Nanatiling kalmado si Qiao Anhao sa kinauupuan niya at kumaway siya
sakanyang make up artist na wag siyang iretouch.
Hindi masyadong maintindihan ng make up artist kung bakit siya tumanggi kaya
hindi na ito nagpumilit at tumayo nalang sa isang gilid.
Samantalang si Lin Shiyi naman, na nakaupo sa hindi kalayuan, ay nakangising
pinapanuod ang mga nangyayari sa kabilang lamesa. Kalmado niyang itinaas
ang kanyang baba para hayaan ang kanyang make up artist na maretouch siya.
Nang masigurado ng direktor na maayos na ang lahat ng kakailanganin sa set,
muli siyang bumalik sa make up room para tignan kung tapos ng maghanda ang
dalawa. Pero noong nakita niyang nakaupo lang si Qiao Anhao at hindi pa
nagreretouch, biglang kumunot ang kanyang noo at sinabi, "Xiao Qiao, bakit
hindi ka pa nagreretouch ng make up mo?"
Tinignan ni Qiao Anhao ang dalawang script na nakalapag sa harapan niya. Buo
na ang desisyon niya kaya sumagot siya sa tanong ng direktor habang nakaturo
sa unang script, "Kung yan ang gagamitin natin, magreretouch na ako, Pero
kung ang script na 'to, hindi ako magshushoot."
"Hindi magshushoot? Edi wala palang kwenta ang make up ko?" Naiinis na
tanong ni Lin Shiyi habang nakatingin sa direktor.
Sa lahat ng set, normal nalang na nasa investor ang pabor kaya kahit ang
direktor ay kailangang sundin ang gustong mangyari ni Lin Shiyi dahil malaki
ang investment nito sa drama. Malinaw na natatakot siya rito kaya noong nakita
niya ang naging reaksyon nito ay dali-dali siyang tumingin ng masama kay Qiao
Anhao. "Xiao Qiao, wag mong kakalimutan na pumirma ka hg kontrata. Sa tingin
mo ba na pag sinabi mong hindi ka magshushoot ay hahayaan talagang hindi ka
magshoot?"
Pagkatapos magsalita ng direktor ay tinignan niya rin ng masama ang make up
artist ni Qiao Anhao na nakatayo sa isang gilid at sinabi, " Ano pang tinatayo
tayo mo jan? Bilisan mo at ayusin mo na ang make up niya."
Sa sobrang inis ng direktor, hindi siya nakuntento na napahiya niya na si Qiao
Anhao kaya nagpahabol pa siya ng parinig, "Kung makaarte akala mo naman
ang laking tao… Anong karapatan mong mamili ng script? Kung
nagmamatapang ka, bakit hindi ka maginvest sa drama at ikaw ang maging
boss?"
Nang marinig ni Lin Shiyi ang pagrereklamo ng direktor, bigla siyang tumawa at
inulit ang mga sinabi ni Zhao Meng para lalong asarin si Qiao Anhao, "Direktor,
magiingat ka sa pananalita mo! Hindi mo ba alam na may malaking tao sa likod
ni Qiao Anhao. Masyado itong makapangyarihan at hindi lang paid leave ang
kaya nitong ibigay sa atin dahil kaya niya ring tanggalan ako ng role. Oh! Hindi
lang pala 'yun, kaya rin palang patigilin ang production kahit kailan niya
gustuhin…."
Habang nagsasalita si Lin Shiyi, biglang nagbukas ang pintuan ng make up
room na sinundan pa ng gulat na gulat na sigaw, "Mr. Lu!"
Noong sandaling 'yun, biglang natigilan ang lahat at sabay-sabay na napalingon
sa pintuan para tignan si Lu Jinnian na nakasuot ng isang mahabang coat na
kulay itim. Wala talagang kapantay ang kagwapuhan niya kaya napatulala
nalang ang lahat sakanya.
Parang may dumaang anghel noong dumating si Lu Jinnian dahil biglang
nanahimik ang buong make up room.
Gulat na gulat ang lahat at hindi makapaniwala. Ang taong 'to ay ang best actor
sa magkakasunod na anim na taon, ang CEO ng Huan Ying Entertainment at
bagong may ari ng Xu Enterprises. Anong dahilan ng biglaang pagpapakita ng
isang nakataas na tao dito?
Kagaya ng tipikal na awra ni Lu Jinnian, mukha pa rin siyang suplado na para
bang nakakailang siyang lapitan at ang ganitong personalidad ay bukod tanging
sakanya lang makikita.
Habang nakatayo sa may pintuan, tumingin siya sakanyang kaliwa't kanan na
para bang may hinahanap hanggang sa makita niya si Qiao Anhao. Wala siyang
pakielam sa ibang taong nasa loob ng make up kaya walang pagdadalawang
isip niya itong tinawag sa palayaw nito, "Qiao Qiao."
Wala pa ring naglalakas loob na gumawa ng ingay at maging ang make up artist
na nagreretouch kay Qiao Anhao ay bigla ring natigilan.
Ang lahat ng mga matang nakatingin Lu Jinnian ay biglang lumipat kay Qiao
Anhao.
Dahan-dahang tumayo si Qiao Anhao sa kanyang kinauupuan at habang
nakatingin ang lahat sakanya, naglakad siya papunta kay Lu Jinnian.
Kahit na nanatiling kalmado si Qiao Anhao habang pinagkakaisahan siya ng
direktor at ni Lin Shiyi, sobrang nainis pa rin siya sa pangiinsulto ng mga ito.
Pagkalapit niya kay Lu Jinnian, napansin nito kaagad na may bakas ng inis sa
pagitan ng kanyang mga kilay kaya bigla ring kumunot ang noo nito at
nagtanong, "Anong nangyari?"