nginitian ko siya saka ako humarap sa direksyon papunta sa amin. Kinawayan ko siya gamit ang kanang kamay ko habang nakatalikod ako sa kanya pero hindi pa man lang ako nakakahakbang, hinablot na niya ang kamay ko. "Uuwi ka na? Andito na yung Vita oh. Maglaro ka muna bago ka umuwi para hindi naman lugi ang pinunta mo dito."

Hindi na ako nagpakipot pa. Hindi dahil sa ayaw ko kundi dahil hinigit na niya ako papasok ulit sa kanila.

"Oh, anak, buti naabutan mo pa si Risa. Sinabi kong antayin ka na pero uuwi na daw siya," sabi ni Tita noong nakita niya kaming dalawa ni Stan. "Sayang at hindi mo naabutan yung isa mo pang kaibigan."

Napatingin sa akin si Stan. Sinabi ko sa kanya ang tungkol kay Jared pero wala naman siyang reaksyon. Nagkibikit balikat lang ako at nagpunta na ako doon sa salas nila kung nasaan si Chester.

"Anong ginagawa mo dyan? Doon tayo sa kwarto. Magdodota din ako," sabi niya sa akin noong nakaupo na ako dun sa sofa.

Nag-tsk ako pero masaya talaga ako. Nagpunta na kami doon sa kwarto niya pero tumigil kami sa harap ng pinto. Tiningnan niya ako. I returned it with a sly smile. Siniko ko siya ng pabiro. "'Wag kang mag-alala, hindi ko ginalaw yung mga sapatos mo."

Malaki lang ng kaunti ang kwarto ni Stan sa kwarto ko. Kulay puti ang pintura ng dingding at may ilang posters ng basketbolistang kahit sikat ay hindi ko mapapangalanan. Mayroon din ilang posters ng mga banda. Dalawa ang bintana sa kwarto niya, isa sa gilid at isa sa ulunan ng kama. Sa kama niya ako naglaro habang nakahiga samantalang siya ay nakaharap sa kompyuter niya na nasa tapat ng paanan ng kama niya.

Nakaheadphones siya at ako ay nagpapatugtog gamit ang cellphone ko. Mga dalawang oras kaming ganoon, may sariling mundo at walang pansinan. Napatingin na lang ako sa kanya noong nagsalita siya. "Diba yan yung tinugtog mo last time?"

Thanks for reading! Check out my other book, Ugly Little Feelings, if you haven't.

Twitter: @wickedwinter3

Ko-fi: wickedwinter

wickedwintercreators' thoughts
Próximo capítulo