webnovel

18

NANGGALING siyang washroom nang makasalubong ang dating direktor. Agad siyang napangiti at ganoon din ito.

"Puwede ba kitang makausap, Miya?" Luminga-linga pa ito sa paligid.

Tumango siya at saka sila gumilid. Tinulak nito ang naatrasan nilang pinto at napagtantong dressing room iyon.

"I wanna say sorry to you. Nang time na iyon ay kababalik mo lang tapos umalis na agad ako. Pero bago naman ako nagdesisyon sa lahat ng ito ay alam na ng magulang mo, nina Mr. Asuncion at  Sir Fortunato."

Ikinuwento ng ginang sa kanya ang lahat. May long time boyfriend daw ito na nangibang-bansa para doon ipagpatuloy ang pag-aaral. Nangakong sa pagbabalik ay magpapakasal na. Kaso nang dumating ang araw na iyon ay nag-crash ang eroplanong sinasakyan nito.

Kahit sobrang nasaktan ay pabalik-balik pa rin siya sa airport. Para paasahin ang sarili. Sa edad na beinte dos ay humingi siya ng sign upang maipagpatuloy ang buhay. At nang araw ring iyon ay napulot niya ang isang mumunting sanggol. Naisip niyang magpatayo ng bahay-ampunan. Lumapit siya sa mga kakilala para maisakatuparan iyon at nagkataong may mayamang negosyanteng nagustuhan ang plano niya.

"Ang daddy ni Nato?"

"Oo, siya lang ang nagbigay ng malaking halaga at ipinaubaya na kung anong gusto kong gawin doon. Hindi ko lang talaga akalaing pagkatapos ng doseng taon, makukumpirma kong buhay pa ang dati kong nobyo at may iba na itong pamilya."

Napatakip siya ng bibig sa narinig. Nagpatuloy ito sa pagkukuwento. Kung paano ito umasang balang araw ay magkukrus ang landas nila ng dating kasintahan.

"At nangyari nga. Nagpasiya kaming magtagpo. Hiwalay na raw siya sa asawa at sana pagbigyan ko siyang muli. Sino ba naman ako para tanggihan ang alok niya?" kinikilig nitong sabi bago humimas sa tiyan. "Nagbubunga ang matagal na paghihintay, Miya," dugtong pa.

Muntik pang masubsob ang kanina pang nakikinig na si Apollo. Silip kasi ito nang silip tapos may sumingit na isa pang ulo. Nawala tuloy sa balanse.

"Apollo? Nato? Anong ginagawa ninyo rito?" ang ginang ang sumita.

"Miss--- a, Mrs. Villa Guinto, sorry po pero narinig naming lahat ng sinabi mo," si Apollo na kakamot-kamot sa pisngi.

Si Nato kahit nahihiya ay lumapit sa dating direktor at nagmano.

"Patawad po, nagalit talaga ako sa 'yo. Akala ko ipinagpalit mo kami sa pera," pagkasabi ay agad yumakap dito.

"Poor Nato," sabi pa at pagkatapos binalingan ang dalawa at ang kapapasok lang na si Naneth. "Ano pang tinatayo ninyo riyan?"

Doon lang sila nagsilapit at nagkaiyakan na rin.

"Naku! Ang mga baby ko, malalaki na pero iyakin pa."

Napalitan ng halakhakan ang buong silid. Sabay pang bumitiw sa pagkakayakap. Tumalikod sa isa't isa at nagpunas ng luha.

"Ibig po bang sabihin, hindi mo talaga binenta ang bahay-ampunan at kay daddy talaga iyon in the first place?" si Naneth nang makabawi.

"I'm so sorry. Hindi ko sinabi agad. Kinumtsaba rin ako ng mga magulang ninyo na subukan kayo para hindi boring ang summer ninyo."

Halos pare-pareho silang gustong magngitngit ng mga sandaling iyon pero pinakalma lang sila ni Mrs. Villa Guinto.

"Sa tingin ko naman hindi sila nabigo. Salamat sa malasakit at pagmamahal ninyo. Lalo na sa 'yo na bagong may-ari niyon," anitong bumaling kay Nazmiya. "Sa 'yo ko na ipapasa ang tungkulin mula ngayon. Ikaw nang bahala kung ipagpapatuloy mo ang nasimulan ko. Mayroon na akong bagong pagkakaabalahan kaya hindi ko maipapangakong makakadalaw pa ako roon," saka hinawakan ang kamay ng dalaga.

"Salamat po sa pagtitiwala." At muli ay yumakap siya sa itinuturing na niyang mentor mula sa mga sandaling iyon.

Lumabas din sila roon matapos nang ilan pang paalala ni Miss Santillan na Mrs. Villa Guinto na ngayon. Balik na silang dining hall. Dumiretso si Nazmiya sa table ng mommy at daddy niya na noon  kumakain naman ng ice cream. May ibinulong lang siya rito bago lumipat sa katabing table na inookupa naman ng ama ni Apollo.

"Sure. Ikaw nang bahala kung saan mo siya dadalhin. I will always support you two!"

Natawa pa siya sa sinabi nito at pagkatapos lumihis na rin siya ng daan papunta sa kinatatayuan ni Apollo na palinga-linga.

"Looking for me?"

Saglit siya nitong tinitigan bago ngumiti ng pagkatamis-tamis.

"Paano kasi bigla kang nawala sa paningin ko."

Hinahanap nga siya nito. Ang sweet naman sa isip-isip niya.

"Sabay tayong umuwi ngayon ha." Naglalakad na sila palabas habang sinasabi niya iyon. Nang hindi pa ito umimik ay sinundan niya ng isa pa. "Ipinagpaalam na kita sa daddy mo."

Dito lang siya nito nilinga na parang sinasabing, kailan pa sila naging close pero iba ang lumabas sa bibig.

"Kung sasakay tayo sa kotse ni Eliseo, gusto ko sa backseat na ako kasama mo."

Anong lawak ng ngiti niya sa sinabi nito. "Ituturing kong pagbibigay ito ng pag-asang puwede tayo," aniyang nagmadali nang maglakad. A, kinikilig siya sa sarili niyang kagagawan.

"Miya, wait!" habol nito sa kanya 

At namalayan na lang niyang nakahawak na ito sa kamay niya.

"HINDI mo naman sinabi sa akin na sila na pala."

"Malay ko sa dalawa. Ang alam ko, si Nazmiya lang ang may gusto kay Apollo. One sided."

Bumuntong hininga si Ely. Umakbay ito kay Nato. "Kawawa naman pala tayo. Ano kaya kung tayo na lang? I am willing to take a risk."

"Gago! Huwag ka ngang magbiro!" Naiinis siyang inalis ang pagkaakbay nito. Naglakad siya palayo. Mas malayo mas maganda dahil baka mabatukan lang niya ito.

Nagpasiya siyang sundan sina Nazmiya at Apollo. Nahanap naman niya ang mga ito. Nasa kabilang kalsada nga lang. Magkahawak pa rin ang mga kamay. Pero hindi iyon hadlang para isuko niya ang damdamin. Hangga't may nakikita siyang pag-asa, lalaban siya.

Tumawid siya. Sasabay siya sa mga ito sa pag-uwi. Kahit na masakit sa mata ang nakikita niya. Basta nandoon siya kung saan naroon si Nazmiya.

"Uulan yata, Apollo. Nasa kotse ni Ely 'yong payong ko."

Sa narinig ay nagmadali siyang bumili sa natapatan niyang tindahan. Nang mabayaran ay saka niya iyon binuksan at pinayungan ang mga ito. Bumuhos na nga ang malakas na ulan. Sakto!

"Nato?" gulat na reaksiyon ni Nazmiya nang masulyapan siya.

Pasimple lang siyang umakbay sa dalaga. Inusog pa niya ito sa kanya dahilan para sulyapan din siya ni Apollo.

"Nato, baka nababasa si Apollo."

Akala niya chance na niya para mapansin siya nito. Pero bakit ganon? Nasasaktan siya sa katotohanang akbay naman niya ito pero iniisip pa rin ang kapakanan ng iba. Ang unfair talaga!

Nang may pumarang taxi iniwan na niya kay Nazmiya ang payong. Sumakay na siya. Ang bigat na talaga ng dibdib niya.

次の章へ