webnovel

XIV

"N-Naku po, Binibini... h-hindi niyo naman po kailangang gawin ito."

Tinignan ni Maia si Yara at iniabot dito ang mga prutas na kaniyang nabili. "Maliit na bagay lamang po ito kumpara sa abala na aking binigay sa inyo ngayong araw."

Naiintindihan at alam niya na maaaring kinabahan ang mga ito nang nalaman ni Einar na tumakas siya. Maaaring natakot ang mga ito na madamay at masisi ng kabalyero... o ang masisi ni Malika.

Mabuti na lamang na isang dating malayang tao si Einar at naiintindihan nito na walang kasalanan ang mga ito. At kung tutuusin ay ipinagtanggol pa nito ang bata nang akalain nito na mayroon siyang masamang balak dito.

Bumaba ang tingin niya sa bata na kasalukuyang nakatago sa likod ng ina nito at yumuko siya. "Kumusta? Ako pala si Malika... at may nais sana akong ibigay sa iyo. Maaari ba iyon?"

Nahihiyang tumango ang bata habang ramdam niya kung paano nabigla at natigilan ang ina nito pati na rin si Mindy. At nang silipin niya ang mga mukha ng mga ito, tila biglaang naubusan ang mga ito ng dugo.

Bumuntong-hininga siya. 𝘚𝘦𝘳𝘺𝘰𝘴𝘰 𝘣𝘢 '𝘵𝘰? 𝘈𝘯𝘰 𝘣𝘢 𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘳𝘪𝘳𝘪𝘯𝘪𝘨 𝘯𝘪𝘭𝘢 𝘵𝘶𝘯𝘨𝘬𝘰𝘭 𝘬𝘢𝘺 𝘔𝘢𝘭𝘪𝘬𝘢?

Kung kaniyang iisipin, wala naman siyang alaala ni Malika na nang-aapi ito ng mga inosente. At ngayong iniisip niya, puro kapwa nito maginoo ang pinagmamalditahan nito. Sa tuwing nagtutungo naman ito sa mga lugar ng malalaya at pangkaraniwang tao, ni hindi naman ito madalas magsalita. Ni hindi nga ito tumitingin sa ibang tao. Matuturing na ba na pang-aabuso ang mga bagay na iyon?

Kinuha niya kay Einar ang manika na kaniyang nabili at iniabot ito sa bata. "Hindi ko tiyak kung ito ay iyong magugustuhan ngunit ito daw ay sikat sa mga batang babae katulad mo."

Tila nawala ang pagkaputla ni Yara at tumingin sa kaniya. "Naku, Binibini," natatarantang ani nito. "Labis-labis na po ito."

Binigyan na lamang ni Maia ng isang maliit na ngiti si Yara dahil hindi na niya uulitin pa ang kaniyang sinabi na maliit na bagay lamang ang mga ito kumpara sa mga bagay na hinihiling niya dito at sa asawa nito... mga bagay na nais niyang manatiling lihim.

Tila ay naintindihan ni Yara ang nais niyang iparating at nagpasalamat ito sa kaniya bago hinikayat ang anak nito na kunin ang kaniyang bigay na laruan.

Magalang na tinanggap ito ng bata at nang makita ang laman ng kahon ay malapad itong ngumiti, may hindi matagong kislap sa mga mata nito. "Manika!" masayang bulalas nito at tumingin sa ina.

"Ano'ng sasabihin mo sa Binibini?" nakangiting sambit ni Yara.

"Bin..bini?" kunot-noong tanong nito bago tumingin kay Maia.

Lumuhod si Yara sa tabi ng anak at tumango. "Oo, Binibini. Ano ang iyong sasabihin sa Mahal na Binibini dahil sa kaniyang bigay na regalo?"

Ngumiti ang bata at tumingin kay Maia. "Mayaming tya-thyayamat po."

Hindi mapigilan ni Maia ang mapangiti sa bulol na pagbigkas nito at yumuko siya ng kaunti palapit dito. "Walang anuman. Nagustuhan mo ba?"

Masiglang tumango-tango ang bata. "Opo!" Binaling nito muli ang tingin sa ina. "Lawo kathama tila Ate Lua?"

Natigilan si Maia sa pangalan na narinig habang nakangiting sinagot ni Yara ang anak nito. "Oo naman, Asha. Marahil ay parating na rin sila Ate Lua. Hintayin lang natin, ha?"

"Um!" Inangat nito ang tingin sa kaniya kasabay ng pagturo nito sa kaniyang mukha. "Bin...bini, la-lawo?"

Tila nataranta si Yara at agad na binaba ang kamay ni Asha na nakaturo sa kaniya. "Naku, anak. Hindi ka maaaring makipaglaro sa Binibini. Hintayin na lang natin sila Ate Lua, ha?"

Biglang nalungkot ang bata na tila ay hindi naiintindihan ang nangyayari at kahit si Maia ay nakaramdam ng bigat sa kalooban. Kung hindi lang siya kasalukuyang bantay-sarado at kung hindi niya alam na darating dito ang mga batang nakita niya kanina, tiyak siyang makikipaglaro siya kay Asha.

Ngunit marahil ay para sa ikabubuti rin iyon dahil kung may gagawin na naman siyang taliwas sa pag-uugali ni Malika, maaaring malaman ng mga ito lalo na si Einar na hindi siya ang tunay na Binibini.

"Pasensya na, Asha. Kailangan na na ako ay umuwi ngunit... sana sa susunod ay nanaisin mo pa rin na makipaglaro sa akin?"

Lumiwanag muli ang mukha ng bata at malapad na ngumiti. "Um!"

Binalik ni Maia ang ngiti nito at pagkatapos ay umalis na siya, kasunod sila Mindy at Einar.

"Binibini," pagkuha ni Einar sa kaniyang atensyon. Hindi tiyak si Maia kung sa kaniyang pandinig lamang ngunit tila ay may lungkot sa tinig nito. "Ano po ang aking sasabihin sa inyong Mahal na Ama at kapatid?"

Nang makalabas sila sa kanto, doon lamang nilingon ni Maia ang kabalyero. "Gat Einar, hindi ko batid kung bakit ako ay iyong kailangang tanungin. Hindi ka man magaling sa pagbabantay sa akin, natitiyak ko naman na magaling ka sa ibang bagay." Tumalikod siya dito at naglakad palapit sa kalesa. "Katulad na lamang ng pagsasalaysay sa mga pangyayaring iyong nakita. Kung hindi ako nagkakamali, dalubhasa ka sa larangang iyon, hindi ba?"

"Binibini---"

"Sa madaling sabi," putol niya dito, walang kahit anong emosyon ang kaniyang mukha at tinig. "Wala akong pakialam sa iyong sasabihin sa Punong Lakan at Lakan. Malaya kang sabihin ang iyong nais."

Iyon ang kaniyang sinabi ngunit umaasa si Maia na hindi nito banggitin ang kaniyang munting pagtakas pati na rin ang pag-arte niya sa harap nito at ng ale kanina.

Hindi niya nga lang masabi iyon sapagkat hindi niya ito pinagkakatiwalaan. Ito ay kanang-kamay pa rin ni Akila. Paano na lamang kung humiling siya ng ganoon dito at lalo lang mapasama si Malika?

Sana nga lang din na hindi ito magdagdag ng kung anu-ano pang detalye na hindi naman niya tunay na ginawa.

Natigilan siya. Sasabihin kaya nito sa Punong Lakan at Lakan na nagtangka siyang manakit ng bata at mandamay ng isang inosenteng pamilya sa kaniyang mga kalokohan?

Sa mga reaksyon na kaniyang nasaksihan ngayong araw, hindi na rin siya magtataka kung mangyari iyon. Napansin niya na maaaring malayo sa katotohanan ang mga naririnig ng tao tungkol kay Malika na tila ay may nagdadagdag at nagbabawas sa mga pangyayaring naganap na kasama ito o tungkol dito.

Hindi niya nga lang mabilis na mapaniwalaan kung iyon ay gagawin ni Einar sapagkat nagsisilbi ito sa Palasyo Raselis. At sa napansin niya nang nakasama ito, may pakiramdam siya na hindi ito ganoong uri ng tao.

Kung sabagay, napatunayan na rin naman niya iyon noong malaglag sa kabayo si Malika. Wala naman itong idinagdag o ibinawas sa mga pangyayaring naganap noong araw na iyon.

Kung gayon, marahil ay hindi naman siya gaanong mapapagalitan ng Punong Lakan. Mag-iisip na lamang siya ng ibang dahilan kung bakit siya tumakas dahil hindi naman niya magawang magreklamo sa mga pagkain na inihahain sa kanila.

Nagawa na iyon ni Malika at nasabihan pa itong maselan sa pagkain... Hindi magandang ideya iyon.

Sabihin niya kaya na siya ay naini---

"Binbini!"

Napalingon si Maia kasabay ni Einar at Mindy sa batang tumawag sa kaniya---si Asha. Kunot-noong naglakad si Maia pabalik dito, ang pag-iisip niya sa kaniyang pangdepensa mamaya ay pansamantala niyang itinabi. Yumuko siya sa harap nito nang mag-abot sila. "Bakit Asha?"

Nakangiting itinaas nito ang hawak nitong bulaklak na korona. "Paya po ta inwo!"

"P-Pasensya na po, Binibini," kabadong sambit ni Yara at yumuko. "Nais niya din daw po kayong bigyan ng regalo, hindi ko po siya napigilan agad. Paumanhin po."

"Walang problema, Yara." Tumingin siya kay Asha. "Maraming salamat, Asha, ngunit ito ay hindi mo naman kailangang gawin."

Tila hindi makapaniwala ang bata sa kaniyang sinabi. Bumagsak ang kamay nito na may hawak ng korona at nawala ang mga ngiti nito. Nabigla man siya sa reaksyon nito, agad niyang hinawakan ang kamay nito. "Uh... Ah...A-Ang... Ang aking ibig sabihin ay hindi naman ako humihingi ng kapalit. Ngunit siyempre ako ay masaya na... na ako ay iyong binigyan ng regalo." Tinignan niya ang korona na hawak nito. "N-Nais mo ba na isuot sa akin ang korona?"

Tumango-tango ang bata at nakatitig lamang sa kaniya ang mga bilog na bilog at kumikinang muli na mga mata nito. "Um!"

Umupo siya sa harap nito at binaba ang kaniyang talukbong bago bahagyang yumuko upang maipatong nito ang bulaklak na korona. At nang matapos ito ay ngumiti siya dito. "Kumusta? Bagay ba sa akin?"

Malapad na ngumiti si Asha at nakahinga nang maluwag si Maia. "Opo! Payang Pwintheta!"

𝘗𝘸𝘪𝘯𝘵𝘩𝘦𝘵𝘢?

Sandaling inisip ni Maia kung ano ang sinabi nito at sa pagkakataong kaniyang naintindihan, hindi niya napigilan ang pagtawa dahil sa kakyutan ng bata. At lingid sa kaniyang kaalaman ay hindi inasahan iyon ng mga tao sa kaniyang paligid na pati si Asha ay napatitig lang din sa kaniya. "Ang iyo bang ibig sabihin ay prinsesa?"

"Opo! Pwintheta," pag-ulit nito na nagpatawa muli sa kaniya na nagpatawa din kay Asha.

Makalipas ng ilang sandaling pagtawa nila, dahan-dahan siyang tumayo at hinawakan ang magkabilang gilid ng kaniyang suot upang magbigay galang. "Kung gayon, nagpapasalamat po ang prinsesang ito sa napakagandang regalong inyo pong binigay, Mahal na Munting Prinsesa Asha. Hanggang sa muli po nating pagkikita."

Nang makatayo siya nang maayos ay nakangiting tinignan niya ang bata, may kakaibang kislap sa mga mata nito at ang kasiyahan nito ay hindi maikakaila. Sandali at maliit man, natutuwa si Maia na nagawa niyang makipaglaro dito.

Masiglang nagpaalam sa kaniya si Asha at sa kabila ng katotohanan na hindi sanay si Maia makihalubilo sa mga bata, masaya siya na nagkaroon siya ng pagkakataon na maranasan iyon... dahil kay Asha at dahil rin kila Mikkel.

Sumakay siya sa kalesa na suot ang bulaklak na korona na bigay ni Asha, at nang may maliit na ngiti sa kaniyang mga labi.

____

____

___________________________

Sa kabilang dako ng kalsada, may isang dalaga na nakasuot ng payak ngunit mamahaling roba, ang mukha nito ay hindi lubos na maaninag dahil sa talukbong na nasa ulo nito.

Nakangiti itong naglalakad at tinitignan ang mga pulseras at kwintas na gawa sa mga mumurahing bato, kabibe, at kung anu-ano pa. At napukaw ang atensyon nito ng isang kwintas na gawa sa mga makukulay na abaloryo.

Masiglang tinungo ng dalaga ang tindahan ngunit may pumigil dito. "Eliana! Ano ang iyong ginagawa dito nang mag-isa?"

Hindi na kinailangan ni Eliana na lingunin ang taong humawak sa kaniyang braso bagkus ay agad niya itong niyakap. "Kuya! Kailangan ka pa bumalik?"

"Kadarating ko lamang," sagot ng binata na may roba ring suot at natatakpan rin ang malaking bahagi ng mukha dahil sa talukbong nito.

Lumayo si Eliana at tinignan ang mukha ng nakatatandang kapatid na iilang beses lamang sa limang taon niyang nakita. "At dito ka unang nagtungo? Hindi ka ba nasasabik na kami ay makita?"

"Alam mong hindi iyan totoo," kunot-noong sagot nito. "Kung tutuusin, mukhang tama lang ang aking desisyon na magtungo dito sapagkat nahuli kitang tumakas muli." Bumuntong-hininga ito. "Eliana, huwag mong sabihin na ikaw ay..."

Unti-unting nawala ang atensyon ni Eliana sa kapatid at sa sinasabi nito nang makarinig siya ng masiglang tinig ng isang bata. Hinanap niya kung saan nanggaling iyon at sa harapan ng isang abandonadong gusali ilang metro sa kanilang kinatatayuan ay may isang batang babae, kasama ang sa tingin niya ay ina nito, ang nakikipag-usap sa isang dalagang nakaupo sa harapan nito.

Maliwanag ang mukha nito at tila ay masayang-masaya sa pagpapatong nito ng bulaklak na korona sa dalagang kausap nito. At nang iangat ng dalagang iyon ang mukha nito, hindi maiwasang isipin ni Eliana na pamilyar sa kaniya ang mukhang iyon.

Tinitigan niya nang mabuti ang mukha ng dalaga sapagkat tiyak siya na nakita na niya ito ng ilang beses.

"Eliana, nakikinig ka ba?"

"Huh?" tanong niya sa kapatid nang hindi inaalis ang tingin sa dalaga na kasalukuyan ay may sinabi sa bata at---

Inangat niya ang tingin sa kapatid. "Hindi ba si Binibining Malika iyon?" Tinuro niya dito ang dalaga. "Ang Binibini ng Pamilya Raselis?"

Nilingon ng kaniyang kuya ang dalaga na tumawa sa sinabi ng bata at hindi maiwasang magulat ni Eliana nang makita iyon. "Huh, tumatawa pala siya? Hindi ko inaasahan iyon."

Binalik niya ang tingin sa kapatid na tila ay naiintindihan rin ang kaniyang pagkagulat sapagkat nakatitig lamang ito at nakaawang ang mga labi ng kaunti. "Nakagugulat, hindi ba, Kuya?"

Nagdikit ang mga labi nito at bigla ring nag-iba ang ekspresyon sa mukha. Tila naging seryoso ito na bihira niyang makita sa kapatid. Maya-maya ay tumalikod na ito at agad naglakad palayo. "Eliana, umuwi na tayo."

"Eh?! Bakit? Kai---"

"Makinig ka nalang kung ayaw mong sabihin ko kay Ina at Ama ang munti mong pagpasyal nang mag-isa ngayong araw."

Naglakad siya kasunod ng kapatid. "Ngunit Kuya, m---"

"Eliana," matigas na sambit nito.

Napahinto siya sa paglalakad at nang mapagtanto na tunay na seryoso ang kapatid, tahimik siyang sumunod dito. Nilingon niya ang Binibini ng Palasyo Raselis na nakangiting nagpaalam sa bata bago naglakad patungo sa kalesa nito. May pakiramdam siya na dahil dito kaya nagbago ang timpla ng kaniyang kapatid.

Hindi niya nga lamang alam kung bakit.

𝘔𝘢𝘭𝘪𝘬𝘢 𝘙𝘢𝘴𝘦𝘭𝘪𝘴...

Marami na siyang naririnig na hindi maganda tungkol sa Binibining iyon.

At sa pagkakataon na malaman niyang may hindi ito nagawang maganda sa kaniyang Kuya, titiyakin niya na magbabayad ito.

次の章へ