Ito ang unang pagkakataon na nakita ni Cheng Yang na nagkaganoon si Qiao
Anxia kaya bigla siyang natigilan bago siya magtanong sa sobrang pagaalala,
"Bakit? Masama ba ang pakiramdam mo?"
"Hindi… Ayos lang ako." Nakangiting sagot ni Qiao Anxia habang umiiling.
Nakakakutob na si Cheng Yang na may mali pero pinili niyang magpatay
malisya kaya sumagot lang siya ng isang simpleng "oh" at hinawakan niya ang
kamay nito, "Tara, kain na tayo."
Sinilip ni Qiao Anxia ang mga pagkain na hinain ng kanyang boyfriend at
kagaya ng nangyari noong sumilip siya sa steamboat, muli nanaman siyang
nawalan ng gana kaya bigla siyang kumalag sa pagkakahawak nito at sinabi,
"Hindi nga ako gutom. Gusto ko na talagang matulog. Kung gutom ka, ikaw
nalang kumain."
Hindi makapaniwala si Cheng Yang sa mga ikinikilos ni Qiao Anxia kaya gulat
na gulat siyang napatingin dito. Gustong gusto niyang itanong kung anong
nangyari pero mukhang hindi naman ito handang magkwento kaya bandang
huli, hinayaan niya nalang ito at tumungo, "Ah ganun ba. Sige, bubuksan ko
nalang ang shower para sayo."
"Wag na. Ako nalang." Mahinahong sagot ni Qiao Anxia.
Habang sinusubukan ni Cheng Yang na makipagusap, lalo niya lang
nararamdaman na may mali kaya ngumiti nalang siya at tumungo, "Ah sige…
mas mabuti nga kung magpahinga ka nalang muna. Iinitin ko nalang yung
pagkain kapag nagutom ka."
"Uh huh" walang pagtutol na sagot ni Qiao Anxia.
Kagaya ng nakasanayan, yumuko si Cheng Yang para halikan ang pagitan ng
mga kilay ni Qiao Anxia pero noong sandaling iangat niya ng bahagya ang
kanyang mga labi sa balat nito, bigla nitong hinawi ang kamay niya na
nakahawak sa braso nito at umalis.
Ano bang dapat niyang maramdaman? Kanina pa siya naghihintay na lumapag
ang eroplano ni Qiao Anxia at sa kagustuhan niyang sabay silang kumain, tiniis
niya ang gutom pero sa mga ikinilos nito, paano pa ba siya magkakaroon ng
gana? Hindi niya rin alam kung anong nangyayari pero isa lang ang malinaw
sakanya: hindi sila okay. Nasasaktan lang siya sa tuwing iniiwasan siya nito
kaya hindi muna siya sumunod sa kwarto at halos kalahating minuto pa ang
lumipas bago siya tumayo sa kinauupuan niya. Binalot niya sa aluminum foil
ang mga binili niyang pagkain at itinago ang mga ito sa thermal box bago siya
pumasok sa kwarto.
Pagkabukas niya ng pintuan, nakita niya na nagmamadaling itinago ni Qiao
Anxia ang phone nito sa ilalim ng kumot at pumikit.
Hindi niya inaasahan ang maabutan niya kaya ilang sandali rin siyang natigilan
sa pintuan para pagmasdan ito. Sa pagkakataong ito, gustong gusto niya ng
komprontahin si Qiao Anxia pero kabisado niya ang girlfriend niya at alam niya
na kahit anong pilit niya ay hindi ito magsasabi ng totoo sakanya kaya bandang
huli, pinili niyang magpatay malisya nalang at dahan-dahang maglakad
papunta sa gilid ng kama. Hindi para matulog kundi para magpanggap na wala
siyang nakita at kagaya ng normal niyang ginagawa, kimumutan niya ito bago
siya dumiretso sa CR.
Pagkalabas niya ng shower, pinatay niya ang mga ilaw at dahan-dahang
humiga sa tabi Qiao Anxia. Para mapanindigan ang pagpapanggap, pumikit
siya kahit hindi pa siya inaantok.
Hindi niya na namalayan kung gaano na siya katagal na nakapikit noong
naramdaman niya na dahan-dahang dinudukot ng katabi niya ang phone nito
galing sa ilalim ng kumot at kahit na nakapikit siya, naaninag niya pa rin na
umilaw ang screen nito.
Matagal din bago nawala ang liwanag at sa kalaliman ng gabi, napalitan ang
katahimikan ng mahinang hikbi mula sa babaeng nakahiga sa tabi niya…
Gustong gusto niyang sumilip at itanong kung anong nangyari pero hindi niya
rin maintindihan kung bakit idinidikta ng isip niya na wag dumilat at magpatuloy
sa pagpapanggap na tulog…
Matagal bago tumigil ang hikbi at wala siyang ideya sa kung anong ginawa nito
sa pagitan pero ang sunod niya nalang na narinig ay lumalim na ang paghinga
ni Qiao Anxia, na nagpapahiwatig na nakatulog na ito ng mahimbing. Ilang
sandali niya pa itong pinakiramdaman bago niya idilat ang kanyang mga mata
para silipin ito. Sa tulong ng liwanag na nanggaling sakanilang dim light, kitang
kita niya ang namumugto nitong mga mata sa kakaiyak.
Napalunok siya at napatingin sa phone nito. Hanggat maari, ayaw niya sanang
panganuhan si Qiao Anxia pero bilang boyfriend, hindi naman maalis sakanya
na magalala kaya matapos ang matagal na pagdadalawang isip, dahan-dahan
niya itong kinuha sa pagbabakasakali na makakita kasagutan. Inenter niya ang
passcode at hindi niya inaasahan na tatambad sakanya ang profile ni Lu
Jinnian sa Weibo.
Nakazoom ang latest post nito na: [Excuse me, Mrs. Lu, masarap ba ang
marriage certificate natin? @Qiao Anhao]
Kahit saang anggulo tignan, hindi maikakaila na kahit maikli lang ang post na
ito ay sobrang sweet at dagdag pa ang personalidad ni Lu Jinnian na kilala
bilang suplado kaya kahit sinong makabasa ay ramdam na kakaiba ang saya
nito.
Pero siguro bilang ate ni Qiao Anhao, buong magdamag na umiyak si Qiao
Anxia sa sobrang saya…
Kahit anong sabihin ni Cheng Yang sa sarili niya para makumbinsi siya na wala
dapat siyang alalahanin ay hindi pa rin siya mapanatag. Alam niya ang
limitasyon niya bilang kasintahan kaya palagi niyang binibigyan ng personal
space si Qiao Anxia pero sa pagkakataong ito, hindi niya rin alam kung anong
pumasok sa isip niya at gustong gusto niyang buksan ang Contacts nito. Hindi
naman normal na humanap ng ebidensya sa Contacts pero para bang may
kumukontrol sa daliri niya na magscroll lang ng magscroll hanggang sa makita
niya ang pangalang "Mahal ko." Kampante siya sa kung anong makikita niya
kaya tinap niya ito pero laking gulat niya na hindi sa kanya ang number na
nakaregister kundi sa isang number na sobrang pamilyar sakanya…