Matapos ang tagpong iyon ay bumalik na muli sa tahimik ang buhay nila Mina. Si Jun ay nagagawa na ding manatili sa lupa ng matagal kung kaya tuwang-tuwa na si Ida. May kakayahan din kasi ang perlas na ibinigay ni Agwe na pabagalin o limitahan ang sumpang iyon sa mga tulad niyang Kataw. Nang sa wakas ay maisaayos na nila ang problema sa kaharian ng mga Kataw ay napagdesisyunan na nilang bumalik sa Lombis.
Nalalapit na rin kasi ang buwan ng gapasan sa Lombis, kaya naman nagmamadali na ring makabalik si Sinag upang masimulan na nila ang paghahanda sa bukid.
Hindi naman dito tumutol sila Christy dahil nag-aalala na din naman ito sa kanyang ama. Baka kasi nagpapagod na naman ito ng husto sa bukid. Kaya naman hindi pa man sin sumisikat ang araw kinabukasan ay bumiyahe na sila pabalik ng Lombis.
Hapon na nang dumating sila sa Lombis kung kaya ay nagdesisyon na silang magpahinga muna at sa susunod na araw na sila magtatrabaho. Si Mina at Isagani naman ay bumalik na muna sa bahay nila doon sa Pabrika.
Tuwang-tuwa naman si Lando nang muli nitong masilayan ang anak. Todo asikaso ito sa dalaga na ikinatuwa naman ni Mina dahil ito man ay sabik na din sa aruga ng kanyang ama.
Pansamantalang lumiban muna si Mina sa trabaho upang kahit papaano ay makasama niya ang kanyang ama. Alam niyang maiintindihan naman ito ni Manong Ricardo at si Isagani na lang ang pinapunta niya para magpaalam sa matanda.
Kinabukasan nga ay napagkasunduan nilang mag-ama na mamasyal muna sa bayan at mamili ng kanilang mga lulutuin sa bahay. Masayang-masaya ang dalawa habang namimili sa bayan, una nilang pinuntahan yung bilihan ng mga damit. Kailangan na din kasing bumili ng damit ang kanyang ama uoang kahit papaano ay may bago din naman itong damit sa kanilang aparador. Hindi na din niya maalala kung kelan pa ba niya huling nabilhan ng damit ang tatay niya. Noon, ang Nanay Loring niya ang nag-aasikaso nito, bata pa siya noon kaya hindi niya gaano maintindihan bakit ito ginagawa ng kanyang Nanay. Ngayon ngang dadalawa na lamang sila ay maigi niya itong tinandaan.
"Anak, bakit puro damit ko naman ang binibili mo? Hindi ba dapat bumibili ka rin ng para sa iyo." Tanong ng kanyang ama na may halong pagtataka.
"Marami pa akong damit tay, kamakailan lang binilhan ako ni Kuya Sinag at Isagani." Sagot naman niya na ikinatawa ng kanyang ama.
"Iyang si Isagani, mabait na bata ano. Kapag kasama mo siya, kahit wala ang kuya Sinag mo ay napapanatag ako. Kaya sa tuwing aalis ka, siguraduhin mong kasama mo si Isagani para hindi ako gaanong mag-alala."
"Oho, Itay. Kasama ko naman palagi si Isagani eh." Natatawang wika naman ni Mina.
Sa kanilang pag-uwi ay bigla siyang nagkaroon ng isang pangitain. Kasalukuyan silang naglalakad papasok sa kalye patungo sa pabrika nang mangyari iyon. Nagkukuwento pa noon ang kanyang tatay ngunit hindi na niya ito narinig pa. Tila ba umikot ang kanyang mundo dahil sa pangitaing iyon.
Ngunit saglit lamang iyon dahil napakalabo nito at mabilisan din nawala. Naramdaman na lamang niya ang pagtapik ni Lando sa kanyang balikat at doon na bumalik ang kanyang ulirat.
"O bakit ka biglang huminto Mina?"
"Wala ho tay, may bigla lang akong naalala." Pagdadahilan na lamang nito. Pagkauwi ay agad nilang inayos ang kanilang pinamili sa kusina at para makapagluto na rin.
Kinagabihan habang nagpapahinga si Mina ay muli na namang tinangay ang kanyang huwisyo patungo sa mundo nila Mapulon.
Hanggang ngayon ay hangang-hanga pa rin siya sa lugar na iyon. Nagtataasan ang mga puno at napakalawang ng damong napapalamutian ng samo't saring bulaklak. May isang lawa din doon na siyang ginagawang inuman ng mga galang hayop na siya naman nagbibigay ng payapang pakiramdam sa buong lugar. Iba-iba kasi ang klase ng mga hayop na naroroon, meron mababangis at meron hindi. Subalit walang nagpapatayan sa mga ito. Payapa lamang silang umiinom sa lawang iyon na animo'y magkauri lamang ang mga ito. Sa kanyang pagmamasid ay nakaamoy siya ng isang mabangong halimuyak na maihahalintulad mo sa amoy ng pinaghalong rosas at sampaguita. Napakalamig nito sa ilong na gusto mo na lamang iting maamoy habang buhay.
Paglingon niya ay nakita niyang nakatayo si Mapulon sa kanyang tabi, nakatingin rin ito sa lawa nang may ngiti sa kaniyang mga labi. Sa lahat ng mga diwata, si Mapulon amg pinakamabait. Likas dito ang pagiging matulungin lalo na sa mga taong may pagpapahalaga sa kalikasan. Ito din kauna-unahang beses na napagmasdan niyang mabuti ang mukha ni Mapulon. Maamo ang mukha nito na ang kalahati ay nakukubli sa likod ng isang ginintuang maskara. Meron din itong mga simbolong nakaukit sa magkabilang braso nito at sa parteng balikat. Mapapansin mo rin ang kwentas nitong gawa sa mga halaman ngunit napakatingkad ng kulay nitong berde. Nakabahag lang din ito at wala itong suot na saplot sa paa. Ngunit kapansin pansin sa kinatatayuan nito ang pagtubo roon ng iba't ibang klase ng mga halaman at bulaklak na kakasibol pa lamang. Sa tabi naman nito ay ang kanyang kabiyak na siyang diwata o dyosa ng pag-aani, si Lakapati. Napakaganda ng dyosang iyon, mahaba ang itim na itim nitong buhok na halos luamapat na sa lupa, nakasuot ito ng puting damit na sumasayad sa lupa. Meron itong gintong korona na napapalamutian ng nagkikislapang butil na animoy sa palay. Ito ang unang beses na masilayan niya ang asawa ng diwata ng panahon.
"Ikaw pala ang itinakda, na siyang ginagabayan nitong aking kaisa. Kamusta ka, ako nga pala si Lakapati. Kinagagalak kitang makilala."
"Sa akin po ang karangalan mahal na dyosa ng pag-aani. Nawa'y lubos ninyong pagsibulin ang lahat ng pananim sa mundo upang hindi makaramdam ng gutom ang mga taong katulad ko " wika ni Mina habang nakaluhod sa harapan nito.
Napangiti naman ang dyosa at ang mga ngiting iyon ay tila ba nakakasilaw sa kanyang mga mata.
"Ano ang bumabagabag sa iyo Itinakda? Batid kong ang huwisyo mo mismo ang siyang nagkusang pumunta rito dahil hindi naman kita tinawag." Wika ni Mapulon at napangiti siya.
"Siguro nga mahal na diwata ng panahon. Nagkaroon ako ng pangitain. Pero napakalabo. Hindi ko ito mawari at hindi ko rin maintindihan."
"Huwag mong hayaang kainin ka ng sarili mong pag-aalala. Darating ang panahong kusa itong magliliwanag sa isipan mo itinakda. Marahil amg pangitaing iyon ay mangyayari pa hinaharap o di kaya naman ay resulta lamang ng malikot mong isipan." Wika naman ni mapulon.
Nang marinig ito mg dalaga ay napatahimik na lamang siya. Muli niyang itinuon ang pansin sa mga hayop na umiinom sa lawa hanggang sa unti-unti na ring nandilim ang kanyang mga paningin.
Pagmulat niya ng kanyang mga mata ay nakahiga pa rin siya sa kanyang higaan. Naririnig na niya ang mga taong nag-uusap usap sa labas ng kanilang bahay dahilan upang mapabalikwas siya ng bangon. Mabilis siyang nalugo at nagbihis at halos patakbo na siyang tumungo sa bahat ni Manong Ricardo. Sa kanyang pananakbo ay napansin niya ang isang grupo ng mga kababaihan na masayang naglalakad patungo sa ilog d kalayuan sa kanilang bayan. Alam niyang maglalaba ang mga ito dahil may mga dala-dalang batya ang mga ito at pamalo. Hindi naman niya gaanong pinansin iti at nagpatuloy lamang siya sa kanyang pagtakbo.
Pagdating sa bahay ni Manong Ricardo ay agad na siyang nagtrabaho upang kahit papaaano ay makabawi sa kanyang pagliban kahapon . Mabilis na lumipas ang oras at hindi na niya namalayang papasapit na pala ang hapon.
Napahinto lamang siya nang makarinig siya ng sigawan sa labas ng bahay ni Manong Ricardo. Lahat ng kasama nila sa bahay ay nagsilabasan upang makiusyuso. Maging si Mina ay nagtaka na rin dahil papalakas na ang sigawan ng mga ito na animo'y may masamang nangyari.
Paglabas niya ay agad niyang nakita ang mga taong umiiyak at nagsisigawan. Tatlong lalaki ang may bitbit na mga babaeng walang malay at duguan.
Mabilis iyong nilapitan ni Mina upang matingnan nito ang sugat ng mga babae. Puro kalmot at may mga kagat itong natamo sa braso at paa. Animo'y nakipagbuno ang mga ito sa mga nilalang na nakasagupa ng mga ito.
May kakaibang alingasaw din siyang naamoy sa katawan ng mga ito. Pamilyar sa kanya ang amoy na iyon ngunit ang ipinagtataka niya ay may nakahalo ditong amoy ng mga engkanto.
"Saan niyo sila nakuha?" Tanong ni Mina sa mga taong may dala sa mga babae?
"Doon sa ilog. Nagulat kami nang biglang may magsigawan. Kaya tinungo namin ang lugar. Pagdating namin, duguan na sila. May dalawa pang natangay ang nilalang. Napakabilis ng pangyayari kaya hindi na namin nahabol ang mga ito." Salaysay ng isa sa mga lalaki.
Hindi pa noon lumulubog ang araw kaya nakakapagtakang umataki ang mga nilalang na iyon. Base sa naamoy niya sa katawan ng mga babae habang ginagamot niya ito. Isang uri ng aswang na may dugong engkanto ang umatake sa mga ito. Matapos lapatan ng paunang lunas ang mga babae ay inutusan niya ang mga ito na dalhin sa bahay tanggapan ang kanilang pasyente upang maayos itong makapagpahinga.
Agad naman niyang ipinatawag si Isagani sa mga tauhan ni Manong Ricardo upang makasama niya itong magbantay sa bahay tanggapan buong gabi. May kutob kasi siyang babalik ang mga ito upang kunin ang tatlong iyon o di kaya naman ay papatayin.