Kakabalik lang ni Jun Wu Xie sa kaniyang silid nang dumating si Jun Wu Yao. Hindi man lang it nag-abalang kumatok, dire-diretso siya sa pagpasok sa silid ni Jun Wu Xie.
"May nahanap ka ba?" Tanong ni Jun Wu Yao at umupo sa harapan ni Jun Wu Xie. Nilingon nito si Jun Wu Xie na kakatanggal lang ng butones ng kaniyang roba para sana magbihis.
Nanigas si Jun Wu Xie sa kaniyang kinatatayuan. Kampanteng nakaupo sa kaniyang harapan si Jun Wu Yao na para bang wala.
Pero...
Gusto niyang magbihis!
Lagkit na lagkit na si Jun Wu Xie sa kaniyang sarili at gusto sanang mag-enjoy sa isang hot bath at magbihis ng malinis na damit...Ngunit may isang ayaw ibigay iyon sa kaniya!
Ang titig na binibigay ni Jun Wu Xie kay Jun Wu Yao ay tila nagsasabing 'lumabas ka dito' ngunit hindi iyon napansin ni Jun Wu Yao. Magiliw itong naka-syeteng upo habang nakatitig sa 'magandang tanawin' na nasa kaniyang harapan.
Walang nagawa si Jun Wu Xie kundi muling i-butones ang kaniyang roba at umupo sa harapan ni Jun Wu Yao. Pagkatapos ay inagaw nito ang tasang nilagyan ni Jun Wu Yao ng tsaa at diretsong nilagok iyon.
Nabighani namang tumitig sa kaniya si Jun Wu Yao ngunit hindi nagsalita.
Binasa muna ni Jun Wu Xie ang kaniyang lalamunan at inilahad ng kaniyang nalaman sa gwapong binatang nasa kaniyang harapan.
"White Bamboo...Ang halamang iyon ay sa Middle Realm mo lang matatagpuan. Walang ganoon dito sa Lower Realm, pero sa Middle Realm ay pangkaraniwan lang iyon." Komento ni Jun Wu Yao habang nakapangalumbaba. Nakatitig ito sa seryosong mukha ni Jun Wu Xie.
"Tingin ko ay hindi taga-Twelve Palaces si Luo Xi. Siguro ay ginagamit lang siya ng Twelve Palaces tulad ng iba. Ang tunay na may pakana ng lahat ng ito ay nariyan lang at nagtatago. Nagtingin-tingin pa ako ngunit wala na akong nadiskubre. Kung ang mga taong iyon ay naririto lang sa Clear Breeze City, mukhang magaling silang magtago kaya hindi sila ganoon kadaling mahanap." Pinag-isipang maigi iyon ni Jun Wu Xie at sigurado siyang may kinalaman ang Clear Breeze City sa Poison Men.
"Oh? Kung gayon, anong balak mo sa mga dagang nagtatago sa kanilang mga lungga?" Tanong ni Jun Wu Yao na matamang nakatitig kay Jun Wu Xie.
Walang balak itago si Jun Wu Xie dito.
"Kailangan nila ang mga refugee na nagpupunta rito. Gayong hindi pa ako sigurado kung anong pakay nila sa refugee, sisirain ko iyon. Sa oras na masira ko ang kanilang plano, magpapanic ang mga dagay iyon at mapipilitang lumabas sa kanilang mga lungga."
Umpisa pa lang ang pagbili niya sa mga bahay na 'yon. Unti-unti niyang sisirain ang plano ng mga salaring nagtatago sa dilim!
Sa oras na lumabas na ang kaniyang kalaban, iyon ang tamang oras para siya ay umatake!
Noong nakikipaglaban si Jun Wu Xie sa mga taga-Twelve Palaces, hindi siya nagpapakita sa mga ito. Tahimik niyang isinasagawa ang kaniyang mga plano. Pero ngayon iibahin niya ang kaniyang pamamaraan.
Dudurugin niya sa harap mismo ng mga taga-Twelve Palaces ang kanilang mga plano at wala silang ibang magagawa kundi ang lumaban din!
"Hmm, maghihintay na lang ba ako at manonood?" Tumatawang tanong ni Jun Wu Yao.
"Oo. Maghintay ka lang." Nakataas ang isang kilay na sagot ni Jun Wu Xie.
Sa dami ng mga bahay at lupang binili niya ng isang bagsakan, sigurado si Jun Wu Xie na kukuha iyon ng atensyon. Ang mas makakapagtaka pa doon ay ilang tao ang paparoon at gigibain ang mga bagong tayong bahay para tayuan ng mataas na bahay.
Agad na nagtaka ang lahat sa Clear Breeze City kung sino ang baliw na nagmatigas na gibain ang mga bagong bahay upang tayuan ng panibagong bahay ulit!
Paspasan ang pagtatrabaho ng mga kalalakihang iyon hanggang gabi para mabilis nilang maitayo ang loft na hiniling sa kanila!