webnovel

Chapter 30: Bullet Saves the Day

Date: March 21, 2021

Time: 11:30 P.M.

"JIN!"

Hindi na mawari ni Chris kung anong mararamdaman niya sa isang pangyayaring hindi niya inaasahan. Pagmulat ng kanyang mga mata, ang katawan ni Jin na duguan at ang maamong mukha't naluluhang mga mata ang kanyang nasilayan. Biglang nanginig ang buong katawan niya, at nanghina tila kinuha na lahat ng natitira niyang lakas. "Hindi ko alam, pero sana, SANA, panaginip lang ang lahat. Panaginip lang ang nakikita ko... na ang Jin na nasarap ko ay hindi pa patay. Na namamalik-mata lamang ako at wala dito si Jin! Pakiusap, hindi ko kakayanin!" nasa isip ni Chris.

"Jin! Bakit ka nandito! Anong ginagawa mo!" sigaw ni Jon at hindi niya alam kung anong una niyang dapat na maramdaman—kung galit ba o pag aalala.

"Jin! Hindi Maaari!" Tila natulala ang matandang Rjay nang makita niya si Jin na nakahandusay na sa sahig at duguan. "Hindi... Hindi pwede to! Nasaan ang time machine? Ba—babalik ako!" Napapailing ang matandang Rjay at hindi niya na alam ang kanyang gagawin dahil sa hindi inaasahang pangyayari.

Dahil sa nararamdamang galit ni Jon sa hindi inaasahang pagpatay sa kanyang batang sarili, hindi niya na napigilan ang kanyang sarili at sinugod niya ang matandang Rjay at sinapak ito. Hindi kinaya ng matandang Rjay ang suntok na natamo niya kay Jon kaya nawalan ito ng malay.

Nang bumagsak ang matandang Rjay sa sahig at nawalan ng malay, agad nilapitan ni Jon ang batang Jin at lumuhod sa tabi nito.

"Jin! Jin!" sigaw ni Jon at pinipilit niyang wag mawalan ng malay si Jin.

"'Wag ka sumigaw, naririnig kita... Jin Tanda..."

nakangiti, ngunit nanghihinang sagot ni Jin, habang lumalabas na ang mga dugo sa kanyang bibig.

"Jin, 'wag kang matutulog! 'Wag kang susuko! Please! Kumapit ka lang!" sigaw ni Jon.

Tumawag na ng ambulansya si Jon at aligaga na siya.

Habang tumatawag si Jon ng ambulansya sa kanyang phone, hinawakan ni Chris ang mukha ni Jin.

Nang maramdaman ni Jin ang mga kamay ni Chris, ay nagsalita ito muli.

"Chris, pwede bang hawakan mo lang ako? Gusto ko lang maramdaman 'yung init ng mga kamay mo. Gusto ko lang maramdaman na nagtagumpay ako na mailigtas kita... hanggang sa huling sandali." nanghihinang sagot ni Jin habang nakatingin siya sa mga mata ni Chris at nakangiti.

"Hindi, Jin! Hindi pa ito ang huling sandali! Marami pa tayong gagawin. Marami pa tayong mga oras na pagsasamahan. Hindi na ako aalis at dito na lang ako sa tabi mo. Please, lakasan mo ang loob mo! 'Di ba sabi mo, mag se-set ka pa ng inuman? Iinom pa tayo nila Luna at Rjay gaya noong dati, hindi ba? Magsasaya pa tayo! 'Wag mo sabihin na susuko ka na!" naiiyak na sagot ni Chris.

Hindi na sumasagot si Jin at hindi na niya kaya pang magsalita dahil sa hirap ng kanyang nararamdaman. Ngumiti na lamang siya, pumikit at lumuha.

"Patawarin mo ko, Chris, ito na lang ang alam kong paraan, para mabuhay ka. Pasensya ka na, hindi ko alam kung hanggang kailan kakayanin ng katawan ko... pero, bago ako pumikit, masaya ako na makita kang buhay at alam ko na nailigtas kita, kahit buhay ko pa ang kapalit." nasa isip ni Jin.

"Arrhgg! Ang tagal! Nasaan na ba sila? Mukhang mamaya pa sila makakarating! Chris, kaya mo ba tawagan sila Mr. Jill para humingi sa kanila ng tulong?" aligagang sinabi ni Jon.

Kinuha ni Chris ang kanyang phone, at tinawagan si Mr. Jill, "Mr. Jill, pakiusap po, tulungan niyo kami! Nabaril po si Jin, bilisan niyo po hangga't maari!"

"Sige Sir Chris, papunta na kami dyan!" sagot ni Mr. Jill sa kabilang linya.

"Maraming salamat po, Mr. Jill—" napatigil si Chris sa kanyang pagsasalita, dahil napansin niya na may liwanag na unti-unting lumalakas sa loob ng madilim na building, tila mga liwanag na binibigay ng mga bituin sa gabing madilim.

Napatingin siya kay Jon  at unti-unti nang nagkakaroon ng kumikislap na liwanag na bumabalot sa katawan nito na siyang ikinagulat nilang dalawa.

"Ano itong mga liwanag na 'to?" tanong ni Jon.

Lalong bumuhos ang luha ni Chris dahil napagtanto niya na ang maaaring mangyari dahil sa pagkakabaril kay Jin.

"'Wag mo sabihing—" Nanlaki ang mga mata ni Jon dahil alam niya na ang mga susunod na mangyayari. Lumapit siya sa nakahigang katawan ni Jin at ginigising ito, "Jin! 'Wag ka muna susuko! Please! Gumising ka! Kailangan kita! Kailangan ka pa ni Chris!" sigaw ni Jon.

Wala ng magawa si Chris kundi ang maiyak sa mga pangyayari, dahil naiintindihan niya na ang susunod na mangyayari at ang epekto ng pagkamatay ni Jin.

Inilagay ni Jon ang mga kamay niya sa mukha ni Jin at pilit itong ginigising. Ngunit, may napansin siya sa mga kamay niyang nagliliwanag. Napapansin niya na unti-unti nang naglalaho ang kanyang mga kamay.

"Jin." Ang tanging nasambit na lamang ni Chris habang nakatingin siya kay Jon at umiiyak.

"Hindi pwede 'to! Hindi maaari!" Napapailing na lamang si Jon, dahil wala na siyang magawa at ang nasa isip niya ay hindi na niya makakasama si Chris.

Dahil sumusuko na ang katawan ni Jin, ay unti-unti nang naglalaho si Jon, hudyat na nagbabago na ang hinaharap. Dahil sa pagkamatay ni Jin, ang ibig sabihin nito ay wala na rin si Jon sa hinaharap at tila hindi na siya nag e-exist.

Huminga si Jon ng malalim at nginitian si Chris.

"Chris, pasesnya ka na. Hindi ito 'yung gusto kong mangyari. Hindi dapat si Jin ang mamamatay kung hindi ako. Gusto ko pa sana kayo makitang dalawa na magkasama bago ako mawala. Nagkamali ako, pero masaya ako na nakita kitang buhay bago ako mawala. Dahil doon, alam ko na hindi nasayang ang pagbabalik ko sa panahon na 'to. Pakiusap, 'wag mo papabayaan ang sarili mo, pati na rin si Bullet para sa akin. Alagaan mo siya ah? Pasensya ka na kung hindi ko na matutuloy 'yung inuman. Maraming salamat, Chris. Salamat sa pagmamahal na binigay mo sa akin. Kahit magkaiba tayo ng oras at panahon, ikaw pa rin ang Chris na mamahalin ko."

Ito ang mga huling salita ni Jon. Dahan-dahang nawala ang liwanag na bumabalot sa kanya at tuluyan nang naglaho ang kanyang katawan.

Hindi na kinaya ni Chris ang mga pangyayari. Hindi man lamang siya nakasagot sa mga huling salita ni Jon at iyak lang siya ng iyak at sinisigaw ang pangalan ni Jin.

Yakap niya na lamang sa madilim na kwarto ang katawan ni Jin. Katawan na hindi na gumagalaw at wala ng malay, ngunit nakangiti ito, tila naging masaya sa kanyang huling sandali.

"Jin! Hindi ko na alam ang gagawin ko! Bakit mo ko iniwan!" Iyak ng iyak si Chris habang nakayakap siya sa katawan ni Jin.

"Sir Chris!" sigaw ni Mr. Jill na kararating lang sa lugar ng pinangyarihan. Tumakbo siya kaagad papalapit kay Chris.

"Mr. Jill, wala na po siya... wala na si Jin." naiiyak na sinabi ni Chris.

Hindi na din napigilan ni Mr. Jill ang kanyang sarili at naiyak siya nang makita niya ang katawan ni Jin na wala ng malay.

"Hindi ko alam kung kakayanin pa ito ni Sir Chris. Ang isa sa pinakamahalagang tao sa buhay niya, wala na rin" nasa isip ni Mr. Jill, "Sir Chris, magpakatatag ka lang. Malalampasan din natin ito."

"Mr. Jill, ano na ang gagawin ko? Hindi ko na alam..." sagot ni Chris habang umiiyak.

Pumasok na ang mga paramedic at inilagay na si Jin sa isang stretcher.

Kinuha na rin ng mga pulis ang walang malay na katawan ng matandang Rjay na nakahandusay malapit sa labasan.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

Date: March 22, 2021

Time: 6:30 A.M.

Nasa kwarto lang si Chris at nakatulala sa kawalan, walang gana dahil sa mga nangyari at wala na rin siyang lakas. Dahil wala na si Jin, wala na rin ang ligaya na bumabalot sa kanya at bumalik na naman ang lungkot na kanyang dinadala ng matagal na panahon.

Habang nakaupo siya sa kama, tinitingnan niya lang ang painting ng dalawang tao na nasa harapan niya. Pinagmamasdan niya ang painting ng kanyang mama na si Agatha, at ang painting na pinagawa niya na dapat ay ibibigay niya kay Jin. Isang painting kung saan ang mukha ng isang batang Jin (6 years old) ang kaliwang parte at ang itsura ng Jin (21 years old) sa panahon niya ang nasa kanang parte.

Huminga ng malalim si Chris at tumayo. Lumapit siya sa painting ng mukha ni Jin at tinitigan niya lamang ito ng may lungkot sa kanyang mga mata.

Habang nakatingin siya sa mukha ni Jin, pinipilit niyang ngumiti ngunit kahit anong gawin niya, hindi mawala sa isip niya na makita ang dalawang Jin na mawala sa harap niya.

Hinaplos niya ang batang parte ng mukha ni Jin habang balisang balisa siya sa kanyang nararamdaman at patuloy na lumuluha. Habang hinahaplos niya lamang ito ng paulit-ulit, ay may biglang pumasok sa kanyang isip.

Pinunasan niya ang kanyang mga luha at inayos ang kanyang sarili. Lumabas siya ng kanyang bahay at naisipang tumungo sa bahay ni Jin.

"Hindi pa huli ang lahat, Jin. Kung nagawa mong makabalik sa oras na 'to... ako naman ang babalik para sa'yo. Kung nagawa mong baguhin ang nakatakda, 'yun din ang gagawin ko para sa'yo. Hintayin mo ko."

Nang makarating siya sa tapat ng pintuan ng bahay ni Jin, nagulat siya dahil hindi ito naka-lock. Kaya pumasok siya sa loob at agad siyang nilapitan ni Bullet.

Hindi siya sanay na humawak ng pusa dahil natatakot siya na baka kumawala ito at malaglag, ngunit sa pagkakataong ito, hinawakan at kinarga niya si Bullet.

Hindi kumawala si Bullet at niyakap niya si Chris, at tila tinatawag ang pangalan ni Jin dahil iyak ito ng iyak at hinahanap ang kanyang amo.

Naluha si Chris nang kargahin niya si Bullet at kinausap ito.

"Pasensya ka na Bullet, dahil sa akin, nawala si Jin, nawala 'yung mag aalaga sa'yo. 'Wag ka mag alala,  nandito ako. Hindi kita papabayaan gaya ng bilin sa akin ni Jin. Ikaw na lang 'yung natitirang alaala ni Jin para sa akin." naiiyak na sinabi ni Chris.

Binaba niya si Bullet at ipinatong ito sa sofa. Pinunasan niya ang kanyang luha at huminga ng malalim.

"Dadalhin ko siya dito, Bullet, ibabalik ko siya. Hindi pa tapos itong laban na 'to."

Lumabas si Chris sa bahay ni Jin, at tumungo sa laboratory. Pagbukas niya ng pinto ng laboratory, nagulat siya sa kanyang nakita. Nadatnan niya ang mga kasama niya sa Operations team, ngunit lahat sila ay malungkot habang inaayos at ginagawa ang time machine.

Nagulat ang lahat nang makita nila si Chris, at biglang lumapit si Jade sa kanya at niyakap siya.

"Chris! Wala na si Jin..." naiiyak na sinabi ni Jade habang nakayakap siya kay Chris.

Hinaplos ni Chris ang likod ni Jade at binulungan ito,

"Ms. Jade, nagkakamali ka. Nandito pa siya at hindi pa huli ang lahat. May iniwan si Jin sa atin. Alam ko na ito ang sagot." bulong ni Chris.

Nagtaka si Jade sa sinabi ni Chris kaya pumiglas siya mula sa pagkakayakap at hinawakan niya ito sa magkabilang braso at tinitigan.

"Anong ibig mong sabihin, Chris? Anong iniwan ni Jin? Anong sagot?" nagtatakang tanong ni Jade habang maluha luha pa ang mga mata niya.

"Nandito, Ms. Jade, ang sagot. Nasa laboratory, ang Time Machine na determinado siyang matapos at ito ang sagot. Kung nakabalik si Jin dito sa oras natin para iligtas ako, kaya ko din bumalik sa oras para iligtas siya. Pero ngayon, sisiguraduhin kong dalawa kaming mabubuhay." nakangiting sagot ni Chris.

Niyakap muli siya ni Jade at nabuhayan ito ng loob. Habang yakap siya ni Jade, napaluha siya dahil nasasaktan siya sa kanyang balak gawin sa pagligtas kay Jin, ngunit hindi niya nais ipaalam sa lahat kung ano ang kanyang plano.

Humiwalay na si Jade mula sa pagkakayakap at kinausap si Chris tungkol sa paggawa ng time machine.

"Chris, kung babalik ka sa oras malamang matutulad ka kay Jin, na hindi makakabalik agad sa tunay na oras natin. 'Yun ang downside ng time machine." hirit ni Jade.

Ngumiti si Chris at sinagot si Jade, "'Wag ka mag alala, Ms. Jade. Nasabi na sa akin ni Jin na 'yun ang problema ng time machine. Noong nasa Japan ako, pinilit kong aralin ang tungkol sa mga pasikot sikot nito, at alam ko na kung paano ito magagawa na makakapunta tayo saan mang oras natin naisin at makakabalik pa rin tayo sa tunay na oras natin. Dahil binigay na sa atin ni Jin kung paano buuin ang time machine, mas mapapabilis ang pagbuo natin dito, at tutulong ako at gagawin ko ang lahat para maging matagumpay ito."

Pinunasan ni Jade ang kanyang mga luha at nginitian si Chris.

"Chris, natutuwa ako sa'yo. Nakikita ko siya sa'yo ngayon. Nakikita ko si Jin sa'yo."

"Ms. Jade, makakasama niyo ulit siya." nakangiting sagot ni Chris.

Nag okay sign na si Jade, hudyat na handa na silang gawin ang lahat. Huminga siya ng malalim at inayos ang kanyang sarili, "Okay guys!" Pumalakpak si Jade upang maagaw ang attention ng lahat ng nasa laboratory, "'Wag tayong malungkot! May pag-asa pa tayo para mabalik si Jin! Nandito si Chris, siya ngayon ang magiging in-charge pagdating sa pag buo ng Time Machine. Para sa mga kakakilala lang kay Chris, mukha lang siyang bata kumpara sa atin, pero ang utak niyan, mas advanced pa sa ating lahat. So Go Go Go! Kaya natin to! Chris, ibibigay ko muna sayo ang floor at gusto ko na mag announce ka." nakangiting hirit ni Jade.

Nakatingin ang lahat kay Chris at hinihintay ang sasabihin niya. Pumunta si Chris sa gitna at kinausap ang lahat.

"Hindi pa huli ang lahat. Nandito pa ang sagot, nandito ang time machine na siyang magbabalik sa buhay ni Jin. Gagawin ko ang lahat para maging matagumpay ito. Sinisigurado ko na this time, wala ng magiging problema." sagot ni Chris sa lahat.

Inabot ni Jade kay Chris ang concept at ang planning material na ginawa ni Jin para sa pag buo ng time machine.

Kinuha ito ni Chris, umupo sa sahig at pinagaralan mabuti. Habang binabasa niya ang planning material ay tinitingnan siya ng lahat.

Ang iba ay natatawa dahil tila parang nagbabasa lamang si Chris ng isang novel book at tila kinikilig, dahil nakangiti siya habang binabasa niya ang planning material.

Tinanong ni Jade si Chris, "Chris? Bakit ka natatawa d'yan? Para kang kinikilig. May message ba si Jin na hindi namin alam at hindi namin nadecode na ikaw lang ang nakakagets?" hirit ni Jade.

"Wala naman, Ms. Jade. Nakita ko na kung anong kulang sa planning material ni Jin. Kung paano makakapunta kahit saan at naisin mang bumalik sa tunay na oras. Dala ko ang mga equipment at advanced technologies na dinala ko mula sa Japan na magiging malaking tulong dito." nakangiting sagot ni Chris sa lahat.

"Iba ka talaga, Chris! Hanggang ngayon, napapabilib mo pa rin ako sa talino mo!" natutuwang sinabi ni Jade.

Biglang may babaeng nagsalita sa pinto ng laboratory na siyang pinagtinginan ng lahat.

"Sandali lang! May nakakalimutan kayo!" sigaw ng babaeng nakatayo sa pinto ng laboratory. Agad niyang tinakbuhan si Chris at niyakap ito, "Chris! Ngayon na lang kita nakita, please, ibalik natin si Jin!" naiiyak na hirit ni Luna.

"'Wag ka mag-alala, Luna. Ang sabi sa akin ni Jin, mag se-set daw siya ng inuman ulit na parang katulad lang ng dati. Kaya magtiwala ka at matutupad 'yon. Wala pa siyang pangako na hindi niya natutupad." nakangiting sagot ni Chris.

"Tutulong ako, Chris, kahit hindi ako magaling sa mga technical aspects, pero alam ko kung saan ako makakatulong." hirit ni Luna

"Saan naman, girl?" nakangiting tanong ni Jade.

"Pahiram ako ng planning material ni Jin." hirit ni Luna.

Tiningnan ni Luna ang planning material na ginawa ni Jin at pinagmasdan ang itsura nito.

"'Di ba project din to ng company bukod sa pagligtas natin kay Jin?" tanong ni Luna.

"Oo, tama ka doon, Girl." hirit ni Jade.

"Wala talagang taste si Jin pagdating sa design! Hindi presentable ito! Hayaan niyo, hindi man ako magaling sa technical, pero matutulungan ko kayo pagdating sa design ng time machine! Para mas mapaganda ito at mas maging convenient sa gagamit." nakangiting sagot ni Luna.

"Girl!" hirit ni Jade.

"Girl!" sagot naman ni Luna.

Nagyakapan ang dalawa sa tuwa, dahil magtutulungan na naman silang dalawa sa pagkakataong ito. Hindi dahil may balak silang paalisin lahat ng lalaki na lalapit kay Chris, kung hindi para sa pag buo ng time machine na siyang tutulong upang maibalik ni Chris si Jin.

Tiningnan na ni Chris kung ano ang estado ng time machine, at kung ano na ang kanilang nagagawa.

"Hmmm, Ms. Jade, sa plano ni Jin, sinimulan niyo ito ng July 2020 at maaaring matapos ng December 2021, tama ba ko?" tanong ni Chris kay Jade.

"Oo, 'yun ang sabi ni Jin. 'Yun na daw ang pinakamaikling oras na kaya niyang ibigay para mabuo 'yung time machine." sagot ni Jade.

"Okay! Kaya natin 'to! Kaya nating mas mapabilis ang paggawa nito. Kaya nating paikliin ito gamit 'yung mga dala kong advanced technologies at mga pag-aaral ko. Malamang sa malamang, matatapos natin ito bago mag July 2021. Pasensya na kayong lahat, pasensya ka na Jin, kung maghihintay ka pa ng onting panahon. Hindi kami susuko." sagot ni Chris.

"Ano ka ba, Chris! 'Wag ka mag sorry! Hindi mo ba alam na sa pagpapaikli mo ng timeline sa pag gawa ng time machine, mas pabor ito! Tsaka, kaya natin 'to!" hirit ni Jade.

Pinatong ni Jade ang kanyang kamay sa kaliwang balikat ni Chris, at ganoon din si Luna na pinatong naman ang kanyang kamay sa kanang balikat ni Chris at nginitian nila ito.

"Kasama mo kami, Chris, 'wag kang matakot. Kung panghinaan ka ng loob, sabihin mo lang, kami ni Ms. Jade ang magpapalakas ng loob mo!" naiiyak na sinabi ni Luna habang nakangiti rin siya, dahil magkahalong tuwa at lungkot ang kanyang nararamdaman.

Niyakap ni Jade si Luna upang icomfort ito.

"Tara na nga! Baka puro iyak na lang ang gawin ko dito! Let's go, Chris!" hirit ni Luna.

Nagsimula na ang lahat upang gawin at buuin ang time machine. Itinuro sa kanila ni Chris ang mga dapat ayusin at mga dapat gawin, at agad naman itong nakuha ng iba.

Seryoso si Luna sa pagbuo ng design ng time machine at pinapakita niya ito kay Chris para sa mga revisions at upang mapaganda pa ang mga detalye kung kinakailangan. Ang iba naman ay abala na sa pag buo ng transporter at iba pang mga electronics at circuits na kakailanganin nila.

Nang matapos na ang shift ng araw na iyon, ay nagsiuwian na ang lahat at si Chris na lamang ang natirang tao sa laboratory.

Kahit gabi na at wala na ang lahat, tuloy pa rin si Chris sa pag buo ng time machine. Hindi niya iniinda ang pagod. Hindi rin siya makatulog ng maayos dahil pag nakapikit siya ay naaalala niya lamang si Jin.

Hindi na rin umuuwi si Chris sa kanilang bahay at doon na rin siya nag stay sa bahay ni Jin upang maalagaan na rin si Bullet.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

Date: March 23, 2021

Time: 7:00 A.M.

Inabutan na ang araw si Chris at gising pa rin siya kahit na malalim na ang kanyang mga mata, tuloy pa rin siya sa pag buo ng time machine.

Kararating lang din nila Jade at Luna sa laboratory, at agad nilang pinuntahan si Chris.

"Chris! Natulog ka ba?" nagaalalang tanong ni Jade.

Tumingin lang si Chris kay Jade at ngumiti.

"Chris! Alagaan mo 'yung sarili mo! Tingnan mo, ang lalim na ng mga mata mo, tsaka namumutla ka na rin! Kumain ka ba?" tanong ni Luna.

Hindi sumagot si Chris at ngumiti lang rin kay Luna. Napailing na lamang ang dalawa at nagaalala para kay Chris, nang bigla itong nawalan ng malay at bumagsak sa sahig.

Nagpanic ang dalawang babae at kinabahan nang makita nilang bumagsak na ang katawan ni Chris dahil wala pa itong tulog at hindi pa rin ito kumakain, kaya nanghina ang katawan niya.

"Girl! Si Chris! Buhatin natin! Dalhin natin sa kwarto ni Jin!" aligagang sinabi ni Jade.

Binuhat nilang dalawa si Chris papunta sa loob ng bahay ni Jin.

"Buti na lang magaan lang si Chris, jusko! Tayong dalawa pa naman 'yung nandito lang!" hirit ni Luna.

Nang makapasok na sila sa bahay ni Jin, ay inihiga nila si Chris sa kama at ipinagluto ng dalawang babae si Chris ng makakain, upang pag gising nito ay makabawi ito ng lakas.

"Girl, hayaan muna natin magpahinga si Chris. Feeling ko pag gising niyan, pupunta agad 'to sa laboratory para ayusin 'yung time machine." hirit ni Jade.

Biglang nagbuntong hininga si Luna at nagsalita, "Nalulungkot ako para kay Chris. Pinipilit niya 'yung katawan niya. Hindi niya ba alam na pag hindi kinaya ng katawan niya at nagkasakit siya, baka hindi na natin mabalik si Jin." hirit ni Luna.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

Time: 5:30 P.M.

Nagising si Chris na may mga luha sa kanyang mga mata. Hindi niya alam kung bakit, pero pag gising niya ay napakabigat ng kanyang nararamdaman. Gusto niyang umiyak, ngunit pinipigilan niya na ang kanyang sarili, dahil gusto niya maging matatag.

Nilapitan siya ni Bullet at tumalon sa kama kung saan siya nakahiga, at tumabi ito sa kanya.

Niyakap ni Chris si Bullet at kinakausap niya ito.

"Hi, Bullet."

"Meow."

"Hi, Bullet, miss mo na ba... ako?"

Hindi na kinaya ni Chris at tumulo na naman ang kanyang mga luha, dahil naalala niya ang pangyayari na ito noong magkausap sila ni Jin sa phone.

Hindi na napigilan ni Chris at umiyak na naman siya, tila hindi pa rin maalis sa kanyang isip ang pagkamatay ni Jin, at kung paano naglaho ng tuluyan si Jon sa kanyang harapan. Tila dalawang beses niyang nasilayan ang pagkawala ni Jin sa isang gabi.

Habang nakayakap lang si Chris kay Bullet ay biglang itong kumawala sa pagkakayakap at tumalon sa sahig.

Nagtataka si Chris dahil biglang gumawa ng ingay si Bullet habang nakaharap ito sa kanya at tila tinatawag siya nito.

"Ano 'yun, Bullet? Nagugutom ka na ba?"

"Meow"

Tumayo si Chris sa kama, pinunasan ang kanyang mga lumuluhang mata at nagunat. Lumabas siya ng kwarto at tumungo sa kitchen upang hanapin kung saan nakatago ang catfood ni Bullet.

Habang hinahanap niya ito, napansin niya na parang mag kumakaluskos na tunog mula sa isang cabinet na nasa living room. Pinuntahan niya ang tunog at nakita niya si Bullet na may kinukuha at gustong buksan ang isang cabinet na naka sarado.

"Ahh. Baka nandito yung food ni Bullet? Saglit lang Bullet ah?"

Lumapit si Chris sa cabinet at kanya itong binuksan. Hinanap niya kung may pagkain sa loob, ngunit wala siyang nakita. Ngunit, may nakita siyang pamilyar na gamit, at kinuha niya ito.

"Sandali, hindi ba bag ito ni Jin?"

Binuksan niya ang bag at nakita niya sa loob ang kanyang phone na siyang ipinagtaka niya.

Kinapa ni Chris ang kanyang bulsa ng pantalon at nagtaka, "Huh? Bakit may phone si Jin na kaparehas ng sa akin?"

Binuksan ni Chris ang phone na nakita niya sa bag ni Jin at sinubukang gamitin ang sarili niyang passcode.

0-4-0-6 Phone unlocked!

Nagulat siya dahil na unlock niya ang phone. Dito na napagtanto ni Chris na ang phone na ito, ay phone ng Chris sa panahon ni Jon.

Una niyang tiningnan ang gallery, dahil gustong gusto niya makita kung ano ang mga ginawa ng Chris na nakasama ni Jon.

Una niyang nakita ang pictures ng lugar na ayaw niya ng balikan, ang madilim na lugar ng building sa 306 St. Sta. Mesa. Binura niya na ito dahil nasasaktan lang siya kapag nakikita niya ito. Pagkatapos ay tiningnan niya pa ang ibang mga photos at napangiti siya. Bigla siyang namula at nahiya sa kanyang sarili, dahil nakita niya ang mga selfies ng Chris na may ari ng phone—ang mga selfies na nakatopless siya.

"Kahit pala sa ibang panahon, iisa lang din ang ginagawa ko pag mag isa lang ako sa kwarto ko!" Napa-face palm na lang si Chris at tumatawa mag-isa.

Nag browse pa siya ng mga saved na pictures, at nakita niya rin ang mga pictures na nakita ni Jin. Mga photos na magkasama silang lahat sa Jinny's noong pasko, ang Kanaway beach noong September at ang mga stolen photos ni Jon.

Nagsimula na naman tumulo ang mga luha ni Chris, dahil ito ang mga panahon na wala siya at nasa Japan siya. Naiinggit siya sa Chris sa panahon ni Jon dahil magkasama sila palagi.

"Naiinggit ako sa'yo, Chris. Nakasama mo si Jin, at hindi mo kinailangan na umalis papuntang Japan para lang hindi magkagulo ang lahat. Napakasaya mo siguro ng mga panahon na 'to."

Pinasok niya na ang phone sa bag, at tiningnan ang iba pang mga gamit na nakalagay dito.

Nakita niya ang picture ng kanyang mga magulang, sina Mr. A. at Agatha, kasama ang mga magulang ni Jin na sina Althea at John.

Nakangiti si Chris habang tinitingnan niya ang picture at bigla niyang tiningnan ang likod ng picture at nagtaka siya sa kanyang nakita.

"Jin Torres, Photographer... January 2000." Biglang napaisip si Chris sa nakita niyang pangalan. Tiningnan niya mabuti ang sulat, dahil namumukhaan niya ang handwriting ni Jin, "Bakit 2000 ang nakalagay dito? Ang pagkakatanda ko, bumalik si Jin dito bilang si Sir Jon noong March 2020. Pero bakit nakasulat dito ay January 2000? Ibig bang sabihin nito, bumalik si Jin sa oras na buhay pa sina mama? At kung bumalik siya ng oras na 'to, ibig sabihin may isa pang Jin na bumalik sa oras at matanda na siya!"

Tiningnan pa ni Chris ang mga gamit sa loob ng bag at nakita niya rin ang sulat ni Senior Jin.

Binasa ni Chris ang nakapaloob dito, at tama nga ang kanyang hinala, na bumalik nga si Jin sa panahon na buhay pa ang kanyang mama.

"Pero, anong naisip niya at bumalik siya ng ganoong katagal na panahon kahit alam niya na tatanda siya? Jin, pasensya ka na, dahil sa akin, nahirapan ka na naman. Hindi ko alam na tiniis mo ang ganoong katagal na panahon at pinili mong makulong sa nakaraan para lang sa akin."

Tinago niya na ang letter na mula kay Senior Jin sa bag, at napansin niya na may niyayakap na papel si Bullet.

"Bullet? Ano yang papel na niyayakap mo? Pahiram ako."

Dahan-dahang kinuha ni Chris ang papel na yakap ni Bullet, dahil baka masira ito kapag kinuha niya ito ng biglaan.

Binasa niya ang nakasulat sa papel...

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

Isang sulat para sayo, Chris,

Paano kung isang araw, paggising mo, wala na ang taong pinakamamahal mo?

Oo, masakit at mas pipiliin mong mawala na lang din kaysa mabuhay ng hindi siya kasama.

Pero, paano kung mayroong paraan, Chris? Paraan para baguhin ang nakatadhana? Handa ka ba na harapin at isugal ang buhay mo para sa taong mahal mo mabuhay lang siya muli?

Para sa akin, hindi ko inakala na hahantong ako sa ganitong sitwasyon, na hahamakin ko ang lahat para sa pagmamahal. Kahit pa kalaban ko ang oras at ang panahon, makasama ka lang.

Gaya ng lagi kong sinasabi, ako ang bahala sa'yo.

Matagal tagal na panahon na rin ng huli kitang makasama. Sa oras na mabasa mo itong sulat ko, tandaan mo na lagi akong nandito para sa'yo.

Kahit saan.

Kahit anong oras.

Kahit anong panahon.

Alam ko hindi pa huli ang lahat, Chris. Ang pagmamahal ko sa'yo, walang hanggan. Naniniwala ako, magkikita pa tayo ulit. Hindi ko man alam kung paano, pero gagawa ako ng paraan.

Isang araw, mababasa mo rin itong sulat ko, at pag nangyari 'yun, ibig sabihin ay nagtagumpay ako at kung matagpuan mo man itong sulat ko at wala ako sa tabi mo, 'wag ka mag alala, Chris.

Sabay nating hanapin ang isa't isa.

Jin Torres

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .

Pagkatapos mabasa ni Chris ang sulat, huminga siya ng malalim, at ngumiti.

"Jin, Ito naman ang oras ko, para hanapin ka." Tiningnan niya si Bullet at ngintian ito, "Bullet, thank you. Dahil sa'yo, natagpuan ko itong letter ni Jin. Basta talaga pagdating sa gamit ni Jin, o basta amoy ni Jin, talagang nahahanap mo. Bakit gustong gusto mo si Jin? Hmmm."

Kinarga ni Chris si Bullet at tiningnan niya ito sa mga mata. Pumikit dahan dahan si Bullet at napansin ito ni Chris. Naalala niya ang sinabi sa kanya ni Jin, na kapag tumitig ka sa mga mata ng pusa at dahan dahan itong pumikit, ito'y isang paraan nang paghalik nila. Kaya naman ay pumikit din dahan-dahan si Chris bilang pagbalik ng kiss kay Bullet.

Binaba niya na si Bullet, at itinabi na ang bag sa loob ng cabinet. Ang tanging kinuha lamang ni Chris ay ang letter na mula kay Jin at nilagay niya ito sa loob ng kanyang wallet.

Tumayo si Chris at lumabas ng bahay ni Jin. Tumingin siya sa mga bituin sa langit at ngumiti.

"Sabay nating hahanapin ang isa't isa, Jin. Magkikita ulit tayo balang araw. Handa na ko at handa na ang sarili ko. Nakapag desisyon na ko."

End of Chapter 30

次の章へ