webnovel

“Lin Palace (3)”

編集者: LiberReverieGroup

Tinitigan ni Jun Wu Xie nang walang takot ang guwapong lalaki, ramdam sa kaniya ang panganib – siya na nagpapakilalang kaniyang 'kapatid'. Hindi kailanman nagkaroon ng Jun Wu Yao sa rehistro sa tahanan ng Lin. Ang lalaking nasa harapan niya ngayon ang lalaking iniligtas niya sa kuweba noong araw na 'yon, tanging pagkakaiba lamang nila ay kaniyang mga matang dating lila, ngayo'y itim na.

"Anong ginawa mo?" Tanong ng dalaga, bakas sa kaniyang mga mata ang babala at panganib na nais nitong iparating.

Di alintana ang babala, tinitigan ni Jun Wu Yao ang mapangahas na dalaga, bahagyang nakaagat ang kilay at ngiting tila nangungutya

"Binabayaran ko lang ang aking pagkakautang." Sagot niya.

"Hindi na kailangan." Pakling sagot ni Wu Xie.

"Sa kasamaang palad, hindi nakasalalay sa iyo ang desisyon." Matalinghagang sagot nito.

Anong ginawa niya para kilalanin siyang apo ng Dakilang Lin Wang? Mapanganib ang taong ito. Takbo sa isipan ni Wu Xie na may kunot sa kaniyang noo.

"Anong ginawa mo sa mga tao ng Lin Palace?"

Bahagyang ngumiti si Jun Wu Yao habang ipinakita sa dalaga ang gahiblang ahas na nakapulupot sa kaniyang daliri. "'Wag kang mag-alala. May pansamantala lamang akong idinagdag sa kanilang alaala. Ang mga mumunting bagay na 'to, walang idudulot na masamang epekto sa kanilang katawan. Makasisiguro ka."

Dahil dito, lubos na nagulat ang munting pusa.

Anong uri ng salamangkero ang iniligtas ng kaniyang Mistress sa pagkakataong ito? At ang mga mala-hibla ng buhok na ahas na iyon, ay may sariling kalikasan at gilas. Hindi ito dapat maliitin. May kakayanan itong pumasok sa isang katawan at magbago ng isang alaala.

"Siya ba ang contracted spirit mo?" Tanong niya patungkol sa munting pusang itim. Nalilibang habang pinapanood ang mga reaksiyon nito.

"Wala siyang kinalaman sa iyo." Irap ng dalaga.

"Bakit ba napakalamig ng pakikitungo mo sakin, mahal kong kapatid?"

"Hindi nababagay ang lugar na 'to para sa'yo. Kailangan mo nang umalis." Sabi niya. Ang kaniyang saloobin ay hindi mapalagay. Batid niya kung gaano kapanganib ang lalaking ito. Walang magandang maidudulot kapag nanatili siya sa tahanan ng mga Lin.

"'Wag kang malupit. Ikaw ang nagligtas sa akin. Ang tanging nais ko lang ay makapaghiganti sa mga kaaway ko. Kung hindi mo kayang sumangayon sa munti kong kahilingan, wala akong magagawa kundi wasakin ang mga munting bagay na ito na nasa katawan ng mga taga-Lin." Sa pagbaba ng boses ng binata ay mapapansin ang biglang pag daloy ng kapangyarihan sa mga mala-hiblang ahas na tila sumasayaw sa kaniyang mga daliri.

Nagpatuloy ang binata at sinabing, "Natatakot lang ako sa maaring mangyari… kapag sapilitan napuksa ang mga ito sa katawan nila, ano kaya ang posibleng kahantungan ng tahanan ng Lin?"

"Pinagbabantaan mo ba ako?" Mapapansin sa mga mata ni Wu Xie ang galit.

"Hindi, ito lang ang aking pakiusap." Tugon ng binata nang may bahagyang ngiti.

Pakiusap? Kung hindi siya sasang-ayon, mamatay ang mga tao? At isa lang itong pakiusap?

"Huwag kang kabahan. Sa ngayon, wala lang akong mapupuntahan. Lilisan din ako pagdating ng panahon. At bago ako lumisan, nais kong gantihan ang iyong kabutihan. Makakaasa ka, wala akong sasaktan sa mga tao mo." Nakangiting sabi ni Wu Yao.

"Hindi mo ba papatayin ang lahat sa pag-alis mo?" Tanong niya.

"Hindi, maipapangako ko na sa pag-alis ko, walang masasaktan, kahit isa." Patuloy niyang tugon.

"Wala naman akong pagpipilian." Ngitngit ng dalaga

Tanging kibitz balikat ang sagot na natanggap mula kay Wu Yao.

Batid niyang wala siyang magagawa sa binata sa ngayon, ipinikit niya ang kaniyang mga mata at nagpahinga na parang walang inaalala.

Napabuntung-hininga ang munting pusa matapos niyang matiyak na walang kapahamakan ang dadapo sa dalaga. Tumalon ito sa higaan ni Wu Xie at sumuksok sa unan. Ngunit sa kabila nito, nanatili siyang listo at hindi inalisan ng tingin ang lalaki.

Ang lalaking ito ay lubhang mapanganib. Ang pinakamapanganib sa lahat ng taong nakatagpo nito.