"MISS SANTILLAN!" Harang ni Nazmiya sa direktor na may dala-dalang mga gamit. Base roon ay lalong nadagdagan ang kaba ng dalaga.
"Padaanin mo ako, Miya,"
Umiling siya. "Kung makatarungan ang excuses mo hindi kita pipigilan." aniya. Pursigido talaga siyang kulitin ito.
"Nazmiya, sariling desisyon ko ito kung iyon ang gusto mong kumpirmahin."
"Hindi pa ako nagtatagal dito. Ni hindi pa kita nakakakuwentuhan mula nang bumalik ako. Nakasama kita nang halos labingdalawang taon. Alam kong may ibang dahilan kung bakit ka biglang aalis."
"Hindi ba ako puwedeng mag-asawa at magkaroon ng sariling pamilya?"
Nagulantang siya. Maging si Naneth na bantay sa gate ay napalapit. May punto ang lahat. Oo nga pala, hindi puwedeng doon lang lagi umikot ang mundo ng tagapamahala nila. Kapag nahanap nito ang tunay na kaligayahan ay iiwan din sila. Bakit hindi niya agad naisip iyon?
"Pakibigay na lang ito sa mga magulang ng mga bata," sabi nitong may ipinahawak sa kanyang brown envelope."
Saglit siyang napatingin doon.
Bago niya naramdaman ang paghawak nito sa balikat niya.
"Mag-iingat kayo rito."
Sa muling paghakbang nito ay napako na lang siya sa kinatatayuan. Hanggang sa para siyang batang napahikbi kasunod ng pagyakap niya kay Naneth na umiiyak na rin
Iyon ang naabutan ni Nato. Napakuyom na lang ang kamao at tumingala para pigilin ang luha. Naulinigan na niya ang sinabi ng direktor, ang paglagpas nito kanina sa kanya nang madaanan siya kaya wala na ring saysay kung iiyak na naman siya.
"TALAGA, Dad?" Namangha siya. Umalingawngaw ang boses niya sa buong kabahayan sa sobrang excitement. Nasa sala sila ng ama nang ipagtapat nito ang dahilan kung bakit siya pinauwi. Ang mga kasambahay ay nahinto pa nga sa ginawa. Bibihira kasi siyang magsalita kaya bago iyon sa mga ito.
"O, bakit tuwang-tuwang ka?"
"Ibig kasing sabihin kayo ang bagong mamahala. Makikita mo na rin kung bakit gusto ko manatili roon at halos nang umuwi rito," aniyang sinundan ng tawa.
"Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Tungkol ito sa proyektong na matagal na nakaplano at tamang-tama ang lugar na iyon."
Napalis ang ngiti niya. Mukhang nahuhulaan na niya kung saan patungo ang usapan? "Ipapabago mo ang lugar, tama ba?"
Bumuntong-hininga ang ama.
"Kasama iyon dahil resort ang ipapatayo namin doon."
"Bakit ang lugar pa kung saan ako lumaki? Hindi ka na nagbago," ang naisatinig niya dala ng sama ng loob.
Humigop ng tsaa ang matanda bago nagsalita. "Business is business. Wala akong panahon sa pagiging sentimental, Apollo."
Napaayos siya ng upo. Hindi niya inaalis ang tingin sa ama. Ayaw niyang maniwalang sinabi nito ang mga salitang iyon. Naka-formal attire ang negosyante at kagalang-galang ito sa paningin niya noon pa man pero ngayon biglang gusto niyang alisin iyon.
Close siya rito dati. Ang ama niya ang unang nagdala sa kanya roon. Ang lugar na dating ayaw niya pero kalaunan ay minahal niya. Doon siya palaging iniiwan at sinusundo ng ama tuwing gabi. Dumating ang araw na lumago ang negosyo nito at naging madalang na niyang makita. Nagkaroon na ito ng bodyguard at personal driver na siya nang bagong sumusundo sa kanya. Nagkaroon na sila ng malaking bahay at kasambahay. Pero sa ampunan pa rin siya pagkagaling eskuwelahan. Doon kasi siya nakakalimot at nakakatanggap ng atensiyon, ng papuri.
Napangiti siya nang mapakla nang maisip si Nazmiya. Hindi sila close pero alam niyang isa ito sa maaapektuhan. Kahit may tampo siya nang iwan sila nito pitong taon na nakakaraan napatunayan naman niyang sa muling pagbabalik nito na hindi nawalan ng pakialam.
"Kapag may inilatag akong proposal at nagustuhan ninyo may posibilidad bang hindi mo ipagiba ang malaking bahay?"
Natigil sa pag-inom ang ama niya. Tila hindi nito inaasahan ang maririnig mula sa anak.
"Let's see," anitong inilapag ang tasa.
"Bigyan mo ako ng isang linggo."
"Tatlong araw."
"Dad!"
Tumawa lang ang matanda, isang senyales na payag na ito sa agreement nila. Ang problema na lang, anong klaseng proposal ang gagawin niya. Dali-dali siyang nagsalin ng tsaa at nilagok na parang tubig. Mapapasubo siya.
We failed.
Ang simpleng text message galing kay Nato.
"May pupuntahan ka?" usisa ng ama niya. Napansin kasi nitong hindi siya mapakali sa kinauupuan.
"Dad, I'll be back after three days." Iyon lang at tumakbo na siya palabas.
"ANONG gagawin natin sa notice na iniwan ni Miss Santillan?" si Naneth iyon. Nasa hapag sila na tanging prutas lang ang naka-display.
"Hintayin muna natin si Apollo. Sa palagay ko, hindi rin iyon magtatagal sa kanila at pupunta iyon dito," si Nato na sinundan na pagbuntonghininga.
"Oo nga pala, ipaalam ko kay Mommy ang nangyari," ang sabi naman ni Nazmiya na noon ay tumayo at kumalikot sa selpon. Mayamaya pa'y may kausap na ito.
"I'm sorry, Anak nasa business trip kami ng Dad mo. Tawagan na lang kita ulit. I promise."
At kapag ganoon na ang sinabi ay hindi na siya nangungulit. Sigurado naman kasi siyang sulit bumawi ang mga magulang niya.
"Anong sabi?" usisa ni Naneth.
Umiling lang siya saka bumalik sa upuan. Noon din pumasok ang hingal na hingal na si Apollo. At sa pagitan ng paghahabol ng hininga sinabi agad nito ang tungkol sa agreement.
"Three days?" Sabay-sabay pa ang tatlo.
"Umupo ka nga muna. Linawin mo. Hindi ako magaling sa ganito," nagkakamot sa ulo na sabi ni Nato.
"Ano ka ba, Kuya? Parang panliligaw lang iyan?"
Babatukan sana nito ang kapatid pero naging maagap ang kamay ni Nazmiya.
"Nato! Hindi ito ang oras para manakit. Apollo, maupo ka na."
Saka lang humila ng upuan si Apollo.
"Tama si Naneth parang panliligaw lang ito. Pero paano bang manligaw?"
Doon ay parang may dumaang uwak sa paligid. Napatingin din sa kanya na para bang hindi makapaniwala.
"Hindi mo talaga alam kung paano?" sabi ni Nato. Humagalpak pa ito.
Napipikon naman siyang napatingin dito. "Parang may nililigawan ka na kung makapagsalita diyan, a!"
"At least naman alam ko kung paano." Nagpakita pa si Nato ng kamo.
"Sige nga, mag-iisip ka ng proposal kung paano natin makumbinsi ang Dad ko na maisalba ang bahay na ito."
Natahimik si Nato. Maging siya kasi ng mga sandaling iyon ay hindi makaisip ng solusyon. Bigla na lang din siyang umalis kanina sa opisina ng ama. Mabuti pa pala si Apollo at may tatlong araw na palugit galing sa ama nito.
"Magpahangin lang ako," aniyang tumayo at saka patakbong lumabas.
"Susundan ko lang siya," si Nazmiya na akmang tatayo pero pinigil ito ni Naneth.
"Ako na," sabing humihingi ng permiso na tinanguan naman ni Nazmiya.
Pagkaalis doon ni Naneth ay saka niya itinuloy ang kaninang planong pagtayo pero si Apollo naman ngayon ang pumigil.
"Stay here. Just you and me."
Napatingin siya sa kamay na hawak nito tapos ay sa mukha ni Apollo. Hindi niya maintindihan pero nabasa niya ang isang pangungulila sa mga mata nito na una niyang nakita sa mga magulang noong mga panahong sa wakas ay natagpuan na siya.
"Kumusta ka na?"
Napakurap-kurap siya. Napakapormal. Hindi. Hindi siya sanay.
"Kung hindi dahil sa magkapatid na 'yon hindi ko na maalalang ikaw iyong lider-lideran namin noon na bigla na lang naglaho. Nawala na talaga sa isip ko ang mukha mo pati pangalan mo," ang pagtatapat nito saka sinundan ng mahihinang tawa.
Cute! Ang nasa isip niya pero nanatili siyang nakatingin dito. Saglit lang namawis na kamay niya kaya dito na siya nagsalita.
"A-ang kamay ko."
"Ay, sorry, sorry."
Pareho na silang umayos ng upo saka bumalik sa orihinal na pinag-uusapan.
"Heto ang notice na iniwan ni Miss Santillan. Kung may pumuntang mga magulang bukas ipamigay na natin ito. Maiintindihan naman siguro nila."
Tumango-tango si Apollo. "Sige, mas mabuti na iyon para malaman nila agad na hindi na available ang ampunan para sa mga anak nila. Na-text ko na rin ang ilang volunteers."
"May kontak ka nila?" tanong niya.
"Iyong sa kuya lang ni Felicity ang wala."
"Wala rin ako, baka si Nato."
"Pero binigyan ka niyang calling card di ba?" may panunukso nitong sabi.
"Oo nga, ano?" aniyang kinapa ang bulsa ng suot niyang shorts pagkatapos inilapag sa mesa ang maliit na card.
Napangiwi ang kapapasok lang na si Nato. Naulinigan kasi nito iyon. Kasunuran nito ang kapatid na hindi maipinta ang mukha. Ano naman ang dahilan ay sila lang ang nakakalam.