Anong gagawin mo kung alam mong oras mo na? Marahil nais mong hanapin ang mga taong mahal mo sa buhay upang iparamdam ang pagmamahal mo sa kanila at gawin ang mga bagay na di mo nagawa dahil akala mo'y marami pang pagkakataon. Ngunit paano kung wala ng natitirang pagmamahal sa puso mo para sa mga taong akala mo'y tunay na nagmamahal at nagmamalasakit sa'yo? Paano kung natikman mo na ang lahat ng klase ng alak, droga, babae, at lahat ng tukso na kayang bilhin ng pera? Paano kung nawalan ka na ng interes sa kahit anong bagay o sa kahit kanino? Pano kung ang nais mo lang gawin ay pabilisin ang oras upang tuluyan kang mawala sa mundo?
Iyon ang mga tanong na naglalaro sa isipan ni Syven habang inaalalayan ito ng dalawang Private Nurse upang inumin ang mga tableta ng gamot. Puno ng pasa at malalim na sugat ang katawan niya. Parehong nabali ang dalawa niyang kamay kaya bawat pagkilos na kanyang gagawin ay dapat na may umaalalay sa kanya. Mistulang bumalik siya sa bagong silang na sanggol na kailangan ng matinding pag-iingat.
"Ako na ang bahala sa kanya. Iwan niyo muna kami." Utos ng bagong pasok sa silid na si Sylas. Magalang na walang tugon na lumabas ang mga nurse sa malawak na kwarto. Maingat na inalalayan ni Sylas ang kapatid na sumandal sa headboard ng kama. Puno ng pag-aalala ang mga mata nito na tila ito ang nahihirapan sa kondisyon ni Syven. "Kuya, kailangang mong inumin sa tamang oras ang mga gamot para hindi mo maramdaman ang kirot ng mga sugat mo."
Kinuha ni Sylas ang gamot at tubig upang alalayan ang kapatid. Walang pag-aalinlangan na tinanggap ni Syven ang mga gamot. Bahagyang sumilay ang ngiti sa sulok ng labi ni Sylas na mabilis din nitong napagtakman ng mapait na ngiti. "Buong magdamag na nasa tabi mo si Faye kaya pinilit ko muna siyang magpahinga-"
"Iyon na ba ang huling tableta ng gamot?" Sinalubong ni Syven ang mga mata ni Sylas. Sa kabila ng maputlang kulay ng balat nito at mga pasa't sugat sa katawan ay kababakasan parin ng kakaibang karisma ang anyo ni Syven na kinahuhumalingan hindi lamang ng kababaihan. "Dapat ba akong matuwa na gusto mong maging manhid ako hanggang sa huli ng aking hininga?"
Malalim na linya ang bumakas sa noo ni Sylas na napalitan ng matinding pagkabigla. Umangat ang palad nito upang takpan ang mukha at itago sa dalawang pares ng mata na nagmamasid sa kanya. Nauwi sa matining na halakhak ang naging tugon nito sa tanong ni Syven. Nawala ang maamong ekspresyon na lagi nitong suot kapag kaharap nito ang kapatid. Lumitaw ang tunay nitong emosyon. Ang mukhang tinatago nito sa tuwing na kay Syven ang atensiyon ng lahat. Sa tuwing ito ang laging hinahanap ng kanilang Ama at hindi siya. Hawak-hawak ni Sylas ang tiyan habang pinipigilan ang pagsungaw ng mga luha niya sa labis na tuwa. Nang kumalma ay muli niyang sinalubong ang tingin ng kapatid.
"Nakita mo na ang mga tinik na nilatag ko para sayo subalit hinayaan mo ang sarili mong tumapak sa mga pain ko. Kung gusto mo ng maglaho bakit hindi mo pa ito ginawa ng mas maaga? Bakit kailangan mong sirain ang pangalan ng kumpanya? Bakit kailangan mo pang pakasalan si Faye?!"
Gumuhit ang matamis na ngiti sa labi ni Syven habang nakikita niya ang matinding pagkamuhi sa mga mata ni Sylas. Ang kapatid na dating iniingatan at prinotektahan niya ay siya ring kikitil ng buhay niya. "Hanggang ngayon, hindi mo pa rin alam kung bakit?" Sa kabila ng abnormal na pagbabago ng kanyang paghinga ay kalmado parin ang kanyang ekspresiyon na tila kuntento na siyang lisanin ang Ama na sinukuan siya sa panahon na kailangan niya ito. Mga kaibigan na tinurin niyang tunay na kapatid ngunit mas piniling talikuran siya. Kasintahan na buong akala niya'y sa kanya subalit nagpaangkin sa iba. Tunay na nabuhay si Syven sa isang malaking kasinungalingan, at ang kasinungalingang iyon ang kumitil sa pagkatao niya.
"Gusto kong itanim sayo na kahit anong gawin mo ay magiging pangalawa ka lang sa mata ng lahat. Nabulag ka ng mga plano mo kung paano ako burahin kaya hindi mo nagawang protektahan ang mga bagay na gusto mong makuha sa akin. At kahit mapunta ang mga ito sayo, nadungisan na ito ng mga kamay ko. Sylas, gusto kong isaksak sa isipan mo na mananatili ka sa likod ng anino ko kahit na mawala ako."
Ang makita ang labis na poot ni Sylas sa kanyang huling sandali ay ang pinakamasayang baon niya sa kabilang buhay. Gaano pa kasidhi ang pagnanais nitong maghiganti sa kanya, mawawalan ito ng saysay kung wala na siya upang masaksihan ito. Ito ang pinakamatamis na regalo na iiwan niya sa kapatid.
Hinayaan niyang magtagumpay ang mga plano nito. Kahit alam niya ang mangyayari sa kanya sa sandaling sumakay siya sa sasakyang sumundo sa kanya sa airport ay tumuloy parin siya. Kahit alam ni Syven na may lason ang mga tabletang binibigay sa kanya hindi niya ito tinanggihan sa halip ay sinigurado niyang maiinom niya ang bawat tableta ng gamot. Ito ang naisip niyang paraan upang pagbayaran ang kasalanan niya sa taong tunay na naging tapat sa kanya, subalit huli na upang humingi siya ng tawad dito.
Sa huli, ang kaibigan na sinukuan at tinalikuran niya ay siyang tanging tunay na nagmamalasakit sa kanya. Binigo niya ito at huli na upang magsisi siya. Payapang ipinikit ni Syven ang kanyang mga mata. Nakahanda na siyang harapin ito kahit na singilin siya nito sa kabilang buhay…