webnovel

KABANATA 18

MATAPOS 'KONG MAGTAPAT – kinain ko ang pride ko sa pagkakataong 'yon at pinagmukha kong tanga ang sarili ko sa pagkakagusto ko sa kanya, ayon, nang-iwan siya sa ere! Tumayo siya at naglaho. Alas-dos na ng hapon, 'di pa rin siya nagpapakita. Kanina ko pa siya tinatawag – sinabi kong sasagutin ko ang tanong niya tungkol sa patutunguhan ng mga namatay na, na sa tingin ko 'di na naman kailangan pa, pero nasabi ko na rin dahil nauubusan na ako ng rason para magpakita siya. At sinabi kong balewalain niya na lang ang mga sinabi ko. Nang masabi ko sa kanya ng harapan na gusto ko siya, tsaka lang rumehistro sa utak ko na baka kaya lang naisip ko o talagang gusto ko na nga siya, ay dahil ilang araw rin na kaming dalawa lang ang magkasam dito sa bahay. Maaring dahil do'n kaya naging espesyal siya sa 'kin.

"Sunshine naman!" muling tawag ko sa kanya. Matutulog sana ako dahil parang kailangan pa ng katawan ko ng pahinga, kaso siya ang nakikita ko sa pagpikit ko. At hindi ako mapakali na 'di ko malaman kong ano ang tugon niya sa ipinagtapat ko. Lumabas ako ng kuwarto at muli ko siyang tinawag nang paulit-ulit na magpakita na siya.

Uminom ako ng tubig sa kusina, natutuyuan na ako ng lalamunan sa kakasigaw. May naramdaman akong malamig na hanging nagmumula sa likuran ko. Paglingon ko, nakatayo siyang nakatingin sa 'kin – nakanguso siya at nanliliit ang mga mata. Parang gusto kong matawa sa hitsura niya.

"Kainis ka kasi!" sita niya sa 'kin wala pa man akong sinasabi sa kanya.

Nilapag ko sa mesa ang basong wala nang laman, nilapitan ko siya, hinawakan ang kamay at hinila paupo sa sofa sa sala. Sinabi kong mag-usap kami – pumayag siya at sinabing bitiwan ko na ang kamay niya dahil ayaw niyang manghina pa ako.

"Bakit ka nagtago?" diretsong tanong ko na nilapit pa ang mukha ko sa kanya. Naalala ko noong sinita niya ako no'ng mga unang araw ko rito – nilapit niya sa 'kin ang mukha niya na halos maduling na ako. At kanina, bago siya tumayo habang hawak ko ang magkabilang balikat niya, matapos kong sabihing gusto ko siya, nilapit ko rin ng ganito ang mukha ko at may nagsasabi sa utak ko na sabihin sa kanya ang tatlong salitang 'yon. Kahit paano, nagpapasalamat ako sa ginawa niya, parang ang korni kasi no'n kung sinabi ko. "Ano, bakit ka nagtago?" muling tanong ko nang 'di siya umimik.

"Kainis ka nga kasi!" malakas ang boses niya at inirapan ako.

"Bakit ako kainis?" hindi siya sumagot at ni hindi siya makatingin sa mga mata ko. Palihim akong napapangiti sa loob ko. Ang hitsura niya 'yong tipong pakipot pa sa lalaking crush siya na crush niya rin naman. "Sinabi ko lang kong ano ang nararamdaman ko," nakangiting sabi ko. "Pero 'wag kang mag-alala, dahil hindi pa naman gano'n kalalim 'yon. Alam kong nahihirapan ka ngayon at nasasaktan sa mga nalaman mo tungkol sa 'yo, tapos heto ako, pinapagulo ang isip mo – sorry."

Malungkot niya lang akong tiningnan. Napabuntong-hininga na lang ako at bahagyang ngumiti. "Sandali lang, saan ka pupunta?" tanong niya nang tumayo ako para pumasok sa kuwarto.

"Matutulog," sagot ko na 'di siya nilingon.

"'Di ba, sabi mo sasabihin mo ang dating alam mo na patutunguhan ng mga taong namatay?" sabi niya nang bigla siyang lumitaw sa unahan ko na ikinagulat ko kaya sinamaan ko siya ng tingin. Pabukas na sana ako sa pinto ng kuwarto, eh – pasaway na multo 'to! Tiningnan ko siya sa mga mata. Palusot niya lang ang pagtatanong niya – naramdaman kong ayaw niya pang tapusin namin ang aming pag-uusap – may kung ano siyang gustong sabihin sa 'kin – at nararamdaman kong hindi ko magugustuhan ang sasabihin niya.

"Dati pa, alam ko nang magiging multo ang ibang namatay na at gagala, sa 'di ko alam na dahilan – bata pa ako nakikita ko na sila. At sabi sa 'kin nina mama at papa, ang tao ay maaring mapunta sa langit kung naging mabuti sila, at sa impiyerno kung naging masama sila. 'Yon ang pagkakaalam ko noon. 'Yon lang." Pagtapos ko sa usapan. Sinenyasan ko siyang tumabi, at sumunod naman at binuksan ko na ang pinto. "Matutulog ako. Ayaw ko ng istorbo. 'Wag kang papasok sa kuwarto ko, Sunshine."

"Gano'n lang?" nakangiwing tanong niya. Halatang hindi sapat para sa kanya ang sagot ko. Eh, ano'ng magagawa ko? 'Yon na talaga ang pagkakaalam ko, dati pa. Tumango ako, pumasok ng kuwarto at isinara ang pinto sabay lock na parang hindi niya kayang tumagos sa pader.

Pabagsak akong nahiga sa kama, muling malalim na napabuntong-hininga. Mga ilang minutong nakatingin lang ako sa boring na kisame.

***

NAKITA KO ANG pagtagos ni Sunshine sa pader. Bahagya lang akong nakapikit, at nagkunwaring tulog. Halos isa't kalahating oras na akong nakahiga lang sa kama pero 'di ako makatulog kahit pa nararamdaman ko ang antok. Ang dami kasing gumugulo sa utak ko – mga posibleng mangyari na sana 'di maganap at mga sana'y posibleng mangyaring magkatotoo – at mga posibilidad tungkol sa sitwasyong kinalalagyan ko. Maingat na naglakad palapit sa kama si Sunshine at naupo sa gilid nito sa harap ko. Hindi ko siya nililingon, siguro naniniwala siyang tulog ako – nararamdaman kong pinagmamasdan niya ang mukha ko. Nagsimula siyang magsalita – narinig ko pa lang ang unang salitang binigkas niya, bumilis na ang tibok ng puso ko.

"Naguguluha ako, Lukas. Hindi naman kasi gano'n 'yon. Nakakainis ka, kasi lalo mo akong ginugulo. Para sa 'kin, tapos na 'to, eh. Ayaw na kitang idamay pa." napakalungkot ng tinig niya. "Alam ko na kung sino ako, naalala ko na ang pagkatao ko – at ayaw ko nang balikan ang buhay na 'yon – wala na akong babalikan pa... Nagpasya na akong 'wag muling mabuhay – at baka hindi naman totoong mabubuhay pa ako, baka kalokohan ko lang 'yon dala ng kalungkutan ko sa loob ng halos dalawang taong mag-isa ako sa bahay na 'to... Sumusuko na ako... Gusto ko nang matahimik. Gusto kong magkasama-sama na kami ng mama at papa ko..." – gusto kong hawakan ang kamay niya – "Pero hayan ka... hinihila na naman ako pabalik sa panaginip ko na muling mabuhay, na makita ang ganda ng mundo – na maging masaya. Kahit alam kong malungkot ang buhay ko at puro sakit, nakakabuo ako ngayon ng mga bagay na gusto kong gawin kapag nabuhay ako muli... At naiisip ko na sana... sana, kasama pa rin kita – "

Parang natigilan siya, sa tingin ko napahawak siya sa bibig niya at 'di makapaniwala sa nasabi niya. Gusto ko nang dumilat at gusto ko nang iguhit sa labi ko ang ngiti sa narinig kong sinabi niya – pero muli siyang nagsalita, at pinili kong makinig. "Kalokohan, 'di ba? Patay na ako, eh. Dapat tanggapin ko na 'yon. Dapat hindi na kita dinamay pa. Nakita ko kung pa'no ka nasaktan nang dahil do'n. Nakita kitang natakot. Ayaw ko nang maranasan mo pa 'yon. At isa pa, gusto ko na lang talagang – magpahinga..."

Idinilat ko ang mga mata ko, tumambad sa 'kin ang gulat na anyo ni Sunshine. Napatayo siya at hiyang napaatras palayo sa kama. Tahimik akong naupo na 'di inaalis ang tingin sa kanya. Walang imik na inabot ko ang kamay niya at pinaupo ko siya sa tabi ko. Tahimik lang kaming magkatabing nakaupo, hindi ko binitiwan ang kamay niya. Tumagal nang halos dalawang minutong gano'n lang kami na nakatingin sa kawalan – nag-iisip na walang eksaktong iniisip.

"Okay lang ako," sabi ko nang maramdaman kong binabawi niya ang kamay niya.

"Baka manghina ka?" mahinang sabi niya, nakatingin na kami sa isa't isa.

"Ayos lang ako."

"Narinig mo ba? 'Yong... kanina?"

Tumango ako. "Um."

"Hindi ka tulog?"

"Um."

"Gago," sabi niya sabay sinamaan ako ng tingin. Napangisi ako.

"Ba't 'di ka kasi kumatok? 'Di sana, alam mong gising ako," nakangiting sabi ko.

"Eh, ba't kailangan mong magtulog-tulugan? At isa pa, multo ako, kakatok?"

"Hindi ako nagtulog-tulugan. Dati na akong nakapikit nang dumating ka. At isa pa, lisensya na ba ang pagiging multo para pasukin ang kuwarto ng kahit sino?" ngumiwi lang siya. "Pati puso ko, pinasok mo na," mahinang pahaging ko at ginantihan siya ng sama ng tingin.

"Napakagago mo talaga!" sigaw niya. Kung siguro wala siyang katawang tao ngayon, mag-aanyong halimaw siya para takutin ako.

"Ganyan ka ba kiligin?" biro ko.

"Hindi ako kinikilig, ah!"

"Nararamdaman ko sa kamay mo, Sunshine." Tumahimik na lang siya. Muling naging seryoso ang paligid. "Base sa sinabi mo kanina, gusto mo na rin ako, tama?" tanong ko. Tumango siya – hindi niya itinanggi pa. Tulad ko, madali niyang naamin ang nararamdaman niya. Naisip ko, na hindi na kami bata o tulad ng mga teenager. Kami, kaya na naming harapin at maamin nang madali ang gano'ng pakiramdam matapos ang ilang ulit na pagtanggi, na hindi naman talaga pagtanggi dahil pag-aaral 'yon sa kung ano talaga ang nasa loob namin – pag-aaral kung may pagdududa o totoo nga ang pakiramdam na 'yon, na hindi lang nadala sa sitwasyon. Pero gano'n naman ang pag-ibig, nabubuo sa isang sitwasyon. Masyadong werdo. Walang tamang depinisyon – kung saan nagsimula, paano nagsimula?

"Pero... ewan? Hindi ko maintindihan?" sabi niya.

"Ako rin naman. Kung hindi ka naguluhan sa una, hindi pag-ibig 'yon."

"Pag-ibig agad?"

"Sabihin na nating mababaw pa ang nararamdaman natin sa isa't isa. Lalalim din 'yan at mauuwi sa pagmamahal – pag-ibig 'yon."

"Pero – "

"May nararamdaman ka pa rin kay Migs?"

Malalim siyang napabuntong-hininga – oo, multong nagbubuntong-hininga. "Bukod sa galit...? Panghihinayang. At 'yong matinding sama ng loob. Hindi ko matanggap, Lukas. Dahil napakasakit..." sagot niya.

"Ang sakit, kalimutan mo. 'Yong pangyayari, tanggapin mo. Tutulungan kita. Ako ang sinag mo, ako ang magbabalik ng liwanag mo." Hinigpitan ko ang hawak sa kamay niya.

"Multo ako, Lukas."

"Sabi mo, nararamdaman mong buhay ka pa. Nang hilingin mo sa 'kin na maging sinag mo ako, sigurado ka sa pakiramdam na 'yon – at naniniwala ako ro'n. At nararamdaman kong buhay ka pa, isa kang kaluluwang naliligaw. Maaring nasa isang lugar lang ang katawan mo at hinihintay ka. Maaring 'yon ang misyon ko bilang sinag mo, ang ihatid ka sa katawan mo."

"Pero wala na akong babalikan." May luha sa gilid ng mga mata niya.

"Meron, ako. Handa akong malagay sa kapahamakan para sa 'yo. Hindi kita susukuan – sana ikaw rin." Napayuko siya, may kung ano'ng humihila sa kanya palayo sa 'kin. Nag-aalangan siya – ang mama at papa niya na labis niyang gusto nang makasama. "Ang mama at papa mo, alam kong mas gusto nilang lumaban ka. Gugustuhin nilang muli kang mabuhay. Gusto nilang maging masaya ka. Gano'n ang magulang, kasiyahan ng anak nila ang buhay nila. Sina mama at papa, okay lang sa kanilang wala silang makain, basta busog ako. Kapag inaway ako ng mga kalaro ko at umiyak, ginagawa nilang katatawanan ang mukha nila para matawa ako. Walang kondisyon ang pagmamahal ng magulang, kompleto na ang buhay nila kapag masaya ang anak nila." Hindi ko na rin napigilang maipon ang luha sa aking mga mata. "Si papa, kaya niya gustong mahanap ko si lolo para nga sabihin na naging masaya ang buhay niya sa piling namin ni mama, kahit alam niyang masama ang loob ni lolo sa kanya, dahil alam ni papa na makokompleto ang buhay ni lolo kapag nalamang naging masaya siya at hindi nagkamali sa desisyong ginawa niya." Bumalik sa alaala ko no'ng minsang marinig ko ang pag-uusap nina mama at papa, kung bakit minsan ginagabi ng uwi si papa, dahil palihim niyang dinadalaw si lolo. Makita niya lang ito kahit sa malayo, okay na siya. At isa 'yon sa rason kung bakit may sama ako ng loob kay lolo kaya hindi ko siya agad hinanap, dahil hindi niya nakita kung gaano siya kamahal ni papa.

Alam kong may pag-aalangan pa rin si Sunshine. Pero hindi ako susuko. Dahil nararamdaman kong ang muling pagkabuhay niya ang dapat na piliin niya. Iyon ang tadhana ko, maging sinag niya. At nararamdaman kong nakatadhana kami para sa isa't isa.

Natapos ang pag-uusap namin sa isang mahigpit na yakap. Sa totoo lang, gusto ko na siyang halikan. Ayaw ko lang isiping niyang mapagsamantala ako at masyadong agresibo na gagawin 'yon sa isang multo. At isa pa, wala na akong pagkakataong gawin 'yon – nahimatay ako dahil sa panghihina sa pagkakahawak sa kamay niya, sa pagpapahiram ng lakas ko para magkaroon siya ng katawang tao. Pero kahit paano, nakapagpahinga ako at nakabawi ng lakas dahil sa pagkakahimbing ko. Nang magising ako, gabi na, at naghapunan ako mag-isa. Alam kong natatakam si Sunshine kumain, pero 'di na rin siya pumilit baka maabuso pa ang katawan ko. Pagkakain ko, pinag-usapan namin ang tungkol sa katawan niya, sa mga posibilidad na lugar na puwedeng naroon iyon, at kung paanong makakabalik siya sa katawan niya kung sakaling matagpuan namin 'yon. At kung gano'n nga ba 'yon, kung talagang ang paraan para mabuhay siya ay ang mahanap ang katawan niya at muli siyang bumalik dito. Iniisip naming alam ni Mang Pedro kaya hinanap namin siya sa mga multong nakatayo sa tapat ng bahay, pero wala siya. At wala rin ang multong si Elizabeth. At napansin naming may iba pang wala tulad ng multo ng ginahasang babae at 'yong isang buntis at multo ng batang lalaking madalas tumakbo-takbo.

Madaling-araw na kami natapos mag-usap, na kasama na ang pagliligawan. Gusto niya kasi ligawan ko pa siya. Tinanong ko siya bago ako matulog kung ayos lang bang 'Sunshine' pa rin ang itatawag ko sa kanya. Sabi niya, mas gusto niya 'yon. Dahil nagpapaalala lang sa mapait niyang nakaraan ang tunay niyang pangalan. At sabi niya, maiitindihan naman siguro ng mama at papa niya 'yon. Naisip niya kasing bigay ng magulang niya ang pangalang iyon.

Próximo capítulo