webnovel

KABANATA 35

IKA-ISA NG NOBYEMBRE

ITO NA ANG araw ng misyon ko. Ang araw ng pagpunta ko sa gitnang dimensiyon para harapin ang itim na multong si Emelia upang kunin ang bulaklak ng sunflower na lunas sa sumpa. Ang araw na magtatakda ng kapalaran namin ni Sunshine. Araw na walang nakakaalam kung aayon ba sa amin ang tadhana.

Sa sala, magkatabi kaming nakahiga sa sahig ni Sunshine sa gitna ng bilog na proteksiyon sa aming katawan na 'di mapasok ng sino mang multo. Hinawakan ko ang kamay ni Sunshine. At bago ihiwalay ni Cecilia ang kaluluwa ko sa aking katawan, hinalikan ko sa noo si Sunshine. At nagdasal ako na gabayan ako ng Diyos sa misyon ko at 'wag mabigo.

Ipinikit ko ang aking mga mata. Naramdaman ko ang paglapat ng malamig na palad ni Cecilia sa noo ko at narinig ko ang dasal niya sa ibang lengguwahe na orasyon sa paghihiwalay ng katawan sa kaluluwa. Pagdilat ko, nakalutang na ako sa hangin – isa na akong multo. Bumaba ako sa sahig. Lumuhod ako at hinalikan ko sa noo si Sunshine. "Babalikan kita. Magkita tayo mamaya," sabi ko sa kanya.

Nilapitan ko na sina Cecilia at Mang Pedro. "Tayo na," sabi ko kay Cecilia. Hudyat para dalhin niya na ako sa gitnang dimensiyon.

Naglakad kami papunta sa harap ng banyo.

"Sa banyo?" tanong ko. Tumango si Cecilia. "Seryoso?"

"Opo, itay. Sa bahay na ito, sa lugar na ito malakas ang enerhiya patungo sa gitnang dimensiyon. Dito mabubuksan ang lagusan."

Napatango na lang ako sa sinabi ni Cecilia. Hinawakan niya ang pinto at nagbigkas siya ng dasal. Nagliwanag ang pinto – bukas na ang lagusan.

"Maari na po kayong pumasok, itay" sabi ni Cecilia.

"Bantayan mo si Sunshine. 'Wag mong pabayaan ang inay mo," bilin ko.

Niyakap ako ni Cecilia. "Babalik po kayo."

"Pangako," tugon ko at hinaplos ko ang ulo niya. "Salamat sa lahat, Cecilia."

Tinapik ni Mang Pedro ang balikat ko. "Maging matatag ka, iho," sabi niya.

"Salamat po," tugon ko. "Bantayan mo po sila." Tumango si Mang Pedro sa bilin ko. Maikli lang ang sampung minuto. Pero sa maikling oras na 'yon, marami ang posibleng mangyari – masama at mabuti.

Hinawakan ko ang doorknob at binuksan ko ang pinto, ang banyo pa rin ang nakita ko. Pero nang pumasok na ako at isara ang pinto, isang malawak na tuyong lupang bitak-bitak ang tumambad sa 'kin. Walang hangin. Walang anumang gumagalaw. Isang patay na lugar ang dimensiyong ito. Walang ibang narito kundi ako lang. Ang kalangitan ay kulay pula na ang lungkot pagmasdan. Nasa likod ko pa rin ang pinto. Ang sabi ni Cecilia, naroroon lang ang pinto hangga't bukas ang lagusan – hangga't kaya pa ng lakas niyang panatilihing bukas ito. Kapag wala na ang pinto, sarado na ang lagusan at posibleng makulong na ako sa dimensiyong ito. Maaring buksan ulit, ngunit maaring huli na at sa pagbabalik ko patay na ang katawan ko. At ang mas masama, maaring hindi ko pa mahanap ang pinto dahil baka saan na ako napadpad sa lugar na ito.

Naglakad ako. Hindi ako dapat magsayang ng oras. Diretso lang daw ako, sabi ni Cecilia. Nasa dalawang minuto o tatlo, mararating ko na ang kinaroroonan ni Emelia. Pero sa lawak ng lugar na halos wala akong makitang hangganan, parang imposible. Pero panghahawakan ko ang sinabi ni Cecilia. May tiwala ako sa kanya. Kaya diretso lang ako at tumakbo na.

Nagbibilang ako ng bawat segundo sa isip ko, mga dalawang minuto na rin akong tumatakbo. At 'di ko namalayan, hindi na pala ako nag-iisa. Maraming nang tao sa paligid. Hindi. Maraming multo. Babae, lalaki, matanda at bata. Lahat sila tila naghihirap. Lahat nakatingala na animo'y nagsusumamo sa Itaas. Pero tahimik lang sila. Walang ingay na maririnig sa paligid at ako lang ang kumikilos. Hiwa-hiwalay sila na malayo ang agwat sa isa't isa. Hinanap ko si Emelia. Naghanap ako ng babaeng may hawak na sunflower at inalala ko ang hitsura niya sa panaginip ko.

Umabot rin ng lagpas isang minuto ang paghahanap ko, sa wakas natagpuan ko siya. Nakatingala siya gaya ng iba. Hawak niya sa kanang kamay niya ang sunflower. At nakumpirma ko ring siya 'yon sa mukha niya. "Emelia?" tawag ko sa kanya. Nasa dalawang metro ang layo namin sa isa't isa.

Nilingon niya ako. Tiningnan niya ako ng 'di makapaniwala at napakalungkot niyang mga mata. "Lucio?" sabi niya. Lumuha siya.

Nag-iba ang paligid at kami na lang dalawa ni Emelia ang natira. Naging malawak na damuhan at sa likod ni Emelia mayroon nang malaking puno ng mangga – ang lugar sa aking panaginip – kung saan nagpakamatay siya.

"Lucio, nagbalik ka," may pananabik na sabi niya.

"Ako si Lukas. Narito ako para kunin ang bulaklak. Para kay Sunshine. Para sa sumpa," diretsong pahayag ko.

"Para sa liwanag? Si Susan?"

"Oo. Pero siya na ngayon si Sunshine. At ako, si Lukas."

"Maging sa ikalawa ninyong buhay, kayo pa rin pala. Nagkamali nga siguro akong tutulan kayong dalawa." Naramdaman ko ang sakit na meron siya sa puso niya. Napapikit siya kasabay ng pagdaloy ng luha mula sa kanyang mga mata.

"Kailangan ko ang bulaklak," pagdiin ko sa pakay ko. At hinanda ko ang sarili ko.

"Pumunta ka sa lugar na ito, para mabuhay siya. Itinaya mo ang buhay mo para sa kanya?"

"Gano'n ko siya kamahal."

Masuyong pinagmasdan ako ni Emelia. "Naiintindihan ko na. Noon pa man, naiintindihan ko na. Sinira ko ang buhay ninyo. Pinigilan ko kayong maging masaya. Nagkamali ako. Nagpadala ako sa galit. Sa selos. Sa inggit. Nabalot ako ng poot at paghihiganti. Isinara ko ang puso ko. Naduwag akong tanggapin na hindi ako kayang mahalin ng taong minamahal ko. Akala ko magiging masaya ako kapag nakita ko kayong naghihirap... Pero hindi ako naging masaya." Patuloy ang pagdaloy ng luha mula sa kanyang mga mata. "Ang tagal kong hinintay ang pagkakataong ito. Humihingi ako ng patawad, Lucio. Sa inyong dalawa ni Susan. Patawarin ninyo ako sa mga nagawa ko. Sa lahat-lahat. Sa lahat na nasaktan ko... patawad. Hirap na hirap na ako. Gusto ko nang makawala sa galit at puot na nararamdaman ko. Gusto ko nang tuluyang matahimik. Pinagsisisihan ko na ang lahat. Patawad..."

Naguguluhan ako. Hindi ganito ang inaasahan kong eksena ng paghaharap naming dalawa. "Kapag pinatawad kita, ibibigay mo na ang bulaklak?"

Umiling si Emelia. "Nais ko rin marinig ang pahingin ninyo ng tawad. Sinaktan ninyo ako. Pinaasa. Sinaktan ninyo ang damdamin ko. Sabihin ninyo man na hindi ninyo sinasadya, pero pinaglaruan ninyo ang nararamdaman ko."

"Pero sa pagkakaalam ko, humingi na ng tawad sina Lucio at Susan... kami. Nang araw na malaman mong buntis si Susan."

"Ang araw na iyon ang pinakamasakit na araw ng buhay ko... Oo. Humingi kayo ng tawad. Pero humingi kayo ng tawad para lang lubayan ko na kayo, para lumayo na ako. Hindi ninyo hiningi ang kapatawaran ko. Hindi kayo humingi ng tawad dahil gusto ninyong patawarin ko kayo. Hindi iyon ang nararamdaman ninyo. Hindi iyon ang nasa puso ninyo."

Nakakapagtaka. Walang kaba sa dibdib ko. Siya ba talaga ang itim na multo? "Sa totoo lang, walang galit akong nararamdaman sa puso ko," nakangiting sabi ko. "Alam kong gano'n din si Sunshine. Maaring noon pa man, napatawad ka na nina Lucio at Susan. Kaya wala kaming puot sa puso namin... Emelia, pinapatawad ka na namin."

Napapikit sa pasasalamat si Emelia. "Salamat," mahinang nasabi niya.

"At sana, patawarin mo rin kami... Emelia," taos puso kong paghingi ng kapatawaran.

Muli siyang napapikit at inilagay niya ang kanyang mga kamay sa kanyang dibdib. At paulit-ulit na pagtango ang nagin tugon niya sa paghingi ko ng tawad. "Matatahimik na rin ako. Napakasaya ko," iyak niya.

May kung ano'ng humaplos sa puso ko. Napaluha rin ako.

Naglakad si Emelia palapit at inabot niya ang bulaklak sa 'kin. "May isa pa akong kahilingan," sabi niya bago ko pa man mahawakan ang sunflower.

"Ano 'yon?" tanong ko.

"Ihingi mo ako ng tawad sa anak ninyong si Cecilia. At sa mga taong nasawi sa lugar na iyon noong gabing may galit pa sa puso ko."

"Ang mga namatay sa sunog?"

Tumango siya. "Pero hindi ko naman iyon sinasadya. Hindi ko inakalang ganoon ang mangyayari. Hindi ko gustong marami ang masawi. Pero dahil sa may galit pa rin ako, at nagpadaig ako sa poot nang mga sandaling iyon, nagawa kong ikulong sila sa lugar na iyon upang hindi makatawid sa kabilang buhay. Para maranasan din nila ang paghihirap ko – ang hindi matahimik sa mundo ng mga buhay."

"Naiintindihan ko. Gagawin ko."

"Salamat, Lucio..."

Matamis na ngiti ang naging tugon ko sa kanya. Nang mahawakan ko na ang sunflower, unti-unti nang naglaho si Emelia. May ngiti sa labi niya. Bumalik ang anyo ng lugar. Muling naging malawak na tuyong lupa at nasa paligid ang mga multong tahimik na nakatinga lang.

Agad-agad kong tinahak ang pabalik sa mundo ng mga buhay. Tinakbo ko ang direksiyon ng pinto kung saan ako nanggaling. Hindi ang inaasahan naming mahirap na pakikipalaban ang nangyari sa paghaharap namin ni Emelia na labis kong pinaghandaan. Mas naging mahirap pa ang pagsasanay ko para sa misyon ko. Pero sa totoo lang, ang paghingi ng tawad at pagpapatawad ay isang mahirap na pakikipaglaban. Pakikipagdigma sa sarili mong nararamdaman. Pakikipagdigmang hindi mo agad malalabanan. Na tanging matatapang na tao lang ang makakagawa. Mga taong may mabuting puso at mabuting hangarin sa kapwa.

Sobrang bilis ng takbo ko at napakasaya ko. Hawak ko na ang lunas sa sumpa. Mabubuhay ko si Sunshine! Magwawalong minuto na mula nang maging kaluluwa ako, tsaka ko narating ang pinto. May dalawang minuto na lamang ako, kaya mabilis kong binuksan ang pinto. Nakangiti akong lumabas sa gitnang dimensiyon. Walang naging hadlang sa misyon ko ro'n.

Pero hindi inaasahang pangyayari ang naabutan ko. At nabalot ako ng takot.

Próximo capítulo