webnovel

Kabanata 48: Mga Bagong Banta

Kabanata 48: Mga Bagong Banta

Hindi dinala ni Joel ang grupo ni Jay-Jay sa Hilltop. Sa halip, dinala sila sa hydro power plant, na may mas malawak na lugar para gawing pansamantalang kulungan. Nais niyang maiwasan ang posibilidad na malaman ng grupo ni Jay-Jay ang lokasyon ng Hilltop, sakaling sila'y may masamang balak.

Pagkarating sa planta, agad pinakain ang mga bagong dating at binigyan ng malinis na tubig. Kita sa kanilang mukha ang pasasalamat, ngunit nanatiling mapagbantay ang mga tao ni Joel. Humiwalay si Jay-Jay sa kanyang grupo at dinala sa view deck para sa masinsinang interogasyon.

Sa silid na tahimik ngunit puno ng tensyon, hinarap ni Joel si Jay-Jay habang si Mon ay nanatili sa likod, tahimik na nagmamasid.

"Jay-Jay," panimula ni Joel, ang boses niya'y malamig ngunit puno ng awtoridad. "May mga tanong ako. Sana sagutin mo nang maayos, para magkaintindihan tayo."

Tumango si Jay-Jay, halatang kinakabahan ngunit handang makipagtulungan.

"Tagasaan ka?" tanong ni Joel.

"Taga-Cielito, North Caloocan ako," sagot ni Jay-Jay.

Napatigil si Mon at biglang sumagot, "Aba, malapit ka lang pala sa amin. Kalugar pala kita."

Tumango si Joel at nagpatuloy sa pagtatanong. "Ano na ang sitwasyon sa lungsod?"

Sumandal si Jay-Jay at malalim na huminga bago sumagot. "Hindi na matirahan ang ibang kabahayan. Ubus na ang mga supply sa mga tindahan at mall. Kahit yung mga pinagtataguan ng mga tao dati, wala nang natira. Grabe ang agawan ng pagkain sa lungsod—umabot na sa puntong pumapatay ang mga tao para makakuha lang ng pagkain o tubig. Hindi lang zombie ang kalaban namin doon, pati mga tao. Ang mga gutom, wala nang pakialam kung sino ang nasa harap nila."

Napatingin si Joel kay Mon, ang kanyang mga mata seryoso. Tumalikod siya sandali at pabulong na nagsabi, "Mon, mukhang malaki ang problema natin. Kung ganito ang nangyayari sa lungsod, hindi malabong makarating ang mga ganitong tao sa atin. Hindi lang zombie ang kailangan nating harapin. Pati ang mga gutom at desperado. Mukhang kailangan nating pag-ibayuhin ang depensa ng kampo."

Tumango si Mon, nakikita sa kanyang mukha ang bigat ng sinabi ni Joel. "Tama ka. Hindi pwedeng magkampante. Ang ganyang klaseng desperasyon, delikado. Kaya nilang gawin ang kahit ano para mabuhay."

---

Habang nag-uusap sina Joel at Mon, tahimik lamang si Jay-Jay, ngunit bakas sa kanyang mukha ang takot at pagkasira ng pag-asa. Ang kwento niya ay malinaw na babala sa grupo—hindi sapat na mayroon silang pagkain, tubig, at depensa laban sa mga zombie. Kailangan nilang ihanda ang kanilang sarili laban sa mas malaking banta: ang mga tao.

次の章へ