webnovel

Innocentia - Chapter 19

Nang ako'y makapasok ng throne room ay hindi ko na pigilang lumuhang nakayuko. Agad akong nakita ni Ilrian na mabagal na naglalakad patungo sa kanyang dako. Napatayo siya sa kanyang upuan at agad na nagtungo sa akin. Tumigil na lang akong hinintay siyang makalapit.

"Bakit?" ang nag-aalala niyang tanong sa akin. Mula sa kaibuturan ng aking dibdib ay pilit kong tinago ang sakit at nagpanggap na malamig sa kanya.

"Ilrian, kailangan mo na bumalik sa mundo ng mga tao. Kailangan mo na doon mamuhay. Tanggapin mo na tao ka na lang. Hindi na tayo pwedeng magsama pa. Kalimutan mo na lang ako.... Hindi na kita mahal..." ang nanginginig kong sambit sa kanya. Di ko siya matitigan ng mata sa mata dahil sa hindi ito ang tunay na nilalaman ng aking damdamin. Isang malaking kasinungalingan upang mailayo lamang siya sa kapahamakan.

"H-ha? Ano sinasabi mo, Ianus?" ang tanong niyang di ko masagot. Agad bumakas sa kanyang mga titig na naguguluhan siya.

Dahil sa hindi ko siya sinagot ay namula agad ang mukha ni Ilrian sa hindi pagkapaniwala't bahagyang napapailing habang nakatitig sa akin. Hindi ko isa-isang pumatak ang aking mga luha't tumulo sa sahig. Hinawakan ako ni Ilrian sa magkabilang balikat at pinisil-pisil.

"H-hindi a-ako n-naniniwala sa mga sinasabi mo! A-anong dahilan?! Sabihin mo sa akin bakit mo gustong mangyari ito?! Sabihin mo, Ianus!!!" ang giit niyang napalakas ang kanyang boses ngunit hindi ako makasagot dahil pilit kong pinipigilan ang aking sariling bumigay at mabalewala lang ang aking balak na ilayo si Ilrian mula sa akin. Masakit man para sa akin ang aking mga sinabi ay pilit kong tiniis ito. Hanggang doon na lang ang aking kayang sabihing kasinungalingan para sa kanyang kabutihan. Parang kong hinihiwa ang aking dibdib sa mga sandaling iyon.

Niyakap niya ako ng mahigpit na parang wala ng bukas na at akong pakawalan. Pilit kong kumalas sa kanya ngunit lubos na mas malakas siya sa akin dala ng kanyang matipunong pangangatawan. Napahagulgol ako sa kanyang dibdib at marahang pinukpok ito ng aking dalawang kamao.

"Hindi na tayo dapat magkita pa, Ilrian. Kalimutan mo na ako. Hindi natin dapat ipinagpatuloy pa ang relasyong ito mula noong una dahil sa aking katungkulan at bantay lang kita. Isa pa, kahit sa mundo ng mga tao, hindi pwede magsama ang dalawang pareho ng kasarian!"

"Hindi ako naniniwala't ayaw kong makinig sa mga sinasabi mo, Ianus. Alam kong mahal mo ako't ginagawa mo lang ang lahat ng ito! Sabihin mo sa akin ang dahilan! Di ba pinangakuan natin ang isa't-isa na lalabanan natin ang tadhana ng sabay? Nandito na ako ngayon sa tabi mo bakit sa tagal ng panahon na hinintay mo't paghahanap sa akin ay lalayo ka rin sa akin? Ang gulo mo!!" ang may panginginig sa tono niyang nasabi sa akin. Tinignan ko ang mga mapait niyang mga titig ng aking mga desperadong mga mata. Alam niyang di ko kayang itago ang katotohanan sa kanya.

Sa isang iglap, mariin niyang isinubsob ang kanyang mga labi sa akin. Pilit kong itinikom ang aking mga labi't sinabayan ng lalong pag-agos ng aking mga luha't napapikit. Upang matigil si Ilrian ay iniwas ko ang aking mukha sa kanya. Nabitiwan niya ako mula sa kanyang mga bisig ng sabayan ko ng pag-palag sa kanya.

Bago pa siya makasagot ay agad ko siyang pinailalim sa isang sumpa na lahat ng tungkol sa akin ay makakalimutan niya at ang tungkol sa pagiging isa niyang Sancti at ang buong Lucerna sa kumpas ng aking kanang kamay. Agad bumagsak si Ilrian sa mahimbing na pagtulog at bago pa siya lumagpak sa sahig ay sinalo ko siya sa aking mga bisig at niyakap ng mahigpit na humahagulgol sa matinding sakit na aking ginawa.

Sa isang iglap, kami'y parehong nasa loob na ng condo sa gilid ng kanyang kama at doon ko na siya ihiniga. Pinagmasdan ko munang maigi ang kanyang mukha sa huling pagkakataon. Matinding pait ang aking tinitiis habang nakatayo akong pinanonood siyang walang kaalam-alam na sa mga nakaraan namin. Ang ala-ala nami'y isinilid ko na lang sa aking puso't isipan at balang araw ay matatanggap ko rin na pasalamatan na minsan ay naging bahagi siya ng aking buhay.

Tinungo ko ang aparador at inilabas ang lahat ng aking gamit. Sunod noo'y nilinis ko na lahat ng bakas na maaaring magbigay ng duda kay Ilrian sa kanyang paggising sa kung kanino ang aking mga gamit. Nagbukas ako ng maliit na lagusan patungo sa Lucerna, sa paborito kong hardin at doon hinagis isa-isa ang aking mga gamit.

Nang ako'y matapos, lumapit akong muli sa gilid ng kama ni Ilrian at tinabihan siyang humiga.

Niyakap ko muna siya ng mahigpit at hinalik-halikan sa kanyang pisngi habang siya'y hilatang nakahiga't walang kaalam-alam. Para akong batang inagawan ng laruan sa mga sandaling iyon. Unti-unti kong naramdaman na nawawala na ang pagpapahalaga ko sa aking buhay.

"Ayoko na... ayoko na... kung ako lang ang papipiliin, Ilrian. Hindi na tayo nasa ganitong sitwasyon ngayon. Hindi kita kailangan iwasan. Ikaw ang naging dahilan ng aking buhay sa tinagal ng panahon. Masaya ako'y natupad ko ang pangako ko sa iyong hahanapin kita sa iyong muling pagkabuhay. Mabuti na wala na ang kapangyarihan mo, baka hindi na rin ako mabuhay matapos ng digmaang ito." ang hagulgol kong sinasabi sa kanya kahit alam kong di niya ako naririnig subalit ang puso ko'y naghuhumiyaw na iparinig sa kanyang kaluluwa ang aking nais.

"Patawad... mahal na mahal kita Ilrian pero hindi ko na kayang makita ka pa na mapahamak ng dahil sa ating pagmamahalan. Salamat sa lubos na pagmamahal at kaligayahang ibinigay mo sa akin. Hinding hindi kita makakalimutan kahit kunin man ang aking buhay. Ito na ang huli nating pagkikita, mami-miss kita ng sobra. Sana ako hindi mo ma-miss dahil baka wala na ako pag naalala mo ang lahat. Darating ang panahon na may makikilala kang mas higit pa sa akin. Magiging mas maligaya ka sa kanya. Patawad, Ilrian, mahal ko." sabay halik ko sa kanyang mga labi bilang huling paalam.

Matapos ang isang sandaling ninamnam ko ang pagkakataong makasama si Ilrian sa huling pagkakataon ay agad akong bumalik sa Lucerna at nagtungo agad sa hardin upang ibuhos ang masidhing sugat sa aking puso.

"Ergo Exculpo Meus Essentia!!" ang sigaw ko upang burahin ang aking bakas sa alala ng mga nakakakilala sa akin sa mundo ng mga tao. Sa madaling salita, pinatay ko ang aking sarili sa kanila.

Umalingaw-ngaw sa buong harding ang aking daing na halos pumunit na sa aking lalamunan habang ang pond kung saan ako umupo'y sinasalo ang bawat luha na pumapatak sa aking mga pisngi. Ang tanging kaligayahan na inasam ko'y di ko makamtan bagama't ako'y makapangyarihan.

Ilang buwan akong nagkulong sa hardin na puro ganoon lang ang aking ginagawa. Pagod na pagod man ako'y di pa rin mapukaw ang sakit sa aking dibdib kahit maraming marami na ang akin nailuha.

Si July...

Nagising akong lutang ang aking diwa. Napabangon ako bigla sa aking kama't nagulat kung bakit ako naroon sa mga sandaling iyon. Bukas ang ilaw ng buong sild.

Ang huling naaalala ko lang ay nasa mesa ako sa aking opisina't bigla na lang akong narito. Hindi ko alam kung paano ako nakarating dito at sa aking gunita'y magulo ang lahat ng aking ala-ala. Hindi ko maintindihan kung ano rin ang aking nararamdaman. Napakabigat ng aking dibdib na para akong nawalan ng isang mahalagang bagay o tao na hindi ko maintindihan. Nangigigil ako na hindi ko alam ang dahilan.

Nang tumayo ako'y napansin kong wala akong saplot ngunit wala na sa akin iyon dahil nagagawa ko rin matulog na walang saplot kung hindi nakaboxers.

Nilibot ko ang buong bahay at hindi ako mapakali kahit hindi ko alam ang aking hinahanap. Tinignan ko ang aparador, and mga cabinet, ang kusina, ang palikuran, lahat kahit ilalim ng aking kama'y sinilip ko. Hindi ko maintindihan ang aking sarili.

Nang mahalughog ko ang buong bahay ay nagpasya akong bumulagta muli sa aking kama't ipinagpatuloy ang aking pag-iisip, Nang maibaling ko ang aking tingin sa cabinet sa kabilang gilid ng kama kung saan nakapatong ang isang lampshade ay may nagtulak sa aking buksan ito. Agad bumulaga sa akin ang isang nakaframe na larawan na may kasama akong binatang kastilain. Masaya ko siyang lakap mula sa likuran at pareho kaming nakangiting nagtititigan habang nakahiga kami sa damuhan sa isang park na hindi ko maalala kung kailan kinuha ngunit ang lugar ay parang pamilyar sa akin.

Lingo man ang araw na iyon at kinabukasan ay may pasok ako sa opisina'y nag-inom ako ng sobra dala ng gumugulo sa aking isipan at damdamin.

Kinabukasa'y pumasok ako ng bangag at wasak, tatlong oras akong nalate sa pagpasok sa opisina. Nang ako'y makapasok sa pintuan ng aming departamento'y nakita kong nagkokolorete pa rin ng mukha si Frida. Nakuha ko ang kanyang pansin at agad siyang napatingin sa akin kahit nakatutok pa rin sa kanyang mukha ang salamin ng kanyang compact powerder at lipstick naman sa kanyang labi.

Agad niya akong inirapan nang magkasalubong ang aming mga mata. Nagmadali akong lumapit sa kanya upang siya'y aking landiin ngunit nang mahawakan ko ang kanyang balikat ay agad niya itong tinapik ng malakas.

"Aray! Anong?!?" ang agad kong nasabing nagpataas sa isa niyang kilay.

"Lakas loob mo rin na hawakan ako no? Laki ng titi mo pero Lason ka! Lumayo ka sa akin! Dun ang desk mo hindi dito! Amoy alak ka! Galing ka nanaman siguro sa Malate no?" ang mataray niyang sinabi sabay turo ng kanyang mga tingin sa aking mesa. Napakamot ako sa inasal niya't nagtungo na lang sa akin mesa.

"Anong Malate? Bakit ako pupunta doon?" ang bulong ko sa aking isipan. Disoriented akong muli sa aking mga narinig mula kay Frida.

Nang makaupo ako'y biglang umawit si Frida na lubos kong ipinagtaka ang ibig niyang sabihin.

Agad na nagsalubong ang aking kilay sa inis. Humagalpak sa katatawa naman si Jessica habang pilit na tinatakip sa kanyang mukha ang tangan niyang folder na naglalaman ng ilan niyang binabasa.

Naglagatukan ang aking mga buto sa kamay matapos kong itikom ng mahigpit ang aking mga palad sa inaawit ni Frida. Sa mga sandaling iyon ay pumasok si Mark na may dalang mga bulaklak na pula ang kulay at abot tenga ang ngiti. Napakaweirdo ng kanyang mga titig sa akin habang siya'y naglalakad tungo sa akin. Sinundan siya ng tingin ng dalawang babaeng nasa aking paligid. Sa di kalayuan dahil sa nakatago sa isang divider ang desk ni George, nakita ko siyang tumayo't sumilip sa aming gawi sa mula sa kanyang kinaroroonan.

"Mga putang ina pala nitong mga ito eh." ang sabi ko sa aking sarili sabay kunwaring inabala ang aking sarili sa aking mga gagawin. Hinila ko ang maliit na cabinet sa aking ibaba't humugot ng ilang papeles bago makalapit si Mark.

Sa kanyang pagdating ay natahimik si Frida't tahimik silang nakinig ni Jessica sa magiging takbo ng aming usapan. Nanatiling nakangiti si Mark at nakatitig sa akin habang tangan ang mga bulaklak na kanyang hawak. Di ko siya pinapansin. Kunwari'y wala akong nakikita.

"Happy monthsary!" ang masigla niyang bati sa akin at agad nanlaki ang aking mga mata habang nakatitig ako sa papel na aking hawak at di ko pa nababasa.

Nang ipatong niya ang bugkos ng bulaklak ay agad ko itong kinuha at ibinato sa kanyang mukha bago siya paliparan ng isang malakas na suntok. Bumaligtad agad si Mark at tumumba sa sahig. Napatayo ang dalawang babae't napasigaw sa bilig ng mga pangyayari. Pinanood nilang nakahiga si Mark sa sahid na walang malay.

"Boyfriend mo sinapak mo!?!!?!? Anong sumapi sa iyo July?!!?" ang natatarantang sabi ni Jessica sabay tungo kay Mark upang alalayang makatayo.

Pumutok ang magandang labi ni Mark at umagos ang dugo mula rito. Panay ang punas niya ng kamay dito. Tumawa ng malakas si Frida't umawit muli ng "You're so gay and you don't even like boys". Pumitik ang kanyang linya sa aking tenga't dahil sa hangover ay...

"Punyeta! Itigil mo nga yan! Hindi ako bakla! Hindi kami ni Mark! Ano 'to? Joke?! May hidden camera ba sa paligid?! Putang ina niyo!" ang galit na sigaw kong umalingaw-ngaw sa buong department at narinig agad ito ni ma'am Sarah. Malakas na nabuksan niya ang pinto ng kanyang tanggapan.

"July! Here in my office. Now!" ang mariing utos niya sa akin. Napahiya ako sa kanilang lahat na nakatingin sa akin at nakayukong sumunod na lang ako sa opisina ng aming boss.

Sa loob, nauna siyang naupo't bumuntong hininga.

"Sit." ang utos niya't parang tutang natakot lang akong umupo sa isa sa magkaharap na upuan sa harap ng kanyang mesa. Nakayuko't gusto na magpalamon sa lupa ngunit mag masidhi pa ring galit sa aking damdamin kaya't gusto kong may mabanatan.

"Ano nangyari sa labas at ba't ka nagsisisigaw doon?" ang kunsimido niyang panimula.

"Pasensiya na po. Hindi na po mauulit." at nakabibinging katahimikan ang namagitan sa buong silid.

"Are you okay? You've been working hard more than ever mula nung naging kayo ni Mark. Do you need some time off? Take a week for yourself." ang malumanay nang alok niya sa akin.

"Sige po, ma'am. Salamat po." ang nangangalan kong tugon ngunit tingin ko'y makakabuti na rin iyon upang hanapin ang aking sarili.

"Okay, you can go home now. Leave give me what you have in right now and I'll pass it to Jessica." at tumango na lang ako sabay bangon sa upuan.

SA aking paglabas ay agad kong nilapitan si Mark na nakaupo sa aking upuan habang pinupunasan ni Jessica ng panyong binasa ng malamig na tubig ang kanyang labi. Napakagat labi ako't tinapik siya ng marahan sa kanyang balikat.

"Tol, pasensiya na. Naguguluhan lang ako sa mga nangyayari. Pasensiya na talaga." ang paumanhin ko ngunit halata sa aking tono na naiilang ako't naglakad na palabas ng opisina para umuwi. Pinabayaan ko na ang trabahong dapat ibinigay ko sa aking boss para maipasa sa iba. Pagdating ko sa aking condo ay bumungad agad sa akin ang magulo kong bahay. Ang mga naiwan kong bote sa sala, sa kusina at sa gilid ng aking kama. Nakaramdam agad ako na may kulang pero hindi ko alam kung ano iyon.

Bago ko ibalik ang susi ng pintuan sa aking bulsa'y napansin kong may duplicate ito. May nagtulak sa akin na iwan ko ito sa ilalim ng door mat sa labas bago ako tuluyang isarado ang pinto pagkapasok sa loob.

Nang lingunin ko ang loob ng bahay, dahil sa abot tanaw ang aking kama'y ang larawang nakaframe na itinayo ko kanina bago umalis sa tabi ng lampshade ang una kong nakita. Agad ko itong nilapitan at tinitigan. Doon ko na napagtanto na maaaring may kinalaman siya sa gumugulo sa aking damdamin at isipan ngunit hindi ko alam kung saan na ako maghahanap o saan ko siya hahanapin. Ngunit dahil doon, natauhan din akong maaaring kami nga ni Mark at may relasyon kaming dalawa.

Ilang araw akong nagpalipas sa bahay, nanonood ng TV habang umiinom ngunit iba ang lamang ng aking isipan. Lagi kong tangan ang litratong nakaframe na may kayakap akong lalaki at habang tinititigan ko iyon ay lalong tumitindi ang aking pangungulila sa kanya. Naligo ako, kumain, natulog, lumabas ng bahay upang may bilhin, hindi ko maintindihan ngunit gusto kong lagi kong katabi ang litratong iyon at maya't-maya'y aking tinititigan. Minsan pa'y nagawa kong halikan.

Pakiramdam ko'y walang direksyon ang aking buhay at may malaking butas sa aking pagkatao. Matinding lungkot na may dahilang di ko mahanap ang pinagkaugatan.

Gabi ng biyernes, hindi pa ako naghahapunan, tumawag sa aking telepono si Mark.

"July?" ang bati niya sa nag-aalangan niyang boses at bakas ang kalungkutan.

"Mark?"

"Nag-aalala na ako sa iyo."

"Pasensiya na, Mark. Naguguluhan ako ngayon."

"Sa atin? Pagtapos ng isang taon nating pagsasama na open relationship?"

"Hindi lang doon, kundi sa sarili ko. Pasensiya na talaga." kahit paano'y nakaramdam ako ng kunsensiya sa mga nangyayari sa akin apra kay Mark. Saglit na nahimik si Mark sa kabilang linya.

"Labas na lang tayo. Punta tayo ng Malate." ang yaya niyang may kaunting tuwa.

"B-bakit doon?"

"Di ba, sabi ko sa iyo, misan isasama naman kita sa mga pinupuntahan kong gimikan. Isang puwang sa mundo iyon para sa mga tulad natin." ang lambing niya.

"H-ha? Puwang sa mga tulad natin?" ang tanong ko sa aking sarili. "Meron ba nun?" dagdag ko.

"Puntahan mo na lang muna ako dito sa condo. Usap lang tayo." ang sabi ko sa kanya.

"Talaga?! Ayaw mo kong papuntahin diyan dati gusto ko na pumunta diyan noon pa! I love you!"

"T-teka! Alam mo ba papunta dito?"

"Oo! Hindi mo nga ako pinaaakyat di ba? Dami mong excuses dati. Tingin ko nahihiya ka lang eh."

"Ah ganun ba? O, sige. Hintayin na lang kita dito. Bihis ka na rin baka maisipan kong lumabas tayo. Hanggang anong oras ba yung pupuntahan natin?"

"Umaga! Bar yun! Disco bar!"

"O, sige. Dito ka na kumain. Magluluto ako." ang sabi ko sa kanya at binaba ang kanyang tawag.

Tamad na tamad akong tumayo't tumungo sa kusina upang magluto. Kaya ko naisipang isama si Mark sa pagkain ay upang matanong siya ng mga nalalaman niya tungkol sa akin at sa amin. Nagbabakasakali rin akong kilala niya ang binatang nasa litrato na hanggang sa pagluluto ay katabi ko pa rin at maya-maya'y tinititigan.

Dumating si Mark at katatapos ko pa lang maghain ng aming kakanin. Agad kong itinaob sa ibabaw ng mesang aming kakainan ang larawan kong may kasamang binatang hindi ko kilala. Habang kumakai'y di na ako nagpaligoy-ligoy pa.

"Mark, pano tayo naging tayo? I mean, sino nanuna?"

"Haller? Nagka-amnesia ka ba babe?"

"Sorry, siguro nga. Hindi ko alam. Gumising na lang ako ang gulo ng isip ko."

"Ikaw. Dun tayo sa lumang mansyon noon sa isang probisyang naging location natin. Lasing pa nga tayo pareho noon. Sa isang room lang tayo nagstay. Nung una akala ko nga straight na galit ka sa mga bakla. Hindi mo pa nga ako pinatulog sa room natin dati nung nasa resort tayo noon nung isang production natin kasi si Frida ang kasama mo. Pinapak kaya ako ng lamok kasi sa kubo ako natulog. Hindi ka na naawa sa akin noon."

"Paano naging tayo dun sa lumang mansyon?"

"Kumain tayo sa may karinderya dun along the highway, sinama mo ko. Ikaw ang may car sa ating dalawa eh. Sabi mo ayaw mo kumain kasi lutong pang feeding program ang pakain lagi sa atin ng company." habang nakatingala siya't abot tenga ang ngiti kahit kita sa kanyang mukha na may kirot pa rin siyang nararamdaman sa maliit na sugat sa kanyang labi dala ng aking kamao.

"Di ko maintindihan. I mean, paano nga?"

"Wala, you started to show me that you care habang kumakain. Then we spent our first night together sa kama mo doon. Pinatulog mo sa ibang kwarto si George since tatlo lang tayo noon sa room." ang kinikilig pa rin niyang sabi. Natahimik akong saglit pilit inaalala ang sinabi niya ngunit wala talaga.

"Eh..." ang pauna ko sabay kuha ng litrato't ipinakita sa kanya. Nasa akto na susubo na sana siya ng isang kutsarang kaning may ulam ngunit natigil siya bigla.

"Sino yan? Bago mo? Kaya naman pala. Sana hindi mo na lang ako sinuntok sa office. Cute siya ha at ang sweet niyo. Matinik ka pala maging player. Open relationship lang naman tayo tulad ng sabi mo eh." ang sagot niya at sabay subo na ng kanyang pagkain na nasabay pa sa bigla niyang pagtawang pigil. Sa kanyang naging reaksyon ay sigurado akong hindi niya kilala ang binata sa larawan na aking kasama. Matapos kaming kumain ay tinulungan niya akong magligpit. Habang nagliligpit ay di ko na napigilang sabihin sa kanya na.

"Mark, pwede bang... na friends lang tayo?" at natigilan siyang saglit.

"Okay lang, di ka rin naman magaling na jowa. Basta ako ang nagdump sa iyo." sabay halakhak. "Sakit nung suntok mo eh. Mula ngayon, 'tol' ka na lang di na babe tawagan natin ngayon." ang dagdag pa niya na parang wala lang ang lahat. Nabunutan ako ng tinik sa di ko maintindihang dahilan. Parang nakahinga ako ng kaunti ng maluwag. Buti naman at maluwag lang sa kanya ang lahat.

"Ano ba yung pupuntahan natin ngayon, Mark?"

"Disco nga, basta masaya doon. Marami kang makikilalang bago. Surely, sila pa ang lalapit sa iyo, dude."

"H-Ha?" at napatingin ako sa kanya habang binabanlawan ng ang sabon sa platong aking hinuhugasan.

"Oo, basta pacute ka lang, pre." Ang tila supporta pa niya sa akin sabay kindat sa akin habang nakasandal sa gilid ng lababo sa aking tabi.

Matapos noo'y tumungo kami ng Malate, hindi ko dinala ang aking sasakyan dahil sa siguradong hindi ko magagawang magfocus sa pagmamaneho't sabi rin ni Mark na mahihirapan akong maghanap ng parking space doon.

Sa isang bar doon na Chelu, kami agad na nagtungo, sa loob ay hinayaan kong lumayo si Mark at magpakasaya kasama ng mga lumalapit sa kanya habang ako naman ay umiinom lang na nakaupo sa counter ng bar, pinaiiral ang aking pagiging suplado sa lahat, at kahit nakaharap sa salamin sa likod ng counter ay malayong malayo ang aking tingin.

Sa mga sandaling lumipas, isang lalaki mula sa aking likuran ang biglang lumapit sa aking tabi na agad na kumuha ng akin atensyon. May dating siyang hawig sa lalaking nasa larawang naiwan ko sa bahay.

"Hi!" ang pabasa ko sa kanya gamit ang aking mga labi. Nagpakawala ako ng nakakalokong titig sa kanya mula sa salamin at todo pacute ang aking ginawa tulad ng sabi ni Mark. Natutuwa akong makita siya't may nagsabi sa akin na kailangan kong makuha siya. Obvious na may tama na siya ng alak dahil medyo mapungay na ang kanyang mga mata.

Nagulat ako sa mga sumunod na naganap dahil sa bago sa akin ang lahat. Matapos sa kanyang iabot ng bar tender ang bote ng Tanduay Ice na kanyang inorder ay humarap siya sa akin at tila nang-aakit na isinubo ang dulo ng bote at uminom ng kaunti. Matapos noo'y agad niya akong nginitian bagama't parang susuray-suray na siyang nakatindig sa aking harapan.

"Hello!" ang bati niya't biglang tumalikod sa akin patungo sa mga nagsasayaw. Nang siya'y maglalakad na paalis ay agad kong hinawakan ang kanyang kamay at pinigilan. Napalingon siya muli sa akin at hindi na ako nagdalawang isip pa na tumayo't bulungan siya sa kanyang tenga sa tonong nang-aakit. "I'm July."

Nang magtapat ang aming mukha'y naabutan kong nakangiti na siyang nakatitig sa akin. Inabot ko ang isa niyang kamay upang makilala siya ng pormal. Habang kami'y nagkakamayan ay siyang sabi niya ng kanyang pangalan...

"I'm Jasper. Nice to meet you!" pansin kong nahihiya siya sa akin ngunit kahit nakangiti siya'y aninag ko sa mga mata niya ang matinding kalungkutan. Hindi ko malaman ngunit pakiramdam ko'y pareho kaming may nawawalang malaking bahagi ng aming buhay. "S-sige, babalik na ako sa mga kasama ko, baka hinahanap na ako eh." ang dagdag niyang pilit ipinadidinig sa aking tenga dahil maingay ang musika sa bar.

次の章へ