webnovel

Beauty

Tulala siyang humarap sa salamin. Ang kanyang mata ay singkit pa rin pero mas mapilantik ang kanyang pilik mata. Mahaba na ang kulot niyang buhok. Matangos ang ilong, mamula mula ang pisngi at ang natural na mapulang labi ay mas naging hugis puso. Hinawakan niya ang malalaki at malaman na dibdib, nilamas lamas niya ito. Hindi na matigas ang mga yun. Wala na rin ang biceps at triceps niya. Gulat ang mukha niya. Tangina, hindi niya alam kung tatawa ba siya o iiyak. 

Naupo siya sa toilet. Humahangos naman na tumakbo ang dalawang matanda– ang kanyang ama at ang kanyang lola. 

"Anak, ayos ka lang ba diyan?!" Katok ng mga ito sa banyo. Hindi umimik ang ngayo'y dalagang si Hendrick. Ha ha ha. Naiiyak na si Hendrick. Pinihit ng dalawa ang seradura ng banyo at bumungad ang likod ng babaeng si Hendrick. 

"I-ija, alam mo ba kung nasaan si Hendrick?" Tanong ni Aling Nelia, ang kanyang lola. 

"Mukhang may ginagawa siya, mas mainam na wag na lang natin istorbohin." Ani ng kanyang ama. 

"Baka tumatae siya. Ikaw talaga!" Sita ng mas nakakatanda. 

Tulala siyang nakaupo. Hindi makapaniwala sa nangyari. Habang ang dalawang matanda naman ay nanatili sa loob ng kuwarto. 

"Nasaan ba 'yang anak mo?" Nakakunot-noong tanong ni Aling Nelia. 

"Aba, hindi ko alam. Dito siya natulog 'di ba?" Nagtatakha si Frederick na tiningnan ang buong silid. 

"Si Hendrick ba talaga ang narinig mo?" Tutok na tutok ang mata ng matanda sa kanyang manugang. 

Napakamot naman sa ulo si Frederick. "Parang. Hindi ako sigurado. Parang boses ni Hendrick eh, mas matinis nga lang."

"Hala, ipahanap natin sa buong mansion–" 

Naputol ang sinasabi ni Aling Nelia nang biglang lumabas sa banyo ang isang babae na kamukhang kamukha ni Hendrick. 

Napaawang ang bibig ng dalawang matanda sa gulat. Parang aatakihin sa puso ang kanyang lola. 

"Dad ako 'to, si Hendrick." Sambit nito at direktang nakatingin sa ama. 

"Apo..." Naiiyak na sambit ni Aling Nelia. 

"Lola." Hindi maapuhap ni Hendrick ang nais sambitin. 

Iiyak sana siya pero napamura siya sa tanong ng kanyang ama. 

"Anak, bumigay ka na ba?"