webnovel

Kabanata Tatlo [4]: Simoy ng Kasamaan

Napalingon sa kanilang gawi at napatingin ang mga tao nang makapasok silang dalawa sa loob ng funeral home. Bakas ang pagtataka at pag-aalinlangan sa mga nakikiramay rin kay Jansen sa katotohanang dumalo sila sa mga oras ito, ngunit binalewala lamang nila ito at mas napukos ang tingin sa puting kabaong na nasa dulo na may palamuting mga bulaklak.

Mula sa mahabang upuan na nasa bandang dulo't pinakamalapit sa kabaong ay tumayo ang isang babaeng may katandaan na. Namumugto ang mga mata nito at halatang puyat na puyat. Napatingin ito sa kanila't dahan-dahang lumapit habang nababakas sa mukha ang pagtataka.

"Sino kayo?"

"Alicia po," pagpapakilala niya sa sarili, "at ito naman si Phillip. Kaibigan po kami ni Jansen. Pasensya na po at ngayon lang kami nakarating, mahaba-haba rin kasi ang byahe mula sa syudad ng Jedesvia papunta rito."

"A-Ah gano'n ba. Sige, salamat sa pagdalo. Kung nasaan man si Jansen ngayon, tiyak na matutuwa siya na narito kayo."

Gumuhit ang mapait na ngiti sa ina ng lalake nang mabanggit nito ang pangalan ng anak. Kahit na si Steve ay nakaramdam ng lungkot sa dinaramdam ng ina at gano'n na rin si Kariah na nakokonsensya sa ginawa niya. Nababahala siya't nagsimulang maging balisa na, ngayon ay napagtanto niyang hindi pa pala siya handa sa mga ganito.

Ang harapin ang kapamilya ng pinatay niya ay isang napakalaking bagay na hindi niya kayang tagalan, naiiyak siya at hindi niya lubos maintindihan ang nararamdaman; parang sasabog ang dibdib niya sa lakas ng pagkabog nito at ang kamay naman niyang nakasilid sa bulsa ng jacket ay walang tigil sa panginginig.

"Maupo muna kayo,"

Napansin naman ni Steve ang biglaang pananahimik ni Nevada, kung kaya't nang igiya sila ng ina ni Jansen sa hilera ng bakanteng upuan ay agad niyang hinila at hinawakan ang kaliwang kamay nitong nanginginig at saka marahang pinisil.

"Ganiyan talaga 'yan 'pag unang beses. Sa susunod, mawawala rin 'yan." Payo nito sa kaniya at sabay silang umupo.

Tumango lang naman si Kariah at pilit na ngumiti. Dahil sa nangyari ay nawalan na siya ng ganang magsalita, hindi na niya pinansin pa ang katabing lalake at ang atensyon niya'y kung saan-saan na lang nababaling.

Hanggang sa kalaunan, sa kakaobserba niya sa paligid ay napako ang tingin niya sa tatlong magkakatabing mga lalake na nasa kabilang grupo ng mga upuan.

Kahit nakatagilid ito ay namumukhaan pa rin niya ang mga lalake, batid niyang nakita niya ang mga ito mula sa mga larawan ng grupong Black Triangle na nakuha niya sa Facebook page. Kahit wala siyang nakikitang tattoo ay siguradong-sigurado siyang miyembro nga sila.

Sa puntong iyon, humupa na rin ang tensyon sa kaloob-looban niya't napalitan ito ng pagkasabik, sapagkat umayon sa kaniyang naisip ang pangyayari, totoo ngang may may makikita siyang miyembro ng grupo rito sa lamay. At hindi niya sasayangin ang pagkakataong ito.

▪ ▪ ▪

Sa paglipas ng mga oras ay tiniis lamang ni Nevada ang pagkabagot samantalang si Steve naman ay tiniis ang matinding antok. Kapwa nila nilibang ang sarili sa pag-inom ng kape at pagkain ng matitigas na biskwit at tinapay habang tahimik na minamanmanan ang kilos ng tatlong miyembro ng grupo.

Sa pagsapit ng alas singko ng madaling araw ay nagsitayuan na rin ang tatlong lalake at naglakad ito patungo sa gawi ng magulang ni Jansen. Sa kabilang dako naman ay napatayo kaagad si Nevada at dali-daling hinila si Steve bago pa man sila mapansin nito. Nakuha naman ng lalake ang nais niyang ipabatid kung kaya't agad itong tumayo't sinundan si Nevada na papalabas ng funeral home.

"Saan tayo pupunta?" Tanong niya nang makalabas sila.

"Do'n," sagot ng babae at itinuro nito ang isang nakasarang sari-sari store.

Hindi na nagtanong pa ang lalake't sabay nilang tinawid ang tahimik na kalsada. Nang makalapit sila sa tindahan ay nagsiupo sila sa mahabang upuan na gawa sa kahoy at nag-abang, ang mga mata nila'y nasa funeral homes lamang habang hindi umiimik sa isa't-isa.

Ilang saglit pa'y nagsilabasan na rin mula sa loob ang tatlong lalakeng kanina pa na inaabangan ni Nevada. Hindi sila naghiwa-hiwalay at tinahak ng grupo ang kanang gawi daan. Samantalang sila naman ay nanatili pa rin sa kinauupuan at naghintay ng iilan pang segundo.

"Tara na,"

Nang nakalayo-layo na rin ang tatlong lalake ay kumilos kaagad si Nevada at inayahan si Steve. Tahimik silang naglakad sa walang katao-tao na daan habang hindi inaalis ang nakapakong tingin sa mga lalake. Pinanatili lamang nila ang tamang distansya upang hindi sila mapapansin kaagad at hindi mahahalatang sumusunod sila.

"Bakit ba natin sila sinusundan?"

Hindi na nakayanan pa ni Steve ang katahimikan sa kanilang dalawa at nagtanong na rin ito bilang panimula ng kanilang pag-uusap.

"Aalamin ko kung saan sila umuuwi." Tipid na sagot nito.

"Hindi natin sila masusundan lahat ng sabay-sabay, dalawa lang tayo."

Saglit namang napagisip-isip ni Nevada ang iminungkahi ng lalake, "Ganito na lang, sa 'kin 'yang nasa gitna at sa 'yo 'yung nasa kanan. Okay ba? Sundan mo lang kung saan siya uuwi at i-message mo lang ito sa 'kin."

"Sige, akong bahala sa lalakeng 'yan."

Muli silang natahimik at nagpatuloy lamang sa paglalakad. Kapwa paningin nila'y nasa nakaatas na lalake habang iniingat-ingatan ang bawat hakbang; pati paghinga nila ay kanilang nililimitahan sa takot na baka matugunan ng tatlo.

Mangilan-ngilang metro na rin ang nilakad nila at iilang crossing na rin ang kanilang nalagpasan, kung kaya't kataka-taka para sa kanila na magkasama pa rin itong tatlo. Sa puntong iyon ay maraming ideya na ang napuna ni Nevada; maaaring magkakakapit-bahay ang tatlo o kaya'y magkakapatid pala---may puruhan na sa iisang bubong lang umuuwi ang tatlong iyon.

"Halika," bahagya siyang nagulat at napatingin kay Steve nang bigla siyang inakbayan nito sabay pisil ng kaniyang balikat, "Kailangan nating magpanggap, para hindi tayo mahalata kung sakaling lilingon sila."

Napatango na lamang siya't nakisabay sa plano ng lalake. Kahit naiilang siya dahil sa ito ang unang pagkakataon na inakbayan siya ng lalake ay binalewala lamang niya ito at mas itinuon ang pansin sa naunang mga lalake.

"Teka,"

Lubos silang nagtaka nang nagsitigil ang tatlong lalake sa paglalakad at nagsiupo ito sa kalapit na kwadradong upuan na nakapaligid sa isang punong mangga. Tinamaan naman siya ng kaba sa takot na baka natugunan sila ng mga lalake.

"Patuloy lang Kariah, h'wag magpahalata."

Hindi siya binitawan ng lalake at kaswal lamang silang nagpatuloy sa paglalakad. Ilang minutong lakaran pa ay nilagpasan na rin nila ang mga lalakeng abala sa paninigarilyo; hindi nila ito binalingan ng tingin, bagkus ay dire-diretso lamang ang lakad nila animo'y walang koneksyon ang namamagitan sa kanila.

"Natunugan ba nila tayo?" Bulong na tanong ni Nevada habang pinapakiramdaman ang paligid kung sinusundan ba sila.

Mas lalong kinabahan si Nevada, ang kamay niya'y namamawis na at nanginginig dahil sa pangamba na baka aatekehin sila nito habang sila'y nakatalikod pa.

"Hindi ko alam, pero kumalma ka lang. H'wag kang lumingon at dire-diretso lang ang lakad. Papasok tayo riyan sa may eskinita." Bulong din ng lalake't ininguso ang kalapit na eskinita.

Nang marating nila ang eskinita lumiko sila't pinasok ito kahit na wala ito sa plano nila. Nang mawala sila sa sakop ng paningin ng mga lalakeng nagpaiwan ay inalis ni Steve ang braso mula sa pagkakaakbay sa kaniya at kapwa sila sumilip pabalik.

Próximo capítulo