Dahil dito, kinabahan si Xu Jiamu na baka umalis nanaman si Song Xiangsi,
kaya dali-dali siyang tumakbo papunta sa kwarto ni Mr. Song para icheck ito.
Kaya si Song Xiangsi, na nasa loob, ay biglang napatalon at gulat na gulat na
napatingin, "Bakit?"
"Wala." Nang makita niya si Song Xiangsi, nakahinga ng maluwag si Xu Jiamu.
Pero hindi niya na ito inistorbo at isinarado lang ulit ang pintuan.
Dahil medyo malalim na ang gabi, niligpit niya lang ng mabilisan ang lamesa at
dumiretso na rin siya sa kwarto ni Song Xiangsi para makapagpahinga, pero
noong papasok na siya, biglang kumidlat ng malakas kaya natigilan siya at
imbes na magpatuloy, dahan-dahan siyang naglakad papunta sa kwarto ni Mr.
Song para silipin si Song Xiangsi.
Pagkabukas niya ng pintuan, nakita niya itong nakabaluktot sa kama at
mukhang nanginginig sa sobrang takot. Siguro, dahil unang beses niyang
makitang ganun si Song Xiangsi, hindi niya maipaliwanag ang sakit, kaya dali-
dali, tumakbo siya papunta sa tabi nito. "Xiangsi?"
Ilang beses niya itong tinawag, bago nito ilabas ang ulo nito sa kumot, at
tumingin sakanya. "Pwede bang dito ka muna?"
Nang makita niya ang takot sa mga mata nito, lalo siyang nasaktan, kaya
walang pagdadalawang isip siyang tumungo. "Sige."
Ilang araw ng hindi makatulog ng maayos si Song Xiangsi, pero ngayon –
siguro dahil sa presensya ni Xu Jiamu – nakatulog siya kaagad.
Kinabukasan, nakaalis na ang bagyo kaya nang sandaling imulat niya ang
kanyang mga mata, sumalubong sakanya ang napaka gandang kalangitan.
Ngayon nalang siya ulit nakatulog ng mahimbing, kaya kahit gising na siya,
muli siyang pumikit at nanatili pa sa kama ng halos sampung minuto, bago siya
bumangon. Pagkaupo niya, nakita niya si Xu Jiamu na natutulog habang
nakasandal sa kabinet.
At doon niya lang naalala ang mga nangyari kagabi.
Sa totoo lang, ayaw na ayaw niyang magpakitang mahina sa harap ng ibang
tao. Pero mula noong mamatay ang papa, sobra talaga siyang nalungkot, kaya
siguro niya nasabi kay Xu Jiamu kagabi na wag muna itong umalis. Ang buong
akala niya, hihintayin lang siya nitong makatulog, pero hindi niya naman naisip
na talagang babatayan siya nito buong magdamag hanggang sa makatulog
nalang ito ng nakaupo dala ng sobrang pagod.
Sobrang putla at itim na ng ilalim ng mga mata nito…
Nitong mga nakaraang araw, aminado siya na mas napagod ito ng di hamak
kumpara sa kanya dahil habang nagluluksa siya, ito ang umasikaso ng lahat.
Pero sa kabila 'nun, kahit kailan, hindi niya ito narinig na nagreklamo o kahit
simpleng sumimangot manlang sakanya.
Siguro dahil natutulog si Xu Jiamu, ngayon nalang ito natititgan ni Song
Xiangsi ng matagal simula noong magkita sila ulit.
Sobrang gwapo pa rin nito kagaya ng dati, pero halatang halata rin na ang laki
na ng kina'matured ng itsura nito ngayon.
Halatang pagod na pagod ito…. Siguro dahil sa pagaasikaso nito sakanila ng
papa niya…
Habang pinagmamasdan ang natutulog na Xu Jiamu, hindi mapigilan ni Song
Xiangsi na hawakan ang nakakunot nitong noo, pero pagdamping pagdampi
palang ng dulo ng kanyang daliri sa balat ni Xu Jiamu, bigla namang nagring
ang phone nito.
Kaya bigla siyang natigilan, at dali-daling binawi ang kanyang kamay sa takot
na baka bigla itong magising at makita siya nito. Pagkatapos, pasimple siyang
sumilip sa screen ng phone nito, pero nang sandaling makita niya ang
pangalan ng tumatawag, muli siyang natigilan.
Sisi… parehong pareho ng palayaw niya…
'Ito ba yung babaeng Yang Sisi raw ang pangalan?'
Siguro dahil hindi naman talaga nawala ang nararamdaman ni Song Xiangsi
para kay Xu Jiamu, masakit pa rin para sakanya ang katotohanan na may
'girlfriend' na ito, kahit pa sabihin niyang tanggap niya ng hindi talaga sila
pwedeng magkatuluyan, kaya napayuko nalang siya at dali-daling lumabas ng
kwarto. Pagkasarado niya ng pintuan, nairnig niyang nagsalita si Xu Jiamu, na
mukhang naalimpungatan sa tunog ng ringtone. "Hello? Bakit?"
"Mmm… wala ako sa Beijing, nasa probinsya ako eh… Hindi ko pa alam kung
kailan ako uuwi… Sige… Oo, inantok pa ako. Mmm. Sige. Bye. Kita nalang
tayo pagbalik ko ng Beijing."