webnovel

Dilim Ng Alaala (last)

~KATAPUSAN~

MULING inihagis ni Mara si Roy. Sa muling pagtilapon ni Roy, agad siyang nakabangon at nang may makita siyang kahoy ay agad niya itong kinuha para panlaban sa multo ng dalaga. Tumakbo siya at tinangka niyang lumabas ng lumang bahay, ngunit bigla na lang siyang nauunahan ni Mara, napunta ito bigla sa harapan niya. Pinaghahampas niya ito ng hawak na kahoy, ngunit hindi niya ito matamaan. Tumatagos lamang sa katawan ng dalaga ang kahoy na pinampapalo niya. Hinang-hinang binitawan na lamang ni Roy ang kahoy. Luhaan siyang lumuhod at nagmakaawa sa dalaga at humingi ng tawad sa mga nagawa niyang kasalanan.

"Ngayong naaalala mo na, sino sa 'tin ngayon ang halimaw?!" galit na sigaw ni Mara. At muling nagmakaawa si Roy. Pagmamakaawang tila pagdarasal sa isang Diyos. Pagsusumamong patawarin siya at iligtas ang buhay.

Pinagbigyan si Roy na makalabas ng bahay ng multo ng dalagang puno ng hinagpis at puot. At mabilis siyang tumakbong naghihingalo na wari mo'y nakikipag-unahan sa kabayo at tinatakasan ang isang mabangis na hayop na hangad na lapain siya ng buhay. Ngunit hindi pa man siya lubusang nakakalayo, nakita niyang nasa harapan na niya ang dalaga. Nakakatakot ang mga ngiti nitong may nanlilisik na mga matang nagkukulay abo, napakaputla na ng kulay nito at makikita ang mga ugat sa buong katawan na nagkukulay asul. At tila naging sariwang muli ang sugat at dugong nagkalat sa buo nitong katawan.

Maalindog itong naglakad palapit kay Roy na animo'y nang-aakit na dalagang gustong magpaangkin ng kanyang katawan – na gustong mapunan ang pagnanasang matagal nang nararamdaman. "Wala ka nang kawala," malambing na saad nito habang himas ang hinaharap at inilabas ang mahabang dila na pinaikot sa mga labi nito.

Agad humanap ng bagong daan si Roy at muling tumakbo bago pa man tuluyang makapalit sa kanya si Mara. Narinig niya ang malakas na tawa ng dalaga. Naramdaman niyang ang halakhak na iyon ay tila pag-anyaya sa kanya na pasukin niya ang sarili niyang hukay. Na wala na siyang magagawa para matakasan ang kanyang kamatayan. Pinaglalaruan siya ng dalagang minahal niya – isang bawal na pagmamahal. Napagtantu niya nang mga sandaling iyon ang mga pagkakamali niya – ang hindi niya napigilang pagnanasa sa dalaga, na nauwi sa krimeng planado niya – na humantong sa pagkamatay ni Mara.

Hangos na hangos si Roy, at patuloy niya pa ring naririnig ang boses ni Mara. Sa isang-kisapmata, biglang nasa harapan na naman niya ang multo ng dalaga, at sa pagkakataong iyon mahigpit siyang sinakal nito. Pinabagsak siya nito na tila isang laruang manika lang na inayawan na at hinila siya sa paa pabalik ng lumang bahay. Humihiyaw si Roy sa sakit at hagulhol na humuhingi ng tulong. Nang makapasok sila sa bahay, binitawan siya ni Mara. Nanghihina siyang pilit na tumayo at muling nagmakaawa.

"Roy, saktan mo ako. Saktan mo ako tulad ng ginawa mo dati. Gusto ko ulit maranasan 'yon. Sampalin mo ako. Angkinin mo ako. Sige na, Roy. Please..." mapang-akit pa rin ang tinig ni Mara at naging maamo ang mukha nito. Nawala ang mga sugat at dugong nagkalat sa katawan nito. Kung pagmamasdan, tila buhay ito at bra at panty lang ang kasuotan.

Mas lalong natakot si Roy sa ikinilos ng multo. Pero hindi niya maiwasang pagmasdan ang kagandahan nito. Napaatras siya sa paghakbang ni Mara palapit sa kanya. Nasagi ng paa niya ang kahoy na hawak niya kanina. Agad niya itong kinuha at hinampas sa dalaga. 'Di tulad kanina, hindi tumagos sa multo ang pagpalo niya. Nasugatan ito at nagtalsikan ang dugo. Napapasigaw ito sa bawat pagtama ng kahoy sa katawan nito, ngunit nakangiti pa rin ito. Na tila nasasarapan sa kanyang pananakit.

Nahawakan nito ang kahoy at naagaw mula sa kanya. Gigil itong nakangiting gumanti at paulit-ulit siya nitong hinampas sa mukha. Nagtalsikan ang dugo mula sa mga putok ng sugat na dulot ng malakas na pagpalo ni Mara sa mukha ni Roy. Napasigaw na lang siya sa sakit at sinalag ang mga palo. Ngunit pinaghahampas naman nito ang kanyang katawan hanggang bumagsak siya sa sahig. Gusto niyang mamatay na lamang dahil sa pahirap na nararanasan, ngunit 'di pa siya mabawian ng buhay.

"Buhay ka pa, Roy? Masamang damo ka nga!" natatawang saad ni Mara at malakas na inihagis ang pamalo palayo. Napunta ang kahoy sa likod ng bahay sakto sa pinaglibingan ni Roy sa katawan nito tatlong buwan na ang nakakalipas. Hinila ni Mara ang buhok ni Roy at ipinatayo – panay hiyaw na lamang ang nagawa niya.

"Maawa ka," ngawa ni Roy.

"Tahan na, mahal ko. Ang gusto ko lang, saktan mo ako gamit ang mga kamay mo, Roy," muling lambing ni Mara. Hinawakan nito ang kanang kamay ni Roy. Hinalikan ito ng dalaga at sinipsip ang mga daliri. Ipinahimas pa ang palad ni Roy sa muling naging duguang katawan nito at muling naging amoy naaagnas. At isinampal-sampal pa ang kamay niya sa nakakadiri na nitong mukha. "Sampalin mo ako, Roy, tulad ng ginawa mo dati..."

Muli sinipsip ng dalaga ang mga daliri ni Roy, at napasigaw siya sa sakit nang kagatin ito hanggang sa magdugo. Pakiramdam niya ay mapuputol na ang mga ito. Nabalot na rin siya ng galit at sa kagustuhan na ring mailigtas ang buhay nang maisip niya ang kanyang pamilya. Gamit ang buo niyang lakas at isa niyang kamay, sinampal niya nang paulit-ulit si Mara. Ngunit balewala iyon, hindi pa rin nito pinapakawalan ang kanyang daliri, at nakangiti lang ito. Isang malakas na suntok ang pinakawalan ni Roy na tumama sa mukha ng multo, at bumulagta ito sa sahig. Sinunggaban niya ito. Pumatong siya rito at sinakal ito ng mahigpit. Pero nanatiling nakangiti pa rin ito. "Mamatay ka! Mamatay ka!" nawala na sa katinuang sigaw ni Roy.

Pinagtawan lang siya ni Mara. "Matagal na akong patay, Roy! Pinatay mo ako!" sigaw nito.

Napatayo si Roy at nangilabot sa narinig niyang boses na nagmula kay Mara. Pinagsama-samang boses ng lalaki, babae, matanda at bata ang narinig niya. At may nakakakilabot pang tinig na 'di niya mawari kung ano?

Tumayo ang duguang si Mara na parang itinayong poste. Galit na ang hitsura nito at nanlilisik ang mga mata tulad nang nakikita ni Roy sa kanyang panaginip – mala-halimaw na lalapa ng buhay na tao ang anyo nito. Pakiramdam ni Roy ay nasa impiyerno na siya ng mga sandaling iyon, at wala na siyang kawala sa kamatayan. Pero pinilit niya pa rin lumabas ng bahay at tumakas. Hangos siyang tumakbo at nakasunod sa kanya ang dalaga na naglalakad lamang.

Bumuka ang lupa na tinatakbuhan ni Roy. Lumusot ang isa niyang paa at nabali ang buto nito. Napasigaw siya sa sakit. Wala na siyang ibang nagawa kundi gumapang upang makalayo. Ngunit sa paggapang niya, nasa harapan niya na ang duguang dalaga. May mga halamang baging na sumakal sa kanya at pumulupot sa kanyang buong katawan, at itinayo siya nito. "M-Mara, pakiusap. Minahal lang kita kaya nagawa ko ang bagay na 'yon! Patawarin mo ako," iyak niya at muli niyang pagmamakaawa.

"Minahal? O Kamunduhan?! Iba ang pag-ibig sa pagnanasa!" galit at madiing sumbat ni Mara. At paulit-ulit nitong sinampal si Roy. Nang magsawa na ito sa pagsampal sa mukha sa mukha ni Roy, sinakal naman siya nito nang mahigpit gamit ang dalawang kamay at bumaon pa ang matatalim nitong kuko sa kanyang leeg. "Katapusan mo naaaaa!" luhaang sigaw ng multong puno ng galit at hinagpis, puot at pagkasuklam.

Lalo pang hinigpitan ang pagkakasakal sa leeg ni Roy ng duguang babae na noo'y nasa panaginip niya lamang, at ngayo'y totoo na. Halos maghiwalay na ang ulo niya sa 'di na gumagalaw niyang katawan, at bumubulwak ang dugo mula sa kanyang bibig – hanggang sa malagutan na siya ng hininga.

Naalis ang mga baging na nakapulupot sa katawan ni Roy, at inihagis ng multo ang kanyang bangkay sa loob ng bahay. Madilim ang kalangitan, at unti-unting bumuhos ang malakas na ulan. Napatingala ang multong si Mara – na bakas sa mukha ang labis na kalungkutan.

MAKALIPAS ANG DALAWANG araw, natagpuang nakabigti ang wala nang buhay na si Roy sa lumang bahay. At ayon sa mga pulis, pagpapakamatay ang ikinasawi ni Roy. Dahil wala namang nangyaring foul play batay sa kanilang imbestigasyon. At dahil sa masusing pag-iimbestiga sa pinangyarihan ng krimen, natagpuan ang naaagnas nang katawan ni Mara.

Isa sa mga inutusan ni Roy na dukutin si Mara ang lumitaw upang malutas ang kaso tungkol sa pagkamatay ng dalaga. May mga ebidensyang ipinakita ang testigo. At ayon testigo, palagi nitong napapanaginipan ang duguang dalaga at umiiyak. Kaya naman nagpasya na itong sumuko at ilahad ang katotohanan.

Nahuli rin ang dalawa pang kasabwat. At isa sa mga ito ang nakakita ng pagkamatay ni Mara sa kamay ni Roy. At inilahad nito ang krimeng nasaksihan. Dahil sa mga sumukong suspek at sa mga sinumpaan nitong mga salaysay, isinara ang kaso sa pagkamatay ng dalawa.

Hindi naman makapaniwala ang magulang at kapatid ni Roy sa nagawa niyang krimen. May pagsisising naramdaman ang kanyang mga magula, ngunit unti-unti na ring tinanggap ang katotohan. At pagpapakumbabang humingi ng tawad ang mga ito sa pamilya ni Mara at kay Luis na dapat ay ikakasal na sa dalaga.

Lahat ng malapit na kakilala ni Roy ay inisip na marahil dahil sa hindi makayanang matinding konsensiyang umuusig sa kanya sa pagpatay niya kay Mara, kaya brutal niyang sinaktan ang kanyang sarili at nagpasya siyang tapusin ang kanyang sariling buhay, upang wakasan ang kanyang paghihirap. Sadyang walang lihim na hindi na bubunyag – at walang kasalanang hindi pagbabayaran.

MAKALIPAS ANG ILANG araw ng kamatayan ni Roy, natagpuang patay sa loob ng silda ang tatlong lalaking kasabwat niya sa pagdukot kay Mara. At ayun sa autopsy, bangungot ang ikinamatay ng mga ito.

HINDI PA TAPOS ANG PAGHIHIGANTI NI MARA. MAY ISANG TAO PA SIYANG PAPATAYIN NA BAHAGI NG KANYANG MADILIM NA ALAALA... MAARING IKAW?

...wakas?

Próximo capítulo