Tanong assistant, "Kung ganon…paano ka, Mr. Lu?"
"Mag..." Sinilip ni Lu Jinnian ang isang bintana na nasa ikalawang palapag na
kasalukuyan ding tinitignan ng kanyang assistant at sinabi, "Maghihintay
muna ako dito."
Si Qiao Anhao ay nasa loob ng ospital samantalang siya ay nandito sa baba.
Alam niya na kahit maghintay pa siya hanggang sa makalabas ito ay hindi rin
naman siya pwedeng makalapit.
Malinaw sa assistant na wala siyang karapatang magsalita pero hindi talaga
kayang hindi magsalita sa sobrang pagaalala, "Mr. Lu, bakit hindi ka muna
bumalik sa hotel para makapagpahinga ka. Magdamag kang naghintay sa
hagdanan ng nakatayo at buong araw ka ng hindi nakakapagpahinga. Kapag
ipinagpatuloy mo yan, baka magkasakit ka."
Magkakasakit…Nakatitig lang si Lu Jinnian sa isang partikular na bintana na
nasa ikalawang palapag ng gusali. Nakabukas pa rin ang mga ilaw sa loob
nito at maya't-maya'y may mga aninong dumadaan sa bintana. Hindi
nagtagal, bigla siyang natawa na para bang may narinig siyang biro at
sumagot, "Hindi ako magkakaskit, sanay na ako."
Siguro dahil din sa mga pinagdaanan niya mula pagkabata, lumaki siya ng
may ilang personality issues: ayaw niyang nakikisalamuha sa iba, madalas
niyang iniiwas ang kanyang sarili, at mahirap siyang pakisamahan kaya
madalas naiinis lang ang mga taong nakikipagusap sakanya. Ayaw niya na
sanang magsalita pero hindi niya kayang itago ang lungkot na nararamdaman
niya.
Ito ang klase ng pakiramdam na hindi kayang tiisin ninuman, kaya sa kauna-
unahang pagkakataon, hindi niya na napigilan ang kanyang sarili na
magkwento sakanyang assistant ng tungkol sa kanyang pribadong buhay.
"Wala kang ideya kung ilang beses na akong naghintay para sakanya sa loob
ng sasakyan kagaya ng ginagawa ko ngayon."
Kagaya ngayon, nakaupo lang din siya sa loob ng sasakyan para bantayan si
Qiao Anhao na hindi niya na halos mabilang kung ilang beses niya na itong
ginawa.
Noong bata at wala pa siyang pera, alam niya na hindi niya kayang pasayahin
si Qiao Anhao kaya hindi niya binalak na ligawan ito. Pero may mga
pagkakataon na hindi niya mapigilan ang kanyang sarili sa kagustuhan niyang
makita ito kaya naghihintay siya ng matagal sa ground floor ng tinutuluyan
nito para lang masilip ito ng kahit pahapyaw . Pero madalang niya lang din
itong makita dahil hindi naman ito araw-araw na pumapasok sa school.
Pagkatapos 'nun, tuluyan na silang nawalan ng komunikasyon at naging
abala na rin siya sa pagfifilm kaya bihira nalang siyang pumunta sa Beijing,
pero sa tuwing nandoon siya, wala siyang ibang gagawin kundi maghintay sa
labas ng bahay ni Qiao Anhao. Minsan, naghihintay siya hanggang mag'gabi,
o kaya naman hanggang kinaumagahan ng sumunod na araw, pero may mga
pagkakataon din na higit isang araw pa siyang nakatayo lang sa labas at
kuntento na siya kahit likod lang nito ang makita niya.
Isang beses, araw ng kaarawan niya, walang bumati sakanya kahit isa at
dahil doon sobrang nalungkot siya at wala siyang ibang maisip na
makapagpapagaan ng kanyang loob kundi si Qiao Anhao kaya agad siyang
kumuha ng flight pabalik ng Beijing pero lalo lang siyang nalungkot dahil hindi
niya rin naman ito nakita.
Kaya ngayon, sanay na siya at kahit kailan ay hindi siya mapapagod na gawin
ito, madalas pa nga mas nagiging panatag siya sa tuwing hinihintay niya si
Qiao Anhao.
Ito ang unang pagkakataon na nakausap ng assistant si Lu Jinnian ng ganito
kalalim kaya hindi niya alam kung anong sasabihin niya. Makalipas ang ilang
sandali, muli siyang nagsalita, " Mr. Lu, bakit hindi mo siya ligawan? May
laban ka naman kay Mr. Xu."
"May laban?" Inulit ni Lu Jinnian ang sinabi ng kanyang assistant habang
nanatiling nakatitig. Noong tatlong taong gulang palang siya, lumuhod ang
nanay niya sa labas ng mansyon ng mga Xu para magmakaawang tulungan
siyang mabuhay at simula noon, naging mas mababa na siya kay Xu Jiamu.
At higit sa lahat…
Pagpapatuloy ni Lu Jinnian, "Kahit ano pang ginawa sa akin ng nanay niya,
hindi 'nun kayang baguhin na siya nalang ang natitira kong pamilya."