Ano ang tunog na iyon?
"Tick—"
Narinig nila itong muli.
Agad na nagbago ang mukha ni Mubai. Agad nitong tinapakan ang preno, binuksan ang pintuan at nilundag ang upuan para sugurin si Xinghe sa isang malinis na galaw—
Habang dinudukwang siya nito, nakarinig ng isa pang tunog ng pagtiktok si Xinghe. Matapos nito ay isang nakakabinging pagsabog. Pakiramdam ni Xinghe ay nasunog ang kanyang mga mata sa nakakasilaw na liwanag. Ang huling bagay na nakita niya bago ang siya nilamon ng liwanag ay ang mga mata ni Mubai na puno ng determinasyon.
Maliban sa pakiramdam na ang mga katawan nila ay inihagis ng hindi maipaliwanag na pwersa, wal ana siyang naramdaman pang iba. Dahil ang isang taong nawalan ng ulirat ay wala nang mararamdaman. Para itong kamatayan, walang sakit at walang nararamdaman.
Gayunpaman, para kay Xinghe ay iba ito. Kahit na sa walang katapusang kadiliman, nararamdaman niya na sumasakit ang puso niya. Tila ba ang puso niya ay tinutusok ng matalim na bagay. Pakiramdam niyang lumalayo ang kanyang sarili mula sa pinanggagalingan ng sakit. Napuno siya ng pangamba.
Gayunpaman, tila may isang tao na patuloy na tinatawag ang kanyang pangalan mula sa malayong lugar.
Xinghe, Xinghe…
Ang mahinang tinig ay masuyo at malambing na tila isang lalaki na tinatawag ang kanyang pinakamamahal na kasintahan. Kasintahan? Ako ba iyon? Pero sino 'siya'?
Ang kamalayan ni Xinghe ay unti-unting nabubuo. Sa wakas, naalala na niya; ang tumatawag sa kanya ay si Xi Mubai. Ginawa ni Xinghe ang lahat para mahanap ang pinanggagalingan ng tinig, pero walang nangyari. Xi Mubai, nasaan ka?
Xinghe, aalis na ako… patawarin mo ako, hindi na kita masasamahan pa…
Sa wakas ay unti-unting nakabawi na si Xinghe para maalala ang pagsabgo sa loob ng kotse. Hinila siya ni Mubai para yakapin ng mahigpit bago sumabog ang kotse. Sandali, sumabog ang kotse!
Ang biglaang kaalaman na ito ang nagpagising kay Xinghe mula sa kadiliman katulad ng pagbuhos ng nagyeyelo at malamig na tubig!
Sa sandaling nagising siya, ang kanyang mga mata ay napuno ng takot. Nahihirapan siyang huminga; tila isa siyang biktima ng trauma, ang kanyang mukha ay putlang-putla.
"Sis!" Si Xia Zhi, na nagbabantay sa kanyang tabi, ay ni minsan pa ay hindi ipinikit ang kanyang mga mata. Masayang lumundag ito palapit nang makita niyang nagmulat ito ng mga mata. Ginagap nito ang palad niya at minasahe ng mainitan ito. "Sis, ayos ka lang ba? Ayos lang ba ang pakiramdam mo? Tatawagin ko ang doktor!"
Agad na tinawag ni Xia Zhi ang doktor pero nanatiling ganoon si Xinghe; hindi kumikilos at walang emosyon.
"Doktor, ano ang problema sa kapatid ko?" Tanong ni Xia Zhi sa nanginginig na boses habang nakatingin kay Xinghe na blangkong nakatitig.
Napabuntung-hininga ang doktor. "Na-shock siya."
"Kung ganoon, ano ang magagawa natin…"
"Bibigyan muna natin siya ng isang turok ng pampakalma."
Kung kailan naman ituturok na ng doktor ang heringgilya, nagsalita siya sa garalgal na tinig, "Ayos lang…"
"Sis!" Napaiyak si Xia Zhi sa pagkagulat. Gayunpaman, agad niyang pinigilan ang kasiyahan nang makita niya na wala ang dating kislap ng mga mata nito. Hindi niya alam kung paano bubuksan ang paksa.
Bumaling sa kanya si Xinghe at nagpatuloy sa paos na tinig nito, "Nasaan si Mubai?"
Ito ang ikinatatakot ni Xia Zhi, natatakot na magtatanong siya ng tungkol kay Mubai pagkagising niya.
Sinubukan niya ang lahat na maitago ito, pero nandoon ang hindi maikakailang kalungkutan sa mga mata niya. Ang kanyang malungkot na hitsura ay marami ding sinasabi.
"Sis, nasa kritikal na kondisyon pa din siya…"