webnovel

Chapter 34: "A" Part 2

Mr. A. POV (23 Years old) and Flashback

Date: February 14, 1990

Time: 7:30 P.M.

"A, may gusto akong ipagtapat sa'yo."

Diretsong nakatitig si John sa mga mata ko at hindi kumukurap.

Hindi ko na alam kung ano ang dapat kong maramdaman sa mga oras na ito, pero hindi ko na alam kung anong susunod niyang ipagtatapat. Kung may napupusuan na ba siyang ibang babae, o maririnig ko sa kanya mismo ang mga salita na gusto kong marinig?

Nakatingin lang ako sa mga mata ni John, ngunit hindi ako makapagsalita at hinihintay ko na lamang ang kanyang nais na sabihin.

"Alam ko na iisipin mo nag bibiro lang ako, o niloloko kita, pero hindi. Sa mga oras na 'to, seryoso ko ito na sasabihin sa'yo, A."

Napalunok ako dahil hindi mas lalo akong kinakabahan sa nais ipahiwatig ni John. Hindi pa rin ako nagsasalita at pinapakinggan ko lamang siya.

"A, hindi ko alam kung anong magiging reaction mo 'pag nalaman mo, pero lalakasan ko na ang loob ko—"

Naputol ang sasabihin ni John nang biglang dumating ang inorder namin na beer.

Kinuha niya ang isang bote at nilagok niya ito ng isang inuman lamang. Nang maubos niya ito ng isang inuman, pinunasan niya ang kanyang mga labi at tumingin sa akin muli.

Sa mga pagkakataong ito, hindi ko na mapigilan ang sarili ko. Nakatingin na lang ako sa mukha ni John, habang pinagmamasdan ko ang namumula niyang mga pisngi gawa ng beer, ang kanyang mga labi na parang isa sa pinaka magandang ginawa ng Diyos, at pati na rin ang kanyang mga mata na may pakakulay brown at nakakaakit.

"Ano ba talaga 'yung gusto mong sabihin, John?" tanong ko sa kanya habang pabilis nang pabilis ang tibok ng aking puso.

Huminga ng malalim si John, pumikit saglit at kumuha ng lakas ng loob.

Dumilat siya muli at hinawakan ang mga kamay ko na nakapatong sa table.

Naramdaman ko ang mainit na kamay ni John na nakahawak sa akin—ang malalaking kamay niya na nahahawakan ang buong kamay ko.

"A, nais ko lang sabihin sa'yo... na matagal na kitang... gusto. Noong una pa lang kitang nakita, nakuha mo na agad ang puso ko."

Natulala ako sa mga sinabi ni John. Ang mga salitang nais kong marinig sa kanya ng matagal na panahon, ngayon sinasabi niya na sa akin, sa harap ko mismo, at sa gabing ito na hindi ko inaakala na lalabas mismo sa mga bibig niya.

Tila naginit ang buong pakiramdam ko at gusto kong sumigaw na parang ako ang pinakamasayang tao sa buong mundo.

Labis ang tuwa na naramdaman ko nang marinig ko ito mismo kay John, na parehas pala kami ng nararamdaman, na akala ko ay niloloko at binibiro niya lamang ako, pero hindi pala.

Hindi ko alam kung anong irereact ko sa kanya, kaya gaya na lamang ng dati, ipapakita ko na naiinis ako pero sa loob loob ko, ang tuwa ko ay abot hanggang langit.

"Hmmp! Loko loko ka talaga John!" sagot ko sa kanya na kunwari ay naiinis ako at nakatingin lamang ako sa ilog, pero sa totoo lang, iniiwasan ko na makita niya ang tunay na nararamdaman ko.

Naramdaman ko na hinigpitan ni John ang paghawak sa kamay ko, kaya napatingin ako sa kanya. Hindi ko siya nakitang ngumiti, at seryoso pa rin ang mukha niya.

"Totoo, 'yung sinasabi ko, A. Hindi mo lang alam kung gaano katagal ko to pinag-isipan, at kung gaano ko katagal ito tinago sa'yo, dahil hindi ko alam kung ibabalik mo 'yung nararamdaman ko.Pero hindi ko na rin kaya. Gusto ko na sabihin sa'yo 'yung nararamdaman ko! Para akong sasabog sa araw araw na tinatago ko ang pagkagusto ko sa'yo."

Ito ang sinabi sa akin ni John. Hindi siya kumurap, hindi rin siya kinabahan. Basta ang alam ko, bukal at seryoso ang mga salitang sinabi niya sa akin.

Hindi ko na napigilan ang sarili ko, pero, napangiti na lang ako bigla. Nang makita ni John ang pag ngiti ko, nakita ko rin siyang ngumiti.

"A, kung pagbibigyan mo ko, gusto sana kitang ligawan." biglang tinanong sa akin ni John, at nagulat ako sa kanyang sinabi.

"Baliw ka ba? Ano ako, babae para ligawan?" pabiro kong sinabi sa kanya. Pero sa totoo lang, hindi ko maintindihan, pero gusto ko na gawin niya ito. Ayaw ko lang talaga ipaalam sa kanya na labis akong natutuwa, kaya iba ang pinapakita at ang reaksyon ko.

"Hindi naman ibig sabihin na liligawan agad eh babae ka na agad. Gusto ko gawin 'yun, kasi gusto ko maramdaman mo na pinapahalagahan kita. Na lahat gagawin ko, para lang matanggap mo ko." sagot sa akin ni John.

Sa tuwing naririnig ko ang mga sinasabi niya, nanghihina ang katawan ko, tila gusto ko nang sumuko, pero hindi pwede. Ayoko na isipin niya na madaling makuha ang isang tulad ko kahit na matagal ko na rin siyang gusto.

"Bahala ka kung anong gusto mong gawin sa buhay mo!" sinabi ko sa kanya at agad naman siyang sumagot.

"So pumapayag ka na, A? Pwede na kitang ligawan?" nakangiting tanong ni John sa akin.

Sa loob loob ko ay labis akong kinikilig na parang kinikiliti ang tiyan ko. Pero sa mga mukha ko, nakakunoot ang aking noo at tinitingnan ko siya ng masama.

"Sabi ko nga, bahala ka sa buhay mo! Gawin mo kung anong magpapasaya sa'yo!" sagot ko kay John.

"Okay, ikaw nagsabi niyan, A, alam mo naman kung anong nagpapasaya sa akin." hirit ni John na ipinagtaka ko.

"Ano ba nagpapasaya sa'yo?"  tanong ko sa kanya.

Ngumiti muna si John sa akin bago siya sumagot, at saka niya sinabi sa akin ng diretso na—

"Ikaw. Ikaw ang nagpapasaya sa akin, A."

Hindi ko na din napigilan ang sarili ko, napangiti na lang ako at napailing. Hindi ko alam kung matatawa ako sa kakornihan nito ni John, o matutuwa ako dahil sa kilig.

Tinanggal ko ang mga kamay ko mula sa pagkakahawak ni John, at kinuha ko ang isang bote ng beer na para ay sa akin. Dahil hindi na ako mapalagay at hindi ko na alam ang gagawin ko, ginaya ko si John.

Nilagok ko ang isang bote ng beer ng isang inuman.

Nang maubos ko na ang beer, biglang nag black out ang paningin ko...

Tila nakatulog ako...

Maya maya ay nagising ako bigla at nasa ulirat na. Pagkagising ko, nasa Little Jinny's pa rin kaming dalawa ni John.

Hindi ko alam pero nakatitig lamang siya sa akin at nakangiti.

Tiningnan ko si John ng masama dahil nakangiti siya sa akin ng walang dahilan.

"Ano na naman! Aasarin mo na naman ako?"  naiinis na sinabi ko sa kanya habang inaayos ko ang buhok ko at pinupunasan ko ang mukha ko.

"Hindi. Masaya lang ako. Thanks sa beer!" sagot ni John habang tumatawa siya, tila napakasaya niya ngayong gabi.

Nanliit ang mga mata ko at tinitigan ko siya. Pakiramdam ko ay may nagawa akong hindi kanais-nais, kaya iba ang ngiti ni John.

"May ginawa ba akong hindi maganda noong nalasing ako?" tanong ko sa kanya habang tinitingnan ko siya ng masama.

Nakangiti lang si John sa akin at pinipigilan ang kanyang pagtawa.

"Wala! Lahat ng ginawa mo nung lasing ka maganda!" natatawang sagot ni John.

"Anong ginawa ko?" tinanong ko siya at labis na ang panliliit ng mga mata ko na nakatitig sa kanya.

Nilabas ni John ang kanyang phone, tumingin siya sa akin at natatawa.  Binuksan na niya ang kanyang Voice recorder at may pinarinig sa akin.

Noong una, puro ingay ng tao ang naririnig ko sa background. Pero, pagkatapos ng 30 seconds, narinig ko na magsalita si John.

John: A,  may nararamdaman ka din ba para sa akin?

A: Tinatanong pa ba yan? Hindi mo ba nakikita? Mahal na mahal kaya kita! Nakakainis ka lang kasi lagi mo ko niloloko!

Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ko bigla ang boses ko at ang sinabi ko. Kaya pinilit kong kuhain ang phone sa kamay ni John, ngunit masyadong mabilis ang kamay niya.

Nagsalita muli si John sa voice record kaya patuloy akong nakinig.

John: Baka kasi hindi mo ko magustuhan, kaya dinadaan ko na lang sa biro. Pero ngayon, parehas na tayo ng nararamdaman?

A: Ikaw kasi! Puro ka biro! Hindi ko alam kung kailan ka nagiging seryoso! Nakakainis ka kasi! Ayaw kong nakikita mo na kinikilig ako kaya lagi kitang tinitingnan ng masama kapag niloloko mo ko!

John: Hindi nga? Pero, yung totoo, A, anong nagustuhan mo sa akin?

A: Hmmm Ikaw? Alam mo, nakakainis ka... Lahat nagustuhan ko sa'yo! Lahat maganda sa'yo... Lahat bagay sa'yo! Parang nang magpasabog si God ng kagwapuhan nasa pinaka unahan ka ng pila! Nagustuhan ko yung kung paano ka magsalita, kung paano ka kumilos, kung gaano ka kagwapo! 'Yung mga mata mong nakakahypnotize 'pag tinitingnan. Tapos ang galing mo pa maglaro ng kahit anong sports. Ang ganda ng katawan mo, ang daming nagkakagusto sa'yo. Nakakainis diba?  Tapos sobrang bait mo pa sa akin! Parang sinakop mo na lahat! Kaya gustong gusto kita. Hindi ko lang sinasabi sa'yo! Hindi mo alam kung gaano katagal ko pinangarap na marinig sa'yo yung mga salitang "Gusto mo rin ako"! Epal ka John! Nakakainis ka!

Pinatay na ni John ang recorder at tinatawanan niya ako. Ako naman, pulang pula na ang mukha ko at nagiinit ang buong katawan ko dahil sa kahihiyan na ginawa ko. Hindi ko inakala na sa isang bote ng beer, inamin ko lahat kay John tungkol sa nararamdaman ko! Lupa, kainin mo na ako!

Pilit kong kinuha muli ang phone ni John sa kanyang kamay upang burahin ang naka save na record, dahil ayokong marinig ulit iyon.

Tumayo ako at tumayo rin si John. Nadama niya na kukunin ko sa kanya ang phone, kaya tumakbo na siya agad papalayo.

Lumabas siya ng Little Jinny's Resto Bar at pumunta malapit sa tabing ilog, kaya sinundan ko siya. At sa oras na maabutan ko talaga siya, itatapon ko ang phone niya sa ilog!

Nang makarating na kaming dalawa sa tabing ilog, tumigil si John sa pagtakbo at nakatayo lamang siya.

Nagtaka ako kung bakit siya tumigil. Nakita ko na tumingala siya at nakatingin lamang sa mga bituin sa langit.

Tumingin din ako sa langit upang makita kung ano ang tinitingnan niya doon.

Nang makita ko ang mga bituin sa langit, pakiramdam ko na ang gaan gaan ng loob ko. Na para bang sobrang mahinahon ng paligid na kahit ang gulo gulo naming dalawa kanina.

Habang nakatingala ako at nakatingin sa kalangitan, napansin ko na lumapit si John sa akin at tumayo sa harapan ko.

Nagulat ako sa kanyang ginawa.

Natulala na lamang ako.

Nakaramdaman ako ng napakainit na yakap sa isang napakalamig na gabi.

Ito 'yung yakap na matagal ko nang hinahangad. 'Yung mga yakap na para bang nangungulila sa pagmamahal.

Hindi ko napigilan ang sarili ko.

Hindi ko alam pero bigla na lang tumulo ang mga luha sa mata ko.

Naiiyak ako, pero sobrang saya ko.

Niyakap ko pabalik si John, at lalo kong naramdaman ang init ng katawan niya habang hinahaplos ko ang kanyang likuran.

Pumiglas si John mula sa pagkakayakap sa akin, at bigla niyang hinawakan ang mga pisngi ko.

Damang dama ko ang init ng kamay ni John sa mga pisngi ko. At sa sobrang bilis ng mga pangyayari, hindi ko namalayan, na hinalikan na pala ako ni John.

Nang dumampi ang mga labi niya sa akin, sobrang bilis nang pagtibok ng puso ko. Nanghihina ang mga tuhod ko, kaya kumapit ako sa mga balikat ni John. Sa oras na bumitaw ako, pakiramdam ko ay mapapaluhod ako sa sahig.

Ang mga halik ni John sa akin, hindi ko inakala na ganito pala ang pakiramdam na mahalikan ka ng taong mahal mo. Si John ang pinakaunang taong minahal ko, at hindi ko inakala na siya rin ang pinaka unang tao na mahahalikan ko.

Para sa akin, ako na ang pinakamasayang tao sa buong mundo. Wala na akong ibang iisipin. Ang gusto ko na lang palagi ay makasama si John.

Pagkatapos ng gabi na iyon, sobrang saya naming dalawa. Si Agatha ang siyang tanging pinagsabihan ko ng sikreto namin ni John. Dahil kapag kumalat ito, alam ko na magiging malaking gulo ito.

Malaki ang tiwala ko kay Agatha. Nang malaman niya ang tungkol sa aming dalawa ni John, nakita ko kung gaano siya kasaya para sa aming dalawa. Nakangiti siya, pero nakikita ko sa mga mata niya na may lungkot itong tinatago, ngunit hindi ko na ito masyadong ininda.

Basta may isang tao na nakakaalam, ay okay na sa akin, dahil alam ko na may masasabihan ako ng mga sikreto ko, 'wag lang umabot sa mga parents namin.

Araw araw, lagi kaming magkasama ni John 'yung tipong hindi mo na kami mapaghihiwalay. Iyon ang mga pinakamasasayang araw ko. Kasama ko palagi ang taong pinakamamahal ko sa kahit anong bagay. Bagamat marami pa rin ang naghahabol sa kanya, alam ko na nasa akin lang ang puso ni John.

Pero...

Nakalipas ang isang taon...

Akala ko masaya pa rin at walang makakapigil sa amin.

Akala ko lang pala.

Hindi ko alam na ito na pala ang oras na sisira sa buhay ko.

Ang gigising mula sa aking maganda at masayang panaginip.

Hindi ko alam pero tila binuhusan ako ng mainit na tubig at ginigising sa katotohanan.

January 21, 1991, iyon ang araw na ginising na ako sa aking matagal na pagkahimlay... Sa panaginip na ayaw ko ng takasan.

Kakauwi ko lamang galing sa University at ang ngiti ko pa noon ay wagas, dahil marami kaming ginawa ni John na nakakatuwa.

Pagbukas ko ng pintuan namin, nakaabang na si Dad, at tila galit na galit sa akin.

Tiningnan ko siya sa mga mata niya dahan-dahan at kitang-kita ko ang mga mata niya na nanggagalaiti at nanlilisik sa galit.

Bigla niya akong sinapak ng napakalakas at napatalsik ako.

"Anong kahihiyan ito, Augustus? Nakakadiri ka!" sigaw sa akin ni dad.

Ito ang ibinungad na mga salita sa akin ni Dad. Ang nakangiti kong mukha kanina, ngayon ay napalitan ng takot at pangamba. Alam ko na sa mga oras na ito, nahuli niya na ako at wala na akong takas dito. May mga hawak siyang litrato at binato niya sa akin lahat.

"Basura! Ito ba ang pinaggagagawa mo? Kaya ka ba bumabagsak? Puro kalandian? At sa isang lalaki pa! Sa anak pa ni Mr. Torres! Hindi ka na nahiya!" galit na galit na sinabi sa akin ni Dad at tila diring diri siya sa akin.

Tiningnan ko ang mga litratong itinapon ni Dad sa harap ko. Nagulat ako dahil nakita ko ang mga pictures namin ni John na nasa tabing ilog kami na magkayakap at naghahalikan. Pati na rin ang iba pang mga litrato na magkahawak kami ng kamay at magkalapit ang mga mukha.

Lumapit sa akin si dad at hinablot niya ang isa kong braso.

Dinala niya ako sa Living room at bigla niyang akong hinubaran. Nang matanggal niya ang aking uniform, kinuha niya ang kanyang belt at inihampas sa likod ko.

Tuloy tuloy lang ang kanyang paghahampas hanggang sa nawalan na lang ako ng malay dahil sa sakit na naramdaman ko.

Paggising ko kinabuksan, sobrang sakit ng likod ko at hindi ako makagalaw. Nasa kwarto ako, ngunit nagulat ako sa nakita ko. Nakita ko na may mga bagahe na nakahanda. Hindi ko alam kung ano itong mga bagahe na nasa kwarto ko.

Biglang pumasok si Dad, at dahil natrauma ako sa ginawa niya, lumayo ako sa kanya at pilit kong tinatago ang aking sarili. Nakatayo lamang siya sa pintuan ng kwarto ko at biglang nagsalita.

"Isa kang malaking kahihiyan, Augustus! Ilalayo kita kay John para wala silang masabi sa pamilya natin! Papadala kita sa America! Doon ka na magtatapos ng pagaaral mo! Hindi ka babalik dito hanggang hindi ka natatapos! Ako ang magpapasya kung kailan kita ibabalik dito! Ngayong gabi ka na aalis!"

Ito ang pinakamasakit na narinig ko kay dad. Hindi ko ininda ang mga masasakit na hampas niya at alam ko huhupa din iyon. Pero ang mga sinabi niya sa akin na ilalayo niya ako kay John, pakiramdam ko ay unti-unti niyang pinupunit ang pagkatao ko.

Labis ang aking paghihinagpis, at namumuo na ang galit sa puso ko. Unti-unti akong nakakaramdam ng galit kay dad. Pakiramdam ko, hindi niya ako tinuturing na anak. Na ang mahalaga lamang sa kanya ay ang business at ang pangalan niya.

Nakatingin lamang ako sa mga mata ni Dad, hindi ko siya magawang pagsalitaan ng masasamang bagay, pero sa loob ko, gusto kong sumigaw at sumabog sa galit.

Umalis na si dad sa kwarto ko, at bigla ko ni-lock ang pinto. Hinanap ko ang phone ko upang sabihin kay John ang mga nangyari. Tiningnan ko sa kama, sa bag, at sa mga cabinet ko ang aking phone ngunit hindi ko ito makita. Lumabas ako ng kwarto at sinugod ko si Dad sa kanyang office room. Habang nakaupo siya sa kanyang swivel chair, tumingin siya sa akin ng seryoso at may pinakita sa akin.

"Ito ba ang hinahanap mo?"

Hawak niya ang aking phone. Kinuha niya ang sim card na nakapasok sa aking phone at ginunting ito.

Nagmamakaawa ako sa kanya na wag niya itong gawin ngunit wala siyang puso! Hindi niya inisip ang nararamdaman ko!

Itinapon niya sa sahig ang aking phone at inapak-apakan hanggang sa ito'y masira.

Alam ko may panahon pa...

Tumakbo ako papalabas ng kanyang office room at sinubukan kong tumakas ng bahay.

Ang nasa isip ko lang, kailangan kong puntahan si John.

Kailangan niyang malaman na ipapadala ako ni dad sa America.

Gusto ko sabihin sa kanya na hindi ko ito ginusto. Nadudurog na ang puso ko. Pakiramdam ko, ayaw ko nang mabuhay sa mundo kung hindi ko na makakasama si John.

Nang makarating ako sa gate, pinigilan ako ng mga guard na makalabas. Pinipilit ko ang aking sarili para lang makalabas, ngunit dahil nanghihina pa ang katawan ko gawa ng tuloy-tuloy na paghahampas sa akin ni dad, ay hindi ko na nagawang lumaban pa.

Biglang may itinakip na panyo sa ilong ko, at unti-unti kong naramdaman ang antok.

Nang magising ako, laking gulat ko, dahil nakasakay na ako sa isa sa mga private jet ni dad. Hindi ko na alam ang gagawin ko sa mga oras na ito. Gusto kong kumawala, gusto kong umalis.

Ang tanging nakikita ko lamang ay ang mga ulap sa bintana. Sa sobrang lungkot ko, hindi ko na napigilang humagulgol.

Nasasaktan ako.

Nahihirapan ako.

At higit sa lahat, pakiramdam ko ay pinagkaitan ako ng pagkakataong magmahal at maging masaya.

Dahil sa sakit ng loob na nararamdaman ko, nararamdaman ko ang sakit sa aking puso... Tila kumikirot ito. Hindi ako makahinga, pero dahil mas nananaig ang pagkagalit sa loob ko, ay hindi ko ito ininda.

Ang tanging gusto ko lang ay ang makabalik at makasama si John. Pero, paano ko na ito gagawin kung magkalayo na kaming dalawa?

Hindi ko alam kung anong iisipin niya tungkol sa akin, na baka maisip niya na bigla na lang ako umalis ng walang paalam. Hindi ko lumabos maiisip na dadating ang araw na ito. Ang gusto ko na lamang ay matulog, at pag gising ko, nasa tabi na ako ni John.

Dahil wala na akong magawa, at nasa America na ako, binugbog ko ang sarili ko sa pag aaral upang mawala sa isip ko ang lungkot. Ngunit sa tuwing nakakakita ako ng mga bagay na nagpapaalala kay John, hindi mapigilan ng sarili ko na mapaiyak.

Sa bawat araw na lumipas, hindi nawala si John sa isip ko, at hindi rin nawala sa isip ko na isang araw, magsasama ulit kaming dalawa, at hahayaan na lang namin ang lahat.

Sa tuwing namimiss ko si John, binubuksan ko ang aking ref sa isang bahay na tinutuluyan ko sa America.

Tinatago ko ang mga bote ng beer sa ref at hindi ko ito iniinom. Tinitingnan ko lamang ito, dahil naalala ko si John sa tuwing nakakakita ako ng beer.

Pinilit ko ang sarili ko.

Tinatagan ko ang loob ko.

Alam ko isang araw, babalik ako at magkikita kaming dalawa muli.

At sa pagkakataong iyon, wala ng makakapigil sa akin. Kaya John, hintayin mo ko. 'Wag mo sana akong sukuan, dahil ako, walang araw na hindi kita sinukuan.

Babalikan kita, John...

Ipaparamdam ko sayo ang pagmamahal na hindi ko maipaparamdaman ng mahabang panahon.

3 Years after

October 12, 1994

Nakatanggap ako ng isang letter mula kay Dad na pinapabalik niya na ako sa Pilipinas. Nang mabasa ko ito, labis ang aking tuwa, dahil sa wakas, ang matagal ko nang hinihintay na araw—ang makasama muli si John ay matutupad na rin.

Inayos ko na ang aking mga bagahe, at iniisip ko na agad kung ano ano ang mga ikukuwento ko kay John sa oras na magkita ulit kami.

Iniisip ko na kumain kami sa Little Jinny's pagdating na pagdating ko, at iinom agad kami, magtatawanan, at magkukuwentuhan.

At higit sa lahat...

Gusto ko ulit maramdaman ang yakap at ang mga halik ni John.

Gabi ng October 13 ako nakauwi sa bahay namin sa Pilipinas.

Dumiretso agad ako ng kwarto ko at nagpalit agad ako ng damit. Excited na excited ako na makita si John, at balak ko siyang i-surprise sa bahay nila.

Nakabihis na ako't lahat lahat. Dala ko rin ang mga binili kong pasalubong na lahat ay paborito niya. Nagmamadali na akong umalis nang makita ko si dad na nakatayo at nakaharang sa pinto ng aming living room, na siyang daan palabas ng aming bahay.

"Saan ka pupunta, Augustus?" tanong sa akin ni dad na tila kararating lamang galing sa kanyang business trip.

"Kay—"

Naputol ang sasabihin ko, dahil agad humirit si dad, "Kay John? Ang anak ni Mr. Torres?" tanong sa akin ni dad.

Huminga ako ng malalim at napagtaasan ko si dad ng boses.

"Gusto ko siyang makita! Hindi mo na ako mapipigilan!"

Umiling lamang si dad at ngumisi.

May inabot siya sa akin na pulang sobre, at tumungo na siya sa kanyang kwarto.

Binuksan ko ang pulang sobre na inabot sa akin ni Dad. Nabasa ko palang ang "You are cordially invited..." na nakasulat sa pinakataas ng letter, kinabahan ako.

Biglang tumibok ng mabilis ang puso ko at ang tanging nararamdaman ko na lamang ay takot, dahil alam ko na ang susunod. Huminga ako ng malalim at binasa ko ng maigi ang nakalagay sa letter.

Biglang tumulo ang mga luha ko sa nabasa ko...

Hindi ko alam kung tama ba na umuwi pa ba ako ng Pilipinas.

Nabuhay ba ako sa kasinungalingan?

All this time, sarili ko lang ba ang pinapasaya ko at pinapalakas ang loob?

Nadurog ang puso ko nang makita ko ang nakasulat sa letter. Na si John at Althea ay ikakasal...bukas.

Napaluhod na lamang ako sa sahig at lahat ng lakas ko, kinuha. Ang mga pasalubong na dala ko, ang saya at ngiti na nasa mga labi ko, ang sabik na sabik na pakiramdam na makita si John... lahat ito tinapon ko.

Galit at lungkot ang nararamdaman ko.

Galit ako sa sarili ko!

Galit ako kay John!

Galit ako kay Althea!

Hindi man lamang ako hinintay ni John na makabalik. At ang malala pa dito, silang dalawa pa ni Althea ang ikakasal.

Labis labis ang sakit na nararamdaman ko. Hindi ko na natiis ang sakit na nararamdaman ko.

Kumikirot na ang puso ko.

Sinasaktan ko ang dibdib ko.

Hindi na ako makahinga at hanggang sa nawalan na lang ako ng malay.

Kinabukasan na ako nagising, pero wala ako sa kwarto ko. Nagising na lamang ako na nasa hospital na ako. Napansin ko na may ulo na nakasandal sa aking kama— si Agatha na nakapang abay pa na damit at nakaupo siya sa sahig at nakasandal sa aking kama.

"Anong oras na?" nanghihina kong tanong.

Nagising si Agatha at inayos niya ang kanyang buhok at tumingin sa kanyang relo.

"Gising ka na pala, A, 7:30 p.m. na. Sandali, tatawag ako ng doctor, sabihin ko na gising ka na." nakangiting sinabi sa akin ni Agatha, ngunit nakikita ko sa mga mata niya na umiyak siya ng malala dahil namamaga ang mga ito.

"Agatha, pakiusap, 'wag muna. Gusto kitang makausap. Anong nangyari?" tanong ko kay Agatha.

Gusto ko na sabihin niya na may dahilan kung bakit ikinasal sina John at Althea. Gusto ko sabihin niya na hindi ito ginusto ni John at napilitan lang siya.

Tiningnan ako ni Agatha, at hinaplos niya ang buhok ko. Habang hinahaplos niya ito, pinipigilan niya ang mga mata niya na lumuha.

"Ikwento mo sa akin, Agatha, please. Gusto ko maliwanagan." nagmamakaawa kong sinabi sa kanya.

Ayaw sana ikwento ni Agatha ang mga pangyayari dahil alam kong nagaalala siya sa kalagayan ko, pero hindi niya kayang magsinungaling, kaya sinabi niya sa akin ang mga nangyari noong wala ako.

"A, Nasaktan si John. Wala kaming balita tungkol sa'yo. Ang sabi sa amin ng dad mo, kusa ka daw umalis ng Pilipinas dahil gusto mo mapag-isa, gusto mong lumayo. Hindi naniwala si John, at alam niya na hindi mo 'yun magagawa. Araw araw niyang hinintay ang pagbabalik mo. Araw araw siyang pumupunta sa bahay niyo at nagbabakasakali na baka ikinukulong ka lang sa inyo. Tinataboy na siya ng mga guard pero hindi siya nagpapapigil. Hanggang isang araw, sumuko na si John. Naniniwala na siya sinabi ng Dad mo na lumayo ka na nga sa kanya dahil hindi ka na nagparamdam. Muntik na tumalon sa building si John, dahil ang sabi niya, ayaw niya na mabuhay kung hindi ka niya kasama. Ngunit, sakto na dumating si Althea, at siya ang humila kay John pabalik. Noong mga panahon na wala ka, si Althea ang pumalit. Hindi nagtagal, parehas nahulog ang loob nila sa isa't isa. Hindi nila sinasadya, A, maintindihan mo sana."

Ito ang paliwanag sa akin ni Agatha. Hindi ko alam, pero naiiyak ako. Tumutulo ang luha ko, pero hindi dahil sa lungkot, kung hindi dahil sa galit at poot na nararamdaman ko para sa kanilang dalawa. Nagagalit ako kay John, dahil maaga siyang sumuko. Nagagalit ako kay Althea, dahil alam niya na may namamagitan sa amin ni John, ngunit hinyaan niya ang sarili niya na mahulog kay John.

Pinunasan ko ang mga luha ko at huminga ng malalim. Ngunit sa tuwing maalala ko na wala na kaming pag-asa ni John, nadudurog ang puso ko.

Humagulgol na ako ng iyak, dahil ang sakit sakit na para sa akin ang lahat ng mga nangyayari. Niyakap na lamang ako ni Agatha upang damayan.

"'Wag ka mag alala, A, nandito ako, ang kaibigan mo. Hindi kita iiwanan. Magpakatatag ka lang. Alam ko na masakit at mahirap ang pinagdaanan mo." bulong sa akin ni Agatha habang nakangiti at pinipigilang umiyak.

Tuloy tuloy pa rin ako sa pagiyak, at dahil naaawa na para sa akin si Agatha, bigla na lang siyang umawit at nag hum.

Habang naririnig ko ang malumanay na boses ni Agatha, pakiramdam ko ay unti-unting pinapakalma nito ang puso kong nahihirapan.

Bagamat nalulungkot ako, masaya ako na nandito pa rin si Agatha sa tabi ko at hindi ako iniwan sa pinakamasalimuot na punto ng buhay ko.

Si Agatha na ang madalas kong kasama paglipas ng panahon. Dahil malapit ang mga pamilya namin sa isa't isa, siya ang madalas na nag-aalaga sa akin nang malaman nilang lahat na may sakit ako sa puso.

Nakalipas ang isang taon, pinapunta ako ng papa ni Agatha na si Mr. Claude, sa bahay nila kasama si dad.

Nang makarating kami sa bahay nila, nagulat si Agatha nang makita niya ako at si dad.

Pumunta si Dad at si Mr. Claude sa isang meeting room sa bahay nila. Kami naman ni Agatha ay naiwan sa living room at naguusap. Parehas naming hindi alam ang mga nangyayari at nagtataka kaming dalawa.

Ilang minuto lamang ang nakalipas, pinatawag na kaming dalawa sa meeting room. Nagulat kami sa plano ni Mr. Claude at ni dad. Nais nila kaming dalawa ni Agatha na ipakasal na magaganap sa November 25 1995.

Hindi na ako nagulat sa sinabi nila. Alam ko na isang araw ay hahantong kami sa ganitong situation. Ang pamilya nila Agatha ang pinakamalakas noon, ngunit naungusan na ito ng pamilya nina John simula noong ikasal siya kay Althea. 

Sa pagkakakilala ko kay dad, para sa business, gagawin niya ang lahat. Alam ko ang pakay ni Mr. Claude—ang makaangat muli ang kanilang pamilya at maging pinakamakapangyarihan.

Tinanong ako ni dad kung papayag ba ako, at agad akong sumang-ayon ng walang pag-aalinlangan.

Nagulat siya dahil akala niya ay tututol na naman ako. Pero masayang masaya siya dahil sa wakas ay sinunod ko siya.

Ang totoo, hindi ko to ginagawa para sa kanya. Ginagawa ko 'to para sa sarili ko. Tutulungan ko si Mr. Claude na makaangat muli at gagantihan ko sina John.

Pababagsakin ko ang pamilya nila at hindi sila magiging masaya dalawa ni Althea.

Lumabas na kami ni Agatha pagkatapos kaming kausapin nina dad at Mr. Claude. Pumunta kaming dalawa sa kwarto niya at kinausap niya ako ng masinsinan.

"A! Ano namang pumasok sa isip mo at pumayag ka!" tanong ni Agatha at tila hindi siya natuwa sa biglaan kong desisyon.

"Gusto ko gumanti." ito lang ang sagot na sinabi ko sa kanya.

"Saan? Kasi dahil sa nangyari? Please, A, pag-isipan mo muna 'to. Sa oras na ikasal tayo, hindi ka na makakaalis." sagot sa akin ni Agatha.

"Okay lang, Agatha. Kung ikakasal ako, mas gugustuhin ko pa na sa'yo ako ikasal. Dahil ikaw lang ang taong pinagkakatiwalaan ko ngayon. Alam ko na hindi mo ko pababayaan at iiwanan." sagot ko kay Agatha.

Huminga ng malalim si Agatha at hindi na siya nagsalita pa. Alam ko magiging makasarili itong desisyon ko, pero wala na akong magagawa. Kailangan kong gawin ito para sa sarili ko.

Labis labis na ang sakit na nararamdaman ko. Gusto ko ipaglaban ang sarili ko sa pagkakataong ito.

Ikinasal na kaming dalawa ni Agatha, at hindi naman naging mahirap para sa aming dalawa ang magsama. Isa pa, napaka close namin sa isa't isa kaya komportable kaming dalawa at kilalang kilala rin namin ang isa't isa.

Madalas kaming magmeeting ni Mr. Claude at pinaguusapan namin parati ang mga plano kung paano pababagsakin ang pamilya nina Mr. Torres.

Paunti-unti ay gumagawa ako ng mga hakbang para umangat ang pamilya ni Mr. Claude, ngunit para sa kanya, hindi pa rin ito sapat.

Nang magkaroon ng anak sina John at Althea, naging mas matunog ang pangalan ng kanilang pamilya. Na ang pinakamakapangyarihang pamilya ay mayroon ng tagapagmana. Dahil dito, hindi nagpahuli si Mr. Claude. Gusto niya magkaroon din kami ng tagapagmana at doon na nga ipinagbuntis ni Agatha si Chris.

Iba ang pakiramdam na magiging isa na akong ama. Natutuwa ako, pero at the same time ay natatakot din ako para sa magiging anak naming dalawa ni Agatha.

Tinanong ko siya, "Agatha, paano kung hindi ako maging mabuting ama kay Chris? Paano kung maging katulad ako ni dad?" nag aalala kong sinabi kay Agatha.

Ngumiti at nagsalita siya habang hinahaplos niya ang kanyang tiyan, "Hindi ka niya magiging katulad. Nandito ako, sabay nating mamahalin si Chris. Bubusugin natin siya ng pagmamahal."

"Pero, paano kung maging katulad niya ako, na umibig sa isang—"

Naputol ang dapat kong sasabihin ng sumingit si Agatha.

"Na umibig sa isang lalaki?" ngumiti siya at tumingin sa akin "So be it! Susuportahan natin siya gaya ng pagsuporta ko sa'yo noon. Kung sino man ang mamahalin niya, mamahalin din natin na parang tunay na anak."

Naiyak ako sa sinabi ni Agatha, at naalala ko 'yung mga araw na lagi siyang nakasuporta sa akin mula sa pagtago ko ng nararamdaman para kay John hanggang sa aminin ko ito sa kanya.

Niyakap ko si Agatha at ang iniisip ko lang ay masaya ako na nandito siya at kasama ko. Hindi ko masabi sa sarili ko kung mahal ko talaga si Agatha gaya ng pagmamahal ko kay John, pero si Agatha na ang naging comfort zone ko. Siya ang tumayong suporta ko sa mga panahong hindi ako makatayo ng maayos, kaya naman isa si Agatha sa mga pinaka-importanteng tao sa buhay ko.

Nagdaan ang ilang mga taon, hindi pa rin namin nauungusan ang pamilya nina John. Kaya naman ako ang parating sinisisi ni Mr. Claude. Sinisisi niya ako dahil palpak ang naging pagpapakasal namin ni Agatha at wala itong naitulong sa pag-angat niya. Kaya naman ay nakaisip siya ng plano upang pabagsakin sina John at Althea, kasama ang anak nila, na si Jin.

Habang nasa meeting room kami ng bahay nila Agatha, kaming dalawa lang ni Mr. Claude ang nasa loob at magkausap.

"A, Alam ko kung bakit ka pumayag na makipagsanib pwersa sa pamilya ko at alam ko din ang motibo mo. Hindi ba iisa lang tayo? Ang pabagsakin ang pamilya nina John Torres? Alam ko ang tungkol sa inyong dalawa, at alam ko rin ang balak mong paghihiganti. Gusto mo bang malaman ang plano ko?" bulong sa akin ng papa ni Agatha.

Sa kagustuhan kong makaganti, pinakinggan ko ang plano.

"Magkakaroon ng isang event na magaganap bukas. Lalagyan ko ng lason ang pagkain nina John, Althea pati na rin ang anak nila. Pagkatapos ay ikukulong natin sila sa isang kwarto, at ipapalabas natin na nagsuicide silang lahat. 'Wag ka mag alala, malinis ang operasyon na ito. Pero, sa oras na mabuko tayo, tandaan mo... babagsak ang pangalan natin at sa'yo nakasalalay ang lahat ng ito. Gusto ko na gawin mo ng maayos ang plano na ito, at ako na ang bahala sa mga tauhan na gagawa ng operasyon na ito!"

Nang marinig ko ang plano ni Mr. Claude, bigla akong nagdalawang isip. Galit ako kina John at Althea, pero ni isang beses, hindi sumagi sa isip ko ang patayin sila at mga kaibigan ko pa rin silang dalawa. Hindi ako mamamatay tayo, at lalong hindi ko kayang pumatay ng isang bata na walang kamuwang muwang sa buhay.

Gusto ko pabagsakin sina John, ngunit hindi sa paraang ito. Sumang-ayon ako sa plano ni Mr. Claude, ngunit gagawa ako ng paraan upang mabigo ang pagpatay kina John.

"Sige po, tutulungan ko kayo sa gusto niyong mangyari. Pababagsakin natin sila." ang tanging sagot ko na lamang, at lumabas na ako sa meeting room.

Pagbukas ko ng pinto, nakita ko si Agatha. Nakita ko siyang gulat na gulat at umiiyak.

"A! Pano mo nagawa 'to! Bakit ka pumayag! Hindi na kita kilala talaga!" naiiyak na sinabi ni Agatha.

Magpapaliwanag dapat ako ngunit tumakbo si Agatha at pumunta sa kanyang kwarto.

Sinundan ko siya sa kanyang kwarto ngunit naka lock na ito kaya hindi ko na nabuksan.

Hindi ko na nasabi kay Agatha na wala akong balak patayin sina John at Althea. Hindi ko ito ginusto at gagawa ako ng paraan upang hindi humantong sa ganito ang mga mangyayari kinabuksan.

Dahil nakalock ang pintuan ng kwarto ni Agatha, sa kwarto ako ni Chris natulog. 6 years old pa lang si Chris ng mga panahong ito, pero ang batang ito, mas matalino pa ata sa akin.

Tabi kaming natulog at magdamag na nagkwentuhan.

Habang nakahiga ako kanyang kama, at siya naman ay nakahiga sa katawan ko, tinatanong niya ako ng kung ano anong mga bagay.

"Papa, bakit dito ka natulog? Bakit hindi kayo magkasama ni mama? Magkagalit po ba kayo?" tanong sa akin ni Chris.

Napakainosente ng kanyang mukha habang nagtatanong, pero sa ganoong edad niya, ay tila naiintindihan niya na ang mga nangyayari.

"Hindi kami magkagalit, Chris. Nalock lang ako ng pintuan. Haha! Ayun, hindi na makapasok si papa sa loob." nakangiti kong sinabi kay Chris.

Biglang tumingin sa akin si Chris at ngumiti, at may naisip siyang paraan kung paano kami pagbubuksan ni Agatha ng pinto.

"Hindi ka papapasukin ni mama kapag narinig ka niya mag salita kaya quiet ka lang, papa. Pupunta tayong dalawa sa harap ng kwarto niya, tapos tatawagin ko siya. Sasabihin ko nagugutom ako at gusto ko ng food. Agad bubuksan ni mama 'yung pinto, tapos dadalhin kita agad sa loob. Okay ba 'yung plano natin papa? Hihi!" nakangiting sinabi sa akin ni Chris.

Napakabibo talaga nitong bata na 'to, kaya bilib na bilib ako sa taba ng utak nito ni Chris. Nagmana ata 'to sa akin talaga. Haha!

Pumunta na kami sa tapat ng kwarto ni Agatha at tahimik lang ako at hinayaan ko si Chris na gawin ang plano niya. Tumayo lang ako sa tabi niya at pinagmasdan siya.

Kumatok na siya sa pinto ng kwarto ni Agatha, at nagsalita.

"Mama! Nagugutom ako, pwede mo po ba ako paglutuan ng food?"

Hindi sumagot si Agatha at hindi kami pinagbuksan ng pinto.

Nag-isip ulit si Chris ng pwede niyang ipalusot.

"Mama! Hindi po ako makatulog. Pwede po ba ako tumabi sa'yo tapos kakantahan mo ako?"

Hindi pa rin kami pinagbuksan ng pinto ni Agatha. Nagulat ako dahil biglang umiyak si Chris ng malakas.

"Hindi na din ako love ni Mama! Ayaw niya na ako kasama!" naiiyak na sigaw ni Chris.

Click!

Biglang binuksan ni Agatha ang pinto. Pinunasan ni Chris ang mga luha niya at ngumiti sa akin ng palihim at binulungan ako, "Okay po ba, papa? Hihi! Ang galing ko!" nakangiting sagot sa akin ni Chris.

Napailing na lamang ako at nangiti dahil hindi siya naubusan ng plano.

Nang mabuksan na ni Agatha ang pinto, agad akong hinablot ni Chris at dinala sa loob ng kwarto, na siyang ikinagulat ni Agatha.

Habang hawak ni Chris ang kamay ko, hinawakan niya rin ang kamay ni Agatha. Dinala niya kaming dalawa sa kama upang humiga.

Magkatabi kaming tatlo na nakahiga at sa gitna namin si Chris. Nang mapansin namin na nakatulog na si Chris, kinusap ko si Agatha.

"Agatha, 'yung narinig mo kaninang umaga, wala akong balik na gawin 'yung gusto ng papa mo. Sumang-ayon lamang ako, pero gagawa ako ng paraan upang hindi matuloy iyon."

"Alam ko, A, nalungkot lang ako. Dahil kilala mo si papa at lahat gagawin niya. Kaya natakot ako sa kung anong pwedeng mangyari sa mga kaibigan natin. Hindi ko kakayanin kung mawala sila. Isa pa, napakabata pa ng anak nila para madamay sa mga ganitong sitwasyon."

"Matulog ka na, Agatha, hindi ko na din alam kung anong mangyayari bukas."

Sa mga puntong ito, hindi ko na din talaga alam ang gagawin ko. Tama ba na sumang-ayon ako sa plano ng papa ni Agatha? Alam ko may iba pang paraan, pero ano ito? Natatakot ako sa pwedeng mangyari.

End of Chapter 34

次の章へ