webnovel

Chapter 53

Sa kanilang pagmamasid ay agad nilang narinig ang sabay-sabay na mga yabag sa lupa. Dumadagundong ito na animo'y isang higante ang naglalakad.

Mayamaya pa ay umihip ang malamig na hangin na halos manuot sa kani-kanilang mga kalamnan hanggang buto. Kasabay nito ang tila pagyakap sa kanila ng kakaibang kilabot na noon lamang nila naramdaman.

"Andyan na sila!" pagsambit noon ni Maya ay isang nilalang ang mabilis na umatake sa kanila. Si Simon ang agad na tinamaan ng pag-atakeng iyon na agad din namang nasangga ng binata.

Kitang-kita nila kung paano napakagat ito sa talim ng itak ni Simon na siyang ginamit nito pansalag sa pag-atake ng kalaban. Malapot at umaalingasaw ang laway na tumutulo mula sa bunganga nitong punong-puno ng manilaw-nilaw na mga ngipin.

Mabilis itong iwinaksi ni Simon at napadura siya sa lupa dahil sa pagpasok ng amoy sa kaniyang baga.

Napalagapak naman sa lupa ang nilalang habang bahagyang umaangil sa kanila. Halos buto't-balat na ang nilalang na iyon at mabibilng mo na din ang natitirang buhok nito sa ulo. Pagapang din kung paano ito maglakad at halos kasinghaba lang ng binti nito ang baliko nitong braso. Nakakapangilabot din ang wangis nito na maihahalintulad mo sa isang asong nauul*l.

"Anong nilalang yan? Aswang din ba iyan?" tanong ni Simon. Bigla naman silang napalibutan pa ng kaparehong nilalang. Natatayang nasa sampong nilalang ang pumapaikot sa kanila ngayon, hindi pa kasama ang naririnig nilang umiikot sa itaas ng kalangitan.

"Mukhang, hindi nila alintana ang umaga sa lugar na ito. Hindi ko rin masabi kung aswang sila, ngunit isa lang ang sigurado. Kalaban natin sila na kailangang puksain." Wika ni Maya sabay atake sa pinakamalapit na nilalang sa kaniya. Nangbuno ang mga itoat halos magpagulong-gulong sila pareho habang hawak naman ni Maya ang kaniyang punyal at sinusubukan unayan ng saksak ang nilalang.

Nagsimula na rin ang laban sa pagitan nila at ng mgakakaibang nilalang. Nabalot ng sigawan nila at mga angil ang buong gubat. Walang ayaw magpatalo, agresibo ang mga nilalang na kahit pa masugatan aya patulkoy pa rin nilang sinusubukan madamba at matalo ang grupo nila Milo.

Ilang sandali pa ay napatumba na rin nila ang mga ito. Humihingal pa sila habang pinagmamasdan nila ang pagkaagnas ng katawan ng mga nilalang. Dahil sa nangyari ay lalong lumakas ang mga pagaspas na kanilang naririnig sa kalangitan. Maliwanag noon ngunit wala silang nakikitang lumilipad, subalit napakalakas ng pagaspas na kanilang naririnig.

"Manatili tayong alerto sa ating paligid, ramdam kong naririto lang sila at nagmamasid." Suhestiyon ni Liway.

Mas pinag-igihan nila ang pagmamasid habang si Milo naman ay dumakot ng lupa at isinaboy ito sa hangin habang nag-uusal.

"Anong ginagawa mo Milo?" Tanong ni Gustavo ngunit hindi umimik ang binata. Nagpatuloy ito sa pagdakotng lupa at pagsaboy nito sa hangin habang nag-uusal.

"Hayaan mo lang siya Manong Gustavo, isang paraan iyan upang gisingin ang mga lamanlupang orihinal na naninirahan sa kagubatang ito. Marahil ay nararamdaman ni Milo ang kanilang pag-iral at malaking tulong sa atin kung makikipagtulungan sila sa atin." si Simon na ang sumagot dito, Napatango naman si Gustavo at tahimik lang na pinagmasdan ang binata.

Ilang beses pang inulit ni Milo ang kaniyang ginagawa bago ito lumuhod sa lupa at marahang bumulong doon. Kinuha niya ang kaniyang tabak at mabilis na hiniwa ang ang kaniyang palad. Nakapikit ang kaniyang mga mata habang nakatingala naman sa langit ang mukha nito. Sa bawat pagpatak ng dugo ni Milo sa lupa ay siya namang pagliwanag ng parteng iyon.

Mayamaya pa ay nagmulat ng mata ang binata at napansin nila ang pagliliwanag niyon.

"Sa bawat dugong pumapatak mula sa katawang aking hiniram sa Maylikha, nawa'y dinggin niyo ang aking pagtawag, alang-alang sa lupang inyong pinakaiingatan." Paulit-ulit iyong binigkas ni Milo hanggang sa tuluyang nilang makita ang paglitaw ng mga nagliliwanag na nilalang na animo'y kagigising lamang mula sa mahimbing nilang pagkakahimbing.

"Akalain mo nga namang matatawag niya ang mga maharlikang Tamawo sa islang ito." bulaslas ni Simon habang namamanghang pinagmamasdan ang mga nilalang na paisa-isang naglilitawan sa kanilang harapan.

"Mukhang may ibubuga na nga ang dating nakabuntot lang sa atin Simon." sambit pa ni Maya. Mgaing ang dalaga ay napahanga sa ipinakitang kagalingan ni Milo. Ang pagtawag sa mgamaharlikang engkanto o tamawo ay hindi nagagawa ng mga ordinaryong babaylan o manggagamot, dahil nangangailangan ito ng malakas na pananalig at walang hanggang kalakasang espiritual. Nagpapatunay lamang ito na mas naging malawak na ang espiritual na kakayahan ni Milo kumpara noong una nila itong makilala.

"Pagpupugay sa napiling pinuno." biglang wika ng isang matangkad na nilalang at lumuhod ito sa harapan ni Milo na lubha naman nilang ikinagulat. Halos manindig ang balahibo nilang lahat dahil sa pagdagundong ng lupa nang lumuhod ang mga ito. Nakayukod din ang mga ulo nito simbolo ng kanilang pagbibigay galang sa kanilang kaharap.

Nang magmulat ng mata si Milo ay napansin nila ang naghahalong mga kulay sa mata nito na natural sa mga tagubaybay hanggang sa maging ginintuan iyon. Napangiti siya sa mga kaharap ata tumango na animo'y isang hari. Naramdaman din nila ang matinding pagbabago sa awra ng binata, tila ba hindi na ito ang dating lalampa-lampang binatang tinuturuan nila.

"Alam kung batid niyo kung bakit ko kayo ipinatawag. Dahil sa kawalan ng kaalaman kung sino ang ating kalaban ay nais ko sanang hingin ang inyong tulong. Malakas ang negatibong presensyang nararamdaman ko sa islang ito at aminado akong hindi namin ito kakayanin nang kami lang, kaya hinihimok ko kayong makiisa upang muli nating mabawi ang lupang orihinal na inyong tirahan." wika ni Milo at napatingala ang tamawong tumatayong lider ng mga nilalang.

"Matagal na naming hinihintay ang iyong pagdating upang mapamunuan ang labanang ito. Salamat sa pagising mo sa amin piniling pinuno, lubos kaming nagagalak dahil isa kami sa inyong napili upang lumaban sa inyong tabi." wika nito at marahang inilibot ang paningin sa iba pang kasama ni Milo. Napatda a ang tingin nito kay Maya at Gustavo bago napangisi.

"Tunay nga ang tagnang nakaukit sa mga bato, bukod sa piniling pinuno, may mapapabilang din na mga aswang sa labanang ito. Kinagagalak namin kayong makasama." Sambit muli nito na animo'y kinakabig nitong higit na nakatataas ang uri nila Maya at Gustavo. Maging kay Liway at Simon ay punong-puno rin ng paggalang at kagalakan ang boses nito.

Matapos ang naganap na sandugo sa pagitan ng mga tamawo at sa grupo ni Milo ay nagpatuloy na sila sa kanilang pagtahak sa landas patungo sa pinakapusod ng gubat kung saan namumugad ngayon ang mga itim na nilalang na nakita ni Milo sa kaniyang pangitain nang minsan niyang makadaupang palad ang diwata ng buwan.

Tahimik at walang imikan ang naging paglalakbay nila, pare-pareho nilang itinuon ang pansin sa nilalakaran nilang lupa at sa bawat kaluskos na kanilang naririnig. May mga mangilan-ngilang nilalang ang naglalakas-loob na sila ay atakihin subalit hindi sila umuubra sa mga tamawong kasangga nila Milo. Tila mga sundalo alerto ang mga ito na pinalilibutan ang grupo ni Milo at sila ang nagsisilbing kalasag ng mga ito sa mga sorpresang pag-atake ng mga kalaban.

"Paano mo naman naiisipang magtawag ng kasangga Milo?" Tanong ni Simon at napangiti si Milo.

"Bigla ko kasing naisip, ang kagubatan ay tirahan ng mga nilalang at hindi malabong ang islang ito ay tirahan din ng mga engkanto bukod pa sa mga anggitay na naririto." Sagot ni Milo.

"At isa pa, nabanggit din sa akin ng Diwata na sa oras ng pangangailangan, ang dapat ko lang gawin ay magsagawa ng ritwal ng pagtatawag, at mas patibayin ito sa pamamagitan ng sandugo. Hindi ko naman akalaing mga maharlikang tamawo ang aking magigising. Higit pa sila sa inaakala ko." Dagdag ng binata at napatawa na lang din si Simon.

次の章へ