Malaking palaisipan pa rin Khamya ang basta na lang nitong pag-alis. Pero dapat nga ay maging masaya siya. Pagbukas niya ng pinto ng kuwarto niya at parang ibang kuwarto ang napasukan niya. Her simple single bed was replaced with a four-poster bed. Katulad ng nasa guesthouse ng mga Rafiq.
Light yellow ang wallpaper ng mga dingding. Maging ang simpleng closet niya ay pinalitan ng eleganteng walk in closet. May twenty-one inch LCD TV sa isang bahagi ng dingding. At may hologram screen naman ng dagat sa kabila. Parang di rin siya umalis ng guesthouse ng mga Rafiq.
Nang may tumawag sa cellphone niya ay sinagot niya agad nang makitang si Beiron ang caller. "Anong ginawa mo sa kuwarto ko?"
"Do you like it?" he asked in an excited tone. "Nakita ko noong isang araw ang kuwarto mo. It is so plain. Hindi ko matitiis na mag-stay ka sa ganyang klaseng kuwarto. You don't even have a nice view. So I decided to put that hologram screen. You can have a view of a beach or a garden…"
Bumuntong-hininga siya. "I thought you already gave up on me."
"I don't easily give up, Khamya."
"Until you get what you want, right? I should have known."
"All I want is a chance. Hayaan mo naman akong manligaw sa iyo."
She was taken aback. "M-Manliligaw ka? Marunong ka?"
"Ngayon ko pa lang susubukan."
"Thirty-two ka na, di ba? Tapos ngayon ka pa lang manliligaw!" What a joke!
"I don't have to court a woman."
"I get the picture." Mga babae ang nanliligaw at naghahabol dito. Sa isang tingin lang naman nito ay nakukuha nito ang babaeng gusto. "Pero bakit kailangan mo pa akong ligawan? You can get any woman you want, right?"
"You are not just any woman. Dahil kung katulad ka lang ng ibang babae na nakilala ko, hindi ako mahihirapan nang ganito."
"Sino ang may sabi sa iyo na pahirapan mo ang sarili mo? I didn't ask for you attention. At marami namang ibang babaeng nagpapapansin sa iyo."
"Hindi ko rin alam kung bakit di ako tumitigil ng kasusunod sa iyo. Did you create a potion or something? I simply can't let you go."
"Hindi ko rin alam." Hindi rin niya maintindihan ang sarili kung bakit kinakausap pa niya ito. Pwede naman niyang sabihin dito na ayaw niya dito. Magsisimula na yata niya itong magustuhan.
"I like you, Khamya. I am dead serious about it. Siguro gusto ko ring patunayan sa iyo na di ako kasing sama ng iniisip mo. Will you give me a chance?"
Hanga din siya dito. Ngayon lang may lalaking malakas ang loob na nagkagusto sa kanya at nagtiis. Kung ibang lalaki lang marahil ito ay baka humanap na ito ng iba na walang pakialam sa reputasyon nito. Iyong di sakit ng ulo tulad niya.
"Pagbibigyan kita pero ayoko nang maulit ito. Stop lavishing me with gifts. Simpleng tao lang naman ako. Pakiramdam ko tuloy binibili mo ako."
"I am sorry," anito sa mababang boses.
"Just show me who you really are. Wala akong pakialam sa maibibigay mo sa akin." Mas importante sa kanya ang pagkatao kaysa sa pera.
"I have a feeling that you will like me more this time," he said confidently.
"Malaki talaga ang tiwala mo sa sarili mo." Siguro ay natural na iyon dito. As one of the future leaders of his country, he must have it.
"Gusto mo bang ipabalik ko sa dati ang kuwarto mo."
"You don't have to. I like it really. Specially the beach hologram. Thank you." Pinahahalagahan naman niya ang pinaghirapan nito. And she knew that he meant well. Gusto nitong maging komportable siya.
"Naalala ko na gustong-gusto mo sa beach house. Gusto mo bang pumunta tayo doon kapag may free time ka?"
"Sure!" Nagagawa na niyang ngumiti ngayong kausap ito. At parang excited na siya na magkita silang muli.
Inayos ni Khamya ang suot na sunglasses matapos punasan ang pawis. Nasa Bhakrat siya, ang pinakamalaking flea market sa Al Ishaq. Maihahalintulad iyon sa Baclaran o Divisoria. Mahilig siya sa murang paninda. At marami ring produkto doon na di basta basta makikita sa mall o sa karaniwang bazaar.
Nag-e-enjoy siya dahil parang nasa setting siya ng kwento ng Aladdin o kaya ay Ali Baba and the Forty Thieves. Di niya alintana ang init ng araw o dami ng tao.
Nahirapan siyang mamili ng vase na paglagyan ng santambak na bulaklak na padala sa kanya ni Beiron sa araw-araw. Kahit na sabihan na siyang huwag itong bigyan ng kahit ano ay di naman niya ito mapigil sa pagbibigay kahit pa magalit siya. Mapipilitan pa siyang bumili ng vase ngayon.
Naramdaman niyang nag-vibrate ang cellphone niya. Di man niya tingnan ang caller ay alam niyang si Beiron iyon. "Yes?"
"I am sorry for canceling our date. Di ako makaalis dito sa Palace." Nasa palasyo ito ng hari para sa pagbisita ng prinsipe ng bansang Denmark. Isa si Beiron sa madalas na kalahubilo nito kaya kailangan ito doon.
"It's okay. Nag-e-enjoy naman ako ngayon."
"Nasaan ka? Bakit parang maingay diyan?"
"Nasa bazaar." Di niya pwedeng sabihin dito na nasa Bhakrat siya. Tiyak na maghuhurumentado ito at ipapahanap agad siya sa mga tauhan nito sa buong Bhakrat. Ayaw nitong nagpupunta siya sa matataong lugar nang walang guwardiya. Di rin madalas puntahan ng mga turista ang Bhakrat.
"Once the meeting is over, I will see you," he promised.
"It is okay. Huwag mo akong intindihin. Kaya ko namang aliwin ang sarili ko."
Lagi silang nagkikita. Kapag may free time ito ay dumadaan ito sa research center. Dalawang linggo na rin silang pumupunta sa beach house ng pamilya nito kapag day off niya. Nagtataka nga siya kung bakit di pa ito nagsasawa na makita ang mukha niya.
"But I miss you."
Huminga siya nang malalim. "You miss me? Bakit parang may boses ng babae diyan sa tabi mo? Keeping yourself entertained as well?"
Humalakhak ito. "I am glad to hear that you are jealous. See you tonight!"
Magpoprotesta sana siya na di siya nagseselos subalit pinutol na nito ang tawag. Sa huli ay nagdesisyon siyang balikan na lang ang vase dahil di siya makapamili. Paliko siya sa tindahan ng mga damit nang mabangga siya ng isang batang tumatakbo. Naging mabuway ang tayo niya. Natumba naman ang bata at gumulong ang hawak nitong mansanas.
"In shallah," hinging paumanhin niya at tinulungang tumayo ang bata. Pinulot niya ang mansanas at nakangiting inabot dito.
"Achal! Achal!" sigaw ng isang matabang lalaki at itinuturo ang bata. Kasunod naman nito ang pulis.
Naalarma siya ng damputin ang bata ng pulis. Habang pinaghahampas naman ang bata ng matabang lalaki. Nahabag siya dahil iyak nang iyak ang bata. Payat na payat ito at gusgusin. Wala itong laban sa pulis at sa mamang mataba.
"Wait! What's wrong?" tanong niya sa pulis.
Itinuri ng pulis ang bata. "The child is a thief, Madam. He stole an apple from this man's store."
Pinulot niya ang maduming mansanas sa lupa. "This apple? Just this one?"
"Yes," sagot ng pulis na sinang-ayunan naman ng may-ari ng tindahan. "We will put him in jail. He must face his punishment."
Nakayuko lamang habang humihikbi ang bata. tanggap na nito ang kapalaran nito. O maaring pagod na pagod at gutom na gutom lamang ito para lumaban pa. Di ito likas na masama. Kailangan lamang nitong magnakaw ng pagkain para pantawid-gutom. Maaring wala na itong magulang na magtataguyod dito.
Nakadama siya ng awa sa bata. Lumaki din siya sa hirap. Alam niya ang pakiramdam ng magutom. Maswerte lang siya dahil di na siya umabot sa punto na kailangan niyang magnakaw para lang mabuhay.
"How much is that apple?" tanong niya. "I will pay for it. Just don't hurt the boy and let him go." Napasinghap ang may-ari ng tindahan nang abutan niya ng pera. Walang kibo naman nitong tinanggap ang pera.
"But Madam…" akmang tutol ng pulis.
Di niya ito pinansin. Umuklo siya sa harap ng bata at binigyan ito ng pera. "Buy your food and don't steal anymore." Nakangiti niyang hinaplos ang buhok nito.
Sana lang kahit paano ay nakuha nito ang mensahe niya. Gaya ng sinabi niya ay di nga ito likas na masama.
Nagulat siya nang posasan siya ng pulis. "What…"
"You have to come with us to the police station, Madam."