Medyo naiinis na si Lu Jinnian noong nagsalita palang si Zhao Meng pero hindi
naman siya pwedeng basta basta nalang magalit dahil hindi niya pa naman
nakikita kung paano binago ang script kaya pinilit niya pa ring magmukhang
kalmado.
Sa tuwing nagfifilm siya, kailangan niyang magkabisado ng script kaya
natutunan niyang magbasa nito ng mabilisan. Kaya niyang intindihin ang pasikot
sikot nito kahit daanan niya lang ng tingin kaya tuloy-tuloy lang siya sa paglipat
ng bawat pahina.
Habang parami ng parami ang nababasa niya, pakunot rin ng pakunot ang
kanyang noo.
Si Lu Jinnian ang tipo ng tao na mahirap basahin ang iniisip dahil kadalasan ay
walang makikitang anumang emosyon sakanyang itsura. Pero ngayong sobrang
nakakunot ang kanyang noo, lalo lang kinabahan ang lahat. Maliban kay Qiao
Anhao na kalmadong nakaupo sa tabi niya, wala na ni isa ang gustong gumawa
ng ingay o kahit manlang huminga at ang tanging ingay na maririnig noong oras
na 'yun ay ang tunog na nagagawa ni Qiao Anhao sa tuwing humihigop ito ng
juice.
Pagkalipas ng ilang sandali, padabog na isinara ni Lu Jinnian ang script na
ikinagulat ni Qiao Anhao. Dali-dali niyang iniangat ang kanyang ulo para tignan
kung anong nangyari pero bago pa siya tuluyang makalingon, bigla itong
nagsalita na para bang naghahamon, "Ngayon, sa susunod na eksena,
kailangan niyang…"
Habang nagsasalita, itinuro ni Lu Jinnian si Lin Shiyi bago niya tapikin ng
mahina ang ulo ni Qiao Anhao, na kapantay ng kanyang bewang habang
nakaupo. "Sampalin siya?"
Sobrang takot ng lahat at walang sinuman ang may sapat na lakas ng loob na
magsalita.
Malinaw na nandoon si Lu Jinnian para ipagtanggol sila ni Qiao Anhao pero
nang makita makita ni Zhao Meng kung gaano kagalit si Lu Jinnian, medyo
natakot siya. Kagaya ng lahat, gusto niya na ring matapos ang tensyon kaya
pinilit niyang maging kalmado at nagmamadaling tumungo. "Tama."
"Tama?"
Pagkatapos magtanong, biglang tumawa si Lu Jinnian at tinignan ng masama
ang bawat isang nasa loob ng make up room. Maya-maya, bigla niyang ibinato
ng malakas sa lamesa ang script na hawak niya. Gumawa ito ng isang malakas
na "Pa!" na ikinagulat ng ilan. Wala siyang balak na tumigil kaagad kaya walang
emosyon niyang sinabi, "Kung ganun pala, umpisahan niyo na dahil gusto kong
makita ng personal kung may maglalakas loob na saktan kahit ang isang hibla
ng buhok ni Qiao Anhao!"
Noong sandaling 'yun, hindi lang si Zhao Meng, kundi maging si Qiao Anhao ay
sobrang natakot sa nagbabagang galit ni Lu Jinnian. Napakagat nalang siya
sakanyang straw, at hindi niya na kayang magpatuloy sa paginom. Natatakot
siyang tignan si Lu Jinnian ng diretso sa mga mata kaya palihim niya lang itong
sinilip.
Medyo namamanhid na ang mga binti ng direktor sa sobrang takot niya kay Lu
Jinnian. Noong mga oras na 'yun, naiipit lang din siya dahil hindi niya naman
pwedeng basta-bastang balewalain si Lin Shiyi at ang investment nito. Pero
alam niya rin na ang mas kailangan niyang gawin ngayon ay ang humanap ng
paraan para pakalmahin si Lu Jinnian. Walang mangyayari kung hindi siya
maglalakas loob kaya muli siyang nagsalita na halatang nanginginig sa takot,
"Hindi… hindi... Mr. Lu, hindi naman yan ang sunod na eksenang gagawin. Ang
script…ang script na yan ay katuwaan lang para pagtripan si Miss Qiao…yung
una pa rin ang gagamitin naming…"
"Pagtripan?"
Nakakaloko naman kung biro lang ito. Sobrang pinasama na ng direktor na 'to
ang loob ni Qiao Anhao tapos sasabihin nito na trip lang?
Biglang kinuha ni Lu Jinnian ang dalawang script na nakalapag sa lamesa at
inihampas sa ulo ng direktor. "Sinong nagbigay sayo ng karapatan na pagtripan
siya?"
Napayuko nalang ang direktor at hindi na nakapagsalita pa. Sa sobrang takot
niya, maging ang kanyang mga binti ay nanginginig na rin.
"Isa pa, wag mong sasabihin sa akin na gagamitin niyo ang dating script. Gusto
kong igawa mo ako ng bago kagaya ng ginawa niyong pagbabago sa original!"