"ANONG meron? Anong meron? Bakit may pairap-irap ka pa kay brother dear?" nakataas ang kilay na tanong ni Alastair. Nasa Forest Trail sila at galing sa waterfalls. Nauuna ang grupo nila Kester sa kanila at sumusunod lang sila para makapag-kwentuhan. Hindi na problem horse ang kabayo nito kaya wala na silang problema. Ang problema lang ay napansin nito ang pagsusungit niya kay Kester.
"He is nuts! Naturingang doctor, di nag-iisip. Panakip-butas ko lang daw siya dahil sa iyo naman talaga ako in love. At dahil hindi mo ako pinapansin, siya ngayon ang napagbalingan ko. Mukha ba akong klase ng babae na kumukuha ng panakip-butas? Eh, marami namang lalaki diyan. Hindi lang siya," nagpupuyos niyang wika.
"Ang beauty mo, sister. Huwag kang high blood," pagpapakalma ni Alastair sa kanya. "Baka naman tama si Kuya at ako nga ang pinagnanasaan mo."
"Kung ikaw ang mahal ko, matagal na kitang pinikot. Wala akong pakialam kahit ano pa ang gender preference mo!" mariin niyang wika. "Kahit sirena ka pa. I love you, Pare."
Ngumiwi ang mukha nito. "Ewww! Yuck!" maarteng sabi nito at nakatikwas ang daliri. Nakalimutan na di lang naman sila ang tao doon.
"Alastair! Ano sa palagay mo ang ginagawa mo?" galit na tanong ni Gudofredo. "Bakla ka ba at ganyan ka umarte?"
"Nagkakatuwaan lang po kami, Tito!" depensa agad niya.
"Macho ako, Pa!" anang si Alastair sa lalaking-lalaking boses. Nakahinga ito nang maluwag nang tumingin muli si Gudofredo sa dinadaanan. "Hay! Ang hirap talagang itago ang pagiging sirena."
May narinig silang kumaluskos sa may damuhan at nagkatinginan silang dalawa. "Ano iyon?" tanong niya.
May humagibis nang maliit na hayop sa harap ng kabayo nila. "Bubuli!" tilli nito nang makita ang reptilya na dumaan maging sa paanan nila. Dinig na dinig ang tili nito sa buong gubat.
"Yoanna!" narinig niyang tawag sa kanya ni Kester. Minani-obra nito ang kabayo at kasalukuyang tumatakbo papunta sa direksiyon nila.
"Bubuli!" tili rin niya at yumakap kay Alastair na parang takot na takot. "May bubuling dumaan dito!" Kailangan niyang magkunwaring takot dahil baka mahuli pa ng mga ito na si Alastair ang totoong takot sa bubuli at hindi siya.
"Bubuli lang, takot na takot ka na?" anang si Kester. "Akala ko naman ahas."
"May ahas din ba dito?" tanong ni Katalina.
"Paminsan-minsan, Ma," sagot ni Kester. Naramdaman niya na lalong nanigas sa takot si Alastair. "Pero sinanay ang mga kabayo dito na huwag matakot sa kanila. Di naman makakamandag ang mga ahas dito."
"Mabuti na lang hindi ahas," wika ni Alastair.
"Yoanna, magpahinga ka na muna. Doon ka sa clinic para mabantayan ka ng mga nurse," suhestiyon ni Kester. "Kakaiba kasi ang tili mo kanina kaya nag-alala ako. There is something unusual about your voice. Baka may sakit ka."
Lalo lang siyang yumakap kay Alastair at umiling. Nararamdaman kasi niya na di pa ito tuluyang kumalma. "O-Okay lang ako. Di ba, Alastair?"
Tumango ito at hinaplos ang buhok niya. "Siyempre. Kahit ilang bubuli pa, kayang-kaya kitang ipagtanggol," matapang nitong sabi. Nakakapagbiro na ito kaya tiyak niyang mas maayos na ang pakiramdam nito.
"Malapit nang maggabi," wika ni Gudofredo. "Mabuti pa bumalik na tayo sa stable. Para maaga rin tayong makapag-dinner at makapagpahinga."
Pinisil niya ang kamay ni Alastair. "You will be fine from now on," she whispered. Iyon na kasi ang huling araw nito sa riding club at nagawa nitong malusutan ang mga pagsubok. His secret was still safe.
"THANKS for saving me, sis. Akala ko talaga malalaman na ni Papa kanina. Nabosesan pa niya ako. Mabuti na lang alerto ka," sabi ni Alastair nang kausap niya ito sa cellphone. Pinili na lang niyang magpahinga kaysa sumama sa dinner ng mga ito. Tapos naman na ang misyon niya. Nalusutan na nila ni Alastair ang problema.
"Kahit naman kasi ako narindi sa pagtili mo," nangingiti niyang sabi.
"I am a girl so it is natural for me to squeal like a girl."
"Kinukulit ka pa rin ba ni Tito na maging member o magka-girlfriend?"
"Mabuti nga hindi na. Napagod yata sa horseback riding kaya halos walang kibo kaninang dinner." Saglit itong natahimik. "In a month or two, magbabago na ang buhay ko. I will tell the truth once I close that deal in Hong Kong. Ano nga pala ang gusto mong pasalubong pag-uwi ko?"
"Your happiness, of course. Iyon lang naman ang gusto ko."
"Paano naman ang happiness mo?" tanong nito. "May nabibili bang happiness sa Hong Kong? Ang alam ko kasi, wala kang hilig sa mga singkit. You prefer tall, dark and handsome half-Argentinean."
"Heh! Tigilan mo nga ako ng katutukso sa kuya mong puro mood swing."
Humalakhak ito na parang nang-iinis. "Maghintay ka lang. Oras na matapos na ang problema ko, ikaw naman ang tutulungan kong magka-love life."
"Naku! Okay nang matapos ang problema mo. Basta huwag mo lang akong bibigyan ng problema." Sakit lang naman ng ulo ang dala ni Kester sa kanya.
Namimili siya ng DVD para magpaantok nang may mag-doorbell. Ang alam niya ay nasa Lakeside Bistro and Music Lounge pa ang mga kasama niya dahil manonood ang mga ito sa bagong bossa nova singer. Baka si Maricon iyon at magpapalit ng damit dahil di nagustuhan ng boyfriend nito.
Pagbukas niya ng pinto ay si Kester ang bumungad sa kanya. "Hi!"
"Anong ginagawa mo dito?"