Ang mga mata ni Qiao Anxia na kanina'y sobrang saya ay parang biglang
nawalan ng buhay.
Hindi niya maintindihan ang nangyayari… Awang awa siya sa kanyang sarili…
Bakit kailangan nitong mangyari…. Wala siyang karapatan na maging
nanay…. Ito ba ang parusa sakanya ng langit?
Bandang huli, hindi niya na kinayang kimkimin ang bigat na nararamdaman
niya at tuluyan na siyang umiyak ng umiyak.
Gaano nga ba siya katagal na umiyak? Hindi niya rin alam pero inilabas niya
lang ang lahat ng gusto niyang ilabas hanggang sa may narinig siyang katok,
kaya dali-daling nagtago sa ilalim ng kumot.
Bumalik ang nurse. Naramdaman niyang lumapit ito sakanya pero siguro dahil
akala nitong natutulog lang siya, hindi na siya inistorbo nito at umalis rin
kaagad.
Nang marinig niyang nagsarado na ang pintuan, dahan-dahan niyang ibinaba
ang kumot. Hanggang sa mga sandaling 'yun, wala pa ring awat ang kanyang
luha sa kapapatak. Nakatulala lang siya sa puting kisame at hindi niya na
alam kung ano ba eksakto ang dapat niyang nararamdaman.
Pagsapit ng alas siyete, muling bumalik ang nurse.
Natuyo na ang mga luha ni Qiao Anxia, pero namumugto pa rin ang kanyang
mga mata kaya halatang-halata na katatapos niya lang umiyak.
"Miss Qiao, gising ka na pala?" Nakangiting tanong ng nurse habang bitbit ang
tray na may lamang pagkain papunta sa harapan ni Qiao anxia. "Saktong
sakto po, oras na rin para sa gabihan niyo. Babalikan ko nalang po ang tray
mamaya."
Tumungo lang si Qiao Anxia pero hindi niya kinuha ang kanyang chopsticks,
kagaya ng nakasanayan sa tuwing dumarating ang pagkain niya.
Pagkalipas ng isang oras, kagaya ng pangako, bumalik ang nurse para kunin
ang tray. Hindi nito inaasahan na hindi pa pala kumakain si Qiao Anxia kaya
hindi nito napigilang magtanong sa sobrang pagaalala, "Miss Qiao, bakit hindi
ka pa kumakain? Masama ba ang pakiramdam mo?"
Bilang sagot, walang kabuhay-buhay na umiling si Qiao Anxia. Gusto niya
sanang sabihin sa nurse na ilabas nalang ang pagkain, pero noong
magsasalita na siya, sakto namang nagbukas ang pintuan at pumasok si Chen
Yang. na suot pa rin ang suit na ginamit nito kanina sa kasal bilang best man.
"Mr. Chen, nakabalik na po pala kayo?" Pagkatapos batiin ng nurse si Chen
Yang, muli itong nagpatuloy, "Hindi ko po alam kung anong nangyari… Ayaw
pong kumain ni Miss Qiao."
Biglang kumunot ang noo ni Chen Yang at naglakad papunta sa kama. Kinapa
niya ang tray at nang mapansin niyang medyo malamig na ang pagkain,
inutusan niya ang nurse na kumuha nalang ng bago. Dahan-dahan siyang
umupo sa kama para kapain ang noo ni Qiao Anxia. Kinakabahan siya na baka
nagkaroon ng kumplikasyon dahil napagod ito kanina, pero nang makumpirma
niyang normal naman ang temperature nito, kumalma na rin siya at malambing
na nagtanong, "Bakit ayaw mong kumain? Ayaw mo ban g pagkain mo o
masama ang pakiramdam mo?"
Dahil dito, lalong nasaktan si Qiao Anxia kaya muli nanaman siyang naiyak.
Hanggat maari, ayaw niyang ipakita kay Chen Yang na malungkot siya kaya
dali-dali siyang yumuko at pinilit ang sarili niya na magpanggap na walang
nangyari. "Hindi, siguro sobrang nabusog lang ako sa reception nina Qiao
Qiao. Hindi talaga ako gutom."
"Pero kailangan mong kumain kahit kaunti para gumaling kaagad."
Walang balak na makipagtalo si Qiao Anxia, kaya tumungo lang siya at
niyakap ng mahigpit ang braso ni Chen Yang.
Hindi nagtagal, bumalik ang nurse na may dalang bagong pagkain. Alam ni
Chen Yang na walang gana si Qiao Anxia, kaya nagrepresinta siya na subuan
ito. Pagkatapos, pinunasan niya rin ang gilid ng mga labi nito, pinainom ng
gamot, at maingat na ihiga sa kama.
Alam niya kung gaano ka mitikolosa si Qiao Anxia lalo na pagdating sa
mukha. Kahit sa mga araw na hindi ito nagmemake up, lagi talaga itong
naghihilamos, kaya ngayong hirap itong bumangon, siya na mismo ang
naglinis ng mukha nito gamit ang facial wipes.
Simula nang magising si Qiao Anxia, araw-araw na itong ginagawa ni Chen
Yang.
Noong una, magkahalong saya at kilig ang nararamdaman ni Qiao Anxia dahil
para silang mga batang naglalaro, pero ngayon, hindi niya maintindihan kung
bakit sobrang sakit…
Hindi dahil sa hindi sakanya sinabi ni Chen Yang ang totoo.... Hindi na siya
pwedeng magkaanak at masyado na rin siyang alagain, pero bakit sobrang
bait pa rin nito sakanya?