webnovel

Chapter 3

"Maswerte rin kayo kung makakapasok kayo, Ma'am. Oo nga po pala. Dalawa po ang daan. Iyong isa po, dito na sa kalye na ito. Iyong isa naman po, doon pa kayo iikot," anito at itinuro ang mas malayong daan.

"Naku! Dito na lang siguro ako sa mas malapit na daan."

"Pero mas recommended ko po ang mas malayong daan."

"Hindi na. Dito na ako sa mas malapit. Thank you." Excited na siyang makarating sa Stallion Riding Club. Wala siyang pakialam kung saan siya dumaan. Basta doon siya sa tingin niya na mas malapit.

Tinalunton niya ang kalyeng sinasabi nito. Matapos ang limang minutong pagmamaneho ay nakita na niya ang sign. Stallion Riding Club.

"Kita mo iyon. Mas gusto niyang sa kabilang route pa ako dumaan. Mabuti ngang nandito na ako. Mas mabilis."

Hinarang ng security ang kotse niya. "Good morning, Ma'am."

"Hi!" bati rin niya. "I am Rolf Guzman's sister." Ipinakita niya ang ID.

"Inaasahan po ba niya kayo, Ma'am?" magalang na tanong ng guwardiya.

Umiling siya. "Isu-surprise ko sana siya. Galing pa ako sa abroad at gusto ko na siyang makita. Kindly tell him that I am here."

"Wala po si Sir Rolf. Pumunta po sila ni Sir Reichen sa Calatagan, Batangas."

Matamis siyang ngumiti. "Pwede bang pumasok na lang ako? Kaya ko namang patunayan na kapatid ko siya."

Umiling ang guwardiya. "Pasensiya na po, Ma'am. Kailangan po ng presence ng kahit sinong member bago magpapasok ng bisita. Hihintayin pa po ninyo si Sir Rolf bago kayo papasukin dito. Kasama po iyon sa rule lalo na't responsibilidad niya kayo pagpasok ninyo sa loob. Kung gusto po ninyo, tawagan ninyo siya."

Tatawagan na sana niya ang kapatid nang matigilan siya. Naku! Oras na tawagan ko si Kuya Rolf, tiyak na ire-reject niya ako. Hindi ko magagamit ang pagpapaawa powers ko. Di tulad kapag nandito siya. Pero kanino naman ako hihingi ng tulong? Wala naman akong kakilala dito.

Kumislap sa isip niya si Jenna Rose at tinawagan ito. "Jen, kausapin mo naman ang mga security dito. Ayaw kasi nila akong papasukin."

"Ayaw ka nilang papasukin… Nasa Stallion Riding Club ka?"

"Nasa labas ng Stallion Riding Club," pagtatama niya. "Ayaw nila akong papasukin dahil wala si Kuya Rolf."

"Mamayang gabi pa siya uuwi. May kasama silang mga babae kaya matatagalan iyon. Bakit naman kasi hindi mo sinabi na dadating ka?"

"Gusto ko ngang surprise." Kaso siya naman ang nasorpresa. Hindi pala siya basta-basta makakapasok sa riding club. Kung bakit sa sobrang excitement niya ay di muna siya nag-confirm sa kapatid niya kung naroon ito. "Paano na ito?"

"Ibigay mo sa guard ang cellphone. Ako ang kakausap sa kanila."

Ibinigay niya sa guwardiya ang cellphone. "Yes, Ma'am. Okay."

"Makakapasok na ba ako sa loob?" tanong niya kay Jenna pagkabalik sa kanya ng cellphone. Baka naiinip na ang destiny niya.

"Hindi pa. They are faxing a waiver that I have to sign. Sinabi ko na kailangan kita dito sa boutique. And I have to take responsibility."

Nanmuno siya. Nuknukan nga nang higpit sa riding club. Daig pa yata ang Pentagon bago mapasok. "Sige. Maghihintay na lang ako."

Maya maya pa ay bumukas na ang gate sa harap niya. "Pwede na po kayong pumasok, Ma'am," anang guwardiya. "And welcome to Stallion Riding Club."

"Yes! Yes!" usal niya habang dahan-dahang pinapatakbo ang sasakyan. "Sa wakas nakapasok na ako sa riding club."

Nagmula siya sa taas ng bundok at tanaw niya ang magandang Taal Lake. Ayon sa narinig niya sa Kuya Rolf niya, hanggang lake daw ang sakop ng riding club. Matapos ang ilang minutong pagmamaneho ay naubos na ang sementadong daan. Rough road na ang dinadaanan niya at puro bangin. Wala siyang matanaw at parang nasa mundo siya ng kawalan. Malayo sa sibilisasyon. Wala siyang nasalubong na kahit anong sasakyan o kahit sinong tao mula nang dumating siya.

"Ito ba talaga ang riding club? Bakit parang hindi siya riding club? Hindi kaya nasa isang warp zone ako? Baka kinuha na ako ng mga engkanto. Huwag naman po sana na engkanto ang destiny ko," dasal niya at pilit inaaliw ang sarili.

Magkakalahating oras na siyang nagmamaneho subalit puro kakahuyan at bangin pa rin ang nakikita niya. Nang biglang tumigil ang kotse niya. Sinubukan niyang paandarin subalit umangil lang ang makina.

"What now?" usal niya at bumaba. Di niya alam kung ano ang sira ng kotse niya. Ang alam lang kasi niya ay magmaneho. "This sucks! Of all places, why do I have to get stuck in here?"

Sinubukan niyang tawagan si Jenna Rose sa cellphone pero walang signal. Napayukyok siya sa tabi ng kotse. Nanginginig na siya sa takot. "What am I going to do now? I am lost." Tumingala siya. "Nawawala ako!"

Nasa mundo na ata ng engkanto si Illyze. Hahaha! Sino na ang nakadaan sa liblib na kalsada na iyan sa Tagaytay?

See you on September 15, 2019 sa SMX Mall of Asia for my Manila International Book Fair Book Signing. Pwede kong i-sign ang Stallion books ninyo at iba pang books. May new book din ako na lalabas sa event.

Sofia_PHRcreators' thoughts
Próximo capítulo