Aira Delapeña, ang babaeng sumira sa pangarap ni Julius Gamboa. Dahil sa mga kaibigan ay nagawa ni Aira na paglaruan si Julius. Sinaktan nito ang damdamin ng isang lalaking palagi siyang ipinagtatanggol sa lahat ng oras. Kaya matapos ang break-up nila’y naglahong parang bula ang binata. Ilang taon ang nakalipas, bumalik si Julius. Ibang-iba na ang itsura nito kumpara sa dating maitim, tagihawatin at baduy manamit. Isa na itong guwapo’t habulin ng mga babae. Bumalik si Julius hindi para muling mahalin si Aira, kundi para gantihan ito sa pagsira ng buhay niya noon. Ngunit ang dating brat spoiled na si Sean ay magiging sagabal sa plano ni Julius. Sino nga ba ang pipiliin ni Aira na mahalin? Ang taong noon ay nasaktan niya o ang taong malabong seryosohin siya?
"Nice one, Aira! Sobrang bilib na ako sa 'yo. Napakagaling mong magdrama kanina, parang totoong-totoo. May paiyak peg ka pa... talagang napabilib mo kaming lahat. Tara na sa canteen at ililibre ka na namin nina Bianca at Elaine!" masayang sabi ni Niña.
Inakbayan ako nito, kaya naglakad na kami patungo sa pinakamalapit na canteen sa pinapasukan namin. Pare-pareho kaming nasa ika-apat na baitang sa high school at lahat kami ay malapit ng grumaduate.
Pinili ko ang mga paborito kong pagkain na siyang binayaran ng tatlo para sa akin. Isa iyon sa premyo ko matapos kong sundin ang inutos nila. Isa iyon sa dare na dapat sundin kapag natalo ka. At ako ang palaging talunan sa aming apat. Ito na yata ang pinakamahirap na dare na natanggap ko kaya pakiramdam ko'y may bumabagabag sa dibdib ko.
"Bakit parang malungkot ka yata, Aira? Don't tell me na naaapektuhan ka sa nangyari kanina?" tanong sa akin ni Bianca na siyang nakapansin ng pananahimik ko.
"Ha? Hindi no! May iniisip lang ako," wika ko sabay ngiti rito.
"A, akala ko'y apektado ka sa pagbe-break ninyo ng pangit na iyon." Nagtawanan ang tatlo sa sinabi ni Bianca. Maging ako'y ngumiti na rin upang hindi nila mapuna na iba ang pakiramdam ko ngayon.
Habang kumakain kaming apat, dumating si Sean sa canteen kasama ang dalawa nitong kaibigan. Marami ang kinikilig sa tuwing nakikita si Sean, maging ang mga kaibigan ko'y todo rin pa-cute dito except sa akin na walang kadating-dating para sa akin ang ganitong lalaki. Hindi ko tipo ang kagaya ni Sean na spoiled brat. Anak kasi ito ng governor kaya naman kung makaasta ay akala mo'y pagmamay-ari nito ang lahat. Lumaki kasi ang ulo nito dahil sa dinadala nitong apelyido ng kaniyang ama.
"Oh my gosh! Ang guwapo talaga ni Sean, kompleto na naman ang araw ko dahil nakita ko na siya!" wika ni Niña.
"Bigla akong nabusog mga sis, nakakabusog talaga ng puso si Sean..." saad naman ni Elaine.
Natatawa namang nakatitig lang si Bianca kay Sean. Waring nag-i-imagine na naman ito na papansinin siya nito.
Ako naman ay dere-deretso lang ang pagkain. Wala akong pakialam kung tumaba ako. Ibinubuhos ko na lang ang sama ng loob ko sa pagkain.
Pagkatapos naming kumain, bumalik na kami sa sunod na subject namin. Hinahanap ko si Julius, ngunit wala ito. Bigla akong nag-alala para rito, dahil malapit na ang oras ng aming leksyon. Baka ma-late ito at mapagalitan ng aming propesor. Ngunit dumating na't lahat ang propesor namin ay wala pa rin si Julius. Hindi ito nagpakita hanggang sa matapos ang klase namin. Mukhang sobra-sobra itong nasaktan sa ginawa ko. Parang maiiyak na ako dahil sa nagawa kong kasalanan.
Dahil sa kagagawan ng mga kaibigan ko, e naging kami ni Julius. Dahil din sa mga ito kung bakit brake na kami ngayon.
Unang araw ng pasukan nakilala ko si Julius. Isa itong simpleng lalaki na walang makakapansin kahit na sinong babae. Ako lamang ang tanging nakapansin sa kaniya dahil katabi ko siya sa upuan. Baduy itong manamit, napakahaba pa ng buhok—long hair kung tawagin. May mga tagihawat sa mukha, at may kaitiman ding taglay. Kung anong kinapangit ng itsura nito'y siya namang kabaliktaran ng pagkatao nito. Napakabait, maaalalahanin, joker at matalino. Siya nga palagi ang tumutulong sa homework ko. Sa tuwing nalulungkot ako, pinasasaya niya ako. Naging malapit kaming magkaibigan dahil doon. Madalang kaming magkasama, dahil babae ako at lalaki siya. Nagkakausap at nagkakasama lang kami kapag oras ng klase. Palagi akong nagtatanong sa kaniya at palagi naman niya akong sinasagot, kaya mabilis kong nakukuha ang aming pinag-aralan. Hindi ko alam na may lihim pa lang pagtingin sa akin si Julius. Sino ba naman ang magkakagusto sa kaniya, e pangit nga raw siya sabi ng mga kaibigan ko.
Nakilala ko ang mga kaibigan ko dahil sa kaklase kong si Niña noong third year ako. Kaklase ko na ito kaya nang maging magkaklase ulit kami ay siya na ang sinamahan ko. Dito naman dumating si Bianca na kaibigan ni Niña at si Elaine na kaibigan naman ni Bianca. Nagsama-sama kaming apat at nagkalagayan ng loob. Ako ang pinakamaamo ang mukha sa aming apat, mahaba ang buhok na straight na straight at may kaputian din naman. Maraming nagsasabi na kahawig ko raw si Kathryn Bernardo. Si Niña naman ay singkit ang mata, tisay at matangkad. Marami ang nagkakagusto dito dahil sa kaputiang taglay. Si Bianca nama'y morena ngunit sexy at malakas ang dating dahil sa mala-bumbayin nitong mukha. Ganoon din si Elaine na may katamtamang kulay, mala-Julia Baretto naman ang mukha. Lahat kami'y may taglay na kakaibang kagandahan. Ngunit ako lamang ang pinaka-mabait sa kanila. Dahil sila'y mga bad influence at may mga hindi kaaya-ayang pag-uugali. Napipilitan lamang akong makipagkaibigan sa kanila dahil takot akong mag-isa. Magaling naman akong makisama at kaya kong pakisamahan ang kahit na sino.
Dahil nauso na aming grupo ang challenge, palagi kaming nagkakaisa na gumawa ng kung anu-anong bagay na may challenge sa aming apat. Mayroong madadapa sa harapan ni Crush para matulungan tumayo, takutin ang ibang mag-aaral sa cr. Lagyan ng bubble gum ang upuan ng aming kaklase, at marami pang iba na sa huli'y pagtatawanan namin. Hindi sila ang nagdedesisyon kung sino ang gagawa ng challenge, kundi ang isang bote ng coke na siyang pinaiikot namin at pagnatapatan ay uutusan at bibigyan ng dare. Kailangang magawa ang challenge dahil kung hindi e ang kapalit nito'y magiging utusan nang isang buwan.
Isa na nga sa naging dare ay ang gawin kong boyfriend si Julius in three days. At pagkatapos noon ay ibe-brake ko ito. Sa una'y ayokong gawin na idamay si Julius sa aming laro. Ngunit napagtulungan ako at nakantyawan na looser ako. Kaya naman napilitan akong gawin ang gusto nila.
Dahil malapit na kami ni Julius sa isa't isa. Inanyayahan ko siyang kumain kasama ako. Nagulat ito noong una, halatang nahihiya at kinakabahan. Pero sa huli'y pumayag rin ito. Pinagtitinginan kami ng ibang estudyante habang kumakain sa canteen. Pero balewala sa akin ang lahat dahil masaya namang kasama si Julius. Palagi akong natatawa sa mga kuwento nito sa akin. Naging madali lang para sa akin na kunin ang loob ni Julius. Ang totoo'y para lang natural ang ginagawa ko. Hindi ako naiilang na kasama ito, bagkus komportable pa akong katabi ito. Unang araw pa lang ay nagtapat na ako kay Julius ng damdamin na kinagulat nito. Hindi ito makapaniwala na may gusto ako sa kaniya at nahulog ang loob ko sa kaniya.
"Baka nagkakamali ka lang, Aira. Bakit sa akin ka nagkakagusto? Hindi mo ba nakikita ang itsura ko? Parang hindi ako bagay sa iyo. Ang ganda-ganda mo tapos sa akin ka lang papatol?" nahihiyang sabi ni Julius sa akin.
"Hindi ka naman pangit, Julius. Hindi ka lang palaayos talaga. Tanggap ko kung ano ka, kaya please pumayag ka na na maging boyfriend ko."
Labis-labis ang kasayahan ni Julius nang sabihin ko iyon sa kaniya. Kaya hinawakan nito ang kamay ko't nagtapat na rin ng totoong nararamdaman.
"I like you too, Aira. Matagal na kitang gusto. Ang totoo nahihiya akong aminin sa 'yo 'to dahil baka mabasted lang ako. Ayokong masira ang maganda nating samahan. Kontento na ako sa pagiging teacher ko sa 'yo minsan at sa pagiging seatmate mo. Alam mo ba na ikaw ang pinapangarap kong makasama habang buhay? Gusto kita, Aira. Gustong-gusto kita..."
Napangiti ako sa sinabi ni Julius. Niyakap ko siya at ganoon din ito. Labis-labis ang kasiyahan na nararamdaman nito nang maging kami nang araw na iyon. Pero ako nama'y nalulungkot dahil masasaktan ko siya pagdating ng tatlong araw.
Ang una't pangalawang araw naming magkasintahan ni Julius ay umani ng samu't saring usapin sa aming campus. May natatawa at may naiinggit. Natatawa dahil pinatulan ko si Julius, at naiinggit dahil sinagot ko si Julius. Halos lahat kontrabida ang nakapaligid sa amin. Mayroon pa ngang nagsabi na niloloko ko lang daw si Julius, pero hindi ito naniwala dahil ako lamang ang pinaniniwalaan nito. Kailanma'y hindi nasira ang imahe ko kay Julius. Tingin niya sa aki'y isang anghel na hindi gagawa ng kasalanan.
Dumating ang araw na dapat i-brake ko na si Julius. Labis-labis ang kalungkutan ko dahil sigurdong masasaktan ko ang damdamin nito. Pakiramdam ko'y hindi ko kayang gawin ang makipaghiwalay dito, ngunit dahil sa aking mga kaibiga'y nagawa ko ang nakakalungkot na desisyon.
"Julius, I'm sorry..." nakatungong wika ko rito.
"Sorry for what? May nagawa ka bang mali? Huwag mo nang isipin iyon dahil balewala sa akin iyon." Nakangiting hinaplos nito ang pisngi ko at pinahid ang luha ko sa mata.
Hindi ko mapigilang umiyak dahil pakiramdam ko'y napakasama ko nang tao. Nagawa ko ito sa walang kamalay-malay na nilalang.
"Patawarin mo ako, Julius. Pero gusto kong sabihin sa iyo na hanggang dito na lang tayong dalawa..."
Nagulat si Julius sa narinig mula sa akin. Ang nakangiting labi'y napalitan ng kalungkutan.
"A-ano? Ba-bakit? May nagawa ba akong mali? May nasabi ba akong hindi mo nagustuhan? Sabihin mo sa akin, para malaman ko at mabago ko kung may mali sa akin."
"No, Julius. Walang problema sa 'yo... kundi na sa akin ang may problema. Akala ko kasi gusto kita, pero nagkamali ako. Hindi pala kita gusto..."
Parang gumuho ang mundo ni Julius sa sinabi ko. Nakatitig ito sa akin, at kitang-kita ko ang luhang mabilis na namuo sa mata nito. Ngayon lang ako nakakita ng lalaking umiiyak. Pakiramdam ko'y tunay kong nasaktan ang damdamin ni Julius.
"Baka naman may problema ka lang, Aira. Puwede naman kitang tulungan. O 'di kaya'y bibigyan kita ng oras para makapag-isip at mapag-isa. I can give you everything, but please huwag mo naman sabihin sa akin na magbreak na tayo. Hindi ko kayang mawala ka, mahal na mahal kita e. Sobrang mahal na kita..."
Halos madurog ang puso ko sa sinabi ni Julius sa akin. Bumuhos ang luha ko sa mata dahil sa panlolokong nagawa ko sa kaniya. Hindi ko na kayang itago pa ang katotohanan dahil baka madagdagan lang ang kasalanan ko kung hindi ko aaminin ang totoo.
"I'm sorry, Julius. Sana mapatawad mo ako sa nagawa ko. Ginamit lang kita, dahil ang napiling dare ng mga kaibigan ko'y ikaw. Ayoko sanang gawin pero..."
"Pero ano? Nagawa mo na? Kung ganoon, hindi pala totoo lahat ang sinabi't pinakita mo sa akin? Hindi pala totoo na gusto mo ako?" Napailing-iling ito sa harapan ko.
"I'm sorry... patawarin mo ako, Julius."
"Akala ko iba ka, Aira. Akala ko hindi ka tumitingin sa panlabas na kaanyuan. Nagkamali ako, mas matindi ka pala sa inaakala ko." Umiiyak na kinuha nito ang bag niya at dali-daling umalis sa harapan ko. Naiwan akong luhaan, sobrang sakit makita na wala na kami ni Julius. Gusto ko sanang habulin ito upang sana'y humingi muli ng patawad ngunit biglang sumulpot ang mga kaibigan ko. Nagpalakpakan ang mga ito. Akala siguro nila'y nagdadrama lang ako.