webnovel

Kabanata Apat [5]: Ang Pagsapi

"Bago ako dinala sa sementeryo, ginahasa, at inilibing ng buhay ay may nanloob sa 'ming bahay at pinaslang sila habang ako'y wala. Hindi ko lang sila nabigyan ng pagkakakilanlan dahil lahat sila'y may suot-suot na maskara, pero siguradong-sigurado akong konektado lang sila sa Black Triangle." Salaysay niya at nagsimula na namang manginig ang kaniyang mga kamay dahil sa sumibol na takot nang maalala ang kaganapan, napakagat-labi na lang siya upang ikontamina ito at muling nanumpa sa sarili na ipaghihiganti niya ang kaniyang pamilya para sa hustisya.

"P-Pasensya na, pero wala talaga akong ideya na pinatay pala ang pamilya mo. Wala rin akong taong matuturo sa 'yo." Pahayag nito, "Pero kung totoo mang nasa grupo ang salarin ay masisiguro kong mga elders ito, sila lang kasi ang may permiso mula sa 'ming pinuno na pumatay. Ilan silang salarin at ano naman sa tingin mo ang dahilan?"

Sa pinapakitang aksyon ng lalake ay nasabi ni Nevada sa sarili na mabait at may-awa pa rin pala itong lalake, sadyang napili at napasok lang talaga nito ang maruming trabaho, "Apat sila, at hindi ko alam, naabutan ko na lang silang patay na." aniya na umaasang may makukuhang sagot o ni katiting na ideya sa kung anggulo niya titignan ang kamatayan ng sariling pamilya.

"Mahirap tukuyin kung sino-sino sila lalo pa't hindi ko rin alam kung ilan ang miyembro ng grupong ito. Bawal kasi sa 'min ang magtanong, kailangang magtrabaho na walang tinatanong." Paliwanag nito, "Pero kung hindi ako magkakamali ay si Pluto Torittia ang magiging susi mo para alamin kung sino sila."

"Bakit mo nasabing siya?" aniya na nang mabuhayan ng loob sa tsansang makikilala rin ito.

"Si Pluto ang nagdala sa 'yo sa sementeryo, sa seremonya. Bagong recruit din siya kagaya ko at ayon sa kaniya ay ikaw raw yung regalo ng mga elders para sa 'ming lahat nang kami'y maging opisyal na kasapi." sa ibinunyag ng lalake ay mas lalong nanlamig si Nevada at nanghina, ayaw man niyang balikan ang bangungot ng kahapon ay hinahabol talaga siya nito at ginagambala, "…may narinig akong nagtanong na sa kung kanino ka raw nanggaling, at ang tanging sagot naman niya ay hinatid ka raw sa kapatid niyang elder upang pagkatuwaan ng lahat."

"Narito ba siya sa listahan?" tanong niya patungkol sa folder na hawak-hawak.

"Oo,"

"Salamat," napabuntong-hininga lang siya upang ilabas ang bigat at sama ng loob, "Pasensya na sa nasaktan kita Tobias, dinamay ko pa ang pamilya mo."

"Wala yun, naiintidihan kita. Alam ko ang pakiramdam ng gagawin ang lahat para sa pamilya." Turan naman ng lalake.

"Pero may awa pa rin naman ako Tobias, ang totoo'y hindi ko talaga nilagyan ng bomba ang bahay n'yo dahil sa ayokong mandamay ng inosente. Sapat na ang kamatayan ni Wayne kagabi upang tapusin ang araw ko."

▪ ▪ ▪

TUMUTUNOG AT UMAALINGAWNGAW sa buong pasilyo ang ingay ng takong sa bawat hakbang nang tahakin niya ang unang palapag ng pribadong ospital. Diretso lamang ang tingin niya sa dulo kung saan naroon ang nurse station na pinapakay niyang lapitan upang kumunsulta Kabadong-kabado siya pero piniling magpakatatag at h'wag ipahalata ito sa mga nakakasalubong niya, bagkus ay paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili na may bibisitahin siyang kamag-anak sa araw na ito upang kumalma ang nagwawala niyang loob.

"Miss, naasan po ang room ni Emil Quinzo?" tanong niya nang makarating sa station kung saan may tatlong nurse na may kaniya-kaniyang inaatupag at pinagkakaabalahan.

"Kaano-ano ka po niya, miss?"

Sa itinanong nito ay bigla siyang nanlamig sa gulat at pangamba, saglit siyang natahimik at agad na napatikhim upang magbalik sa sarili,"Girlfriend niya ako at narito ako upang bisitahin siya." Rason niya't tinitigan sa mata ang babae.

"Sige po miss, pakisulat na lang ng pangalan mo rito, oras ng pagbisita, at kung sino ang bibisitahin mo." Utos nito at inabot sa kaniya ang logbook kalakip ang panulat.

Tinanggap naman niya kaagad ito at binuklat sa pinakaunang pahina kung saan dalawang pangalan pa lang ang nakalista, pamilyar naman ito sa kaniya sapagkat kilala niyang miyembro ito ng Black Triangle. Dahil sa nagmamadali siya ay agad niyang sinulat ang unang pangalan na sumagi sa 'king isipan, kalakip na rito ang kasalukuyang oras, alas nuwebe ng umaga, at ang buong pangalan ng bibisitahin. Nang matapos siya ay agad niyang ibinalik ito sa nurse na may malaking ngiti sa labi at saka naghintay sa kinakailangan niyang sagot.

"Miss Vanadia, nasa room 197 si Sir Emil."

"Salamat," aniya at dali-daling umalis papunta sa sinasabi nitong silid.

Tinahak niya ang kaliwang gawi ng pasilyo at isa-isang tinignan ang mga nakamarkang mga numero sa bawat pribadong silid. Sa pagsubaybay niya sa bilang ay muling nagbalik ang pakiramdam ng pinaghalong pangamba at sabik; nangangambang papalya, ngunit nasasabik naman sa tsansang mapapatay niya ang lalake. Nagtuloy-tuloy lamang siya at sinundan ang papaataas na bilang ng numero, hanggang sa kalaunan ay  napatigil na rin siya sa sinasabing kuwarto ng lalake.

Hindi na siya nag-abala pang kumatok at agad na pinihit ang busol sabay tulak pabukas, mabuti na lang at hindi ito nakakandado kung kaya't tuluyan siyang nakapasok. At unang bumungad sa kaniyang paningin ang kalunos-lunos na mukha ni Emil na mahimbing nagpapahinga sa higaan nito, wala itong kamalay-malay sa kaniyang pagpasok at lalong walang kamay-malay sa nag-aabang na panganib. At bilang unang hakbang ay kinandado niya ang pinto upang masigurong walang distorbo.

Ngunit nabaling naman ang kaniyang pansin nang may narinig siyang ingay sa banyo, palatandaang natapos na rin ito sa paggamit at maaaring lalabas na. Sa pangambang madidiskubrehan kaagad ay agad siyang dumapa't gumapang sa ilalim ng kama ni Emil at roon ikinubli ang sarili sa likod ng nakalaylay na mga bedsheet at kumot. Maingat naman siyang sumilip at tinignan ang kakalabas lang na tao sa banyo, sa maliit na siwang ay nakita niya ang isang pares ng sapatos na panglalake na naglalakad patungo sa kinahihimlayan ng lalake. Dahil sa suot nito at kilos ay mas lalong lumakas ang kutob niyang isang miyembro ng Black Triangle itong kasama ni Emil, kung kaya't dali-dali niyang hinuhubad ang sapatos na may apat na pulgadang haba na takong at mahigpit na hinawakan ang isang piraso nito.

Ilang saglit pa'y namalayan na lang niyang nasa tabi na niya ang lalake animo'y dinadaluhan si Emil. Wala naman siyang inaksaya pang pagkakataon at agad na bum'welo at buong-puwersa na sinipa sa binti ang lalake saka gumulong paatras, papalabas ng pinagtataguan. Sa lakas ng sipa niya ay narinig niya ang malutong na pagkabiyak ng buto at nawalan kaagad ng balanse ang lalake, nang makarinig siya ng kalabog sa malamig na sahig ay dali-dali naman siyang bumangon mula sa kabilang bahagi ng higaan at mabilis na inatake ang lalake.

Umakyat siya sa higaan ni Emil at nakita niyang namimilipit sa sakit ang lalake, habang may tsansa pa ay agad niyang tinalon ito saka sinalubong ng isang hampas ng takong sa pisngi. Hindi naman nakaiwas o nakasalag ang lalake kung kaya't sapul ito sa pisngi at malakas na nahampas ang ulo nito sa sahig bilang resulta. Habang nanghihina pa at nahihilo ito ay agad niyang hinugot mula sa bulsa ang makapal na cellophane at ito'y mahigpit na ibinalot sa buong mukha ng lalake, buong-lakas niyang ipinulupot ito sa kaniyang ulo habang iniinda ang bawat hampas at suntok nito tungo sa kaniya, basta't masisiguro lang niya na hindi luluwag ang cellophane at hindi rin mahahablot paalis.

Sa kakapusan ng hangin ay tuluyan na ring nanginig ang lalake ilang segundo ang nakalipas, mas lalo itong nagpumiglas o nagwala at lumalalim na rin ang pagsinghap nito na may halong kakaibang tunog mula sa sariling lalamunan. Ngunit, gamit ang natitirang lakas nito ay nagimbal na lang siya nang biglang siyang sinakal ng lalake, mahigpit din ang pagkakasakal nito at para bang dudurugin ang kaniyang leeg; dama niyang pulang-pula na siya ngayon habang dumadaing sa sakit ng kuko nitong pinupunit ang kaniyang balat. Pero sa kabila nito ay hindi pa rin siya bumibitaw, bagkus, ang nag-uumapaw na galit at desperasyon sa kaloob-looban niya ay ginamit niya upang doblehin ang puwersang inilalaan niya sa lalake.

Hanggang sa hindi nagtagal ay agad itong nalagutan ng hininga, dilat na dilat pa rin ang mga mata nito at gano'n na rin ang bibig nitong nakabukas. Humahangos o habol-hininga siyang bumitaw sa lalake't marahas na inalis ang kamay nito sa kaniyang leeg, umalis na rin siya sa pagkakadagan at nanghihinang napaupo sa tabi ng bangkay nito habang marahang minamasahe at ginagalaw ang leeg na lubusang kumikirot. Napahawak din siya sa kaliwang gawi ng kaniyang labi at roon niya nakumpirmang pumutok nga ito sa lakas ng suntok ng lalake kanina, nalalasahan na rin niya ang sariling dugo bagay na ikinailing na lang niya.

"Bwisit."

Próximo capítulo