webnovel

Kabanata Dalawa [1]: Unang Atake

"Anong hinahanap n'yo po, sir?" Tanong ng saleslady nang salubungin niya ang lalakeng nakatingin sa mga damit na nakahilera.

Natigil naman ang lalake at nabaling ang atensyon nito sa babae, "May size na medium kayo nito? Puro large lang kasi ang nakikita ko." Tanong niya habang nakaturo ang daliri sa polo shirt na kulay itim.

"Opo sir. Nandito po 'yon, " dali-dali namang lumapit ang saleslady at ito na ang naghanap sa mga nakahilerang damit.

Umatras muna ang lalake at masusing inobserbahan ang babae na abala sa kakatingin ng tag ng mga damit. Para sa kaniya'y maganda na ito; makinis ang balat, morena, may katangkaran, maganda ang pangangatawan, at may hitsurang pwedeng ipagmalaki.

Nakakabighani nga ito, pero hindi pa rin niya ipagpapalit ang pinagpapantasyahan niyang nobya na hamak na mas maganda pa rito.

"Heto na po sir," sabi ng saleslady inabot sa kaniya ang damit na hinahanap, "Medium size."

Tinanggap naman ito ng lalake at saglit sinulyapan ang suot-suot na ID ng babae, "Salamat, Nevada." Pahayag niyang nakangiti at saka tumalikod.

Dumiretso agad siya sa counter at pumila kasunod ng babaeng mataba na kasalukuyang binabayaran ang kaniyang pinamiling mga bag. Habang naghihintay ay bigla siyang nakaramdam ng paggalaw sa kaniyang bulsa, nang mapagtantong kay tumatawag sa kaniya ay dali-dali niyang kinapa ang kaniyang cellphone sa loob.

"Clark? Ba't ka napatawag?" Tanong niya sa kaibigan nang sagutin niya ito.

Nang makaalis na ang babaeng nauna ay pinatong niya ang polo shirt sa counter. Pinulot naman ito ng cashier at itinapat ang barcode sa barcode scanner.

"Pupunta ka mamaya?" Tanong ni Clark.

Nang makuha ang presyo ng polo shirt ay tinulak ng cashier pakaliwa ang damit para balutin ng kasama. Naglabas kaagad ang lalake ng pera at ito'y inilapag sa counter na kalaunang kinuha naman ng cashier at isinilid sa lagayan nila.

"Aba, syempre 'di talaga ako mawawala." Sabi nito at kinuha ang sukli niya't biniling damit, "Baka may regalo na naman na gaya no'ng nakaraang taon, sayang kung 'di ako makakasama." Natatawa nitong pahayag at saka umalis ng counter.

"Sige, pero 'di ako sigurado kung makakapunta ako Jansen. Baka 'di ako makatakas mamaya. Masyadong mahigpit na sina Papa."

"Shit naman par, baka magalit si Emil niyan. Aabangan ka talaga no'n, ilang trabaho na kasi ang 'di mo sinipot."

"Oo nga, kailangan ko pa siyang kausapin tungkol dito sa magulang ko. Basta gagawa lang ako ng paraan."

"Sige, aabangan kita mamaya. Uuwi na rin ako, dumiretso ka sa 'king apartment kung makakatakas ka na ngayon."

"Sige par, salamat." Ani nito at tinapos na ang tawag.

▪ ▪ ▪

Pagpasok ni Jansen sa kaniyang apartment ay naabutan niyang nagkagulo ang lahat; nagkalat sa sahig ang mga basura, tira-tirang pagkain, upos na sigirilyo, at walang laman na mga bote ng beer.

Napailing na lang siya dahil sa asal ng kaniyang mga kaibigan. Wala rin naman siyang magawa dahil sa kahit na pinagsasabihan niya ito, tumatango lang sila at pagkatapos ay uulitin na naman.

Napatingin siya sa kaniyang relo at may isang oras na lang siya para maghanda at pumunta sa lugar kung saan gaganapin ang selebrasyon. Dahil sa ayaw niyang mahuli at baka mapaparusahan na naman siya ay ipinagsawalang-bahala muna niya ang mga kalat at dali-daling tinungo ang kwarto.

Pagpasok niya'y lumuwag ang loob niya nang malamang hindi dinamay ang kwarto niya at hindi ginulo, buti na lang at gano'n pa rin ang ayos nito nang umalis siya para makipagkita sa kaniyang nobya at bumili na rin ng damit.

Itinabi niya muna ang biniling damit sa higaan at mabilis na naghubad ng damit, tanging boxer's brief na lang ang suot-suot niyang saplot nang kumuha siya ng towel sa aparador at dumiretso ng banyo.

Pagtulak niya sa pinto ng banyo ay agad siyang bumagsak nang matamaan siya ng kung anong matigas na bagay sa mukha, sa sobrang bilis ng pangyayari ay hindi man lang siya nakadepensa at bumagsak kaagad na hilong-hilo.

Sa sama ng natamo niya ay ramdam niyang parang umiikot ang buong kwarto, ang nakikita niya ay parang nag-aagaw na ang dilim at liwanag. Dinadaing niya rin ang pananakit ng kaniyang ulo at likod habang umaalingawngaw sa kaniyang tenga ang kung anong nakakabinging tunog.

Malakas siyang umiling upang iwaksi ang pagkahilo at napahilot na rin siya sa kaniyang sentido, ilang beses din siyang mariin na pumipikit hanggang sa naging maayos na rin ang kaniyang paningin kalaunan.

Sa puntong naging malinaw na ang lahat ay nanlamig at labis na nagimbal si Jansen nang makita ang estrangherong babae sa loob ng kaniyang banyo, nakatutok ang hawak-hawak nitong baril sa kaniyang direksyon at sobrang sama ng tingin nito sa kaniya.

"I-Ikaw 'yong s-saleslady s-sa mall," nauutal niyang pahayag sa takot nang mamukhaan niya ito, "Ikaw si Nevada."

Hindi niya inaasahan na ang babaeng tumulong sa kaniya sa paghahanap ng damit ay narito sa kwarto niya at isang baliw na armado. Base pa lang sa postura nito at sa kung paano nito hinawakan ang baril ay sigurado siya na napakadelikado nitong kaharap niyang babae, bagay na mas lalong nagpatindi ng kaniyang kilabot.

"Sundin mo ang iuutos ko kung ayaw mong butasan ko 'yang noo mo." Banta nito.

Takot na takot siya't nanginginig na napataas ng kamay tanda na sumusuko siya.  Ang buong atensyon niya'y nakatutok lamang sa babaeng humahakbang palabas ng banyo patungo sa gawi niya, ayaw niyang ialis ang kaniyang tingin sa babae at baka aatake ito bigla.

Malayong-malayo ito sa babaeng nakaharap niya kanina sa mall; ngayon ay nakasuot lang ito ng purong itim na damit na hapit lang sa katawan niyang balingkinitan. Ibang-iba na ang kilos nito kumpara kanina na mahinhin, bawat kilos ng babae ngayon ay parang planado at kalkulado na.

Halos kapusin ng hininga si Jansen nang makalapit ang babae at iilang talampakan na lang ang pagitan nila. Ang baril nito'y nakatutok pa rin sa kaniya at parang wala talagang balak na ibaba ito ng babae.

"Tumalikod ka." Utos nito.

Tumalikod agad si Jansen habang tinitiis ang kamay niyang nangangawit na sa kakataas, gustuhin man niyang ibaba ito ay nilukob na siya ng takot at baka babarilin siya nitong babae. Takot na rin siyang manlaban dahil sa isang kalabit lang ng baril nito ay siguradong babagsak siyang duguan at walang buhay.

"Mamaya na tayo mag-uusap." Bulong ng babae.

At matinding sakit ang bumalot sa ulo ni ni Jansen nang hampasin siya ng kung anong matigas na bagay sa batok. Nanghina siya't nandilim kalaunan ang kaniyang paningin hanggang sa nawalan na siya ng malay sa kaniyang paligid.

Próximo capítulo