webnovel

WHEN SHE FALL IN LOVE last part

...HULING BAHAGI

Huli na para malaman ni Krisabel ang balak ng nagtagong si Jose. Napanganga na lamang siya sa pagbaon ng kutsilyo sa bandang leeg niya – buti't tumama sa buto niya at hindi gano'n kadiin ang puwersang naibigay ng binata dahil na rin sa mga pinsala nito kaya hindi tuluyang bumaon ang kutsilyo at nagawa niyang makabig ito. Sumigaw sa sakit si Krisabel at itinutok sa napaatras na binata ang baril na muntik na niyang mabitawan kanina, hawak pa rin nito ang kutsilyo at nakaamba ring umatake sa kanya. Nanlilisik niyang tiningnan ang binata, tingin na animo'y binabalatan na ito ng buhay – nararamdaman niya ang hapdi ng saksak sa kanya at ang hilo dahil sa pagkabagok niya sa sahig, at ang pagpalo nito sa likod niya gamit ang upuan, hindi niya matanggap ang mga bagay na 'yon lalo pa't isinumpa na niya sa kanyang sarili na hindi na siya masasaktan pa ng sino mang lalaki. At dumagsa sa utak niya kung bakit nga ba niya nagawang pumatay para kay Jose. Inakala niyang si Jose ang tipo ng lalaking hindi siya sasaktan at igagalang siya. Inangkin niya ang binata, lihim niyang naging pagmamay-ari ito, na kahit langaw ayaw niyang may dumapo rito dahil nagseselos siya. Pero sinampal siya ng katotohanang hindi niya 'to pagmamay-ari at nasasaktan siya sa katotohanang iyon. At nalaman pa niyang inuuto lang siya ng binata – ideyang pilit niyang tinalikuran at isinuka sa utak niya. Ideyang una nang naisip ng ama niya na laging isinusumbat at ipinapaalala sa kanya, na uutuin lang siya ng mga lalaki at walang lalaking mamahalin siya, at si Jose ay hindi iba sa mga 'yon. Nagpatangay siya sa kanyang illusyon at nagpalunod sa kanyang nararamdaman, hanggang sa humantong ang lahat sa ganito, dahil hindi niya matanggap na tinalukuran siya ng pangarap niyang mundo at ng tadhanang binubuo niya. Pumatak ang luha mula sa kanyang mga mata.

Patuloy ang paghakbang paatras ni Jose habang nakatutok ang kutsilyo kay Krisabel. Si Krisabel ay napatulala na lamang, tila pagod na sa mga nangyayari. Hinayaan niyang makalayo ang binata at lupaypay na ibinaba ang kamay na may hawak na baril. Tinungo ng binata ang harap na pinto. Pero sinuguro ni Krisabel na nakakandado ito at hindi mabubuksan kung wala ang susi na nasa bulsa ng bulaklaking bistida niya. Nakayukong naglakad siya para puntahan ang binatang pilit binubuksan ang pinto. Nasa isip niyang kailangan na niyang tapusin ang lahat. Si Jose naman sa mga sandaling iyon ay lupaypay na napaluhod tanda ng kawalan nito ng pag-asang makatakas pa sa impyernong bahay na iyon, mahinang pagpukpok ng nakakadenang mga kamay na lamang nito na may hawak na kutsilyo ang nagawa nito. Tahimik itong tumayo habang papalapit na si Krisabel. Huminto si Krisabel at nagkaharap sila ng binata. Sa muling paghakbang niya, tumakbo pasugod sa kanya si Jose, hawak ng mahigpit ang kutsilyo. Dalawang hakbang bago ito makalapit sa kanya, naiputok niya ang baril at tinaman ang binata sa dibdib diretso sa puso nito – sa puso nitong gusto niyang maangkin.

Nagtuloy-tuloy ang pagpatak ng luha mula sa mga mata ni Krisabel, nasaksihan niya kung paanong bawian ng buhay ang lalaking mahal niya. Bumagsak ito sa sahig kasabay ng pagdaloy ng dugo sa dibdib nito at pagbulwak ng dugo mula sa bibig nito. Huling salita nitong narinig niya ay 'HAYOP KA'. Nagsisisigaw siya. Hindi niya gustong mamatay ang mahal niya. Sa unang pagkakataon, naranasan ni Krisabel ang heartache – ang ma-broken hearted. Naka-play pa rin ang kantang Forevermore na naka-repeat mode kaya nagpaulit-ulit lang kanina pa. Nainis siya sa kanta kaya hinagis niya ang mga speaker at nadamay pati ang VCD player na nakakabit dito. Naging tahimik ang bahay at tanging sama ng loob niya ang kanyang naririnig. Tila nakikiramay sa kanya ang langit sa pagbuhos ng malakas na ulan sa labas. Nilapitan niya ang bangkay ni Jose at nagmakaawang huminga ito at bigyan siya ng matamis na ngiti.

"Gumising ka. Gusto kong makita ang ngiti mo. Gusto kong makita ang cute na dimples mo, Jose," iyak niya. Naagaw ang pansin niya ng kutsilyong may dugo, kinuha niya ito at tinusok sa magkabilang-pisngi ng binata. Paraang naisip niya para muling makita ang dimples nito. Gamit ang mga hinututuro niya, pinangiti niya ang labi nito. Ngiting nagbigay rin ng ngiti sa kanya.

Nahiga siya sa tabi ng binata at hinawakan ang kamay nito, at ang isang kamay niya, hawak ang baril na may dalawa na lamang na bala at itinutok sa sentido niya. Napalunok siya at ipinikit ang mga mata. Susundan niya si Jose – susundan niya ang mahal niya. Pero bigla siyang dumilat at tumayo makaraan ang ilang segundo. Naalala niya ang sinabi ng paboritong author niya na nagpaulit-ulit sa utak niya na animo'y personal na naririnig ang tinig ng lalaking manunulat na hinahangaan niya; Ang first love wala 'yan, 'di talaga 'yan nagtatagal. Kaya nga may second love, third love at marami pang love...

Sumilay ang ngiti sa kanyang labi.

MAKALIPAS ANG LIMANG ARAW.

Nasa Maynila na si Krisabel. Naisip niyang hanapin ang author na nagbigay sa kanya ng pangalawang buhay. Naisip niyang tadhana kung bakit sila nagkakilala sa Facebook. Niyaya niya itong makipagkita, at pumayag naman ang misteryosong manunulat na kilala niya lang sa tawag na Xiunoxki. Ngayon, magkasama sila, at kapwa sila bigo sa una nilang pag-ibig.

~WAKAS~

Próximo capítulo