"MABALIK TAYO SA babaeng multong nagpakita kay Jose noong mga bata pa kami," pagsisimulang muli ni Mang Pedro. "Hindi niya tinigilan ang pamilya Sinag. Maging ang mga kasambahay, tinakot niya at nagsialisan – ang pamilya namin ang tanging natira. Ang multong iyon, ay siyang multo ring nagpapakita kay Tiya Cecilia noong bata pa siya. Na natigil lamang noong umalis siya sa lugar nila sa Bikol. Muling natagpuan si Tiya Cecilia ng multo, at ang anak niya naman ang ginambala nito, ang lolo mo, Lukas. Ang multong iyon ang sinasabing dahilan ng pagkamatay ng magulang ni Tiya Cecilia, at hindi nito patatahimikin ang sino man sa pamilya nila. May matinding galit ang multo, na hindi nawala hanggang sa kanyang kamatayan.
"May kakayahan din tulad ninyo ni Jose si Tiya Cecilia, at may iba pa siyang kakayahan bukod do'n. May mga alam siyang ritwal sa pagtaboy ng multo, at kaunting kakayahan sa pangkukulam. Inaral niya ang mga bagay na 'yon nang malaman niyang may alam sa pangkukulam ang multong tinutugis siya mula pa noon. At nang muli itong magpakita, sinubukan niyang gamitin ang mga alam niyang ritwal para itaboy ang multo at tuluyan nang itawid sa kabilang buhay kung saan man ito nararapat magtungo.
"Pero nabigo si Tiya Cecilia, na nagpahina sa kanyang katawan. Nagkaroon siya ng malubhang karamdaman na hindi matukoy, na ikinamatay niya. Nilisan ng pamilya Sinag ang bahay na ito dahil sa masakit na pangyayaring iyon at sa 'di matigil na kababalaghang nangyayari. Ang kaluluwa ni Tiya Cecilia ay nanatili rito, para pa rin protektahan ang pamilya niya laban sa multo – ikinulong niya ang sarili niya sa bahay na ito kasama ang multo, para hindi nito masundan ang kanyang mag-ama. Mula noon, kinatakutan ang bahay na ito. Maging ang pamilya naming nagbabantay sa bahay na ito ay hindi pumapasok. Kuntento na kaming sumilip mula sa labas at makita itong nasa maayos na kondisyon.
"Lumipas ang mga taon, naging kuwento-kuwento na lang ang tungkol sa bahay na ito. Wala nang naniwala sa kuwento ng multo. Iyon ang ipinagkalat kong kuwento, na walang multo sa bahay na ito. Niyakap ko na ang paglilingkod sa pamilya Sinag, kaya hindi ko iniwan ang lugar na ito, kahit pa namayapa na ang nanay at tatay ko. Hindi na rin ako nakapag-asawa, dahil ayaw manatili ng babaeng napupusuan ko sa baryong ito. Pero hindi ko pinagsisihan iyon, masaya ako sa ginagawa ko. Nahanap ko ang silbi ko sa mundo na nagpapasaya sa akin at kuntento ako, iyon ay ang bantayan ang bahay na bahagi na ng buhay ko – kaya wala na akong hahanapin pa. Iyon ang sabi sa akin ng tatay ko, na kung saan ka masaya, iyon ang misyon mong gawin sa mundo, ang dahilan kung bakit ka naririto...
"Akala ko hanggang mamatay ako, tahimik na ang lahat. Pero dahil sa mga kabataang naghahanap ng pagkakatuwaan, nagbago ang lahat. Hindi ko alam na may pumasok sa bahay na ito. Naglaro sila, at tinawag ang kaluluwang naririto. Nag-inuman sila at gumawa ng gulo, nagbasag sila ng mga bote rito. Umalis ang mga kabataang nagtatawanan, inakala nilang isa ngang malaking kalokohan lang ang multo sa bahay na ito. Pero hindi nila alam na napalaya nila ang masamang multo. Nang gabing iyon, nagpakita si Tiya Cecilia sa akin, nagbigay siya ng babala sa posibleng gawing kaguluhan ng multo. Pero huli na, narinig ko na lang na nagsisigawan ang mga tao. Tumambad sa akin sa paglabas ko ang mga nasusunog na bahay. Marami ang nasawi – sila ang mga multong nagpupunta rito.
Hindi makatawid ang mga kaluluwa sa kabilang buhay dahil sa sumpang ibinigay ng itim na multo. Nasisiyahan ang multong iyon na nakikita ang mga namatay na nahihirapan sa pananatli sa lugar na ito. Maging ang kung sino mang mamatay sa lugar na ito, ay nakukulong. Tulad ko at ng babaeng ginahasa at pinatay rito."
"'Yong nakahubad na babaeng isa sa mga gustong umangkin ng katawan ni Sunshine?" sa wakas nakasingit din ako, at tumango lang si Mang Pedro. At lulubusin ko na. "Dito lang po ba sa lugar na ito ang sumpa? Hanggang sa Hangganan?" tango lang ulit si Mang Pedro. "Sino po ba ang multong 'yon? Ano'ng naging kasalanan sa kanya, bakit gano'n na lang kalaki ang galit niya? At paano mawawala ang sumpa? Paano ko mabubuhay si Sunshine?"
"Sasabihin ko naman. Gusto ko lang mas maunawaan ninyo ang lahat."
"Okay," nasabi ko na lang. Ang sungit. Siguro gano'n talaga kapag tumandang mag-isa? Ang gusto ko kasi sa usapan 'yong tumbok lang do'n sa gusto kong malaman, kaya hindi ko maiwasang hindi magtanong. At kutob ko kasing may kaugnayan sa napanaginipan ko tungkol sa posibleng nakaraan naming buhay ni Sunshine ang mga taong sangkot sa kuwento ni Mang Pedro.
"Matapos ang sunog, maraming pagpaparamdam ang nangyari. Kaya minabuti ng mga tagarito na lumayo – ako lang natira," pagpapatuloy ni Mang Pedro. "Hindi naman nananakit ang mga multo, gusto lang nilang hindi sila makalimutan... Hindi na muling nagpakita sa 'kin si Tiya Cecilia matapos ang gabi ng sunog.
"Sulat at minsang pagdalaw ang naging komonikasyon ko sa pamilya Sinag. Pero hindi sila pumupunta sa baryong ito. Pinapapunta nila ako sa kabilang bayan para makipagkita sa kanila. Hanggang isang araw, halos dalawang taon na ang nakararaan, pinuntahan ako ng lolo mo doon mismo sa bahay ko. Iyon na nga nang sabihin niya sa akin ang tungkol sa sumpa, at ang posibleng magpawala nito. Doon ko nalaman na nababalot na pala ng sumpa ang parteng ito ng baryo Madulom, na sumpa pala ang dahilan kung bakit tila na napakadilim sa lugar na ito at kung bakit naririto pa rin ang mga kaluluwa ng mga nasawi sa sunog at patuloy na nagpaparamdam.
"Ang muling pagkabuhay ng liwanag nga ang magpapawala sa madilim na sumpa sa lugar na ito." pinukol ng tingin ni Mang Pedro si Sunshine. "At posible ring magpawala na nang tuluyan sa itim na multong nagbigay ng sumpa at makalaya na sa puot niya ang pamilya Sinag.
"Gaya nga ng sabi ko kanina, walang nagtagumpay sa mga pinadalang tao ng lolo mo, Lukas. Bumalik siya rito, at sinabing sa pamilya ninyo magmumula ang sinag. Alam na niya 'yon mula pa nang sabihin niya sa akin ang tungkol sa sumpa. At alam niyang ikaw iyon. Natakot lang siyang baka ikapahamak mo iyon, kaya siya naduwag na hingin ang tulong mo."
Parang naulit na lang ang kuwento ni Mang Pedro. Pero tumahimik na lang ako. Baka kasi masupalpal na naman ako.
"Humingi siya ng signos, kung lalapit ba siya sa iyo at hihingi ng tulong o hahayaan na lang ang sumpang maghari sa lugar na ito at mamatay na nang tuluyan ang liwanag?"
Nagkatinginan kami ni Sunshine sa narinig naming huling sinabi ni Mang Pedro.
"Ibinigay ng tadhana kay Jose ang signos na hinihingi niya – dumating ka, kusa kang nagpakita. Kaso natagalan..."
"Ano pong ibig niyong sabihin?" tanong ko.
"Nanghihina na si Tiya Cecilia. Ilang araw na lang ang natitira, maaring hindi na niya kayang protektahan pa ang bahay na ito. Kaya nga nagawa nang mapasok ng ibang multo ang bahay na ito, maging ako."
"Ibig sabihin, anumang oras, maaring muling makapasok ang mga multong gustong umangkin sa katawan ko?" pag-aalala ni Sunshine.
Umiling si Mang Pedro. "Nagawa naming makapasok nang magalit ka. Nagpahina iyon kay Tiya Cecilia. Nakita kong papasok ang buntis at ang hubad na babae, at sinundan ko sila para pigilan, pero nahila nila ako, at sumunod naman ang batang lalaki. Utos ng nakalaban ninyong multo ang pagpasok ng dalawang babae, para pahinain ang harang."
"Si Elizabeth," nasabi ko.
"Ginamit niya ang mga kawawang multong iyon na naghahangad pa na muling mabuhay para sa pansarili niyang interes. At isa pang nagpapahina kay Tiya Cecilia, ay ang pagpapagaling niya sa inyo."
"Siya rin pala ang dahilan ng mabilis na paggaling namin, maging ang paghilom ng mga sugat?" tumango si Mang Pedro sa tanong ko. "Naririnig niya po ba tayo ngayon? Nakakausap n'yo po ba siya?"
"Lahat ng alam ko, bukod sa sinabi ni Jose, si Tiya Cecilia ang nagsabi sa akin. Nagawa ko siyang makausap mula nang mapunta sa bahay na ito ang liwanag at magawa ko nang mapasok nang walang takot ang bahay na ito. Pero hindi ko siya nakikita – naririnig ko lang ang boses niya..."
Dahan-dahang nagtaas ng kamay si Sunshine. "Mang Pedro, puwede na pong magtanong, 'di ba?" mahinang tanong niya.
Pinasadahan kami ng tingin ni Mang Pedro. "Sige. Kung mas mauunawaan ninyo ang lahat sa pagtatanong ninyo, sige na."
"Puwede n'yo po bang ipaliwanag kung paano niya ako nakita, paano ako napunta sa bahay na ito? Ang naaalala ko kasi, hila ako ni Elizabeth patungong kagubatan sa lugar na 'to, tapos sinakal niya ako matapos niyang magsambit ng kung ano'ng salita, at nawalan ako ng malay – pagkagising ko, narito na ako, at isa nang multo. At paanong ako ang liwanag?" itinuro ni Sunshine ang may petsa ng ika-isa ng Nobyembre na may bilog at may nakasulat na taong 2015 sa taas sa kalendaryong taong 2013 na nakalapag sa center table. "At tama ba ang hinala naming sa araw na ito ako namatay, at sa araw na ito rin dapat mabuhay na ako sa taong ito? Dahil kung hindi, posibleng tuluyan na akong mawala? At si Cecilia, ang Tiya Cecilia sinasabi mo, ano ang pangalan ng magulang niya? Alam n'yo po ba? Posible kasing... baka posibleng tama ang hinala ni Lukas?"
"Siya na ang bahalang magpaliwanag sa lahat," sagot ni Mang Pedro na diretso lang ang tingin sa direksiyon papuntang kusina.
Nang lingunin namin ang direksiyong tinitingnan ni Mang Pedro, nakita namin ang isang magandang babaeng nakasuot ng mahabang puting damit. Agad kong napansin ang pagkakahawig niya kay Sunshine.
"Tiya Cecilia, masaya akong muli kang makita," nakangiting bati ni Mang Pedro.
Napatayo kami ni Sunshine nang maglakad palapit sa 'min ang babaeng tinawag na Tiya Cecilia ni Mang Pedro. Huminto siya sa tapat namin nang nakangiti, pero bakas ang kalungkutan sa mga mata. Nasa dalawampu't walo hanggang tatlumpung taong gulang siya. "Masaya rin ako, Pedro," sabi niya nang lingunin niya si Mang Pedro. "Masaya rin akong makaharap kayo, Lukas at Sunshine, sa wakas," bati niya sa 'min nang muli niya kaming harapin.
"Ikaw si Cecilia? Ikaw ang proteksiyon ng bahay na ito?" tanong ni Sunshine. Tumango si Cecilia bilang tugon.
"Posible bang, Lucio at Susan ang pangalan ng magulang mo?" diretsong tanong ko.
Tumango siya. "Sila ang tatay at nanay ko," nakangiting sagot niya.
Nagkatinginan kami ni Sunshine. "Tama ka nga, Lukas. Ang galing!" tuwang-tuwang sambit niya bago harapin muli si Cecilia at hinawakan ang kamay nito. "May naaalala ka ba sa 'min? May kamukha ba kaming kakilala mo?"
"Kamukha ninyo sina tatay at nanay," sagot niya. Makikita sa mga mata niya ang pananabik na makita kami ng harapan. "Dinalaw nila ako sa panaginip noong bata pa ako, bago ako gambalain ng multo ni Emelia. At dinalaw rin nila ako sa bahay na ito bago ako muling nahanap ni Emelia. Binigyan nila ako ng babala at nangako silang tatapusin nila ang lahat... sinabi nilang babalikan nila ako..."
"At bumalik kami bilang sina Lukas at Sunshine," nasabi ko.
Nakangiting tumango si Cecilia. "Tinupad ninyo ang pangako ninyo."
"At kami ang tatapos sa sumpa – ang muli kong pagkabuhay," sabi ni Sunshine.
Tumango si Cecilia. Posible pala ang gano'n. At kaya pala pamilyar ang lugar na ito sa 'kin, dahil narating ko na talaga 'to noon. Nasabi rin ni Sunshine sa 'kin na parang narating na niya ang lugar na ito. Nanggaling na kami rito noong sina Lucio at Susan pa kami.
"Nakilala mo na ba kami nang una mo pa lang kaming makita?" tanong ko. Tumango si Cecilia. "Bakit hindi mo agad sinabi sa 'min? Bakit hindi mo kami kinausap?"
"Dahil mas gusto kong buo sa loob ninyo ang lahat – ang pagtanggap ninyo sa inyong tadhana. At ayaw kong pangunahan ang mga mangyayari. Ayaw kong diktahan ang inyong damdamin. Na kapag sinabi ko ang tungkol sa inyong nakaraan, na isipin ninyo na lang na dapat ay mahal ninyo ang isa't isa. Posible ngang magbalik o muling mabuhay ang namatay na. Pero posibleng ibang tao na sila. Na iba na ang hitsura nila, ang nararamdaman, ang mga gusto at pananaw sa buhay. Isang pagbabalik na ibang-iba sa kanilang nakaraan"
"Naiintindihan ko," sabi ko.
"Ngayon, masasabi mo bang kami sila?" tanong ni Sunshine.
Mas naging maaliwalas ang ngiti ni Cecilia. "Oo," sagot niya. "Mas matanda nga lang ako sa inyo." Napangiti kami sa sinabi niya.
Naging napakasaya ng tagpong 'yon. Nagyakap kaming tatlo. Naramdaman ko ang lukso ng dugo – kung iyon nga 'yon? May pananabik at tuwang hindi ko maipaliwanag. Napakasarap sa pakiramdam at napakaluwag sa dibdib.