webnovel

KABANATA 11

"KKB TAYO, HA?" pabirong paalala ni Sara nang marating namin ang karenderya na malapit lang sa grocery store na pinapasukan nila ni Jane. Naupo kami sa apatang mesa.

"Libre ko na," presenta ko.

"Seryoso?" galak na tanong ni Sara. Tumango lang ako.

"Parang nakakahiya naman ata 'yon. Kami kaya ang nagyaya. Nagbibiro lang naman si Sara," pahayag ni Jane. Naramdaman ko ang pagkailang niya.

"Okay lang, wala 'yon. Bukod kay Mang Caloy, kayo ang una kong nakilala sa lugar na 'to. Masaya akong may bago akong kakilala," sabi ko.

"Sigurado ka? Wala nang bawian kapag naka-order na kami," nakangiti nang sabi ni Jane. Nakangiting tumango ako. Sa totoo lang, 'di ko na matandaan kung kailan ako may nilibre. Kaya natutuwa ako.

"Wala na talagang bawian! Mag-e-extra rice ako!" napatili pang sabi ni Sara at hinila niya si Jane sa counter para pumili at omorder ng pagkain.

"Mas nauna mo kaya akong nakilala kaysa sa kanila," narinig kong bulong ni Sunshine mula sa likuran ko.

"Iba ka naman sa kanila. Sila buhay, ikaw multo na," sagot ko kay Sunshine at sumunod na ako kina Jane. Nakita ko ang pagsama ng tingin niya sa 'kin nang sulyapan ko siya. Ano'ng problema niya?

***

"NAPA'NO NGA PALA 'yan?" tanong ni Jane at sumenyas sa kaliwa niyang pisngi. Ang sugat sa pisngi ko ang tinutukoy niya na nalagyan ko na ng band aid.

"Wala 'to. Nadaplisan lang ng pinutol kong sanga kanina. Naglinis kasi ako sa bakuran," pagsisinungaling ko. Buti na lang pala at 'di nila makikita ang sugat ko sa paa at braso dahil natatakpan ng suot ko. Baka isipin nila tatanga-tanga ako. Kanina, bago pumunta sa grocery store, sa labas pa lang ng drug store nang makabili na ako ng mga gamot, tinakpan ko na ang mga sugat ko ng band aid.

"Sana naman, 'di magpeklat ang cute mong mukha," sabi ni Sara.

Napangiti ako. "Sana nga," sabi ko na lang.

"Saan banda?" singit ni Sunshine na 'di ko na lang pinansin.

"So, Lukas, may GF ka na?" diretsong tanong ni Sara nang mag-umpisa na kaming kumain. May menudo, adobo, sinigang, isang litro ng soft drinks at extra rice para sa 'ming tatlo na nasa mesa, at ang libreng sabaw.

"Ha?" nagulat ako sa tanong niya.

"Girlfriend, nobya, kasintahan, syota. Ano meron?"

"Wala," matipid na sagot ko.

"Perfect! Si Jane, single rin," kilig na komento ni Sara. "Aw!" nadinig kong mahinang daing niya sa bandang huli. "Ba't ka naninipa?" natatawang tanong niya kay Jane na sinamaan siya ng tingin.

"Pasaway ka talaga," nakangiwing mahinang sabi ni Jane kay Sara. Binaling ni Jane ang tingin niya sa 'kin. "Naku, Lukas, ganyan talaga 'yang kaibigan kong 'yan. Hayaan mo na. Kung kani-kanino ako niyan nirereto. Kawasa siya, may boyfriend."

Ngumiti lang ako. Masaya kaming kumain; kuwentuhan, pagpapakilala pa sa isa't isa at kung ano-ano, at siyempre, tungkol sa mga multo sa baryo Madulom. Magkatapat na nakaupo sina Jane at Sara. At ako, katapat ko si Sunshine na tahimik lang na nakikinig sa 'min. Ang nakakainis lang, mala-halimaw ang anyo niya na nakatingin sa 'kin. May regla ba ang multong 'to? Natanong ko sa isip ko.

"Kaya pala, ayaw mo akong isama kanina," narinig kong hula ni Sunshine. Tiningnan ko lang siya saglit at itinuloy ko ang pagkain ko. Sa totoo lang gusto kong matawa. Para siyang nagger na selosang girlfriend sa inaasal niya. Siguro ngayon iniisip niyang mandidiskarte lang ako sa babae kaya gusto kong pumunta rito sa bayan at ayaw ko siyang isama.

Huminto sa pagsubo si Jane at napansin ko na parang may bumabagabag sa kanya. "Parang lumamig?" sabi niya.

"Naramdaman ko rin," komento naman ni Sara.

May tupak bang multong 'to? Sa isip ko. Si Sunshine ang dahilan nang biglang paglamig. Umihip siya ng hangin at sinadyang ipatama sa 'ming tatlo. Pero 'di na lang ako umiimik at itinuloy ko lang ang pagkain ko.

"Baka talaga may kasama kang multo? May mga espirito raw kasing sumasama sa tao kung saan ito pupunta na 'di alam ng taong 'yon," sambit ni Jane. Hindi ko alam kung nagbibiro lang ulit siya o seryoso na.

"Wala naman siguro?" tugon ko na lang.

"Wala ba talagang nagpaparamdam sa 'yo sa bahay na 'yon? Mga chakang multo? 'Yong mga galing impyerno, mga gano'n?" tanong ni Sara.

"Kanina pa mukhang espasol na 'to, ha!" inis na komento ni Sunshine. Palihim akong napangiti. "Siya kaya ang mukhang multo d'yan!" dagdag niya pa at muli siyang umihip.

"Lumamig na naman," sabi ni Jane. "Wala k aba talagang kasama?" tanong niya.

"Wala talaga," sagot ko. Nang tingnan ko si Sunshine, nakita ko ang ngiting aso niya. Ano ba ang trip ng multong 'to?

***

"TSK. PASIKAT," NARINIG kong parinig ni Sunshine sa 'kin. Nasa grocery store na kami at namimili. Bitbit ko ang market basket na may ilang paninda nang bibilhin ko.

Napangisi ako. "Ano ba'ng problema mo, Sunshine? Kanina ka pa, ha?" pabulong kong sabi sa kanya. At tinalikuran niya lang ako.

Naglagay ng corn chips sa basket si Sunshine – pinandilatan ko siya ng mata. Kanina bago kami pumasok sa grocery store na 'to na pinapasukan ni Jane, sinabi niyang excited siya mamili at pumili ng bibilhin namin. Nang sabihin niya 'yon, binilinan ko siyang 'wag humawak ng kahit ano dahil kapag may taong nakakita no'n, iisipin ng taong 'yon na lumulutang 'yong hawak niya dahil hindi naman siya nito nakikita. Pero makulit pa rin siya at ginawa niya pa rin sa pangatlong pagkakataon. Pangatlo na!

"Hay, pambihira! Sabi ko, 'di ba, 'wag mong gagawin 'yan?" sita ko.

"Wala namang tao," sagot niya lang.

Mabuti't wala ngang tao sa area kung nasaan kami. Hindi naman kalakihan ang grocery store na 'to kumpara sa mga makikita mo sa siyudad. Pero halos lahat na rin na kakailanganin sa pang-araw-araw ng isang pamilya ay matatagpuan na rito.

"Teka nga, Sunshine, nagseselos ka ba?" natatawang tanong ko. Pansin ko, eh.

"Saan?" natatawa niya ring tanong. Normal ang lakas ng boses niya na para lang kaming nag-uusap sa bahay. Hindi naman kasi siya maririnig ng iba. Pero ako, pabulong magsalita, dahil baka mapagkamalan akong baliw kapag nakita akong nagsasalitang mag-isa.

"Sa kanina?"

"Sa inyo no'ng Jane?"

Kumuha ako ng isa pang corn chips. "Wala akong sinabi," nakangiting sagot ko.

"Lukas, para sa kaalaman mo, wala akong dapat ipagselos dahil wala namang tayo. At isa pa, 'di ba sabi ko sa 'yo, may boyfriend ako. Nakikita ko siya sa alaala ko," paliwanag niya.

"Sigurado ka bang kayo? Pa'no kung hindi 'yon gano'n tulad ng iniisip mo?"

"Pero nararamdaman siya ng puso ko, Lukas."

"Okay. Sabi mo, eh." Tumango-tango ako. "Pero kanina, pakiramdam ko talaga, nagseselos ka. 'Yon ang tingin ko. Para kang psycho na girlfriend. Tapos sinabi mo pang mas nauna kitang nakilala kaysa sa sa kanila at tinakot mo pa sila sa pag-ihip mo ng hangin."

"Hindi ko lang kasi feel ang Jane na 'yon. Mukhang lolokohin ka lang niya. Parang ang dami na niyang naging boyfriend. Hindi ko siya bet para sa 'yo. 'Di ba nga, sabi ko, ayaw kitang masaktan uli tulad ng ginawa sa 'yo ng ex mo. Gusto lang kitang protektahan dahil kaibigan kita."

"Magkaibigan tayo?"

"Hindi pa ba?" nakangiwing sabi niya at sinamaan ako ng tingin.

Nawala na ang galit ko sa nangyari kaninang umaga. Hindi 'yon dahil kina Jane... Dahil 'yon sa kanya.

"Akala ko kasi, sinag mo lang ang tingin mo sa 'kin," sabi ko.

"Hindi kaya," sagot niya. "Pero gusto mo na ba ang babaeng 'yon? Bakit nagpalitan kayo ng number kanina?" tanong niya kasabay ng pagkuha niya na naman ng natipuhan niyang kainin. Ngayon, potato chips naman.

Hindi ako nakasagot. Natigilan ako. May batang lalaking nasa apat na taong gulang na nasa harapan namin at nakita ang ginawa ni Sunshine. Sa pag-uusap namin, 'di namin napansin ang paglapit ng bata. Nakatitig ang bata na nakanganga sa potato chips. Sa paningin ng bata, nakalutang ang plastik ng potato chips. Nilingon din ako ng bata na nakabuka pa rin ang bibig sa gulat. Agad kong kinuha ang hawak ni Sunshine at tumalikod ako para takasan ang bata. Narinig ko rin kasi na may aleng tumatawag sa pangalan ng lalaki na marahil pangalan 'yon ng batang lalaki.

"Pasaway ka!" bulong ko kay Sunshine.

"Sorry, naman," sagot niya lang.

Gusto ko sana siyang samaan ng tingin, kaso alam kong gaganti siya at mag-aanyong halimaw na naman. Iniwan ko na lang siya at mabilis akong naglakad. Ilang hakbang lang ang nagawa ko, napahinto ako ng may naramdaman akong pumigil sa 'kin – may humila sa hood na nakalawit sa likod ko. Nang lingunin ko, sino pa, kundi si Sunshine. Humaba ang kamay niya para abutin ako. Muntik pa akong mapatihaya!

"Lagpas ka na," sabi niya. "Bibili ka ng mga de lata, 'di ba?" at nginuso niya ang estante ng mga de latang nalagpasan ko.

Bumalik ako at dinaanan ko lang siya. Hinarap ko ang mga iba't ibang uri ng de lata at namili ng kukunin ko. Habang pinag-iisipan ang bibilhin ko, may narinig akong nalaglag na lata, gumulong ito at bumunggo sa sapatos ko – lata ng sardinas ang nakita ko. Nakita ko ang matandang babaeng puti na halos lahat ng buhok at medyo kumukuba na, may dalawang dipa ang layo sa 'kin. Nakangiting nakatingin sa 'kin ang matanda. Marahil siya ang nakahulog ng lata ng sardinas. Pinulot ko ang lata para ibigay sa matanda. Paglingon kong muli, wala na ang ngiti sa mukha ng matanda at seryoso na itong nakatingin sa 'kin. Ngumiti pa rin ako at humakbang palapit. Sa bawat paghakbang ko, humahakbang din palapit sa 'kin ang matandang babae na mas naging seryoso ang mukha na sa palagay ko ay galit na.

Dalawang hakbang mula sa matanda, huminto ako at humakbang paatras – biglang nag-iba ang kulay ng mga mata ng matandang babae. Naging kulay itim lahat ang mata niya na para kang hinihila sa kadiliman tulad ng mga mata ng multong umatake sa 'kin kaninang umaga. Dumampot ng isang lata ng sardinas ang matanda at ibinato sa 'kin – buti't nakailag ako. Inalerto ko ang sarili ko sa posibleng muling pagbato ng nag-ibang anyong matanda at mas binilisan ko ang paghakbang paatras. Mala-demonyong ngumiti ang matanda na may nanlilisik na mga mata at umaagos ang laway mula sa bibig niya. Para akong nablangko sa nangyayari. Hindi ko makuhang sumigaw at humingi ng tulong – nawala ang pagiging alerto ko, natabunan ito ng takot. Sunod-sunod na dumampot ng mga de lata ang matanda at binato sa 'kin. Nailagan ko ang iba, ngunit may tumama pa rin sa 'kin, sa dibdib, sa hita, sa balikat at sa kamay ko na pinansasalag ko. Malakas ang pagbato ng matanda na wala sa hitsura niya. Naririnig ko ang pag-aalala ni Sunshine. Sinabi niya sa 'kin na tumakbo ako. Naisip ko rin na gawin 'yon, pero para akong nabuhusan ng malamig na tubig at 'di ko magalaw ang katawan ko.

"Mama, ano ba 'yang ginagawa n'yo?" pag-aalalang sigaw ng aleng lumapit sa matandang babae at inawat ito sa pambabato sa akin.

May mga lumapit na rin na staff at guwardiya ng grocery store para umawat at saklolohan ako. Sinabi ko sa mga lumapit sa 'kin na ayos lang ako. Pero sa totoo lang, kumikirot ang mga parte ng katawan kong napuruhan.

"Lukas," pag-aalala sa 'kin ni Sunshine at naramdaman ko ang malamig na paghawak niya sa likod ko. " Sorry. Gusto kong iharang ang sarili ko, pero natakot ako."

"Ayos lang. Wala ka rin namang magagawa," sagot ko.

"Mama, sabi ko naman sa 'yo na 'wag ka nang sumama, eh," sabi ng ale sa matanda. Nilingon ako ng babae. "Iho, pasensiya ka na. May pagka-ulyanin na kasi si mama at minsan talaga hindi na niya alam ang ginagawa niya. Sana mapatawad mo ang mama ko," taos-pusong paghingi ng tawad sa 'kin nito. Pinilit kong ngumiti at tumango ako.

"Ano ba'ng nangyari?" naguguluhang tanong ng matanda.

Normal na ang mga mata ng matandang babae. Pumasok sa isip ko na marahil may kung anong espiritong itim sumapi sa kanya – at mukhang hindi nga ako nagkamali. Biglang lumitaw sa likuran ng matanda ang babaeng multong nakasuot ng kulay berde, ang multo kaninang umaga. Maputlang-maputla siya at makikita ang mga nagkukulay asul at berdeng mga ugat sa kanyang katawan. Galit ang anyo niya. Hindi ko siya naramdaman.

"Lukas," nanginginig ang boses ni Sunshine at humawak siya sa braso ko. Kapwa kami nakatingin sa babaeng multong lumutang sa hangin sa likod ng mga tao.

"Alam ko," tugon ko kay Sunshine. Parang gusto kong hawakan ang kamay niya nang magkatitigan kaming dalawa.

Hindi na ako nagtagal pa sa loob ng grocery store, agad kong binayaran ang mga bibilhin ko. Hinatid ako ni Jane sa labas. Kanina pa siya nag-aalala sa 'kin. Isa siya sa mga lumapit sa akin kanina para tulungan ako, pero 'di ko siya napansin. Bago naghiwalay, sinabi niyang text-text na lang.

***

SA PAGLALAKAD NAMIN ni Sunshine papunta sa sakayan ng traysikel, tinitingnan namin ang bawat makasalubong namin at ang ibang tao sa paligid sa posibilidad na muling pag-atake ng multo. Gustong-gusto na naming makauwi. Kinatatakutan ng mga tao sa lugar na 'to ang bahay ng mga Sinag. Pero sa bahay na 'yon lang kami ligtas.

Próximo capítulo