kapangi-pangilabot ang nasaksihan nila nang marating ang parte ng gubat na ginawang pugad ng mga aswang. Bukod sa mga patay na puno ay puro dugo at mga buto ng mga taong biktima nila ang naroroon. Nagsisi-angil ang mga aswang na sumalubong sa kanilang pagdating, ngunit hindi nila iyon pinag-ukulan ng kanilang pansin. Nakatuon kasi ang buong atensiyon nila sa nilalang na nakaupo sa malaking tipak nga bato. Nakangisi ito habang pinagmamasdan sila.
"Magaling at nagawa niyong mapuksa ang lahat ng sinugo ko. Nakakatuwa naman kayo , nag-abala pa talaga kayong bisitahin ako." Wika nito habang nakatingala sa kalangitan. "Napakaganda hindi ba. Napakaganda ng gabing ito. " Makahulugang wika nito habang marahang tumatawa.
"Kakaiba ang wangis mo bata. Hindi tulad ng iyong Ama. Ngunit natutuwa ako dahil hindi ako maiinip sa pagpaslang sayo at sa mga kasama mo." Wika nito nang mapatda ang tingin niya kay Isagani. Napangisi naman si Isagani ngunit hindi ito tumugon.
"Bilang Regalo sa inyong matagumpay na pagpaslang sa mga kampon ko, meron akong ibabahaging impormasyon sa inyo." saad pa nito.
"Anong impormasyon?" tanong ni Sinag sa nilalang. Tumawa ito at napangisi.
"Impormasyon tungkol sa kinalalagakan ng mga kaluluwa ng inyong mga magulang." sagot nito at tumawa ito ng nakakaloko.
"Nasaan sila? Anong balak niyong gawin sa mga kaluluwa ng mga babaylang kinuha ninyo?" nagtitimping tanong ni Sinag habang pigil pigil ng isa niyang kamay si Mina.
"Patikim pa lamang yan totoy, malalaman niyo lamang ang lugar na iyon sa oras na magapi ninyo ako." sambit pa nito bago tumawa ng malakas.
Hindi na nakapagtimpi pa si Isagani at nauna na itong umatake. Gamit ang malabolang apoy na lakas ni Adlaw ay pinaulanan niya ito ng nagliliyab na mga suntok na bahagya naman naiilagan ng nilalang. Panaka-naka niya itong natatamaan ngunit batid ng binata na kulang pa ito upang mapatumba sa lupa. Nanggigigil na sa galit si Isagani dahil walang tigil ito sa kakatawa na tila ba nang iinsulto.
Sa kalagitnaan ng kanilang paglalaban ay bigla namang napaluputan ng baging ang mga paa ng nilalang. Naantala ang pagtawa nito. Nang magsimula nang gumalaw ang dalaga.
Dahil sa baging na nakapulupot sa paa nito ay naging limitado ang galaw nito kaya naman ay matagumpay na nakapagbigay pinsala si Isagani dito.
Dahil sa pagtulong ni Mina ay hindi na rin nagpahuli si Sinag. Gamit gamit ang mahiwagang kampilan ni Malandok ay walang pag-aatubili niya itong inundayan ng saksak. Sa bawat pagsaksak niya sa nilalang ay ang siyang pagsitalsikan ng itim nitong dugo sa lupa. At sa bawat pagpatak ng dugo nito sa lupa ay siyang tila pagbula noon na animo'y asido.
Nagtulong-tulong ang tatlo sa pag-atake sa nilalang at hindi na nila ito binigyan ng pagkakataong bumawi. Hindi naman nakatulong ang mga natitirang alipores nito dahil sa mga palipad hanging binitawan ni Mina bago nito gamitin ang mga baging ni Mapulon.
Hindi makalapit ang mga ito dahil sa ginawang harang ni Mina dahil sa bawat pagtatangka nilamg lumapit o pumasok sa harang ay siyang paghiwalay ng kanilang kaluluwa sa kanilang mga katawan. Walang nagawa ang mga ito kundi umangil at magnangis habang pinapanood nila ang kanilang pinuno na walang habas na inaatake ng tatlo.
Ilang minuto pa ang lumipas ay tuluyang na nga nilang napabagsak ito sa lupa. Humihingal na noon si Sinag dahil sa pagod habang si Isagani naman ay tila nasisiyahan sa pagbagsak nito. Dagli namang lumapit si Mina dito at itinarak sa lupa ang punyal na lagi niyang dala-dala.
"Tunay ngang lumakas na kayo. Hindi ko inaasahan ang biglaang pagtaas ng inyong mga kakayahan. Bilang ganti sa inyong tagumpay, isiwalat ko sa inyo ang plano ng aming pangkat na buhayin ang diablong aming panginoon, gamit ang mga naipong kaluluwa ng mga babaylan." wika nito sa mahinang boses na halatang pinipilit na lamang nito ang magsalita.
"Nasaan ang mga kaluluwa ng aming mga magulang at nang iba pang babaylan?" tanong ni Mina. Bakas sa mukha nito ang pag-asang malalaman ang kinaroroonan ng kanilang mga magulang.
"Tahakin niyo ang daan patungo sa norte, sa isang pamayanan sa kabundukan ng Sarong. Doon makikita niyo ang isang lagusan na maghahatid sa inyo sa kinaroroonan ng aming pangkat. Ngunit, isang babala itinakda. Hindi basta-basta ang mga nilalang sa aming pangkat. Natalo man ninyo ako ngayon, walang kasiguruhan ang inyong panalo sa kanila dahil higit silang mas malakas sa akin ng sampong beses." Wika nito bago tumawa ng malakas ngunit naudlot din iyon dahil sa pagbulwak ng itim nitong dugo sa kanyang bunganga.
"Ikaw itinakda at ang kasama mong isinumpang aswang ang magsisilbing huling alay upang mabuhay ang panginoong aming pinagsisilbihan..." wika pa nito at tuluyan na nga itong binawian ng buhay. Tahimik na nagkatinginan si Mina at Isagani dahil sa kanilang nalaman. Maging si Sinag ay nabahala sa sitwasyon ng dalawa.
Matapos nilang linisin ang buong kabundukan ay tiniyak muna nilang wala nang natitirang mga aswang sa paligid bago tuluyang bumalik sa kanilang tahanan.
Pagdating nila doon ay matiyagang naghihintay sa kanila ang kanilang mga kasama. Masaya silang sinalubong nina Obet at Kuryo at kinamusta ang mga ito.
"Ayos lang kami. Kayo? Meron bang sugatan sa inyo?" tugon ni Sinag na noo'y pilit na ngumingiti.
Napansin agad ng dalawnag ermentanyo ang kakaibang asal ng mga ito kaya agaran naman nila itong tinanong kung ano ang nangyari sa laban nila. Si Sinag na ang nagpaliwanag sa mga ito at walang pagdududa din niyang isiniwalat ang ibinahaging impormasyon sa kanila ng aswang na kanilang nakalaban.
"Higit na mas malakas sa nilalang na iyon ang mga nilalang sa norte?" gulat na tanong ni Obet. Hindi niya kasi lubos maisip na may mas malakas pa sa pinuno na aswang na kanilang nakalaban. Ang buong akala kasi nila ay yun na nag pinaka pinuno dahil sa sobrang lakas nito ngunit nagkamali pala sila. Isa lang din itong utusan at mas may malakas pa dito.
"Naku, baka hindi na natin kakayanin yan." wika ni Kuryo na kakamot-kamot pa sa ulo.
"Tandang Ipo, nais ko sanang tahakin ang landas patungo sa norte. Nais kong magmasid doon, kung saan malapit sa kinaroroonan ng ating kalaban." wika ni Mina
"Kung totoo ang babala ng aswang, hindi ka dapat tumungo roon Mina. Malapit ka nga sa kanila ngunit mas magiging madali din sa kanila ang paghuli sa inyo."
"Tandang Ipo, nararamdaman kung higit akong kinakailangan doon. Hindi ito dahil sa nais kong maghiganti kundi dahil nais kong mailigtas kahit kaluluwa lang ni Inay at ng iba pang mga babaylan." maluha-luhang wika ng dalaga. Alam niyang isang kahibangan ang desisyon niya ngunit iyon ang isinisigaw ng kanyang puso. Nais niyang pakawalan at palayain ang mga ito upang matahimik na ang mga ito sa kabilamg buhay.
"Tandang Karyo, nais ko ding puntahan amg lugar na sinasabi ng aswang na iyon. Ibig kong maintindihan pa lalo ang pinaplano nila at mapigilan ito kahit maging kapalit pa nito ay aking buhay." sambit namn ni Isagani. Nagkatinginan lamang ang dalawang matanda at sabay na napailing ang mga ito. Dahil sa pagmamalabis ni Mina at Isagani na tunguin ang norte ay wala nang nagawa ang mga ito kundi ang pumayag. Lubos man silang tumututol dahil sa kakambal na panganib ay wala silang nagawa dahil iyon ang kagustuhan nila.
"Sige, pumapayag na kami sa isang kondisyon. Sasama si Sinag sa inyo at hindi kayo gagawa nang anumang aksyon para bulabugin ang kanilang kuta. Alam kong labis labis nyong inaasam ang kalayaan nila ngunit isipin nyo ang mga buhay ninyo. Paano kayo makakatulong kung mamatay kayo?" Pangaral ni Tandang Ipo.
"Sinag, siguraduhin mong tahimik kayong mananatili sa lugar na iyon, tumuloy kayo sa bayan kalapit ng kagubatan ng Sarong, ngunit huwag kayong papasok dito hangga't hindi pa kami nakakarating doon." dagdag pa mg matanda.
"Tutunguin namin ang baryo ng mga ermetanyo sa hilaga upang mangalap ng tulong. Magtimpi kayo at magmasid. Pag aralan ninyo ang mga kakayahan ng kalaban. at huwag kayong padalos- dalos sa inyong mga desisyon."
" At Mina, hangga't maaari ikubli mo ang iyong presensya. Huwag mong hahayaang matunugan ka ng mga kalaban. Sa ngayon iyon muna ang gagawin natin. Mauuna kayong tatlo doon at susunod kami." mahabang wika ni Tandang Ipo na sinang-ayunan naman ni Tandang Karyo at Sinag.
Hindi naman tumutol sa Mina dahil iyon ang mas mainam para sa kanila. Batid din niyang hindi niya kakayanin ang mga ito sa estado niya ngayon at nais pa niyang magpalakas. Kung kinakailangan ay hihiling siya sa mga kaibigan niyang engkanto na sanayin siya upang mas mapadali ang kanyang paglakas.
Labis naman ang tuwa ni Isagani nang tuluyan nang pumayag ang dalawang ermetanyo. Hindi man siya magsalita ay alam ni Tandang Karyo na susunod siya sa lahat ng sinasabi nila.
Ilang araw muna silang nagpahinga sa naturang baryo upang makabawi ng kanilang lakas bago sila magsimula ng panibagong paglalakbay. Sa pagkakataong iyon ay tatlo lamang silang tatahak ng daan patungo sa Norte. Hindi nila alam kung ilang araw, linggo o buwan ang kanilang bubunuin sa daan o ilang baryo at bayan ang kanilang madadaanan bago marating ang Norte ngunit buo pa din ang loob nilang magpatuloy.
Isang araw ay nagsimula na nga ang yugto ng kanilang panibagong paglalakbay sa paghahanap sa mga kaluluwa ng mga babaylan na bihag ng kanilang kalaban.