Matapos maisayos ang isla ng Bagwisan ay nagdesisyon na silang dumaon naman sa susunod pang isla. Naging madali na ang sumunod nilang paglilinis sa mga kristal hanggang sa dumaong na sila sa panghuling isla na hindi pa nasasakop ng mga kampon ng kadiliman.
Pagdaong pa lamang ng kanilang bangka ay agad na nakita nila ang mga patulis na kawayang nakapalibot sa dalapasigan. Nakaharap sa dagat ang mga matutulis na dulo nito na animo'y nagbibigay babala sa kahit sino mang nagnanais na sumalakay.
Tatlong beses na pumalakpak si Maya, upang magbigay hudyat sa sino mang nasa malapit na tagaroon. Iyon kasi ang itinuro sa kanila ni Haring Rilan upang magbigay anunsyo ng kanilang pagdating. Matapos ang huling palakpak ay isang agila ang biglang lumipad mula sa isang puno at umiyak ito ng tatlong beses rin. Ilang sandali pa ay nakarinig sila ng mga yabag ng mga taong tila nagmamadali.
"Anong mukha yan Simon, huwag mong sabihin natatakot ka?" Puna ni Maya sa kapatid.
"Natatakot? Hindi a', nasasabik akong makita ang mga taong ito, sa buong Ilawud sila lamang ang natatanging tao ang nakatagal rito. Alamat na silang maituturing para sa ating mga babaylan, at sabi nga ni Ina, sila ang kauna-unahan sa ating mga angkan na mas pinili ang mamuhay nang malayo sa tunay na mundo. Hindi ka ba nakakaramdam ng pagkasabik man lang?" wika at tanong ni Simon sa dalaga. Umirap naman si Maya at saka itinuon ang pansin sa bukana.
"Ibig sabihin, mga babaylan din sila? Bakit hindi nila magawang linisin ang mga kristal?" Tanong ni Milo at nagkatinginan ang magkapatid bago ngumiti.
"Dahil, iba ang ritwal ng mga babaylan sa tunay na mundo. Oo babaylan din sila kung maituturing, ngunit matagal na nilang kinalimuta at iwinaksi sa kanilang mga katawan ang mga aral na napulot nila sa ating mundo, iba ang ritwal nila rito, at hindi iyon naaangkop sa paglilinis ng mga kristal. Tagalabas lamang ang maaaring maglinis, mga bagong usbong na babaylan, may dugong puro at kaloobang busilak." Paliwanag ni Maya at napatango naman si Milo nang maintindihan ang nais ipahiwatig ng dalaga.
Mayamaya pa ay nasilayan na nila ang isa-isang pagdating ng mga taong tinatawag na anak ng buwan. Manghang napatitig si Milo at Simon sa mga ito, kakaiba ang wangis nila dahil, kulay puti ang mga hibla ng buhok nila at asul naman ang mga mata. Napakakinis ng mga balat nitong halos kasingkulay na din ng kanilang mga balat na kumikislap sa bawat pagtama ng sinag ng araw. Maging ang kanilang mga kilat at pilik-mata ay tila kumilislap na pilak sa liwanag ng araw. Mapalalaki at babae ay walang pinagkaiba, ang tanging pinagkaiba lamang ay mas matangkad at mas malalaki at bakat ang mga kalamnan nito sa katawan. Habang ang mga babae naman ay may balingkinitang pangangatawan, nakasuot sila ng mga damit na animo'y hinabi sa mga balat ng kung anong klase ng hayop at panaka-naka ay nasisilayan nila ang mga markang nakaukit sa mga balat ng mga ito.
"Isara niyo 'yang bunganga niyo, mapapasukan na ng langaw e'," saway ni Maya at tila natauhan naman ang dalawa. Naihilamos pa ng dalawang binata ang kanilang mga palad sa mukha sa sobrang kahihiyan. Bahagya nilang inayos ang kanilang mga sarili nang makitang papalapit na ang mga ito sa kanilang kinatatayuan.
"Maligayang pagdating sa Isla Mayari, tuloy kayo mga babaylan ng natural na mundo." Garalgal ang boses na bungad ng isang matandang babae na halos uugod-ugod na sa paglalakad. Bakas na bakas sa mukha at katawan nito ang sobrang katandaan ngunit nakakamanghang nakakaya pa rin nito ang maglakad nang walang alalay at ang tanging kaagapay lamang ay ang puting tungkod nitong napapalamutian ng mga bagong usbong na dahon at may tila hugis buwan sa pinakadulo nito.
Tulong-tulong na binuhat ng mga kalalakihan ang harang upang magkaroon sila ng daan papasok, matapos naman nilang makapasok ay agad din naman isinara ito pabalik.
"Batid kong pagod pa kayo sa inyong mahabang paglalakbay kung kaya't madali na kayo para makabalik na agad tayo sa aming munting baryo. Ilang minutong paglalakad pa ang ginugol nila bago nila marating ang baryong tinututkoy ng matanda. Namangha silang tatlo nang makita ang payak na pamumuhay ng mga ito sa baryong iyon. Pakiramdam nila ay muli silang nakabalik sa tunay na mundo dahil sa mga kubong nakikita nila na gawa sa dahon ng nipa.
"Ako nga pala si Apo Sela, nagmula sa angkan ng mga bonggaitang babaylan na tubo sa Hilaga, subalit dito na naninirahan sa Ilawud ngayon. Milo, Simon at Maya, hindi ba? Kinalulugod kong kayo ay makilala." Masayang wika pa ng matanda nang tuluyan na silang makaupo sa harap ng kubo nito.
"Ganoon din po kami Apo Sela, nakakamangha po dito sa isla niyo, parang katulad lang din sa pinagmulan naming mundo." Hindi napigilang wika ni Milo habang nililibot ang kaniyang mga mata sa paligid.
"Ang Isla Mayari ay hindi tulad ng mga isla na una niyo nang napuntahan, mga pangkaraniwang tao lang din kaming katulad niyo kaya naman ang pamumuhay namin ay hindi rin nalalayo sa inyo." Paliwanag naman ni Apo Sela. Kinuha nito ang takureng gawa sa lupa at inilagay sa apoy upang magpainit ng tubig.
"Bukod sa pangingisda, pagsasaka din ang ikinabubuhay ng mga tao rito. Gulay, prutas maging palay ay natutunan na naming itanim dito. Kakaiba ang mga halaman dito maging ang palay ay kakaiba. Malalaki ang butil na halos tatlong butil ng bigas na pinagsama sa tunay na mundo." Wika nito at saka ipinakita sa kanila ang mga bagong aning palay na nasa tabi lamang pala nila.
Marahan dumampot doon si Maya at mangha nilang pinagmasdan ang napakaputing butil ng bigas na iyon, sa kabilang sisidlan naman na gawa sa dahon ng niyog ay nandoon ang mga palay na hindi pa natatanggalan ng balat o ang tinatawag din nilang labhang. Katulad nga ng sabi ni Apo Sela malalaki ang butil ng mga palay nila at tatlong beses ang laki nito sa ordinaryong butil na tumutubo sa mundo. Maging ang mga prutas nila ay kakaiba rin. Higit na malalaki iyon at nang tikman nila ay ubod ng sarap.
"Nakakamangha, hindi ba? Ito ang isang bagay na ipinagpapasalamat namin sa lugar na ito. Malinis ang tubig, maging ang hangin, mataba ang lupa kaya naman magaganda rin ang ani namin. Hindi kami nagugutom rito. Malaya naming nagagawa ang aming mga nais, walang takot at walang pangamba na mayroong hahamak sa amin dahil sa aming itsura." Wika ni Apo Sela ngunit mababakas sa tinig nito ang kalungkutan at ang natatagong kasabikan nito sa natural na mundong kanilang pinanggalingan.
"Opo, nakakamangha po talaga." Tugon naman ni Simon na noo'y tila isang batang nangingislap ang mga matang nakatitig sa matandang Apo.
"Mayari po ba talaga ang tawag sa inyo?" Tanong naman ni Milo. Marahang umiling ang Apo habang napapangiti.
"Mayari ang itinawag sa amin ng mga engkantado dito sa Ilawud. Kahit nabibilang kami sa angkan ng mga tao ay malugod kaming tinanggap rito, iyon din ang dahilan kung paano nabuo ang bansag sa amin na iyon. Ang wangis daw namin ay malaki ang pagkakapareho sa kaanyuang tao ng diwatang si Bulan." Sambit naman ng matanda.
Nahinto lamang ang pag-uusap nila nang may apat na dalagang Mayarinan ang lumapit sa kanila bitbit ang ilang sisidlan na naglalaman ng mga pagkaing nababalot sa dahon ng saging. Umuusok pa iyon at amoy na amoy nila ang napakasarap nitong aroma. Bigla tuloy silang nakaramdam ng gutom at sunod-sunod na humilab ang kanilang mga tiyan.
"Halina kayo't magsikain na tayo. Maliit lamang ang populasyon namin sa lugar na ito. Mahigit singkwenta lamang kami, at anim dito at mga bata pa lamang na nasa tatlo hanggang anim na taong gulang." Dagdag na wika pa ng Apo at isa-isang pinakilala ang mga taong naroroon bago sila sabay-sabay nang kumain.
Matapos kumain ay pansamantalang tumuloy muna sina Milo sa tahanan ng Apo at doon nagpahinga. Tahimik ang buong paligid pagsapit ng dilim kaya naman dinig na dinig ni Milo ang marahang pagsipol ng ihip ng hangin at ang mga huni ng kuliglig at mga panggabing hayop.
Naoabalikwas ng bangon si Milo mula sa kamiyang pagkakahiga nang makarinig siya ng isang pamilyar na pag-awit. Naningkit ang mga mata niya dahil alam niyang ang mga marindaga ang umaawit na iyon. Marahil ay may binibiktima itong nilalang, inaakit niya ito gamit ang kaniyang napakagandang tinig.
Mabilis niyang dinampot sa higaan ang kaniyang tabak bago lumabas ng kubo. Naabutan pa niya noon si Maya na pasimpleng inaamoy ang hangin habang nanlilisik ang ginintuan nitong mga mata.
"Naramdaman mo rin? Malapit na sila at mukhang may biktima silang nais makuha ngayong gabi sa Tribo ng Mayari." Wika ni Maya bago ito mabilis na tumakbo patungo sa dalampasigan. Akmang susunod na siya sa dalaga ay nakita naman niyang humahangos si Simon palabas ng kubo.
"Si Maya? Naku naman talaga ang babaeng iyon ang tigas ng ulo. Sabi na nga na hindi siya puwedeng magpalit anyo sa dalampasigan." Kakamot-kamot na wika ni Simon bago inilagay sa likuran ang punyal ni Maya habang bitbit naman niya sa kaniyang kamay ang sundang niya.
Sabay nang tumakbo sa Milo at Simon para sundan si Maya sa dalampasigan upang mahatiran ito ng tulong kung kinakailangan,lalo pa nga at malapit iyon sa dagat na siyang kahinaan naman ni Maya.