webnovel

ALEXANDER

Nasa kalagitnaan kami ng pagtatalo kung sino ang magsasabi kay Liane ng tungkol sa dapat naming gawin. At ang desisyon naming dito na siya patirahin upang mas mabantayan namin siya mula sa nagbabadyang panganib.

Nang sabay-sabay kaming mapatayo dahil sa isang malakas na sigaw na nagmumula sa itaas ng bahay. Bago ko pa mamalayan ang nasa tapat na ako ng pinto at walang pasintabing pabalibag kong binuksan ang pinto.

Nabungaran namin si Liane na panay ang paling ng ulo habang mahigpit na nakakapit ang mga kamay sa ulo. Panay rin ang sigaw nito na para bang may kung anong kinatatakutan.

"Liane!" Sigaw ko ng makalapit at makasampa sa kama. Kitang-kita kong naliligo na rin ito sa sariling pawis. At hindi man lang natinag sa sigaw ko. "Liane!" Muling sigaw ko. Hinawakan ko na rin ito sa magkabilang braso at marahang niyugyog. "Liane! Gumising ka! Liane!"

"Huwag!" Sigaw nito bago tuluyang magising.

"Liane, isa lang iyong masamang panaginip…" alo ko rito habang niyayakap ito ng mahigpit.

"Hindi… hindi…" bulong nito habang mahigpit na nakayakap sa akin at walang tigil sa pag-iyak. Ramdam ko ang mabilis na tibok ng puso nito, maging ang paghahabol nito ng hininga na para bang pagod na pagod ito. Nasa ganoon kaming ayos ng maramdaman ko ang paggalaw ng kama, tanda na umupo na rin ang mga kapatid ko.

"Ssshhh…" Nang humupa ang pag-iyak nito ay naramdaman kong bahagyang lumuwag ang mga braso nito sa katawan ko. "Okay ka na?" Usisa ko habang hinahawakan ang mukha nito ay pinapahid ang mga luha. "Gusto mo bang sabihin kong ano'ng napanaginipan mo?"

Nanatili itong tahimik na nakatitig sa mga mata ko, at kitang-kita ko ang pag-aalinlangan sa mga iyon. Pagkatapos ay mariin itong napapikit bago muling yumakap sa akin at sumubsob sa hubad ko pa ring dibdib. At dahil sa pagtama ng mainit nitong hininga sa dibdib ko ay hindi mapigilang makaramdam ng pag-iinit ng katawan. Alam kong hindi ko dapat nararamdaman ang ganito sa mga oras na iyon. Lalo na at mayroong hindi magandang nangyari kay Liane.

"Kapag handa ka na, sabihin mo lang sa amin. Okay?"

"Hindi `yon isang panaginip… alam kong hindi iyon panaginip…" bulong nito sa nanginginig na tinig. Naramdaman ko rin ang panginginig ng katawan nito.

"Ano'ng ibig mong sabihin?" Nagtatakang tanong ko na bahagya itong inilayo sa katawan ko upang makita ang reaksyon nito. Nakita ko sa mga mata nito ang labis na takot nang salubungin nito ang mga mata ko.

"Liane? Ano'ng ibig mong sabihin?" Nag-aalalang tanong ni Jake na hindi na nakatiis at lumapit na sa kaliwang bahagi ni Liane. Nabaling ang takot na mga mata ni Liane kay Jake at dinig na dinig ko ang marahas na paghugot ng hininga nito. "Liane?"

"Hi-hindi ko alam kung paano ko sasabihin, dahil kahit ako ay hindi ko rin maintindihan ang mga nangyari…"

"Sabihin mo sa amin para matulungan ka namin," sabi ko rito habang hinahawi ang magulo at basa nitong buhok dahil sa pawis.

"Baka hindi kayo maniwala."

"Paanong hindi kami maniniwala? Eh, may nagawa na nga kami sa iyo na mahirap mapaniwalaan, 'di ba?" Sabat ni Chris mula sa likuran ko.

Ilang sandali muna itong hindi umimik bago huminga ng malalim at nagpatango.

"Tama… Kailangan ko na rin talagang sabihin sa iba ang naranasan ko dahil pakiramdam ko ay mababaliw na ako."

"Sabihin mo at pakikinggan ka namin," udyok ko habang umaayos ng upo sa kabilang side nito.

"Hindi ko alam kung paano nangyari pero alam kong hindi iyon panaginip. Hindi panaginip ang nasaksihan ko kagabi..." simula nito na bakas ang panginginig ng tinig at napayakap pa ito sa sarili.

"Ano'ng nangyari?" Kunot-noong tanong ko dahil ang naaalala ko ay pinuntahan namin siya kagabi habang tulog siya.

"Nagkaroon ako ng isang napakasamang bangungot. At kahit anong pilit kong ipagsiksikan sa sarili ko na hindi iyon totoo ay iba ang mga nakita at naramdaman ko nang magising ako kaninang umaga."

"Ano'ng nasaksihan mo?" Usisa ni Sam na seryosong nakatitig kay Liane na nakatulala sa kawalan na para bang nasa harap lang nito ang lahat at muling nasasaksihan.

"Nakita kong nakatayo ako sa labas ng apartment... Tahimik at madilim ang paligid nang may marinig akong malakas na sigaw na humihinga ng tulong. Bago ko pa mamalayan, kusa ng humahakbang ang mga paa ko patungo sa direksyon na pinagmulan ng sigaw hanggang sumapit ako sa lugar malapit sa may arko. Dahil madilim tanging anino lang ang nakikita ko at ang sigaw ng isang babae lang ang tanging ingay. Hindi ko alam kung anong nangyayari hanggang sa unti-unting kumalat ang liwanag ng buwan at tumambad sa akin ang, ang..."

Nagulat kaming apat ng bigla na lang itong humagulgol at lalo pang tumindi ang panginginig ng katawan.

"Liane... kung hindi mo pa kaya maiintindihan namin." Nag-aalalang sabi ko. Gustuhin ko mang hawakan at yakapin ito ay hindi ko magawa sa takot na baka bigla itong magwala. Pero parang walang narinig na muli itong nagpatuloy sa pagsasalita.

次の章へ